ABEL AT ENKIDU

Guhit ni FRANKLIN BATOLINAO

Ni Edgar Calabia Samar

(Ika-8 na Labas)

PURO militar at pamilya ng mga militar na nasa gabinete ng Pinuno ang naroon nang iluklok si Dad. Pagkatapos ng pamilya ng Malahákan, ang mga militar na ito sa gabinete ang kasunod na pinakamakakapangyarihan. Ibig sabihin, puwede nilang paslangin ang kahit sino maliban sa pamilya ng Malahákan. I’m not saying na nasa isip nila ang pagpaslang sa kahit na sino, pero nasa isip ng kahit sino ang pagpaslang. Katabi ni Dad sa kaliwa ang Heneral na anak ng unang Heneral ng Malahákan. Sa isip ng mga tao, parang reinkarnasyon lang ang bagong Heneral ng kaniyang amang Heneral. Anino lang naman talaga sila ng Malahákan at pagkatapos, ng Bagong Pinuno.

Sa kanan ni Dad, matatag ang pagkakaupo ng Lakambini na parang hindi pinatatanda ng panahon. Ni hindi pinatanda ng pagkamatay ng Malahákan at ng pagkawala ngayon ng anak niya. Ano ba talagang nangyari kay Simeon Maharlika––sa tatay ni Dad? Kapag tumututok ang camera sa mukha ng Lakambini, hinahanap ko roon ang kahit anong bakas ng pagluluksa. Wala akong mabasa sa mga mata niya maliban sa kapayapaan. Kapayapaan ang anino ng kahibangan, sabi ni Pablo sa isa mga nobela niya. Nasaksihan ng Lakambini ang lahat, bata pa lang sila nang magkakilala sila ng Malahákan hanggang sa nagpakasal nga sila’t bumuo ng buhay na magtitiyak sa pagbubuo ng bayan. Matanda na siya pero parang kapatid lang niya ang apo niya, si Dad. I mean, matanda na siya nung bata pa lang ako, pero iyung hitsura niya simula nung bata ako hanggang hitsura niya ngayon, parang wala talagang nagbago.

At maganda pa rin talaga siya sa kabila ng edad niya. Para sa ilang henerasyon ng mga mamamayan ng Maharlika, ang mukha ng Lakambini ang pamantayan ng kagandahan. Mababakas pa rin sa mukha niya ang alingawngaw ng kagandahan niya sa kanyang kabataan, na hindi lamang tungkol sa kanyang kaakit-akit na mukha kundi sa kanyang natatanging anyo. Ang kanyang mga mata, dalawang esmeraldang alon na parang nagtataglay ng lihim na kapangyarihan na makapasok sa kaluluwa ng sino mang titigan niya. Ang kanyang mga pisngi, may banayad na rosas na tila hinaplos ng dapithapon, nagbibigay ng buhay at kasariwaan sa kanyang buong mukha. Ang kanyang mga labi, manipis at maingat ang hugis, parang dalawang piraso ng rosas na magkasalubong, na nagdudulot ng tamis sa bawat ngiti at bawat salita. Ang kanyang balat, makinis at kumikinang tulad ng perlas sa ilalim ng araw, sumasalamin sa kaniyang kalinisan at kariktan. Obviously, ninakaw ko ang mga linyang ito sa pagsasanib-sanib ng kung ano-ano nang papuri sa kaniya.

Hanggang ngayon, nagsisimula pa rin ang maraming tula at kanta sa panawagan sa Lakambini to the point na may isang interview sa Lakambini na sinabi niya, point blank, stop it. We Maharlikans should explore new ways to write our songs and poetry, sabi pa niya. You can’t always write about me or with me in mind. Beauty is important but you can find beauty everywhere. Bahagyang napatawa ang nag-i-interview, akala yata ay hindi seryoso ang Lakambini dahil paminsan-minsan din naman itong nakikipagbiruan sa mga nakakausap niya. Pero seryoso pala ito, tinitigan nang ilang segundo ang interviewer na nasa labas ng kamera pero alam mong nasa kanan ng Lakambini, bago muling tumingin nang tuwid sa kamera ang pinakamakapangyarihang babae sa Maharlika. Our poets should show us those beauty besides invoking my name. Tapos ang interview. Gusto sigurong maglaho sa kinaroroonan niya ng interviewer na mabuti’t hindi naman pinapangalan sa mga ganitong panayam. Walang halaga kung sino man ang nagtatanong o kumapanayam sa pamilya Maharlika, kaya sila lang ang laging nakikita sa kamera.

