Ni Anjellyca S. Villamayor
UMALINGAWNGAW ang isang malakas na tunog mula sa labas ng bus. Hudyat na papaalis na ang nakapilang bus sa harapan. Dinig na dinig ko ito dahil sa malaking awang ng pintuan na iniwang bukas ng konduktor kong si Pachong. Taragis talagang batang iyon. Awtomatiko akong umayos sa pagkakaupo at isinarado ang diaryong hawak ko. Timing talaga. Kung kailan maganda na ang balitang binabasa ko.
“Sir Dong, tara na raw! Puno na ‘yung 1107,” sigaw ni Pachong habang naglalakad palapit sa bus.
“Mukhang punuan na naman?”
Binuksan ko ang makina ng bus. Bahagya itong umalog, hudyat na maaari na akong mag-umpisa sa pagmamaneho. Pinihit ko na ang manibela para iikot ang bus patungo sa mga pasaherong nag-aabang na makaupo’t makasakay. Hanep, kaunti lang pala ang mga nag-aabang. Akala ko pa naman ay punuan na naman. Itong si Pachong talaga, parating nagmamadali.
Hindi naging madali ang pag-ikot ko ng bus, ganito naman ang eksena palagi. Sa halos sampung taon kong pagmamaneho sa mga bus sa terminal na ito, hindi kailanman naisipang ayusin ng may-ari ang baku-bakong sahig. “Taragis kasing daan ‘to, sali-saliwa pa ‘yung parada ng ibang bus,” pagrereklamo ko. Hindi ito pinansin ni Pachong, malamang ay sanay na siya sa talas ng dila ko tuwing nagrereklamo sa pangit na daan.
Sa wakas, naituwid ko rin ang bus. Isang malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko nang mapindot ko ang pindutan para mabuksan ang pintuan ng bus. Bumaba si Pachong para alalayan ang mga pasaherong sasakay. Pinanood ko sila isa-isa. Ano na naman kayang drama ang masusubaybayan ko sa biyaheng ito? Kaninang madaling-araw kasi, action ang pinili ni Pachong.
“Manong, kayo na naman,” nakangiti ang pamilyar na dalaga sa akin. Kasunod niya ang kanyang lola na ngayon ay hawak-hawak ni Pachong sa braso.
“Aba’y kakaluwas niyo lang kaninang madaling-araw, uuwi na agad kayo?”
Sasagot na sana ang dalaga pero biglang pumasok sa bus ang mag-asawa, bitbit ng babae ang batang babae. Iba ang dating ng dalawang pasaherong ito, mukhang may panibagong drama na naman kaming susubaybayan.
Sa harapan naupo ang babae na sinundan naman ng gumegewang-gewang niyang asawa na tulog agad pagkaupo. Pamilyar ang mukha ng isang ito, di ako sigurado kung ka-batch ko sa hayskul o nakainuman ko na minsan. Hindi na rin bago kung oo, sa tatlong beses— minsan ay apat pa nga— na pagbiyahe ko pauwi at paalis ng Nueva Ecija araw-araw, halos lahat na yata ng kaklase ko sa hayskul ang naisakay ko.
Noong nakaraang araw nga, naisakay ko pa si Ma’am Galang na galing daw sa piyer para dalawin ang anak niyang seaman na sakay ng cruise ship na nakadaong noon sa Maynila. Marami na akong nasubaybayan na ganitong klase ng senaryo sa bus, hindi lang sa akin kundi pati na rin sa mga pasahero ko.
“Uy, long time no see!” Kakapasok lang ng isang dalagang babae na binati ang nauna pang isa.
“Ayos na.” Kasunod ng mga dalagang ito si Pachong na aligaga na sa dami ng pasaherong sumakay sa bus.
Pumuwesto na siya sa tabi ng pintuan ng bus. Pinindot ko ang pindutan para sumara ang pintuan bago ko simulan ang pagpihit sa manibela.
Kakaldag-kaldag na naman itong bus dahil sa lintik na baku-bakong terminal na ito.
“Manong, dahan-dahan naman,” reklamo ng matandang babae na kasama ng dalaga kanina.
