Ni JUAN C. BUGARIN
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 22, 1950)
LUMULUHA noon at humihingi ng tawad si Serafin sa harap ni Virginia.
“Nalalaman ng Diyos, Virginia,” ang sabi ni Serafin, “na ikaw ang talaga kong iniibig, ikaw lamang ang iniibig ko!”
“Kung ako ang iyong iniibig,” ang tanong ni Virginia, “bakit napakasal ka kay Milagros?” Isang pagkakamali, malaking pagkakamali ang nangyari sa akin, na naging sanhi ng lahat kong kasawian, at siyang inihihingi ko ng tawad sa iyo, dahil sa ika’y napinsalang gaya ko rin.
“Para ano pa, Serafin?”
“Upang malaman mo na hindi kita malilimot, kailanman, Virginia!”
“Sa nangyari sa atin ay ikaw ang may kasalanan. Hindi mo ako masisisi. Alam mong pinaglaanan kita ng walang kapantay ng pag-ibig at pagmamahal.
“Hindi mo na ako mapatatawad, Virginia?”
“Sapagkat iniibig kita noon, matagal na kitang pinatawad. Gayunman, pinatawad man kita, hindi gumagaling ang sugat na nilikha mo sa aking dibdib, sa aking puso, sa aking buhay. Ang sugat na ito’y hindi na mapaghihilom ng panahon!”
“Virginia, alam mo na rin ang nangyari sa akin?”
“Oo, nalalaman ko, nalalaman kong naghiwalay kayo ni Milagros, nalalaman kong hindi nakatagal sa paglagak ng lipunan, at sa kawalan ng pag-asa’y tinatangka mong hanapin ang kaligayahan. Ang kaligayahang ito’y hindi ko na maidudulot sa iyo ngayon, Serafin!”
“Sinisisi rin kita, Virginia.”
“Ako?”
“Oo, sapagkat hindi mo ipinagtapat sa akin ang mahiwagang buhay ni Milagros.”
“Katungkulan ko ba iyon?’
“Dapat mong naipahiwatig sa akin ang ‘lihim na kabuhayan’ ng iyong kaibigan. At bakit ka nakisama sa kanya?”
“Kailangan ko ba siyang siraan upang makatiyak sa katapatan ng iyong pag-ibig? Hindi ba ako ang iyong minamahal? Nalalaman ko bang iniibig mo rin si Milagros? At kung nalalaman ko man, sa palagay mo ba’y masisiraan ko ang isa ko pa namang kaibigang matalik, upang manaig ang pagmamahal mo sa akin? Nagkakamali ka, Serafin!”
“Ngayon ko nakilala ang pagkakaiba mo kay Milagros.”
“Sa anong paraan?”
“Samantalang lipos ka ng karangalan at kadakilaan; si Milagros, bukod sa kahiwagaan ng sarili, ay mapanlinglang at magdaraya.”
“Ano ang ibig mong sabihin?”
Na, noong nagkakatampuhan tayo at hindi nagkakaunawaan sa isang maliit na bagay, humingi ka ng tulong sa kanya, alang-alang sa inyong mabuting pagsasama, upang gumawa ng paraan sa ating ipagkakasundo, hindi ba?
“Oo.”
“Sinabi niya sa akin na hindi mo dinaramdam, ni daramdamin, kung tayo ma’y magkahiwalay ng landas.”
“Gayon ang sabi niya sa iyo?”
“Hindi lamang iyan, ako raw ang sabi mo, sa katotohanan ay ikahihiya mong makaisampalad. Nagunita ko noong ako nga pala’y isang mahirap lamang. Nakilala kong may katuwiran ka sa pagsasabi niyon.
“Iya’y isang malaking kasinungalingan,” ang paninindigan ni Virginia, “wala akong sinasabing ganyan kay Milagros. Ang totoo’y nagmakaawa ako sa kanya, hiniling ko na pumapatak ang aking mga luha, upang pagpaliwanagan at payuhan kang magbalik sa aking piling. O, kung nalalaman mo lamang, Serafin, ang pagdadalamhati ko noon!” At nang minsang magkausap kami ni Milagros,” ang patuloy ni Virginia, “ang sabi mo raw ay isa akong magdaray sa pag-ibig, hindi mapagkakatiwalaan, hindi mo na kailangan ang magbalik pa sa akin, limutin na kita at nililimot mo na ako. At pinagpayuhan ako ni Milagros, na yamang yaon ang iyon hangad, ay limutin na rin kita at huwag nang alalahanin.
