SUGAT NG HINANAKIT

Hinog na ang palay at hinihintay na lamang na gapasin. Ngunit paano siya makalulusong sa bukid?

Ni ALFONSO SUJECO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 5, 1961)

HINDI mapalagay si Ba Bosyo sa kanyang upuang dahilig na kawayan sa tabi ng bintana. Natatanaw niya buhat dito ang kanyang palayan. Hinog na ang palay at hinihintay na lamang na gapasin.

            Ngunit paano siya makapalulusong sa bukid? Napatutop ang kamay niya sa kaliwang hita. Pinisil-pisil niya. Dinapuan siya ng manhid nang nakaraang tag-ulan dahil sa labis na pagkababad sa tubig. At buhat noon ay namalagi na siya sa bahay.

            Kung nandito sana si Ana Maria, naisip niya. Sa kabila ng pagtutol ng kanyang sarili ay nagpatuloy din siya sa pagmumuni. Kahit na babae si Ana Maria ay hindi magpapabaya kung ganitong may kapansanan ako. Sa tulong ng mga kaibigan ni Ana Maria ay nagagapas at inililigpit ang aking palay.

            Natatandaan ni Ba Bosyo na noong isang tag-ulan ay dinapuan siya ng trangkaso. Ang punla niya ay gumugulang. Handa na ang bukid niya upang tamnan. Hindi na siya hinintay ni Ana Maria na gumaling o magsalita pa. Kusa nitong kinausap ang mga kasama sa barkadang kinabibilangan. At isang umaga ay nagisnan na lamang niyang nagkakaingay sa kanyang bukid. Nang tumanaw siya roon ay nakita niyang may nagsisipagtanim.

            Ngunit ngayon ay wala na si Ana Maria. Sumamang nagtanan ito kay Fausto noon pang nakaraang Nobyembre.

            “Huwag silang makatuntong dito at tatalasin ko sila ng taga!” wika niya kay Ka Sela, ang kanyang asawa sa pagpapahayag ng kanyang galit sa kanilang anak.

            “Ang anak mo ay dalaga,” paalaala ni Ka Sela. “Kaisa-isa mo siyang anak. Sino ang hihintayin mong magmalasakit sa kanyang kapakanan?”

            “Kung siya’y may pagtingin sa atin ay hindi muna niya maiisipan ang mag-asawa,” matigas niyang turing. “Sa ginawa niya’y nawalan siya ng magulang.”

            Binawi ni Ba Bosyo ang ulong nakakiling sa may dakong bukid. Napapikit siya. At naitanong niya sa sarili: Ako ba ay naging mahigpit sa aking anak?

            Ang nalalaman niya ay minamahal niya si Ana Maria, ang kaisa-isa nilang anak. Kung maaari ay ibig niyang manatili itong kasama nila sa habang panahon. Masisisi ba siya kung paghigpitan niya ito sa mga nagsisiligaw?

            “Huwag ka munang mag-iisip na mag-asawa,” madalas na sabihin ni Ba Basyo kay Ana Maria. “Ang pag-aasawa’y madali… magpakasawa ka munang mabuti sa pagkadalaga.”

            Hindi kumikibo si Ana Maria at ipinalagay tuloy niyang tinatanggap nito ang kanyang pangaral. Kaya kung maminsan-minsan ay pinahihintulutan na rin niyang makapanhik ng kanilang bahay si Fausto, bilang pagbibigay. Habang magkaharap naman ang kanyang anak at ang binata, kung hindi siya ay si Ka Sela ang nakabantay.

            Ngunit isang hapong natutulog siya sa silid ay nagising siya at nakarinig ng anasan sa kabahayan. Nakilala niya ang tinig ni Fausto at ni Ana Maria. Mabigat noon ang kanyang katawan at siya nga’y nakatulog. Bumangon siya at sumilip sa pinto. Nakita niya ang dalawa. Wala ang kanyang asawa. Marahil ay wala sa bahay nang pumanhik si Fausto. Ngunit nabigla siya nang mapansing hawak ni Fausto ang kamay ni Ana Maria. Samakatwid ay nagkakaunawaan na ang dalawa! Gayon ma’y nagawa rin niyang magpakahinahon. Lumayo siya sa pinto at umubo upang ipamalay na gising siya, at saka siya lumabas. Bahagya na siyang nakatugon nang magbigay-galang si Fausto. At mayamaya pa’y nagpaalam na ito.

