Ni VICTORIO V. TOLENTINO
(Unang nailathala: LIWAYWAY Hunyo 4, 1962)
Sa huling sandali’y humangga sa lungkot
Ang tanghalang bughaw ng sigla at lugod;
Lumamlam ang ilaw sa piping himutok,
Naglaho ang tuwang sa dusa’y nalugmok.
Kailan ba lamang, ang bawa’t halakhak,
May katugong lugod, may kasuyong galak;
Nguni’t kagalakang naging hapis agad
Na ngayo’y payuko sa pag-uumiyak.
Mga matang silaw sa kislap ng ganda
Lumamlam na bigla’t lumamig na sigla;
Ang ngiti’t halakhak ay dahong nalanta
Sa dapyo ng init ng buntunghininga.
Naglahong kasama ng palalong tuwa
Ang harot na layaw na nagpakasagwa;
Balintunang sayang sigla ang simula
Natapos sa pait ng luksang gunita.