“Wala akong ganyang sinabi kay Milagros” paliwanag naman ni Serafin. “Ang totoo, gayon na lamang ang pagdaramdam ko sa iyo nang sabihin sa akin ni Milagros, na tiniyak mo raw sa kanya na kahit na ako na lamang ang nag-iisang lalaking matira sa daigdig, ay hindi mo maiisipang pakasal sa akin, sapagkat ako’y isang lalaking walang kabuluhan, at kung anu-ano pa, ni hindi ko na gustong alalahanin ngayon. Lubhang nasugatan ang aking damdamin, at noon, nagdurugo man ang aking puso, ay tumalagang limutin na kita at tanggaping nakayuko ang mariing dagok ng kasawiampalad.
“Hindi mo na inalam ang tunay na katotohanan?”
“Ano pa ang aalamin ko noon, kaibigan mo na ang nagsasabi, at ang anumang pag-uusisa’y magiging isang pagpapagod na lamang.
“At marahil, pagkatapos noon, ay naging totoong mabuti sa iyo si Milagros, hindi ba?”
“Totoong napakabuti niya, naging maaalalahanin, at kinahalataan ko pa ng pagkahabag sa aking sinapit na kapalaran. Lagi niya akong kinakausap, inaaliw, at niyayayang magpasyal o manood kaya ng sine. May bato-balani ang kanyang mga mata. May pulot-pukyutan ang kanyang mga labi. Naliligo siya sa halimuyak ng nakalalasing na pabango. Natagpuan ko sa kanya ang kaligayahang ipinagkait mo sa akin. Hanggang…
“Isang araw ay napakasal kayo, hindi ba?”
“Oo, hanggang isang araw ay napakasal kami!”
“Kung ganoon ay dapat sanang naging lubos ka nang maligaya?”
“Hindi mo lamang nalalaman, Virginia!”
“Na ano?”
“Na ako pala’y napahamak!”
“Bakit?”
“Sapagkat…” at hindi na naituloy ang sasabihin ni Serafin at parang baliw na sinapo ng kanyang dalawang palad ang mukhang basang-basa ng luha.
“Ano ang nangyari?”
“Natagpuan ko, isang gabi sa loob ng sine, si Milagros na kasama ng isang lalaki. Umupo ako sa kanilang likuran. Napakinggan ko ang kanilang marahang pag-uusap:
“Uuwi na ako at baka mainip ang aking asawa,” ang wika ni Milagros.
“Maaga pa,” tugon ng lalaki, “panghinayangan mo ang ganitong matamis na pagkakataon.”
“Marami pang araw,” paalaala naman nito, “hindi matatapos sa atin ang kaligayahan.”
“Kung natatakot ka at nagmamadali ay lalo kang gumaganda at higit akong nananabik sa iyo!”
“Napakinggan mo sila sa ganyang pag-uusap?” ang tanong na namamangha ni Virginia.
“Oo. At upang itindig at ang kaapihan kong natiyak noon, sa lukbutan ko’y unti-unting binunot ang balaraw na hindi nawawala sa akin, at talagang itatarak ko na lamang sa kanilang mga likod, nang biglang magkagulo sa loob ng sine at ilang putok ang naging dahilan noon. Nang muling magliwanag ang ilaw, napag-alamang isang lasing na sundalo ang nagpaputok sa loob ng sine, at ang lalaking kausap ni Milagros ay nakitang bangkay dahil sa tinamaan ng isang ligaw na punlo. Kinawit ko sa bisig si Milagros, mariin ang aking pagkakahawak, at tinitiyak ng mga daliri ko sa pagkakahawak kong iyon, ang isang marahas na damdaming gumigimbal sa aking boong katauhan.