            “Mabuti, mabuti nang trabaho ang nalalaman mong ‘yan, Ana!” pagkapanaog ni Fausto ay biglang isinumbat niya sa anak na dalaga. “Akala mo siguro’y natutulog ako! Magsabi ka ng totoo, kayo ba ng lalaking ‘yan ay may pagkakaunawaan na?”

            Ang mga mata ni Ana Maria na pinangingiliran ng luha’y napatitig kay Ba Bosyo. “Tatang, unawain sana n’yo ako…”

            “Kung ganoon ay tama ang aking hinala!” mariing putol ni Ba Bosyo. “Ngunit gusto kong siya mong sundin.”

            Marami pang nasabi si Ba Bosyo na sa kabiglaanan ay hindi na niya naisaalang-alang ang magiging damdamin ni Ana Maria. Nakikita na lamang niyang yukung-yuko ito, waring hindi makatitig sa kanya. Waring walang magagawa kundi ang umiyak na lamang.

            Pagkaraan ng ilang sandali’y nagtaas ng ulo. Tumitig ang luhaang mata kay Ba Bosyo. “Patawarin mo ‘ko, Tatang… iniibig ko siya…” at saka tumalikodd at patakbong pumasok ng silid si Ana Maria.

            Buhat noon ay lalo nang hinigpitan niya si Ana Maria. Pinutol niya ang kalayaan nito sa pakikipagkaibigan. Maghapong nakapinid ang kanilang mga durungawan. Kaya lamang magkapuwang ay kung nakaupo siya sa tabi ng bintana. Wala nang nakapapanhik na dalaw sa kanilang bahay.

            Ngunit dumating ang araw ng mga patay. Hindi siya nakatanggi nang magbihis ang kanyang mag-ina upang magsadya sa sementeryo. May mga magulang sila, kapatid at kamag-anak na kailangang ipagtulos ng kandila.

            “Umuwi kayong maaga,” bilin niya kay Ka Sela nang papanog na ang mag-ina.

            “At dumaan na kayo sa botika at bilhin ang gamot ko. Iyon na ang kahuli-hulihang pagkikita nilang mag-ama. Nobyembre noon at Enero na ngayon. Sumamang magtanan si Ana Maria Kay Fausto. Nabalitaan niya, makaraan ang may dalawang linggo, na ikinasal ang dalawa sa simbahan.

            NAPUTOL ang daloy ng mga gunitang iyon nang may marinig na mga yabag si Ba Bosyo na palapit sa kinalilikmuan niya. Nagmulat siya at nakita si Ka Sela.

            “Papanaog ako sandali,” anitong tila may ikinukubling kabalisahan sa asawa.

            “Kung magutom ka’y nand’yan ang pagkain,” at inihudyat ng ulo ang pinggan ng kanin at ang tasa ng ulam na nakapatong sa mesitang nakatabi sa kanyang likmuan.

            “Me paaanakin ka yata?” pasumalang tanong ni Ba Bosyo.

            “Wala naman…”

            “Kung wala, e, sa’n ka tutungo?” ani Ba Bosyo na tuluyan nang nagkahinala.

            “A, alam ko na, sa mabuti mong anak ang ‘yong punta…”

            Napalapit si Ka Sela sa asawa. “Hindi ko inugali ang magkaila sa ‘yo at ayaw kong sirain ‘yon kahit na sa pagkakataong ito,” banayad na wika. Tumigil na saglit at pinalaya ang isang malalim na buntunghininga. “Oo, kay Ana Maria nga ang tungo ko. Kailangan kong makarating sa ‘yong anak. May nagsabi sa ‘kin na sumasakit ang kanyang tiyan at may pumapanaog na dugo. Nasa ikatlong buwan siya ng pagdadalantao at baka ‘yon malaglag kung hindi mapag-iiingatan.”

            “Hayaan mo siya…Ano’ng pakialam mo kung mapa’no man siya?” pawalang-bahalang singhal ni Ba Bosyo.

            “Mangilabot ka sa ‘yong sinasabi.”

            “Tama na… huwag mo siyang madalaw-dalaw kung ayaw mong magkagalit tayo,” at pagkasabi niyan ay tinalikuran na ni Ba Bosyo ang asawa.

