TALISMAN

“Huwag kang pumatay ng tao, Carding,” ang ligalig na ligalig na wika ni Rodora. ¬

Ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 1, 1950)

(IKA-17 LABAS)

NAHALATA ni Pedro Alcala ang natimping pagdaramdam sa dibdib ni Fernando Octubre, Jr. matapos niyang ipagtapat ang nangyari sa itim na batong ipinagkaloob sa kanya ni Ricardo Montez, na isinanla naman niya sa kasintahang pinagparangalanan sa naturang bato.

            “Ang batong iyon ay akin” ang mahimang nulas sa mga labi ni Nanding,” at wala siyang karapatang ipamigay sa kahit na kanino.

            At ipinaliwanag na isa-isa ni Nanding kay Pedro ang mga nangyari sa kanila ni Carding. Mataman namang pinakinggan ng kaklaseng kaibigan ang kanyang mga pagtatapat.

            “Wala akong kasalanan” ang malumanay na nasabi ni Pedro kay Nanding “masusubo ako sa malaking kahihiyan kung hihingin ko pa uli kay Conchita.”

            “Hindi kita sinisisi sa mga nangyari” ang halos pagputukan ng dibdib na pakli ni Nanding, “ang sinisisi ko’y si Ricardo Montez, Jr. Labis ang kanyang pang-aaping ginawa sa akin. Isang karuwagang paraanin ang huling ginawa niya sa akin.

            Narinig na naman ni Pedro ang pagtatagis ng mga ngiping pinagtiim ni Nanding. Pinigil ng nagdaramdam na binata ang kanyang paghinga sa hangaring mapigil ang dalawang butil ng luhang nagpupumiglas na tumalon sa kanyang mga mata.

            “Pasensiya ka na,” ang payo ni Pedro, “sa palagay ko’y wala namang halagang gaano ang nabanggit na bato.”

            “Wala sa halaga ang pinag-uusapan, nasa gawa ni Carding ang ipinagpupuyos ng aking damdamin. Labis na ang aking pagpapaumanhin sa kanya. Kailangan nang magtuus kami.”

            “Magtuus na paano? Ang nagugulumihanang pakli ni Pedro.

            “Sa simula pa’y masama na ang hangarin niya sa akin” ang napalakas na tugon ni Nanding. “Naroong sikapin niyang maputol ang aking pag-aaral; naryang gipitin niya ako at aglahiin; at kung anu-ano pang bagay na mahirap makain ng isang taong may mahinang sikmura.

            At umalis na si Nanding na litung-lito ang damdamin. Habang inihahakbang ang kanyang mga paa’y lalu at lalo lamang nag-aapoy ang kanyang malaking galit sa binatang ibig numakaw ng kanyang nalalabing karangalan. Minsang kuyumin ang sampung daliri ng kanyang mga kamay.

            “Walang kaluluwa” ang malimit niyang maibulong sa sarili, na ang pinag-uukulan ng pagbalibhasa’y ang kapatid na hindi nakikilala. “Pagbabayaran mo sa akin ng mahal ang mga ginawa mo!”

            Yaring-yari sa sarili ni Nanding na huwag nang matulog nang gabing yaon at maghintay na siya ng umaga sa malapit sa kanilang paaralan upang pagpapasukan ay hingan ng paliwanag ang binatang umaapi sa kanya. Malapit nang maghating-gabi nang dumating siya sa harapan ng “Bella Artes.” Naupo si Nanding sa pangalawang baytang ng gusali ng arte at binulay-bulay sa sarili ang gagawin sa pakikipagkita kabukasan kay Ricardo Montez, Jr.

            “Talaga yatang ang mayayaman ay mapang-api” ang sa di-kawasa’y naibulong sa sarili. “Bibigyan ko siya ng aral bukas, isang aral na hindi niya malilimot kailanman. Kailangang magbangon ako sa aking kahirapan. Kawalang-dangal na ipaapi ko sa kanya ang aking kahirapan.”

            At lalo nang nag-apoy ang galit ni Nanding, nang magunita niya ang isa sa mga butil na gintong aral ni tandang Andres, na: “Hindi masama ang magpaumanhin, ngunit ang labis na pagbibigay sa kapwa ay nagbubunga ng kasawian. Lumaban ka kung hinihingi na ng pangyayaring itindig mo ang iyong karangalan.”

            Isang mahabang buntung-hininga ang pinawalan ni Nanding sa kanyang dibdib. Napatayo mula asa kanyang kinauupuang hagdanang bato at nanlilisik ang mga matang bumulung-bulong na walang iniwan sa nasisiraan ng pag-iisip:

            “Lumaban ka kung hinihingi na ng pangyayaring itindig mo ang iyong karangalan” ang sabi ni tatang Andres. “Isang karuwagang magpaumanhin pa ako. Lalaki kami kapwang biniyaan ng lakas ng Diyos.”

            Inihakbang ni Nanding ang kanyang mga paa. Naglakad siya sa asera at tinungo ang gusali ng kanilang kolehiyo. Niyari niya sa isipang magpaumaga na sa pintuan ng nabanggit na gusali. Natatakot siyang baka makakawala ang kanyang inaabatang binata, gayong matagal pa ang panahong kanyang ipaghihintay.

            Samantala’y hindi makatulog noon si Rodora. Mahiga at magbangon sa kanyang malambot na kama. Minsang harapin ang birheng garing na ipinagbili sa kanya ni Nanding. Talaga yatang hinding-hindi siya makakatulog. Lagi niyang nagugunita anng ginawang pagdalaw ni Pedro Alcala, matapos ang may dalawang oras na paglisan sa kanila ng binatang nagbili ng birhen. Dinig na dinig niya ang pinag-usapan ni Alcala at ng kanyang anak na si Carding, na may kinalaman sa katagang “pagtutuus” na binanggit di-umano ni Nanding dahil sa batong itim.