“Sa pagkawala mo ng tiwala sa akin ay hindi ko na hinihintay na paniwalaan mo ako. Ngunit, ito ang sinasabi ko, ibabalik ko kung saan ka nawala sa kanya.”
“Ano ang ginawa mo?”
“Sa unang pagtatangka, ay ibig kong lamukusin siyang parang bulak sa lukong ng aking mga palad; huminahon nang kaunti ang aking pag-iisip, hinawakan ko siya sa dalawang balikat at isinaldak sa isang luklukan, at ang sabi ko:
“Alibughang babae!”
“Bakit ka nagsalita ng ganyan?” itinanong niya sa akin.
“Nagmamaang-maangan ka pa, ha?’
“Wala akong ginagawang masama!”
“Kung gayon, ano ang itinatawag mo sa pakikitalamitam sa ibang lalaki, gayong may-asawa ka na? Tinatawag mo ba iyan ng kabanalan?”
“Sinong lalaki ang binanggit mo?”
“Ang natagpuan ng punlo at nadurog ang tapat ng puso!”
“Hindi ko man lamang nakikilala iyon.”
“Milagros, huwag ka anang magsinungaling, nakaupo ako sa inyong likuran, at narinig ko ang inyong pag-uusap.
“Nagkakamali ka, Serafin.”
“Kung nagkakamali ako, hindi nagkamali ang ligaw na punlo, upang iwasak ang dibdib ng lalaking nagnanakaw ng kaligayahan ng iba. Ang lalaking iyo’y isa mongg kalaguyo. Naroroon kayo upang pagtulungang pugayin ang karangalan ko, sa pagsasalo ninyo sa kaligayahan, at sa pagtatamasa sa biyaya ng pag-iibigang makasalanan. Ngunit, ang Diyos ay hindi natutulog. At sa isang paraa’y tumanggap ng katarungang nauukol sa kanya ang lalaking iyon!”
Nayuko si Milagros at ang wika:
“Patatawarin mo ako, Serafin!”
“Ang kasalanan mo’y walang kapatawaran. Nilimot ko ang isang darakilang babae, at tinugon ko ng pikitmata ang halos inilakong pag-ibig mo sa akin, na hindi na tiningnan kung ano ka at gaano ang halaga ng pag-ibig na iyon. Nalalaman kong isa kang lantang bulaklak, basag na salamin, kumandong ka na sa maraming kandungan, at ang mga labi mo ay may bakas pa ng mga halik ng makasalanang pag-ibig, gayon man, ay inisip kong sa kasawian kong sarili, ay itinali ko sa iyo ang aking kapalaran at pinaglaanan ka ng isang mabulaklak ng hinaharap. Ngunit, ano ang ginawa mo ngayon sa akin? Anong kapatawaran ang iyong hinihingi? Ang kabanalan ng pagpapatawad ay magiging dagok lamang na lalong mariin sa kawalang halaga ng iyong buhay. Hindi ka na dapat manghingi, Milagros, ng kapatawaran sa akin!”
“Magpapakabuti na ako,” ang may luhang pagsusumamo ni Milagros.
“Nagkaroon ka na ng pagkakataon, ng maraming pagkakataon, kung hinangad mo ang magpakabuti ay ginawa mo na sana ito. Hindi, hindi ka na bubuti kailanman. Talamak na ang kasamaan mo, manhid na ang iyong kahihiyan at hindi mo na nakilala ang karangalan.”
“Ipinangangako kong hinding-hindi na ako gagawa ng masama.”
“Sa akin ay wala nang kabuluhan ngayon, sapagkat ipinalalagay kong patay ka na sa akin, kaung gumawa ka man ng pagkakasala o hindi. Ang totoo’y naialis mo na sa akin ang lahat: naiwasak mo na ang buo kong pagkatao, nadurog mo na ang aking karangalan, at nabubuhay akong wala na ring halaga, kaya’t wala na ring mawawala sa akin ngayon.”
“Serafin!”
