Ni Rogelio L. Ordoñez
(Unang Nailathala: LIWAYWAY, Agosto 5, 1963)
KUMUKUHA si Avelino ng malinis na sando sa kanilang aparador, nang umagang iyon, nang makita niya ang sulat. Iyon ang sulat na nakita niyang binasa ng kanyang ina kagabi, ang sulat na iniyakan nito. Nagkaroon siya ng pagnanais na basahin ang sulat. Bakit iniyakan iyon ng kanyang ina? Lumabas siya nang bahagya sa silid. Natanaw niya ang kanyang ina na abalang nagluluto ng agahan sa kusina.
Kagabi, gayong mag-iikalabindalawa na, napansin niyang bukas pa ang ilaw sa silid ng kanyang ina. Matagal siyang nakiramdam, nguni’t wala siyang narinig na ingay ng makina na magpapakilalang nananahi pa ang kanyang ina. Ang silid niya ay katabi ng silid ng kanyang ina. Nakabukas nang bahagya ang pinto niyon. Doon siya humarap sa pagkakahiga, at nakita niya ang kanyang ina.
Ang liwanag ng bombilya ay nakatanglaw sa kanyang ina. Nakaupo ito sa nakabukas pang makinang panahi. May hawak na liham at bahagyang nanginginig pa ang mga kamay habang tinutunghayan iyon.
Pagkaraan ng ilang sandali, tiniklop ng kanyang ina ang liham. Matagal itong tumingin sa kawalan. Nguni’t pagkatapos, nanginginig ang mga daliri, pamuli nitong binuksan ang liham. May bahaging tila paulit-ulit na binasa. At napansin niya, umiiyak na ang kanyang ina sa kanyang silid, na kinaroroonan ng aparador. Pumikit siya. Ayaw niyang malaman ng kanyang ina na nakita niyang umiyak ito. Narinig niyang binuksan ng kanyang ina ang aparador, upang wari’y itago ang liham. Nang lumabas ang kanyang ina, saka siya dumilat. Nguni’t matagal bago siya nakatulog. Maraming ulit niyang itinanong sa sarili kung ano ang liham na iyon, kung kanino galing, at kung bakit umiyak ang kanyang ina.
Ngayon, hindi sinasadya, nakita niya ang liham na iyon.
Isinara niya ang aparador. Sa kusina, naririnig niya ang pagkilus-kilos ng kanyang ina. Agad niyang binuksan ang liham. Una niyang tiningnan kung kanino galing iyon. Namangha siya nang malamang galing iyon sa kanyang ama. Kailanman, na ni hindi man lamang sumagi sa isip niya na maalala pa sila ng kanyang ama. Tinunghayan niya ng liham.
Mahal kong Doring,
Marahil, hindi mo na ako matatanggap. Alam kong sa panahon ng ating pagsasama, wala akong naibigay sa inyo kundi sama ng loob. Ang ginawa ko noong pagpapabaya sa inyo ay sapat na marahil upang masabi mo sa sarili, o sa akin man na hindi mo na ako itinuturing na asawa. Maging si Avelino ay natitiyak kong labis na naghihinakit sa akin ngayon, sapagka’t hindi ko man lamang naipadama sa kanya ang pagmamahal ng isang ama.
Sa loob ng anim na taon nating ipinagkalayo ay maraming bagay na naganap sa akin. Ang tao pala, kapag tumatanda, ay hindi lamang nakakaalala sa nakaraan kundi natutuhan ding isa-isang pagbalikan ang kanyang mga nagawang pagkukulang; at paulit-ulit niyang nadarama na ang kaligayahan na lamang niya ay ang mabigyan siya ng pagkakataong mabayaran ang mga pagkukulang na yaon.
Naalala ko nga kayo, at ang lahat ng namagitan sa atin. Naisip ko, marahil ay hindi pa huli at magagawa ko pang balikatin ang mga pananagutang hindi ko natupad noon kung bibigyan mo ako ng pagkakataon.
Sa ikasampu ng Hunyo, binabalak kong magtungo riyan. Kung talagang hindi mo na ako matatanggap, iamot mo na lamang sa akin ang pagkakataong makatuloy ako ng bahay, at makita ko kayo ni Avelino. Sapat na sa akin ang gayon, at hindi ko na hihingin sa inyo na kausapin ninyo ako.
Sa bagay, kung matatanggap mo pa ako, hindi ko na hihintayin ang dating pagtinging-asawa na iniuukol mo noon sa akin. Tama nang maibigay mo sa akin ang karapatang muli kang mahalin, at mabayaran ko ang aking mga pagkukulang noon, na alam kong magpapahanggang ngayon ay ipinagdaramdam mo pa.
