Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Abril 3, 1950)
(IKA-13 LABAS)
BABABA na lamang si Carding sa hagdanan ay hinabol pa ni Nanding, upang pakiusapan na pahiramin siya ng salaping maipagpapalibing niya kay Tandang Andres. Lingid sa kaalaman ng magkapatid na hindi nagkakakilala ay tahimik namang nanunubok si Rodora sa likod ng kurtina ng pintong nakapagitan sa bulwagan at sa balkonahe. Walang pinag-usapan sina Nanding at Carding na nalihim sa pandinig ng babaing aywan ba’t ligalig na ligalig at habag na habag sa pasusumamo ng binatang namatayan ng magulang.
“Huwag ka sanang napakaulit…” ang mariin pa uling pakli ni Carding sa pagsusumamo ni Nanding. “Uulitin ko sa iyong patutungo ako sa sugalan at hindi ako makapagpapahiram ng kuwalta!”
“Ipinangangako ko sa iyong hindi ako magkukulang sa pagbabayad,” ang lalong mababa at mahinang salita ng binatang namatayan. “Hindi lamang babayaran ko, kundi pag pagsisilbihan ko pa sa iyo.”
Patuloy sa kanyang pagpanaog si Carding at patuloy rin naman sa pagsunod sa kanya ang maluha-luha nang si Nanding. Muntik nang mapasunod hanggang sa hagdanan si Rodora. Kinagigiliwan niya at kinahahabagan ang kaklase ng kanyang anak.
Atas ng hindi matutulang damdamin ay napilitang lumabas sa balkonahe si Rodora, nang ang magkapatid na hindi nagkakakilanlan ay nasa puno na ng hagdanan.
“Sandali lamang Carding,” ang malumanay na tawag ng ina sa kanyang anak, “ano ba ang kailangan ng iyong klase?”
“Maliit na bagay, mama,” ang pakli ng binata, “gabing-gabi’y binubuwisit ako at inuutangan nito. Malamang na malasin na naman ako!”
“Buweno,” ang malumanay at nakangiting wika ni Rodora kay Carding, “pahiramin kita ng halagang kailangan ng iyong kaklase, nang hindi mabawasan…”
“Kung gayo’y… magkano ang ibibigay mo sa akin, mama?” ang agarang pakli ni Carding.
“Este, magkano ba ang kailangan mo, binata?…”
“Nanding po, ang pangalan ko,” ang sahod ng nangungutang na binata sa nabiting pangungusap ng ina ni Carding. “Munting halaga po lamang na sapat na ipagpalibing sa aking nakaburol na agwelo.”
Maliksing tumalikod si Rodora. Nagkatinginan ang dalawang binata at parang nag-usap ang kanilang mga mata. Hindi nakatagal sa pakikipagtitigan si Nanding. Nagyuko ng kanyang ulong tila nahihiya. Hindi naman nalaunan at nakita nang lumabas na muli sa balkonahe ang ina ni Carding na may hawak nang isang balumbon ng salaping papel. Nanaog nang mga ilang hakbang saka…
“O, heto, tanggapin mo ang salaping iyong kailangan,” ang sabi ni Rodora sa binatang nangungutang na kinagagaang gayon na lamang ng kanyang loob. “Sapat na ba ang dalawang daang piso?”
Magdamag halos na nag-isip si Fernando Octubre, Jr. Hindi man lamang napikit kahit saglit ang kanyang mga mata sa paghagilap ng paraan kung paano niya mababayaran ang salaping ipinagpalibing sa matandang pinagkakautangan ng malaking bahagi ng kanyang pagkatao.
Humakbang pa uli ng mga ilang hakbang na papanaog si Rodora, na nakaangat ang kanang kamay na may hawak na bungkos ng salapi.
“Tanggapin mo,” ang ulit na salita ng ina ni Carding.
Hinay-hinay na itinaas ng nangungutang na binata ang kanyangkamay, ngunit maliksing naabot ni Carding at…
“Kami na ang bahalang magsalitaan, mama,” ang wika ng sugarol na binata, saka binalingan ang kanyang kaklaseng si Nanding. “Tayo na…”
Magkasabay halos na lumabas sa malaking bakuran ng mga Montez ang magkapatid na hindi nagkakakilala. Nang makalabas na’y bumilang ng limang dadalawampuin si Carding.
