Ni Edgar Calabia Samar
(Ika-14 na Labas)
Introduksiyon
SA mga tala ng kasaysayang Maharlika, hindi lamang itinuturing si Simeon Maharlika bilang isang tagapagmana kundi bilang isang arkitekto sa patuloy na paghubog ng kamalayan ng isang bansa. Sa isang banda, muling hinuhubog ng Bagong Pinuno ang mga balangkas ng bayan sa pamamagitan ng retorika at batas, ng panggigilalas at paggalang. Hindi takot, tulad ng madalas sabihin ng tagalabas ng Maharlika. Walang totoong takot na hayag sa Maharlika.
Subalit ang ipinapanukalang tesis na “Mga Aninong Epiko” ay naglalayong maghabi ng isang epikong tulambuhay na lampas sa simpleng pagdodokumento ng buhay at pamumuno ni Simeon. Nais nitong harapin ang mga aninong sumasayaw sa gilid ng mga kaya nating malaman sa tradisyonal na pagkatha ng talambuhay: ang kanyang mga posibleng pakikipagrelasyon sa mga indibdiwal mula sa iba’t ibang ispektrum ng kasarian at lahi, ang kanyang mga tahimik na pagsusupling sa mga tao’t malatao na hindi malayong pagala-gala sa mga kalye ng lungsod na lihim ang mga pangalan, at ang nakabibiglang posibilidad na ang diktador-makata at ang exiled na nobelistang si Gregorio Pablo ay iisa.
Tatlong mahalagang paggigiit ito na hindi karaniwang ginagawa sa pamilya Maharlika. Una, ang posibilidad ng pakikipagrelasyon sa marami’t iba’t ibang uri ng tao. Mas madaling halukayin sa mga artsibo ang mga paglalakbay at paninirahan ni Simeon sa iba’t ibang bansa, ang bilis o tagal ng pamamalagi niya sa isang bayan, subalit mahirap patunayan ang matalik niyang kaugnayan kanino man. Hindi masasabing hindi tanggap ang “pluralidad ng kasarian” na naging palasak na imahinaryong pinalaganap ng Kanluran nitong nagdaang dalawang dekada, na karaniwang lunan ng dekadensiya at pagguho ng mga pamantayang moral sa lipunan—hindi ito bahagi ng kamalayan ng karaniwang mamamayan. Totoong maaaring may kakitaan ng pahiwatig o pagkilos ng pagiging hindi tuwid na lalaki o babae subalit walang totoong garapalang pagsalaula sa dalawang tanging kasarian na ito na pundasyon ng pamilya na pundasyon ng mga komunidad na pundasyon ng bayan. Kaya naman, lubhang mapangahas ang mungkahi rito na nagkaroon ng mga ugnayang seksuwal at pandamdamin din si Simeon Maharlika, hindi lang sa mga babae, kundi maging sa mga lalaki. At mga lalaki ng iba’t ibang anyo’t lahi, edad at antas sa lipunan! Totoo, pamilyar naman ang mga mamamayan ng Maharlika na umiiral ang ganitong mga relasyon at transaksiyon sa ibang panig ng daigdig, at may mga tala kahit sa mga akdang nagmula sa panahon bago ang pagtatatag ng Maharlika na nangyayari ang mga ito sa mga dating siyudad na nilansag ng Malahákan, subalit hindi ito kinikilala ng halos lahat. Nabura ang kung anumang mga terminong ginagamit kaugnay ng mga ito sa wikang pambansa, nawala sa bokabularyo ng mga mamamayan, na lalong tumiyak kung bakit malapit sa imposible na itong mapag-usapan. Kakailanganin ko kung gayong manaliksik pa sa mas matatandang akda para kalapin ang mga naturang salita, kilalanin ang salimuot nila sa komplikasyong nilikha ng naturang yugto sa kasaysayan ng tila hakbang paatras sa pag-unawa ng tao sa sarili.
