KATULAD NG HALAMAN

“Oy, Oscar!” pasigaw at masayang bati ni Lino. “Kaylan ka pa dumating?”

Ni EDGARDO M. REYES

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 11, 1960)

HUMAHAGIBIS ang trak-pampasaherong kinalululanan ni Oscar. Pauwi siya sa kanilang nayon, sa Buga. Magbuhat nang huli siyang mauwi roon, may limang buwan na ang nakalilipas ay ngayon lamang niya muling masisilayan ang nayong kinamulatan.

            Sa pagbabalik na ito ni Oscar ay iisa ang nasa kanyang diwa: si Letty, ang katipang akala niya’y nalimot na niya. Ngunit ngayo’y siyang sanhhi ng kanyang pagbabalik sa nayong dahil sa kahirapan ng pamumuhay ay tinangka niyang takasan.

            Sa tagal ng panahong kanyang ipinagwalang-bahala, sa kanyang di-pagtupad sa tungkulin bilang kasintahan ni Letty, ay makatwiran lamang na maghinanakit ito. Magdamdam sa kanya. Kaypala’y nagmamaliw na ang dating pagtingin nito. Ngunit mauunawaan siya nito. Ang kailangan nga lamang ay takpan niya ang guwangn na nalikha niya sa puso ng dalaga.

            Alimbukay ng maputing alikabok sa gilid ng kalsada ang pumutol sa pagdidilidili ni Oscar. Tumigil ang kanilang sasakyan sa tabi. Dalawang pasahero ang bumaba. Makaraa’y naramdaman na naman niya ang unti-unting pag-usad ng sasakyan. At habang tangay-tangay siya ng bus ay natatangay rin siya ng mga gunita.

“PAGLAKI natin, tutulungan mo pa rin ba ‘ko sa pagdidilig?” hindi malilimutan ni Oscar na tanong sa kanya ni Letty noong mga bata pa sila.

            “Oo,” buong pagmamalaki pa niyang tugon. “Saka, pag malaki na ‘ko, hindi na timba ang gagamitin ko sa pagdidilig. Malalaking balde na. Magsasawa sa tubig ang mga halaman mo.

            Sa kanilang nayon ay napakadalang ng bahay. Mangilan-ngilan lamang ang magkakalapit. Sa mangilan-ngilang yaoon ay kabilang ang kanila nina Letty.

            Kadalasan ay sila ni Letty ang magkalaro. Kung minsan, sumasali sa kanila ni Lino, ang anak ni Aling Sioning na manghihilot. Ngayo’y maestro na sa paaralang elemental sa kabayanan si Lino.

            Si Letty, maliit pa ay mahilig na sa pag-aalaga ng mga halamang bulaklakin. Mayroon itong isang munting hardin sa bakuran na natatamnan ng sarisaring halaman gaya ng tsampaka, gumamelang tsina, palungpalungan, sampagita, at rosas.

            Malulusog at mayayabong ang mga halaman ni Letty. Paano’y magkatulong sila sa pag-aalaga. Parang isang tungkulin na niyang dapat gampanan, araw-araw, ang mga halaman ni Letty sa hardin ay kanyang dinidilig, binubusuubusan ang pali-paligid, inaalisan ng uod, at pinapatabaan. Wala na namang iba pang mahihili si Letty. Ulila na ito sa ama. Walang kapatid. Ang ina naman, si Aling Masang, ay lagi nang abala sa pananahi ng mga damit ng bata na siyang ikinabubuhay ng mag-ina.

            Hanggang sa maging binata’t dalaga sila ni Letty ay patuloy pa rin niyang tinutulungan ito sa pag-aalaga ng halaman. Higit na noong malaki ang hardin ni Letty. Higit na malulusog ang mga tanim. Higit na mabulaklak.

            Nang panahong iyon ay unti-unti na niyang nadarama sa kanyang sarili na umiibig siya sa dalaga. Ngunit hindi lamang naman siya ang binatang nagkaroon ng ganitong pagtingin sa kababata. Marami, at kabilang na rito si Lino na siyang pinakamasugid sa lahat ng lumigaw kay Letty. Hindi naman siya nagtataka. Maganda si Letty. Mabait. Maunawain, at napakapinong kumilos.

            Sa dinami-rami ng namintuho kay Letty ay siya ang nagtagumpay. Subalit matapos nakamit ang pagtatangi ng dalaga ay saka naman siya naharap sa isang pangarapin. Parang hindi niya maatim na ang isang katulad ni Letty ay ititira lamang niya sa bukid. Nakikini-kinita niyang kapag nanatili lamang siyang nasisiyahan sa kanyang kalagayang iyon ay wala siyang mararating.