At parang atas, sinunod nga ng mga makata ang sinabing iyon ng Lakambini. Naghanap sila ng kagandahan sa iba’t ibang dako, dama ng mga mambabasa ang sadyang pag-iwas sa pagbanggit sa Lakambini. Hindi as if maraming mambabasa. I mean, mambabasa na willingly nagbabasa. Siyempre, maraming nagbabasa dahil somewhat, e, forced silang magbasa. Lalo pa ng mga epiko tungkol sa Malahákan at sa pamilya nito. Pero may ilang tulad ko na nakita ang henerasyon ng mga makatang ito na nag-pivot patungo sa pagsusulat ng mga tulang palayo sa Lakambini at mga Maharlika. Ni wala akong alam na nagsulat ng kahit ano tungkol kay Simeon. Hanggang lumitaw na nga ang mas bata pang henerasyon ng mga makata na wala ni hindi naranasan ang ganoong ikot dahil sa simula’t simula, hindi bahagi ng pagtula nila ang pamilyang nagbuo ng Maharlika.

Tulad nga ng batang makatang nagpakilala sa akin sa mga akda ni Gregorio Pablo. Sorry, hindi ko siya pinapangalanan hanggang ngayon dahil hindi lang ako sanay na binabanggit ang pangalan niya, kahit sa utak ko. Basta sa utak ko, siya lang ang “makata.”

Ako naman, siyempre, sa patong-patong na sakit ng ulo at pamomroblema sa posibilidad ng irony, nang maupo ako’t magsulat ng kauna-unahan kong tula, ang ipinamagat ko talaga, “Lakambini.” The power of the unconscious. Close kaya si Dad sa lola niya? Close kaya si Dad kay Simeon? Nag-uusap-usap ba sila sa bahay? Pagkatapos ng Rebolusyon, wala nang tumira sa Malacañang kahit matapos iyong ipa-renovate matapos wasakin ng mga ganid noon. Ilang taon si Dad noon? Tumira pa ba siya roon bago naging Maharlika ang Maharlika? Bago kami iniwan ni Dad, na-consider man lang kaya niyang ipakilala kami ni Joaquin sa ama niya? Iniwan niya ba kami dahil mamamatay na si Puta? Bakit hindi niya kami binalikan?

Sheeesh, En, stop it. Tigilan mo na ito, walang patutunguhan ito.

Isa lang ang itinanong ko kay Mom nang sinilip niya ako sa kuwarto nang gabing iyon na i-announce na wala na si Simeon at si Dad na nga ang papalit na Bagong Pinuno: kinontak pa ba siya ni Dad kahit kailan, simula nung iniwan niya kami? Hindi na siya nakapagkaila. Once, isang beses lang, sabi ni Mom. Kasama si Joaquin, dagdag pa niya. Tumango lang ako, hindi ko itinanong kung bakit hindi ako kasama, kung nasaan ako noon. Bago pa mamatay ang Malahákan, dagdag ni Mom. Tumango ulit ako. Batang-bata pa si Joaquin noon, wala siyang memory, malamang. Kung paanong wala siyang kahit anong memory ni Dad. Hindi na namin ipinakilala ni Mom si Dad sa kaniya. Para saan?

Saka ko naisip kung nasaan si Joaquin. Nakikita rin ba niya ang nasa balita?

Nang gabing iyon, nag-outline ako ng discussion point sa 70 chapters ng Patnubay, isang pangungusap mula sa bawat kabanata, sang-ayon sa naaalala ko sa nobela bago ko iyon ulit binalikan sa mga kasunod na araw habang abala ang buong Maharlika sa pagluluklok ng bagong Pinuno at walang nagtatanong kung nasaan ang dating Pinuno, kung anong totoong nangyari kay Simeon Maharlika.