Kakawing ng naunang proposisyon ng pakikipag-ugnayan ni Simeon sa iba’t ibang uri ng tao ang pagsusupling niya ng iba’t ibang mumunting Maharlika sa iba’t ibang panig ng daigdig—at ang posibilidad na ilan sa mga anak na ito ay mga malatao na hindi pa rin lubusang natatanggap kahit sa mga lipunang pinagmulan nila. Mas sensitibo ang hakang ito dahil binubuksan nito ang posibilidad na may pagala-gala sa labas ng Maharlika—at hindi lang basta labas ng Maharlika kundi maging sa mga sulok-sulok ng dayukdok na mga lunan ng mga nasyon na nasa bingit na ng pagkalansag o paglalaho—ang posibleng tagapagmana sa pamumuno ng Maharlika. Alinman sa wala ito sa isip ng karaniwang mamamayan, o bago pa man mabuo ang imahen sa isip nila ay pinipitik na nila ito at nang maglaho tulad ng bula. Kung tutuusin, mas mapayapang tugon pa ito kung ikokompara sa nangyayari sa ibang bahagi ng daigdig na paglipol sa mga malataong ito na hindi malayo sa genocide ng iba’t ibang lipi sa iba’t ibang yugto ng kasaysayan. Maaaring sabihin na hinubog ang mundo ng iba’t ibang anyo ng ganitong paglipol at bagaman hindi kinikilala ng marami ang pagpapatuloy nito sa kasalukuyan, nasa isang yugto lang talaga ang tao ng ganitong malawakang pamamaslang. Pero paano nga naman ito tatawaging pamamaslang, na gaya ng lehitimong ginagawa sa Maharlika, kung hindi kinikilalang ganap na tao ang mga biktima? Limitado ang personal kong pakikiharap sa mga malataong ito kapag naglalakbay sa labas ng Maharlika, kaya hindi makatarungan ang pagpapataw ng anumang awtomatikong negatibong tingin sa kanila. Isa pa, marami sa kanila ay napakadaling ipagkamali bilang ganap na tao dahil maliban sa mas kapuna-punang kapal ng balahibo sa balat o tangkad o liit o haba ng dila o iba pang higit o kulang kaysa sa inaasahan sa isang karaniwang tao, ano talaga ang kaibahan nila? Marami pang kailangang siyasatin sa mga malataong ito at alam kong may bubuksang mga sinaunang ligalig ang pangangahas ng epikong tulambuhay na magmungkahi ng posibilidad ng mga Maharlikang malataong nabubuhay sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Ang pagsusuri ay magdadala rin ng mga paghahambing sa mga klasikong epiko tulad ng Epiko ni Gilgamesh, kung saan ang bayani ay nakikipagbuno sa kanyang mortalidad at sa mga responsibilidad ng pagiging hari, at ang Ang Iliad, na pinag-iisang-tudla ang mga personal na galit sa malawak na kilusang historikal. Ang mga epikong ito, tulad ng ipinapanukalang gawain, ay tinutuklas ang tensiyon sa pagitan ng personal na ambisyon at pampublikong tungkulin, sa pagitan ng bendisyon ng diyos at kahinaan ng tao.
Ang ikatlong paggigiit ang kung tutuusin ay malaking batayan din ng naunang dalawa: na si Simeon Maharlika nga ay walang iba kundi ang enigmatiko’t matalas na nobelista ring si Gregorio Pablo. Kung ang pangwakas na pagigiit na ito ang totoong salalayan ng dalawang nauna, ito kung gayon ang kailangan ng patunay mula sa labas ng mga nobelang kinatha ni Pablo. Ibig sabihin, magagamit lamang bilang ebidensiya ang mga nobela ni Pablo para patunayan ang dalawang mungkahi sa itaas kung napagtibay na ngang si Pablo at si Simeon ay iisa. Tulad ng nasabi na, maaaring pagsimulan ang matalik na pagbasa sa mga panayam at talumpati ni Simeon bilang Bagong Pinuno, subalit hindi ito sapat. Kailangang magpook ng iba pang mga sanggunian, mahalagang humubog ng iba pang mga ebidensiya, at sa ganito uusad ang proyekto, kalakip nga rin ang malikhaing interbensiyon ng imahinasyon—itong tinatawag na lisensiyang poetiko subalit ang totoo ay susi ng di-malay. Ibig sabihin, may mga pagkadupilas ang wika na sa sandali lang ng di-malay na pahayag nakapagbubunyag ng katotohanan. Ganito ang tagisan ng lohika at kawalang-lohika ng mga panaginip, hindi ba? At walang totoong matagumpay na kathang salaysay na hindi malapanaginip, kahit sa rubdob man lang ng damdamin sa harap ng kathang panganib.