NANG gabing iyon, si Ba Bosyo ay hindi makasumpong ng katahimikan ng sarili. Pipikit siya upang pagkatapos ay dumilat na muli. Maidlip man siya ay pasanda-sandali lamang. At sa tuwing magmumulat siya ng mga mata ay makikita niyang gising ang kanyang asawa. Totoo at nakapikit ito, hindi gumagalaw sa pagkakahiga, ngunit nalalaman niyang gising ang asawa. Hindi kaila sa kanyang may hinampo ito dahil sa pagkakapigil niya kangina. Ngunit kailangang tigasan niya ang loob. Ibig niyang pagtandain ang kanilang anak. Ibig niyang kumilala ito sa kanyang kapangyarihan.

            Nakalimot si Ba Bosyo at nang muling magising ay namamanaag na ang liwanag. Wala na sa higaan si Ka Sela. Inakala niyang nasa kusina na ito at nagluto ng agahan. Tatawagin sana niya ang asawa kung di may naulinigan siyang nag-uusap sa may tarangkahan. Nakilala niya ang tinig ni Ka Sela. Ngunit ang kausap ay tinig-lalaki.

            Marahang gumapang si Ba Bosyo hanggang sa makarating sa upuang dahilig sa tabi ng bintana. Sumilip siya sa siwang niyon. Nakatayong patalikod si Ka Sela. Kaharap nito ang kausap na lalaki. Si Fausto!

            “Ano’ng lagay ni Ana Maria?” narinig na Ba Bosyo na tanong ni Ka Sela.

            “Mabuti-buti na po,” magalang na sagot ni Fausto. “Kagabi ay sinuob namin at saka pinainom na katas ng ugat ng kawayan. Humimpil naman nang bahagya ang pumapanaog…”

            “E, sinong mga tao ang kasama mong ‘yan?” ulit na tanong ni Ka Sela.

            Saka lamang napansin ni Ba Bosyo ang may sampung lalaking nagtalungko sa gilid ng daan.

            “E, mga manggagapas pong sinungko ko upang gapasin ang palay ni Tatang at baka abutan ng pagkatukol,” paliwanag ni Fausto. “Alam ho ni Ana na dapat nang gapasin ang palay ni Tatang. Kahit na po siya may dinaramdam ay ‘yon ang nasa isip niya. Hindi raw po makapagpapagapas si Tatang dahil sa may sakit.”

            “Pero hindi mo sana dapat iniwan si Ana,” paninisi ni Ka Sela.

            “Huwag ko raw siyang intindihin, e,” tugon ni Fausto. “Sabihin ko lang daw sa inyong dalawin n’yo siya.”

            “Sasaglit ako ngayon din. Teka’t kukunin ko lang ang aking tapis at alampay.” At pagkasabi nito’y nagdudumali nang umakyat ng bahay ang matandang babae.

            Nagkunwaring natutulog si Ba Bosyo nang pumasok si Ka Sela. Kinuha nito sa sabitan ang tapis at alampay. Tinapunan lamang siya ng tingin at nagtuloy na sa may hagdan.

            Hindi na nakatiis si Ba Bosyo. Sa kanyang nasaksihan, ang kimpal ng hinanakit na nakatipon sa kanyang dibdib ay unti-unting naagnas. Sa kabila pala ng kanyang pagmamatigas, ang anak niya ay hindi nakalilimot sa kanyang kalagayan. Hindi na inalintana nito ang karamdaman at ipinagsulungan ang asawa upang gapasin ang kanyang palay.

            At tulak ng isang damdaming-magulang, bago makapanaog si Ka Sela ay kanyang tinawag. “Hoy, sandali lang…” at hindi naging magaan sa kanya ang isusunod na sabihin. “Kung tutungo ka sa anak mo ay umabot ka ng ilang itlog sa silong… at sabihin mo tuloy na dalawin niya ‘ko paglakas niya. Bumalik ka agad at nang may umasikaso sa mga manlulusungan ng manugang mo.”

            Tumanggo si Ka Sela na maluluha-luha. Maluwat itong napatitig kay Ba Bosyo, at nang ngumiti si Ba Bosyo’y ngumiti na rin si Ka Sela.

(Wakas)