            Mahal na mahal niya si Ricardo, pagkat sarili niyang anak ito at dugo ng kanyang puso. Ngunit tuksong naglaro naman sa kanyang guniguni ang buhay na larawan ni Nanding: ang maamong mukha nito, ang likas na pagkamagalang at kabaitan.

            “Pagtutuus… pagtutuus!” ang katagang lagi na lamang nanunuut sa kanyang pandinig na binigkas ni Pedro Alcala.

            Hindi niya ikapikit ang ginawa ni Carding, na pagkatapos balitaan ni Alcala ang banta ni Nanding na “pagtutuus” ay kitang-kita niyang kinuha ng kanyang anak ang rebolber at siniyasat ang laman nito. Narinig din niya ang sinabi ng kanyang anak kay Pedro Alcala: “Hindi mauubos ang aking punlo sa kanyang bungo.”

            Ang totoo’y sinikap niyang palamigin ang loob ni Carding. Kinausap niya ito nang masinsinan. Pinagpayuhan niya itong lumayo sa basag-ulo.  Ngunit maliwanag ang naging sagot ng kanyang anak na: “Huwag kang makialam mama sa usapin ng mga lalaki. Bibigyan ko ng aral ang Nanding na ito, na siyang nangutang lamang ay siya pang magbabanta sa akin.”

            Bawat tik-tak ng malaking orasan ay parang mga yabag ng pangambang tumutusok sa dibdib ng banal na ina. Kung mapipigil lamang niya ang takbo ng oras at magagawa niyang huwag nang paratingin ang umaga’y ginawa na sana ni Rodora.

            “Kung naririto lamang ang asawa ko” ang pahimutok na naibulong ng naliligalig na ina, “disin ay hindi ako maliligalig na lubha.”

            Wala noon sa kanilang tahanan si Ricardo Montez, Sr. May dalawang linggo na itong nasa Bagyo, sa kanilang minahan na kasalukuyang nananagana sa ginto. Sa wakas ay ipinasiya ni Rodora, na mangyari na ang mangyayari’y hindi niya papayagang umalis ito ng tahanan.

            At ang araw ay namanaag na sa silangan. Narinig ni Rodora ang yabag ng kanyang anak sa karatig na silid. Mabilis siyang bumangon at inabangan si Carding.

            “Magdamag na hindi ako nakatulog, Carding” ang salubong sa kanyang anak nang lumabas ito sa pinto ng silid at nakahanda na sa pag-alis. “Kay aga-aga mong bihis na, at tila hindi ka nakatulog kagabi.”

            Hindi man lamang sumagot si Carding. Walang laman ang kanyang isipan maliban sa ibinalita ni Pedro Alcala, na hihingi ng pagtuus sa kanya ang mangungutang na si Fernando Octubre, Jr.

            “Hindi ka ba mag-aalmusal muna?” ang malumanay na salita pa uli ni Rodora.

            “Hindi na, mama” ang pakli ni Carding, “kailangang pakipagkitaan ko kaagad ang tila ibig maghamong si Nanding.”

            “Hindi ka makaalis!” ang matigas nang pasiya ni Rodora.

            “Mama, uulitin ko: huwag kang makialam sa salitaan ng mga lalaki” ang paasik na tugon ng anak. “Ano na lamang ang sasabihin sa akin sa UP: isang “duwag”!”

            “Hindi karuwagan, anak, ang umiwas sa basag ulo” ang maluha-luhang salita ni Rodora.

            “Mapabasag-ulo man ako’y hindi siya makalalamang sa anak mo” ang taas noong salita ni Ricardo.

“Kailangang lutasin ko ang aming salitaan.”

            “Wala kang katwiran sa mga nangyari” ang paliwanag ng ina, “hindi mo dapat na ipamigay ang batong isinanla lamang sa iyo. Ang totoo’y dapat kang humingi ng paumanhin.”

            “Ako… ako ang hihingi ng paumanhin sa isang hamak na…”

            “Hindi kalabisan ang paghingi ng paumanhin kung nagkamali ka,” ang paliwanag pa rin ni Rodora, “at hindi katapangan na ang isang nagkamali ay…”

            “Husto na, mama” ang sansala ng anak. “Huwag mo sanang pahinain ang aking loob. Ang mga punlo lamang ng aking rebolber ay siyang magsasalita, sa sandaling humingi siya ng pagtutuus sa akin.”

            “Huwag kang pumatay ng tao, Carding,” ang ligalig na ligalig na wika ni Rodora.

            “Sa wari ko’y mabait na binata ang pinagtatangkaan mo.”

            “Kanino ka ba kampi, mama, sa kanya o sa akin?” ang ngitngit na salita ni Carding.

            “Kanino pa kundi sa…. Iyo,” ang pakli ng ina, “maaari ba akong kumampi sa ibang tao. Ang ibig ko’y huwag kang masubo sa sakuna. Mamamatay ako kung mabalitaang napahamak ka o ikaw ang nakamatay.”

            Hindi na dininig ni Nanding ang iba pang mga sinabi ng kanyang ina. Mabilis na tumalikod at patakbong tinungo ang kanilang hagdanan. Nalunod na lamang sa hangin ang mga sigaw ni Rodorang sumunod sa balkon, hanggang sa mawala sa kanyang paningin ang mapusok na anak.

(Itutuloy)