Ang anyong epikong tulambuhay—na humuhugot mula sa tradisyong poetiko ng mga sinauna’t kontemporaneong epiko at sa masusing detalye ng biyograpikong pagsusuri—ay naglalayong mag-ukit ng bagong anyong pampanitikan—isang pagpupugay sa sariling manipulasyon ng mga Maharlika sa naratibo bilang kapangyarihan. Ito ay magsisilbi hindi lamang bilang isang dokumento ng buhay na tinahak ni Simeon bilang Bagong Pinuno kundi bilang isang kritika sa performatibong kalikasan ng pamumuno sa isang estado kung saan ang linya sa pagitan ng sining at realidad ay hindi lamang malabo kundi nagiging sandata. Patalim na araw-araw na pinatatalas at nag-uukit ng kasaysayan.
Sa pagbubuo ng gawaing ito, sisiyasatin ng panukala ang mas malawak na implikasyon ng tula bilang isang midyum para sa parehong pagdakila at pagtutol, habang kinikilala ang kapangyarihan din ng anino ng Malahákan, ang ama ni Simeon, na nag-atas ng hindi mabilang na mga tula upang bigyang-sandigan ang kanyang apat na dekadang pamumuno. Itatanong ng proyektong ito kung paanong nagiging parehong tabak at kalasag ang tula para sa mga humahawak nito, lalo na sa mga rehimen kung saan ang pluma at espada ay mga ekstensiyon ng iisang bisig.
Kinakaharap din ng panukala ang mapanganib na lupain kung saan kailangang tumuntong ng tulang naratibo, kinikilala na ang pagsusulat tungkol kay Simeon Maharlika ay isang pakikibaka sa isang buháy na mito, isang construct ng dibinidad at mortal na kahinaan. Tatalakayin nito ang mga etikal na implikasyon ng pagbibigay-katauhan sa isang pigura na ang mga batas ay nagbigay-daan sa pinahintulutang pagpatay, pinagninilayan ang karunungan—o kabaliwan (muli, sang-ayon sa mga tagalabas ng Maharlika)—na nakapaloob sa naturang pamamahala. Sisikapin ng naratibo na hindi maliitin ang pamana ng Maharlika kundi ilahad ang mga komplikasyon ng kapangyarihan, pagkamalikhain, at kontrol na nagtatakda sa maalamat na buhay ni Simeon.
Subalit sa ubod ng lahat ng ito, ipagdiriwang nito ang kanyang pagkamalikhain, sapagkat habang nakatindig si Simeon bilang bayani ng epikong ito, siya rin ay isang arkitekto ng mga mundo, isang tagapaglikha ng mga bayani sa kanyang sariling mga akda—mga karakter na, gaya ng kanilang lumikha, ay lumalampas sa mga hanggahan ng mito at realidad, kalayaan, at pagkakagapos. At sino-sino siya sa kaniyang mga nilikha?
Rebyu ng mga Kaugnay Literatura
Ipoposisyon ng pag-aaral ang sarili sa interseksiyon ng biyograpikal na literatura, teoriya ng politika, at kasaysayan ng paggamit ng tula ng mga awtokratikong lider, mula pa sa panahong pabigkas, samantalang binabanggit ang mga perspektibang panlabas na maaaring tumukoy sa mga lider ng Maharlika bilang mga diktador, habang sa loob ng bansa, sila ay itinuturing na mga lehitimong inobador, tagamapa ng mga bagong kaayusan ng mundo. Mula sa mga sinaunang epiko na nagdiriwang sa mga pinuno ng tribu hanggang sa mga propagandistikong berso ng mga modernong pinuno, matagal nang ginagamit ang tula upang likhain at pagtibayin ang kapangyarihan.
Ang mga akda ng mga iskolar tulad ni Edrick Hesundo na Inventing Traditions at Benedict Anderson na Imagined Communities ay nagbibigay ng pundasyong kritikal sa ganitong tunguhin, na inilalarawan kung paano ginagamit ang mga artifact na kultural upang pagtibayin ang mga ideolohiyang nasyonalista, kahit sa realidad na post-nasyon. Itatampok ng panukala ang mga partikular na case study kung saan ginamit ang tula upang palakasin ang pamumuno, kabilang ang manipulasyon ni Stalin sa sosyalistang realismo at ang mga prolifikong tula ni Mao na nagsilbing doktrinang pampolitika.