Inaasahan kong daratnan ko kayo sa bahay pagtungo ko riyan. Patnubayan nawa kayo ng Maykapal.
Nagmamahal,
Gardo
Ibinalik ni Avelino ang liham sa aparador. Napansin niya, sa harap ng hapag-agahan, bahagya nang nakakain ang kanyang ina. Sa maghapong yaon, bihira itong magsalita. Hinintay niyang banggitin nito ang tungkol sa sila’y matulog, ni ang kanyang ina ay hindi nito naungkat.
SAMPUNG taong gulang lamang si Avelino nang hiwalayan ng kanyang ama ang kanyang ina. Kinamulatan na niya ang malimit na pag-aaway ng mga ito, gayon din ang malimit na pag-uwi nang lasing ng kanyang ama.
Kawani noon sa isang kompanya ng seguro ang kanyang ama. Sumasahod ito nang mahigit na tatlong daang piso, nguni’t suwerte na kung makapagbigay ito ng isang daang piso tuwing katapusan ng buwan sa kanyang ina. Kaya kung hindi tumatanggap ng tahiin ang kanyang ina, marahil ay hindi sila makapagtatawid-gutom.
“Saan mo na naman dinala ang suweldo?” malimit marinig ni Avelino na itinatanong ng kanyang ina sa kanyang ama, lalo na kung katapusan ng buwan.
“Marami akong utang sa opisina…binayaran ko!”
“At paano ka naman magkakautang?”
“Huwag mo nga akong paghanapan…bub’wisitin mo na naman ako, a!”
“Kung hindi ba kulang ang ibinibigay mo sa amin, at kung hindi ko ba alam na niloko mo ako…paghanapan pa kaya kita, saan makakarating ‘yong sandaang piso? Sa mga kailangan lamang sa bahay…pinagpipilitan ko na ngang mapaghusto ‘yon!”
“Ikaw nga ang magtrabaho nang malaman mo ang gastos ng isang nag-oopisina! Kailangan ding makibagay ka sa mga kasamahan mo…aba!”
“Makibagay hanggang sa paglalasing! Hindi mo na nagunitang kami’y nagtitipid dito, at halos nagpipisil na kami ng lalamunan…ikaw nama’y nag-uubos lamang ng salapi sa paglalasing!”
“Tama na ang satsat! Kung di ka makatiis…humanap ka ng ibang makapagbibigay ng higit sa ibinibigay ko!” At padarag na aalis ang kanyang ama. Malalim na ang gabi kung ito’y bumalik, at lasing.
Hindi raw dating ganoon ang kanyang ama. Noon daw musmos pa siya, noong sa pabrika lamang ng sigarilyo nagtatrabaho ang kanyang ama, lagi siyang inuuwian nito ng pasalubong tuwing hapon. Kendi. Mansanas. Sari-saring laruan. Hindi rin naghahanap ang kanyang ina. At hindi rin nagkakagalit ang mga ito.
Nagsimula ang pagluluko ng kanyang ama nang ito’y magtrabaho sa kompanya ng seguro at matutong makibagay sa mga kasamahan sa opisina. Ilang buwan lamang, umuuwi na ito nang maghahatinggabi na, at amoy-alak. At hindi na niya matandaan kung nauwian pa siya nito ng pasalubong mula noon.
Sa simula ay hindi pansin yaon ng kanyang ina. Nguni’t nang ilang buwan nang laging kulang ang iniintregang suweldo ng kanyang ama, natutong mag-usisa ang kanyang ina, na malimit mauwi sa pagkakagalit.
Sa salas, nakita niya ang kanyang ina na nakaupo sa tabi ng bintana. Marahil, ang lahat ng damdamin ay nasa mukha ng kanyang ina: pag-asam, pagkagitla, waring natitilihan, waring natatakot. Bumubulong ang kanyang ina, waring naghahanda ng sasabihin sa kanyang ama, at umamo-tumigas ang mukha na waring pinatatatag ang sarili. Lumingon ito sa kanya.
Nasa ikaapat na baitang na siya sa mababang paaralan ay hindi pa niya kinapapansinan ng pagbabago ang kanyang ama. Lalong lumimit ang pag-aaway ng kanyang ama’t ina.
“Kung nagsasawa ka na sa akin, Gardo…sabihin mo! Ayoko nang dahil lang sa akin, kaya ka nagkakaganyan,” isang gabi’y bungad ng kanyang ina sa kanyang ama nang mabalitaan nito na ang ama niya ay may kinalolokohang hostess sa isang kilalang naitklab.
“P’wede bang tigilan mo muna ako…kinukulili na ang tainga ko sa kabubunganga mo, a!”