“Kailangan na yata nating palitan ang gulong,” pabiro ang pagkakasabi ni Pachong.
Isa pa iyan. Bakit kaya hindi na lang itong bus ang palitan nila?
Kagaya ng nakasanayan, maingay ang naging biyahe mula Monumento hanggang makarating kami sa tollgate ng NLEX. Sa oras na iyon kasi abala si Pachong sa pagbibigay ng ticket sa mga pasahero. Wala naman akong alam sa nangyayari sa likuran, wala akong nakikita sa mga ginagawa nila, nakatuon lang kasi ang atensiyon ko sa kalsada at sa mga sasakyan sa harap at magkabilang gilid.
“Pucha, two doors.”
Nakita ko kasi ang asul na sports car na walang bubong. Sana maranasan ko man lang makapagmaneho ng ganyan bago ako mamatay.
Nilingon ko saglit si Pachong para sana ituro sa kanya ang sasakyan pero nakita kong abala siya sa pakikipagtalo sa isang babaeng pasahero.
“Misis, kailan ho ba kayo huling sumakay ng bus?” tanong ni Pachong.
Baguhan yata sa bus ang kausap. Baka sa ibang lugar nakatira. Tatawagin ko na sana si Pachong nang tumayo si Jeff na dispatcher naman ng bus. Nakisabay lang siya hanggang Arayat.
Sa tollgate ang pinakagusto kong parte ng biyahe. Gusto ko kasing nakikita ang natitirang balance load ng RFID ng bus na ito. Nakakagago lang kasi. Hamak ang laki kumpara sa sinusuweldo naming mga drayber at konduktor. Buhay nga naman.
Naging tahimik ang karamihan nang pasukin na namin ang NLEX. Mga bagsak na ang mga pasahero. Pagod siguro sa mga trabaho at eskwela. Pero iba itong mag-asawa na nakaupo sa pangalawang linya. Kanina pa sila nagtatalo sa di ko malamang dahilan. Gustuhin ko mang makinig sa usapan nila, hindi rin sapat dahil sa pabulong na boses ng babae.
“Naiihi nga ako sabi, e.”
Hay! Sa wakas narinig ko rin.
“Boss, naiihi raw.” Kinalabit ako ni Jeff.
“Sa San Simon may banyo,” malakas ang boses ko, sapat para marinig ng lalaki.
Hindi na nagtalo ang mag-asawa. Bagsak na ulit ang lalaki. Naaalala ko na, nakainuman ko na ito sa birthday ng isang kumpare ko sa Maligaya. Pambihira, liit nga naman talaga ng mundo. Babatiin ko sana pero di na lang, malabong natatandaan pa niya ko.
“Nakainom yata,” pabulong ang pagkakasabi ni Pachong. Natawa ako.
“Inumaga kaya o umaga lang talaga uminom?”
Hindi na ako pinansin ni Pachong. Kinuha niya ang remote ng TV at binuksan ito. Unang lumitaw ang banda ng mga lalaking kumakanta sa terris. Ayos. Beatles ang kantahan nila rito. Pero ayoko ng kanta, mas gusto ko ang pelikula.
“Wala bang pelikula d’yan?”
“Vilma Santos yata ‘to.”
“Sige, ‘yan na lang nang malibang naman ako dine. Masyadong tahimik.”
Nakalahati yata namin ang pelikulang In My Life ni Vilma Santos sa pagpasada namin sa kahabaan ng NLEX. Ayos na rin kahit sounds lang ang naririnig ko. Para lang akong nakikinig ng soap opera sa radio.
Sa bawat biyahe nila, iba’t ibang kuwento ng buhay ang nasasaksihan nila mula sa kanilang mga pasahero

Pumarada ako sa gilid ng daan nang makalabas na kami sa San Simon Exit. Nagsibabaan na ang mga ilang pasahero at nagsiakyatan naman ang mga tindera ng siopao, balut, penoy, mani, buko pie at iba pang kutkutin at pampasalubong.
“O, ‘yung mga mag-c-cr d’yan.”
