Ni JESUS B. CORAZON
(Unang nailathala: LIWAYWAY, May 23, 1955)
Ang hindi mo kaya’t nalalamang bagay,
Kundi mo galawi’y lalo pang mainam;
Iyang pangangahas,
Di laging mabuting pagka-ugalian:
Sapagka’t madalas,
Na ibunga nito’y kasawian lamang
Saka pagkabigo ng sariling buhay
Iyang pagkainggit na gawi ng tao
Sa kanyang kapuwa’y masama ang dulo;
Ibig mong igpawin
Sa iisang iglap ang kabilang dako:
Na bago narating
Ng iba’y nagsakit na di mamagkano,
Na pasan ang kuros doon sa Kalbaryo.
Ikaw naman ngayon na hindi naghirap
Nakikiagaw na sa bungang mansanas;
Masama sa tao,
Na binabaltak mo ang takbo ng oras:
Antabayanan mo,
Na di naiinip sa pagsusumikap,
Na kusang dumating ang Araw ng Bukas.
Matamis lasapin ang isang ligaya
Kapag nagwawagi ang gintong panata:
Di nagiging iyo
Sa pakikialam sa hindi mo kaya:
Ang totoo’y ito,
Kahit mo namnamin ang hilaw na bunga.
Kung talagang hilaw ay wala ring lasa!