Galit na tumuloy sa silid ang kanyang ama. Sinundan ito ng kanyang ina. “Akala mo ba’y di ko alam kung bakit lagi kang ginagabi…bakit hindi ka pa doon magbumabad sa babae mo?” Nanggagalaiti ang tinig ng kanyang ina.
“Sinabi ko na sa ‘yong tigilan mo muna ako, e. Kung ayaw mo pang matulog….magpatulog ka!” nagsusuot na ng padyama ang kanyang ama.
“Bakit ka pa umuwi? Bakit hindi ka pa doon natulog?” patuloy ng kanyang ina. “Tutal, talagang gusto mo na akong hiwalayan! Bakit hindi pa kayo magsama?”
“Di ka ba titigil, Dorina?” May pagbabanta na sa tinig ng kanyang ama.
Nguni’t nagpatuloy pa rin ang kanyang ina.
“Baka akala mo’y iistorbuhin kita kung magsama man kayo! Ni isang kusing, di ako hihingi sa iyo…kaya kong buhayin si Avelino kahit papaano. Magkapagtitiis kami!”
Bigla, sinampal ng kanyang ama ang kanyang ina.
“Walanghiya ka! Lumayas ka na! Mabuti pa ngang wala ka na!” umiiyak na tungayaw ng kanyang ina.
Nagpalit ng bihisan ang kanyang ama. Kinuha nito ang maleta, at pinuno ng damit. At umalis.
Buhat noon, hindi na sila sinipot ng kanyang ama. Nabalitaan ng kanyang ina na itinira ng kanyang ama sa isang apartment sa labas ng Maynila ang kinalolokohan nitong hostess.
Dumalas ang paglalamay ng kanyang ina sa pananahi. Kahit maglalabing-isang taong gulang lamang siya noon, nadama niyang kaawa-awa ang kanyang ina. Ipinasiya niyang huminto na sa pag-aaral. Nguni’t mapilit ang kanyang ina at iginapang siya nito hanggang sa siya’y makapagtapos sa mataas na paaralan.
Alam niya kung saan nakatira ang kanyang ama at ang hostess na kinakasama nito. Minsan, inutusan siya ng kanyang ina sa Sangandaan. Araw noon ng Linggo. Nang umuwi siya, sakay ng dyipni, namataan niya sa bangketa ang kanyang ama, naglalakad. Parang may nag-utos sa kanya na siya’y bumaba. Nakita niya ang kanyang ama nang pumasok ito sa pinto ng isang magandang apartment. Naganap iyon may tatlong taon na ang nakaraaan, at hindi niya sinabi iyon sa kanyang ina nang siya’y umuwi. Ayaw niyang dagdagan ang paghihirap ng kanyang ama, at ni minsa’y hindi nakaisip ito na pakibalitaan ang kanilang buhay!
HABANG nalalapit ang ikasampu ng Hunyo, napupuna ni Avelino na lalong nagiging tamilmil sa pagkain ang kanyang ina. At sa gabi, bago siya matulog, malimit niyang mapansin ito na nakatunganga sa harap ng makinang panahi. At lumuluha. Kung minsan, nakatingin lamang iyo sa kawalan, hindi kumukurap nguni’t parang walang nakikita. Alam niya, tinatanong ng kanyang ina ang sarili nito kung dapat tanggapin ang babalik niyang ama.
Itinatanong din niya iyon sa kanyang sarili. Tanggapin kaya ng kanyang ina ang kanyang ama? Tuwing makikita niya ang hapos na mukha ng kanyang ina, ang mukhang iyon na pinatanda ng mabuti ng nakaraang anim na taon, ang sagot na pumapasok sa isip niya ay hindi. Hindi na tatanggapin ng kanyang ina ang kanyang ama. Sariwa pa ang sugat.
Payapa na naman silang nabubuhay ng kanyang ina. Kumakain sila sa oras. At dalawang taon pa, makapagtatrabaho na siya. Matutulungan na niya sa pananahi ang kanyang ina. Hindi na nila kailangan ang kanyang ama.
Minabuti ni Avelino na huwag nang ipagtapat sa kanyang ina na nabasa niya ang sulat.
NANG umagang iyon, Hunyo 10, ay nagising siya nang may pagkagitla. Ngayon ang araw ng pagdating ng kanyang ama. Ang pagkagitla niya’y bunsod ng isang kutob, na maaaring nasa damdamin na niya nang nakaraang ilang araw at ngayon lamang nagkaroon ng kaanyuan sa kanyang muni. Darating nga ang kanyang ama. Tatanggi ang kanyang ina na maisamang muli. Nguni’t papaano kung malamuyot ang kalooban ng kanyang ina—kung pumayag din? At magsasama na naman ang dalawa, mag-aaway at magsisinghalan na naman, at maaari, maaaring maulit ang naging dahilan ng paglayo ng kanyang ama. Ayaw niyang danasin uli iyon ng kanyan ina. Anim na taon naghirap na ang kanyang ina. Bigla ang pagkabangon niya. Bigla rin ang pagbibihis. Pupunta siya sa kanyang ama.