Susuriin din sa mismong tula ang papel ng paglikha at sining sa pangkalahatan sa mga lipunang pinamamahalaan ng mga espasyong tulad ng Maharlika, isa sa dakilang inobasyon ng modernong panahon, kung saan ang linya sa pagitan ng buhay at sining ay madalas na nagiging malabo sa mga mapanganib na paraan. Ang rehimen ni Simeon Maharlika, na may kasamang legalisadong taunang pagpatay, ay naglalatag ng natatanging kaso kung paano nagkakatagpo ang literatura at batas upang hubugin ang mga pamantayang panlipunan. Palalakasin ang eksplorasyong ito ng mga pag-aaral tungkol sa posthumanismo, partikular sa kung paanong ang mga ligal na balangkas ay maaaring magbago hindi lamang ng lipunan kundi ng kalagayan ng tao mismo. Ang mga akda ni Donna Haraway sa cyborg at ni Katherine Hayles sa posthumanismo ay magbibigay ng mga lente ng kritikal na pag-unawa kung paano maaaring ituring ang rehimen ng Maharlika bilang isang eksperimento sa mga hanggahan ng ahensiya at identidad ng tao.
Ang pagsusuri ay magdadala rin ng mga paghahambing sa mga klasikong epiko tulad ng Epiko ni Gilgamesh, kung saan ang bayani ay nakikipagbuno sa kanyang mortalidad at sa mga responsibilidad ng pagiging hari, at ang Ang Iliad, na pinag-iisang-tudla ang mga personal na galit sa malawak na kilusang historikal. Ang mga epikong ito, tulad ng ipinapanukalang gawain, ay tinutuklas ang tensiyon sa pagitan ng personal na ambisyon at pampublikong tungkulin, sa pagitan ng bendisyon ng diyos at kahinaan ng tao. Gayundin, susuriin ang mga pre-Maharlikang epiko tulad ng Labaw Donggon at Agyu para sa kanilang mga paglalarawan ng pamumuno, komunidad, at sobrenatural, na nag-aalok ng kontekstong kultural at pampanitikan na umaalingawngaw sa mga temang isinasakatawan ng naratibo ni Simeon Maharlika. Sa pamamagitan ng pagposisyon kay Simeon sa tabi ng mga kilalang bayani, layon ng epikong tulambuhay na hindi lamang tuklasin ang kanyang politikal na pamana kundi ilagay siya sa mas malawak na tradisyong pampanitikan na lampas sa limitasyon ng panahon at espasyong humubog sa kaniya.
Bukod sa mga aspektong mitiko at pampolitika, isasama rin ng panukala ang ekokritikal na lente, na sinusuri kung paano ang mga pagbabagong pangkalikasan ng Maharlika ay sumasalamin sa nagbabagong mga ideolohiya ng mga pinuno nito. Sa ilalim ng Malahákan, ang pagbabagong-anyo ng heograpiya ng bansa, kabilang ang pagtanggal sa dating kabisera na Wayawaya, ay sumisimbolo sa radikal na muling pag-iisip sa espasyo at kapangyarihan. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga pagbabagong ito sa ekolohiya, ang epiko-biyograpiya ay hindi lamang magtatala ng mga naratibong pantao kundi pati na rin ang mga tahimik na kuwento ng lupain mismo, na hinubog upang ipakita ang mga ambisyon at pangamba ng mga namumuno nito. Ang aspekto ng ekokritikal na lenteng ito ay magsisiyasat kung paanong ang pisikal na kapaligiran ng Maharlika—ang mga nagbagong ilog, ang naglalahong siyudad, at ang mga bagong tayong monumento—ay nagsisilbing parehong kaligiran at kalahok sa nagpapatuloy na epiko ng bansa.
Dagdag pa rito, tutuklasin ng panukala ang kalikasan ng tulang naratibo bilang isang anyong pampanitikan na nag-uugnay sa personal at unibersal, na sumasalamin sa parehong indibidwal at kolektibong pakikibaka ng isang lipunan. Ang mga makata tulad nina Derek Walcott, Cirilo F. Bautista, Alejandro Hufana, at Seamus Heaney, na nagsulat tungkol sa bayan at pagkakakilanlan sa gitna ng pampolitikang kaguluhan, ay magsisilbing gabay sa estilo at tematikong himig ng ipinapanukalang epikong tulambuhay. Muli, layunin ng akdang ito na hindi lamang itala ang buhay ni Simeon kundi ilahad ang mitikong alingawngaw ng tula na sa buong kasaysayan ay naging larangan ng mga hari at rebolusyonaryo. Sabihin pa, kaalinsabay ng ganitong paghahalaga sa anyo ng tula ang pagsipat dito bilang lunan din ng mga makapangyarihang ispekulasyon.
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula. Pinarangalan siya ng S.E.A. Write Award nitong 2024.