“Isandaang piso,” ang wikang sabay baling kay Nanding, “maglinawan tayo. Sa paanong paraan mo ako babayaran?”
“Pagkatapos ng isang buwan,” ang wala sa matinong pag-iisip na sagot ni Nanding, “ay babayaran kita.”
Isang impit na halakhak ang narinig sa mga labi ng kapatid na bunso. Matamang pinagmasdan ang hindi nakilalang kapatid na matanda, saka…
“Kung hindi mo matupad, ano ang gagawin ko sa iyo?” ang wikang walang katinag-tinag ang mga mata sa kausap.
“Sa mabuti o sa masamang paraan ay magbabayad ako,” ang napalakas na salita ni Nanding. “Isinusumpa ko sa bangkay na nakaburol ng aking agwelo.”
Hindi pa rin iniabot ni Carding ang hawak na limang dadalawampuing pisong papel.
“Hindi sapat na pangako,” ang sa di-kawasa’y namilaylay sa mga labi ng batang kapatid. “Ibibigay ko sa iyo ito, kung ipangangako mo sa akin kung di ka makatupad sa pangako ay hindi ka papasok sa ating paaralan.”
“Ano ang ibig mong sabihin?” ang pamanghang usisa ni Nanding na pinanaulian ng matinong pag-iisip. “Tila napakabigat naman ng iyong hinihingi?”
“Di nakita mo na?” ang agarang sukli ni Carding, “samakatuwid ay hindi ka makatutupad, kaya’t hindi ka makasang-ayon sa aking kahilingan?”
“Hindi pa ba sapat ang aking pangako, ang aking pangungusap…” ang madalang na salita ni Nanding, “at idaramay mo pang…”
“Huwag kong maraming salita,” ang sansala ni Carding, “hindi ko ipagkakaloob sa iyo ito, kung di mo ako sang-ayunan.”
Ikinurap-kurap ni Nanding ang kanyang mga mata. Nang mga sandaling yao’y walang naglalaro sa kanyang hinagap kundi ang kanyang agwelong nakaburol: ang bangkay ni Tandang Andres!
“Siya… siya… sang-ayon na ako sa anumang kasunduang iyong ibigin,” ang wala nang tutul-tutol na saad ni Nanding. “Akina ang salapi.”
“Buweno, liwanagin nating mabuti,” ang paliwanag pa ni Carding, “ang salaping ito kung di mo maisuli sa akin sa loob o pagkatapos ng isang buwan ay hindi ka na tutuntong sa ating paaralan.”
“Sa anong dahilan at malaki ang pagmimithi mong huwag na akong magpatuloy ng pag-aaral?” ang nagtatakang tanong ni Nanding.
“Sapagkat ikaw ang malaking sagabal sa aking katanyagan,” ang pakling maliwanag ni Carding. “Kung di sa iyo’y dapat na mapasaaking lahat ang karangalan. Mula sa “high school” ay naging hadlang na kita.”
Nagngingitngit man si Nanding ay nagsawalang-imik na. Nakuyom na lamang ang limang daliri ng kanyang kanang kamay, saka…
“Sinasang-ayunan ko ang iyong kahilingan,” ang naipakli na lamang niya sa mahigpit na kausap.
“At may isa pang kasunduan,” ang wika ni Carding, “kailangang patubuan mo ang isang daang piso. Walang sinumang nagpautang nang walang pakinabang. Ang isang daan ay ibabalik mo sa akin ng isa at kalahati.”
Nagkurap ng mga mata si Nanding. Tukol na hanggang langit ang kanyang pagkayamot sa kaklase, at kung di lamang niya nagunita ang kagandahang-loob ng ina ni Carding, disi’y humangga sa hindi mabuti ang inuugali sa kanya ng kamag-aaral.
Si Nanding ay napaloob sa sawikaing: “ang taong nagipit sa patalim man ay kumakapit”. Nanginginig sa galit ang mga kamay ni Nanding na tinanggap sa hindi nakikilalang kapatid ang sandaang piso.
At… naisakatuparan ng sawimpalad na binata ang pagpapalibing kay Tandang Andres, kabukasan ding tanggapin ang salapi sa kamay ng walang pusong si Carding.