Umalingawngaw sa loob ng bus ang boses ni Pachong. Nakita ko ang mag-asawang nagtatalo kanina. Pilit na ginigising ng babae ang lalaki. Agad naman itong nagising at bumaba ng bus para umihi.
Ilang minutong nanatiling maingay ang bus dahil sa sigawan ng mga tindera’t tindero at mga pasaherong bumibili sa kanila. Ayos. Katabi ko lang ang TV pero wala naman akong marinig ngayon, tanging aksiyon lang ni Vilma at ng anak niyang si Luis Manzano ang nakikita ko.
“Hoy, Pachong,” tawag ko kay Pachong na ngayon ay naninigarilyo sa labas, sa harap ng pintuan ng bus.
“Bakit, Sir Dong?” Agad niyang itinapon ang natitirang maliit na stick ng sigarilyo at lumapit sa akin.
“Tingnan mo nga kung kumpleto na nang makalayas na tayo dine.”
“’Ge. Sandali.”
Habang hinihintay ko ang pagbabalik ni Pachong ay nilapitan ako ng isang babae. Asawa ito ng nakainom. “Kuya, hindi pa ho bumabalik ang mister ko, pahintay na lang ho.”
Tiningnan ko ang orasan na nakadikit sa itaas ng bus, sa tabi ng TV. “Naku, halos twenty minutes na tayong nakahinto, pakitawagan na lang.”
Bumalik sa pagkakaupo ang babae, tinabihan niya ang batang babaeng kanina lang ay kandong-kandong niya. Halata ang pagiging aligaga niya habang pinipindot ang telepono. Kasunod naman nito ang sunod-sunod na pagbaba ng mga nagtitinda at ang pagbabalik ni Pachong sa puwesto niya.
“Kulang pa ng isa.”
“Hello? Nasaan ka na ba?” Nabalot ng katahimikan ang bus nang marinig ang boses ng babae na may kausap sa telepono. “Kanina pa ako naghihintay… Anong iniwanan? Nandito pa rin kami sa San Simon!”
“Naku. Sa ibang bus siguro sumakay,” singit ni Pachong sa usapan ng mag-asawa.
“Saang bus ka ba sumakay?” Mas lalong lumakas ang boses ng galit na ngayon na babae.
“Sabihin mo bumaba na lang sa Santo Domingo. Sumakay na lang siya dito ulit.” Nakisingit na rin ako sa usapan.
“’Wag mo akong sisihin. Ikaw ang bumaba, hindi ako.” Bumuntonghininga ang babae. “Ayusin mo ‘yang ugali mo pag nakakainom ka.”
“Nakainom pala si kuya, e.” Boses ito ng isa sa mga pasahero. Hindi ako sigurado kung sino sa mga ito.
Pinaandar ko na ang bus. Hindi pa rin natatapos ang bangayan ng mag-asawa sa telepono. Pambihira talaga. Wala pa rin akong maintindihan sa pinapanood kong drama. Saan ba naman kasi napadpad ang lalaking iyon?
Ginagawa na naman pala ang mga daan dito. Makitid na nga, lalo pang sumikip dahil sa naglalakihang truck na sumisira sa kalsada. Wala pa ang mga ito kaninang madaling-araw. Mabuti na lang at natiyempuha kong naka-go ang signal.
“Pambihira, ginagawa na naman.”
“Wala na yatang mapaglagyan ng pera ang gobyerno,” sagot naman si Pachong.
“Bakit hindi na lang bigay sa atin?”
Birong lang, pero kung totohanin, bakit hindi?
“Ano, ‘te, nasaan na raw?” tanong ito ni Pachong sa babaeng namomoroblema pa rin sa kinaroroonan ng lasing na asawa.
“Wala. Ayaw sabihin,” tipid ang sagot ng babae. “Bahala ka sa buhay mo! Papunta na kami sa Santo Domingo, bumaba ka ro’n at sumakay ka na lang ulit dito.”
“Jusmiyo, dapat sabihin niya kung nasaan siya,” sabi ng matandang babae na kasama ng dalagang bumati sa akin kanina.
“Lasing daw po, e,” sagot naman ng dalaga.