Ang Rebolusyonarya

Tulad ng mga kaedad kong nagbibinata sa Maharlika, ang iniisip ko lang dapat, e, kung sino ang una kong papatayin pagtuntong ko ng disisais. Pero may problema. Alam kong babae naman talaga ako kahit lumaki akong may katawan at dokumentong panlalaki. Ibig sabihin, hindi talaga ako puwedeng basta pumatay ng kahit sino. Sa Saligan ng Kapayapaan ng Maharlika, mga lalaki lang ang puwedeng pumaslang sa kahit sinong nasa mas mababang antas nila sa lipunan. Pero sino ba ang makaaalam? Maliban kung i-report ko ang alam ko sa loob ko, ipagpapalagay pa rin ng ibang lalaki ako.

Dahil sa pressure ng ibang bansa nitong nagdaang dekada, natanggap na kahit sa Maharlika na hindi kinakailangang ako ang katawan ko. Pero ako pa rin ang dokumento ko. Mas mahalaga ang nasa dokumento ng pagkakakilanlan ko kaysa sa kahit na anong sasabihin ko dahil sa dokumentong iyon nakasalalay ang antas ko sa lipunan na batayan ng kung sino lang ang mga puwede kong patayin at kung sino lang ang mga puwedeng pumatay sa akin.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nakaramdam ako ng maliit na paghihimagsik sa loob ko. Parang alon ng dagat na walang tigil na bumabangga sa baybayin. Parang gusto niyang umalis sa dagat. Maaari ba iyon? Pinalaki akong matindi ang pagpapahalaga sa kasaysayan ng Maharlika, pero baka nga may mga nilalaman ang Saligan ng Kapayapaan na wala na sa panahon?

Pero bigla rin akong kinabahan sa naisip ko. Paano ko naisip ito? Napakasakim ko namang dahil lang mawawalan ako ng karapatang basta pumaslang kung ipapahayag ko na babae talaga ako ay biglang wala na sa panahon ang Saligang tumiyak sa kaayusan ng Maharlika mahigit kalahating siglo na ngayon. Inabot pa ng lola ko ang panahon bago naging Maharlika ang Maharlika at narinig ko mula mismo sa kanya ang iba’t ibang kuwento ng karahasan at kahirapan ng buhay noon. Sa umaga, makikita ang mga nanay na nagkukumahog sa palengke, bitbit ang kanilang mga bata, habang hinahabol ang pagkakataong makabili ng murang gulay at isda. Sa kahabaan ng kalsada, makikita ang mga batang kalye na nagkakarera ng mga lumang gulong ng kotse, nakikipag-agawan sa mga plastik na bote, umaasang makakakuha ng kaunting barya sa pagbebenta ng mga ito sa junk shop. Sa isang barangay, isang mahabang pila ng mga tao ang makikita sa tapat ng isang poso. Mga babae at bata na may bitbit na mga balde at timba, nag-aantay ng kanilang pagkakataon na makapag-igib ng tubig. Sa gilid ng isang malaking tambakan ng basura, nakatayo ang mga barong-barong na gawa sa sirang plywood at karton. Ang mga pamilyang nakatira rito ay araw-araw na naghahanap ng makakain sa bundok ng basura, umaasang may matitirang pagkaing puwedeng kainin. Ang kanilang mga kamay, na puno ng sugat at dumi, ay walang tigil sa paghukay sa mabaho at bulok na mga bagay. Ang amoy ng pagkabulok ay kumakapit sa kanilang mga damit at balat, hindi matanggal kahit ilang beses silang maghugas, kung may panghugas, pero wala rin kahit iyon. Kung paanong wala silang ibang pagpipilian kundi ang magpatuloy sa ganitong buhay dahil walang ibang makakapitan. Ilegal ang pagpaslang noon kaya hindi sila basta puwedeng patayin ng kahit sino.