Malungkot at pagod ang pag-iisip ni Nanding kinagabihan. Sa tulong ng aandap-andap na kandila ay naanag-anagan ng kanyang mga mata ang larawang luma ni Dr. Fernando Octubre. Para siyang masisiraan ng pag-iisip dahil sa lubos na pagkaulila. Ang totoo’y wala siyang lubos na kinagigiliwan sa kanyang buhay kundi ang yumaong si Tandang Andres, na siyang banal na kamay na nagpala sa kanya hanggang sa magkaisip. Ibinaba ng binata ang kanyang mga mata at pinalibot ang paningin sa lumang mga kasangkapang nakapalamuti sa silid. Matapos silayang isa-isa ang mga lumang kagamitan ay isang mahabang buntunghininga nga ang pinawalan sa kanyang dibdib.
“Isa akong hamak na pulubi,” ang bulong sa sarili, “ipagbili ko mang lahat ang mga kagamitang ito’y hindi sapat upang makabayad ako ng utang kay Ricardo Montez, Jr.”
Walang anu-ano’y napapako ang kanyang mga mata sa haliging inihimaton ni Tandang Andres, bago nalagutan ng hininga. Hinay-hinay na tumayo mula sa kinauupang luklukang nasa harap ng munting mesita si Nanding. Hinawakan ang kalawanging kandelero at maingat na lumapit sa malaking haligi. Sinuyod ng kanyang mga mata mula sa itaas hanggang sa ibaba: wala siyang napansing anumang sukat makatawag ng hinala. Sinalat niya ang paligid-ligid nito: wala rin siyang nasalat. Napailing na lamang ang kahabag-habag na binata.
Magdamag halos na nag-isip si Fernando Octubre, Jr. Hindi man lamang napikit kahit saglit ang kanyang mga mata sa paghagilap ng paraan kung paano niya mababayaran ang salaping ipinagpalibing sa matandang pinagkakautangan ng malaking bahagi ng kanyang pagkatao.
Nangangalumata si Nanding na pumasok ng kanilang paaralan. Isang ngiting parang nanunudyo ang isinalubong sa kanya ng inutangang si Ricardo Montez, Jr.
“Kumusta, Nanding?” ang bati sa kanya ng bunsong kapatid. “Nagpapasimula na ba tayong magtipon ngayon. Kagabi’y natalo ako ng malaking halaga. Sinabi ko na nga bang mabubuwisit ako… “
“Utang na loob, Carding,” ang hadlang ng nagdadalamhating binata, “huwag mo sana akong parusahan. Babayaran kita nang may ibayong tubo.”
“Hindi ako nagpaparusa,” ang sabi ni Carding, “nagpapagunita lamang ako.”
At ang litong si Nanding ay wala sa klase ang pag-iisp. Walang lamang ang kanyang dili-dili kundi ang namatay na si Tandang Andres at ang salaping inutang na ipinagpalibing dito. Kauna-unahan pa lamang sa tanang buhay niya sa pag-aaral na hindi makasagot sa katanungan ng kaninang propesor, na ganap namang ikinagalak ni Ricardo Montez, Jr.
At…
Naghabulan ang mga araw at gabi. Isang araw na lamang ang takda sa kanyang pagbabayad ng utang kay Carding. Wala pa rin siyang sapat na halagang pambayad. Sasandaang piso lamang ang kanyang natipon sa pinagbilhan ng mga lumang kasangkapang minana niya sa nasirang mga magulang, na siya niyang namulatang tanging kayamanan. Halos masiraan ng pag-iisip si Nanding. Buhay na naglalaro sa kanyang pandinig ang sinabi ni Carding nang sinundang hapon: “Isang araw na lamang at pag hindi ka nakabayad ay huwag ka nang pakita sa akin sa paaralan.”
Napaluha si Nanding. Nalalaman niyang may eksamen sila kabukasan at kailangan siyang pumasok sa anumang paraan. Pakikiusapan niya si Ricardo Montez, Jr. na tanggapin na muna ang halagang sandaang piso at saka na ibibigay ang tubo o pakinabang.
(Itutuloy)