Sa salas, nakita niya ang kanyang ina na nakaupo sa tabi ng bintana. Marahil, ang lahat ng damdamin ay nasa mukha ng kanyang ina: pag-asam, pagkagitla, waring natitilihan, waring natatakot. Bumubulong ang kanyang ina, waring naghahanda ng sasabihin sa kanyang ama, at umamo-tumigas ang mukha na waring pinatatatag ang sarili. Lumingon ito sa kanya.
“Halika rito, Avelino.”
Lumapit siya.
“Ngayong umaga, Avelino, darating ang iyong ama.” Pigil siya ng kanyang ina sa braso. Mailap ang mga mata nito. “Huwag mo nang itanong sa ‘kin kung bakit ko nalaman, basta’t darating. Kung kakausapin ka niya, huwag kang sasagot. Kung yayakapin ka, huwag kang yayakap. Huwag kang magsasalita ng ano man. Hayaan mo ako ang magsalita.”
“Oho.”
“Tandaan mo, huwag kang yayakap.” Umiyak ang kanyang ina. Ngayon, isang damdamin na lamang ang naiwan sa mukha ng kanyang ina: hinanakit. “Bakit ka nakabihis?”
“Me pupuntahan ho ako.”
“Mabuti. Mabuti ngang wala ka rito pagdating ng ama mo. Kung maaari lang, wala ka rito ngayong maghapon. Kumain ka muna.”
“Kayo?”
“Wala ‘kong gana.”
Habang nag-aagahan, binuo niya sa isip ang sasabihin niya sa kanyang ama. Huwag ka nang bumalik, Tatay. Labis na ang ipinaghirap ni nanay, huwag n’yo nang dagdagan. Wala na naman kayong dapat ipag-alala sa amin. Sa ilang taon na lamang, makapagtatrabaho na ako. Kaya ko na siyang buhayin.
SA apartment ng kanyang ama sa Sangandaan, utusan ang sumalubong sa kanya. Pinatuloy siya nito at pinaupo sa salas.
“Diyan ka muna,” sabi ng utusan. “Hintayin mong lumabas sila. Di ko malapitan, e. Me pinag-uusapan sila. Baka mainit ang ulo ni Senyora. Umiiyak, e.”
May narinig nga siyang tinig-babae na umiiyak sa silid, na katabi lamang ng kinauupuan niya. Ang silid ay yari sa manipis na tabla. Narinig niya ang pagsasalita ng umiiyak na babae:
“Pa’no ‘ko ngayon, Gardo?” Ito’y sa tinig na waring ang nagsasalita’y namatayan na ng pag-asa. Gardo ang pangalan ng kanyang ama.
“Me naiipon ako sa banko, Sela. Iiwan ko sa ‘yo ‘yon…lahat. Maaari mong gawing pasimula sa isang hanapbuhay. Bata ka pa, at walang anak.” Ang kanyang ama ang nagsasalita. “Kailangang bumalik ako sa mag-ina ko, Sela. Hindi tayo maaaring mabuhay nang maligaya nang ang isip ko’y nasa kanila. Oo, pati na ang puso. Sapagka’t di ko maitatangging mahal ko sila. Matagal ko nang iniisip ang pagbabalik na ito, marahil, noon pa lamang mga unang taon ng ating pagsasama, pero naduwag ako. Palagay ko, hindi ko masasalubong ng tingin ang sumbat sa kanilang mga mata. Ngayon, nakahanda ako sa higit pa sa sumbat. Matanda na ako, Sel. Ang mga huling taon ng buhay ko’y ibig kong lasapin sa kanila…at bago matapos ang buhay na iyo’y mabayaran ang mga pagkukulang ko.”
Kung bakit naisip niyang umalis, hindi niya masabi. Ang nalaman lamang niya’y lumalabas na siya, mabilis na lumalakad.
NASA bahay na siya nang dumating ang kanyang ama. Marahil, sinadya niyang huwag umalis. Siya ang nagbukas ng pinto ng salas. Saglit siyang tiningnan ng kanyang ama, at tumingin sa kanyang ina. At hindi niya inaasahan, umiyak ang kanyang ama. Gumagalaw ang mga balikat nito sa pinipigil na pag-iyak. Humarap ito sa dinding at doon nagpahid ng luha.
Bumaling siya sa kanyang ina. Nakatayo ito, nakatingin sa kanyang ama, at wala ang galit sa mukhang iyon. Pumasok siya sa kanyang silid.








