Ni JEOFILO J. DIZON
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 14, 1949)
Sa loob ng harding sagana sa galak
ay aking pinupol ang isang bulaklak,
ito’y sakdal bango’t ang taglay na dilag,
sa akin ay walang kahambing na ganap
Inangat ko siya ng dalawang kamay
upang salaminin ang kanyang kariktan;
marupok na puso, palibhasa’y laman,
sa bango ay baliw, sa dilag ay hibang.
Sa magarang altar siya’y itinampok
at pinagdasalan sa pagkakaluhod;
binathala siyang parang isang diyos
nitong sawing pusong sa ganda’y mapurok
Siya’y itinapat sa tibok ng dibdib
upang lunasan ko ang dusa’t hinagpis;
ang aking nadama’y ligayang matamis
na lubang sa tuwa at baliw sa dikit.
Nguni’t sa labi ko, nang siya’y idampi,
ako’y napaluha’t nabigo ang mithi;
May tinik ang tangkay na siyang sumawi
sa nagtiwala kong hangari’t lunggati.
Ito’y isang aral na tatandaan ko:
sa gandang panlabas ay di patutukso;
Ang tamis ng tuwa’y lagi nang may apdo,
may lasong parati ang ganda’t ang bango!