“Bigung-bigo ka na sa pagbabagong-buhay, Milagros. Sa kagagawan mo’y naiwasak ang tatlong buhay: ang kay Virginia, ang sarili kong buhay, at ang sariling buhay mo na rin. Walang kasing lalaki na ang nagawa mong kasamaang ito!”
“Kung gayo’y hindi mo na ako mapatatawad, Serafin?”
“Sinabi ko na, ang anumang pagpapatawad, ay hindi na makapagbabago sa iyong buhay ni makapagpapagaan sa iyong mga pagkakasala.”
“Kung gayon,” ang sabi ni Milagros, “ibig kong pagabayaran ng mahal ang kaligayahan ninyo ni Virginia.
“Ano ang ibig mong sabihin?” madalian kong pag-uusisa.
“Magugunita mo rin ako, sa mga sandali ng iyong kaligayahan, sapagkat ibabalik ko sa iyo ang kaligayahang ito.”
“Kailan ka pa naging mabuti, Milagros?”
“Sa pagkawala mo ng tiwala sa akin ay hindi ko na hinihintay na paniwalaan mo ak. Ngunit, ito ang sinasabi ko, ibabalik ko kung saan ka nawala sa kanya.”
Ibinunsod si Virginia ng pananabik sa dakong ito at ang tanong:
“Ano ang ginawa ni Milagros?”
“Tinangka niyang magpatiwakal, at ayon sa kanya, ay upang ibalik ang kaligayahang nawala sa atin. Sinabi ko sa kanyang ang gayo’y lalong makapagpapabigat lamang ngg kanyang mga pagkakasala. Nang mabigo ang kanyang tangka ay pinakipagkitaan ka at nag-usap kayo.
“Oo.”
“Hindi ba siya’y humingi ng tawad sa iyo, pagkatapos na sabihin ang lahat-lahat, pati ng aming paghihiwalay, at pinatawad mo naman? Noon ay lalo kong hinangaan ang kalakihan ng iyong puso, Virginia.
“Inisip kong nasa pagpapatawad ang kabanalan. Sa ginawa kong iyo’y nakaramdam ako ng kaginhawahan at naging mapanatag ang aking budhi. Nasaan ngayon si Milagros?”
“Iyan nga ang ibig ko ring ibalita sa iyo. Natapos na ang lahat sa amin at pinagkaisahang iyon na ang huli naming pagkikita. Nagbalot ng damit si Milagros, nang matiyak na wala na kaming paraang magkasamang muli, at umuwi sa Karanlan. Noong isang linggo ay nabasa ko sa pahayagang Bagong Buhay, na isang nagngangalang Milagros Lagrimas, ang nasawi at namatay noon din nang mahulog sa bangin ang trak na sinasakyan swa may pook ng Lomboy, kabila ng San Jose, na patungong Nuweba Biskaya. Sa sakunanang nangyaring ito, bukod sa isang namatay, ay marami pang ibang napinsala at nasaktan. Pagkabasa ko nito, dali-dali akong nagtungo sa Karanlan, upang alamin ang katotohanan ng gayong balita. Natagpuan kong wala na ngang hininga si Milagros, at kasama ako ng kanyang mga magulang at ibang kakilala, inihatid namin ang kanyang bangkay sa huling hantungan ng lahat.
“Kawawa naman!” malungkot na buntunghininga ni Virginia.
“Dinaramdam ko rin.”
“Pagpalain nawa siya ng Diyos!”
“At ngayong wala na si Milagros sa ating landas,” ang giit ni Serafin at hindi na pinansin ang huling kataga ni Virginia, “nagbabalik ako sa iyong sinapupunan, upang ipagpatuloy ang nalagot na kabanata ng ating buhay.”
Hindi sumagot si Virginia, tumanaw na lamang sa malayo, at sa kahapisan o sa katuwaan ay nag-unahang pumatak ang mga butil ng luha, na madalian at boong nagmamahal na pinahid ni Serafin ng panyo.
At…
Ang mga bulaklak ng kaligayahan na nalanta at napabayaan na noon ni Virginia sa pagbubukangliwayway ng bagong umaga, ay muling nanariwa ngayon sa hardin ng kanyang buhay!
(Wakas)