“Aba’y wala tayong mararating kung ganyan ang usapan n’yo.” Hindi ko na napigilang makinig na lang sa usapan ng mag-asawa. “Maraming pasahero,” dagdag ko pa. “Sa’n ba bababa ‘yan?” Tiningnan ko si Pachong na ngayon ay abala sa pagtingin sa paligid, hinahanap siguro ang lalaki.
“San Vicente raw, sa may arko,” sagot niya nang hindi pa rin inaalis ang tingin sa daan sa labas.
“Ayun ba si kuya?” Isang pasahero ang nagturo sa lalaking naglalakad sa gilid ng kalsada.
“Ayun nga! Teka, tawagin ko.”
Agad kong binuksan ang pintuan. Lumabas ng bus si Pachong at tinawag ang lalaki. Nagmadaling makasakay ang dalawa pabalik sa bus. Sinalubong ng babae ang asawa niya ng isang malutong na mura at sapok.
“May mga pasahero, tama na ‘yan,” pagsuway ni Pachong sa mag-asawa.
Bumalik ang lalaki sa upuan niya. Hindi na siya natulog pa. Gising na gising ang diwa niya. Sino ba naman ang di magigising kung akalain mong naiwan ka na ng bus na sinasakyan mo?
Hindi na ako umasang makakapanood o makakapakinig pa sa pelikula ni Vilma Santos. Nangingibabaw pa rin kasi ang bangayan ng mag-asawa sa pandinig ko kahit na mas malakas naman ang TV at pabulong na ang usapan ng dalawa.
Hindi ko na namalayan ang bilis ng biyahe. Wala na rin kasi masyadong trapik. Katamtaman lang din ang bilis ng pagmamaneho ko. Hindi na rin nagtagal ay narating namin ang Mapalad— huling barangay ito bago namin pasukin ang arko ng Nueva Ecija. Hindi pa rin tapos ang bangayan ng mag-asawa.
“Wala akong pera tapos iiwanan mo ako?”
“Hindi kita iniwan, ikaw ang bumaba.”
“Gago ka pala, e, bakit mo ako pinababa?”
“Di ba ang sabi mo naiihi ka?”
“Ibigay mo sakin lahat ng pera, ako na ang maghahawak.”
“Tarantado.”
Nahinto ang bangayan nang umiyak ang batang babae. Agad itong pinatahan ng babae. “Malapit na tayong bumaba.”
Malapit na nga. Natatanaw ko na ang malaking simbahan ng Iglesia. Ito kasi ang palatandaan na malapit ka na sa arko.
“Sa arko lang ng Nueva Ecija,” pagalit pa rin ang tono ng boses ng babae. Pagalit din niyang ginising ang asawa.
“Arko raw.” Pumuwesto si Pachong sa pintuan.
Unti-unti ko nang nasilayan ang arko na nagsasabing “Welcome to Nueva Ecija”. Bumuntonghininga ako. Parang kanina lang palabas kami dine, ngayon nandito na naman kami.
Iginilid ko ang bus sa kalsada bago buksan ang pintuan. Naglakad na papalapit ang mag-asawang hanggang ngayon ay dala-dala ang sama ng loob sa isa’t isa. Bumaba na ang mag-asawa kasama ang kanilang bitbit na batang babae— hindi ako sigurado kung anak nila o apo. Nagkatinginan kami ni Pachong at sabay kaming napangisi. Ibang klaseng pasalubong ang bitbit nu’n sa mga uuwian nila. Kakaibang kuwento na naman ang nasaksihan namin sa biyaheng ito. Hindi nga lang sigurado kung action ba ito, romansa o melodrama. Ayos na rin. Nakakalibang.
(Ang awtor ay nagtapos bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Arts in Creative Writing sa Unibersidad ng Santo Tomas. Nakamit ng kanyang akdang “Hongkong, Here I Come!” ang Ikatlong Gantimpala para sa Dulang May Isang Yugto sa ika-40 Gawad Ustetika. Natapos niya ang kanyang tesis na pinamagatang “Pasalubong at Pagsalubong: Mga Katha” na koleksiyon ng mga maikling kuwento.)