            “Iminungkahi ko kay Inang na ipagbili na ang bukid namin sa luwasan,” anya noon kay Letty. “Gagastusin ko sa pag-aaral sa Maynila.”

            Natatandaan niyang nanlumo si Letty sa kanyang ibinalita. Yao’y nangangahulugan ng kanilang pagkakalayo.

            “Ang inaalala ko lamang, baka pagdating mo roon ay makalimot ka,” tangi na lamang nasabi ni Letty.

            Pumasa-Maynila nga siya. Nag-aral. Pagmemekaniko na lamang ang kinuha niya upang madali. At habang siya’y nag-aaral sa lunsod ay patuloy naman silang naglilihaman ni Letty.

NAPUTOL ang daloy ng gunita ni Oscar nang mapansin niyang ang daang tinatalunton ng sasakyang kanyang kinalululanan ay sakop na ng kanilang bayan. Maya-maya pa’y namataan niya sa gawing kaliwa ang malaking punong akasyang tandang-tanda niya. Doon nagsisimula ang madawag na landas patungo sa kanilang nayon.

            Pinahinto ni Oscar ang sasakyan. Bumaba siya. Ilan sandali pa’y tinutuwid na niya ang baku-bakong landas.

            Habang naglalakad ay palinga-linga si Oscar. Gaya pa rin ng dati ang kanilang nayon, naisip niya. Wala pa ring kaunlaran. Makaluma. Hindi niya napigilan ang muling pagdaloy ng kanyang alaala.

            Upang makatiyak na hindi kakapusin ang pinagbilhan ng kanilang bukid sa kanyang pag-aaral ay naghanap siya ng mapapasukan. Nakakita naman siya. Nakapagtrabaho siya sa isang talyer na kumpunihan ng mga sirang sasakyang panlansangan.

            Sa pananatili ni Oscar sa Maynila ay maraming babae siyang nakadaupang-palad na nang malaunan ay pinintuho niya.

            Noon, naipalagay niyang iyo’y isang uri lamang ng paglilibang yaman din lamang na nagkakalayo sila ni Letty. Hindi siya gaanong mangungulila. Ngunit nang matagalan ay saka niya nakilalang mali ang palagay na iyon. Nalulong siya sa pangingibig sa mga dalagang makabago, lalo na kay Rebecca, isang babaing gayong hindi naman mariwasa ang pamumuhay ay pinipilit gumala sa mataas na lipunan.

            Naging magkasintahan sila ni Rebecca, ngunit sumandali lamang gaya ng iba pa niyang naging katipan sa lunsod. Hindi niya maagpangan ang ugali nito. Ang hinahanap niya’y isang pag-uugaling kinamihasnan niya sa isang dalaga: payak, tahimik, walang kagaslawan.

            Saka pa lamang sumagi sa kanyang alaala ang katipan sa kanilang nayon. Ngunit noo’y matagal nang patid ang pagsusulatan nila ng dalaga. At sa huling liham nito sa kanya na hindi niya pinagkaabalahang tugunin ay binanggit ni Letty: Ang mga halamang inaalagaan natin noong araw ay nangatutuyo na. Marami nang patay. Hindi na nagsisipamulaklak na gaya ng dati. Abala kasi ako sa pananahi. Hindi ko na maasikaso.

            Ang katotohanan ng ibinalitang yaon ni Letty ay makailan na niyang napatunayan. Noong kasalukuyan siyang nangingibig kay Rebecca ay makaitlo siyang nauwi. Noon pa’y alam na niyang marami nang patay sa halaman ni Letty. Ang iba namang nakukuha pang mabuhay sa kabila ng katigangan ng lupang tinutubuan ay mga payat at naninilaw ang mga dahon na waring naghihintay na lamang ng ilang sandali upang tuluyang malanta.

            “Talaga yatang ang anumang bagay na hindi maalagaan ay nagkakaganyan,” sabi sa kanya noon ni Letty. Dinalaw niya ito bago siya bumalik na muli sa Maynila. Nakita niyang yayat ang katawan ng dalaga. Ngunit ni wala siyang sinariwa sa kanilang tunay na kalagayan; kung nang mga sandaling yaon ay magkatipan pa rin sila o hindi na. Si Rebecca ang laman ng isipan niya noon.

            Ngayon nga ay nilalandas na niya ang daang patungo sa kanilang nayon. Sa dibdib niya’y taimtim ang pagsisisi. Natanto niyang si Letty pa rin ang babaing minahal niya.

PANTAY-NOO ang sikat ng araw nang sapitin ni Oscar ang kanilang bahay. Matapos ang ilang sandaling pakikipagbalitaan sa kanyang ina ay nagpaalam siyang sasaglit lamang kina Letty.

            Pagbungad pa lamang niya sa may tarangkahan nina Letty ay nakatawag agad ng pansin ni Oscar ang hardin ng dalaga. Kumunot ang noon niya. Nakabadha sa kanyang mukha ang malaking pagtataka; ang pagkamangha.

            Ang dating nangangamatay nang halaman doon ay malulusog ngayon. Higit na mayayabong kaysa noong siya ang nag-aalaga. Higit na mabulaklak. Berding-berde na waring nagmamalaki pa sa tama ng malamlam nang sinag ng araw. Ang lupang nang huli niyang makita’y tigang na tigang ay nangingitim ngayon. Mamasa-masa. Buhaghag.

            Nang magpatau-po si Oscar ay si Letty ang dumungaw. Pinatuloy siya. Matabang ang pagtanggap nito sa kanya.

            “Kumusta sa Maynila?” unang usisa ni Letty matapos siyang mapaupo sa silyang kalapit ng niluluklukan nito.

            “Mabuti,” naisagot na lamang ni  Oscar habang hinahagod ng tingin ang kaanyuan ng dalaga. Mataba ito ngayon, naisaloob niya. Mamula-mula ang mga pisngi.

            “E ang pag-aaral mo?”

            “Tapos na rin, sa awa ng Diyos,” tipid niyang sabi. Walang pagmamalaki sa kanyang tinig.

            Pinatlangan sila ng katahimikan. Hinahanap niya sa mukha ni Letty anng kapanabikan, ang katuwaan sa kanyang padating. Ngunit sa malas, ang mga iyon ay wala sa dalaga.

            Napagtapunan niya ng tanaw ang hardin ni Letty. Nakikita nila iyon buhat sa bintanang pinanununghan.

            “Nagtataka ako…” ani Oscar na sadyang ibinitin ang iba pang sasabihin.

            “D’yan ba sa mga halaman?” agap ni Letty na mandi’y natanto ang nais niyang sabihin.

            “Oo,” sagot ni Oscar. “Malagung-malago ngayon.

            “Muntik na ngang mangamatay pero naagapan pa,” turing patabain sa matiyagang pag-aalaga.

            Muling nanagitan sa kanila ang katahimikan.

            “Malaki ang pagkukulang na nagawa ko sa iyo,” pukaw ni Oscar maya-maya. “Ngunit… inaasahan kong mauunawan mo ako…”

Sumulyap lamang sa kanya si Letty. Makaraa’y ibinaling ang pananaw sa harhin.

            “Kung nawalan ka na ng pagtingin sa akin,” patuloy ni Oscar, “dahil sa aking pagkakamali, hinihiling kong bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon. Ibig kong sariwain, buhayin ang ating nakaraan tulad ng pagbuhay sa mga halaman mo sa hardin na noo’y halos patay na. Naniniwala akong muli iyong sasariwa sa matyagang pag-aalaga, gaya ng mga halamang iyon,” inginuso niya ang hardin.

            Umiling si Letty. Nasa mukha nito ang kapaitan. Magsasalita pa sana siya nang matanawan niyang may pumapasok sa tarangkahan nina Letty: si Lino, na may kipkip na mga kuwaderno. May bitbit din itong balde ng tubig sa kanang kamay.

            “Oy, Oscar!” pasigaw at masayang bati sa kanya ni Lino nang sila’y magkatanawan. “Kaylan ka pa dumating?”

            “Kangi-kangina lang,” tugon niya.

            “E, sandali lang at magdidilig ako,” sabi ni Lino.

            “Magbabalitaan tayo mamaya. Matagal na ring hindi tayo nagkikita.” Inilapag ni Lino ang mga kuwaderno sa tabi ng bakod at sinimulan na ang gagawin. “Galing ako sa pagtuturo sa bayan,” patuloy ni Lino. “Dumaan lang ako rito para matulungan si Lettyn sa pagdidilig nito.”

            Kagat ang labing nagbaling ng tingin si Oscar kay Letty. Nag-ugnay ang kanilang mga mata. Ang sa kanya’y nagtatanong. Ang kay Letty ay humihingi ng pagkaunawa.

            Nagyuko ng ulo si Oscar. Sumulyap siya sa halamanan. May iba nang nagdidilig sa mga halaman ni Letty.