Pero siyempre, may mga basta na lang nakikitang patay. May natatagpuan ng mga residente ang katawan sa gilid ng estero. Nakatali ang mga kamay sa likod gamit ang lubid, bugbog ang mukha, puno ng pasa at sugat ang katawan. Nakadilat ang mga mata, walang ningning, nakatingin sa kawalan. Ang tubig sa estero ay kulay kalawang, halatang nadungisan ng dugo ng biktima. Sa isang malawak na taniman naman ng palay, natagpuan ng mga magsasaka ang isang katawan na halos hindi na makilala. Ang katawan ay naagnas na, mga buto na lamang ang natira. Ang mga damit ay punit-punit, at ang mga kamay at paa ay may bakas ng pagkakagapos. May lubid pa rin ang leeg ng biktima, parang sinakal bago iniwan sa lugar na ito. Ang mga palay sa paligid ay tila nagbigay-pugay, yumuyuko sa bigat ng kawalang-katarungan na nadama sa hangin. Sa isang madilim na kalsada naman sa lungsod, natagpuan ang katawan ng isang lalaking nakabihis babae na tila iniwan lamang na parang basura. Ang kanyang mukha ay basag-basag, punit-punit ang suot na blusa’t palda. Nakaposas ang mga kamay sa halos bali nang mga braso. Nakamata sa kaniya ang mapusyaw na ilaw sa kalsada habang ang mga tao sa paligid ay nagtipon-tipon, tahimik na nagmamasid sa bangkay pagdating ng tinawag na pulis, at nag-iisip kung kailan matatapos ang ganitong karahasan.

Mabuti’t natapos ang panahong iyon. Salamat sa tagumpay ng Rebolusyong 1986. Salamat sa Pamilya Maharlika. Salamat sa Saligan ng Kapayapaan. Salamat sa pagkakataong pumaslang.

Wala pa naman talaga akong naiisip na patayin, pero siyempre, gusto ko ring maranasan nang pumatay. Hindi naman mahalaga kung sino ang una. Ang mahalaga, maranasan ko na agad habang maaga. Mas maaga, mas maganda. Para masanay sa pakiramdam. Kung gaano kabilis o kabagal ang paghinga, kung ano ang pakiramdam ng magkahalong tagumpay at pag-asa sa harap ng bangkay ng pinaslang, ang pananabik at takot sa kasunod, o sa posibilidad na ikaw naman ang maging biktima.

Kung bago ka rito sa Maharlika, maninibago ka siguro sa sistema namin. I mean, wala pa ring ibang bansa hanggang ngayon na nag-a-adapt nito kahit kinikilala nila na ito ang pinakaepektibong sistema para maging produktibo at magpakabuti ang mga mamamayan. Simula sa edad na disisais, may karapatang pumatay ang bawat lalaki sa Maharlika ng isang tao taon-taon.

Basta’t mas mababa ang antas niya sa iyo sa lipunan.

Ibig sabihin ng mas mababa ang antas, mas mababa ang ambag niya sa binubuong Museo ng Kadakilaan. Iyung ambag, kombinasyon ng personal na kontribusyon mula sa sariling pera, na maaaring mula sa kita o mana, at mga kolektibong ambag mula sa iba’t ibang kinabibilangang pangkat sang-ayon sa relihiyon, sa kasarian, sa etnisidad, at sa kung ano-ano pang itinatag na pangkat na sinasalihan ng mga tao para mapalaki ang kolektibong ambag nila sa Museo.

Real-time ang update ng antas mo sa Museo kaya puwede mong makita anumang oras online kung sino-sino ang mga nasa ibaba mo na maaari mong patayin. At kung sino-sino ang mga nasa itaas mo na puwede namang pumatay sa iyo. Of course, may isang pangyayari na nalaman ng isang tao na siya ang binabalak patayin ng nakaalitan niya sa kung saan bago pa man maisagawa ang pagpaslang sa kanya. Kaya biglang nag-ambag ng malaki sa Museo ang papatayin dapat kaya nataasan niya sa ranking ang nagbabalak pumatay sa kanya. Pero dahil may napatay na siyang iba nang taóng iyon kaya hindi naman niya basta mapapatay para maunahan ang nagpaplanong patayin siya. Nang matuklasan ng nagbabalak pumatay na nataasan na siya ng antas ng binabalak niyang patayin, nangutang ito sa Bangko ng Maharlika para maiambag lang sa Museo. Halos isang taon silang nagpataasan ng antas, literal na ubusan ng yaman, kabi-kabila ang pangungutang sa mga kamag-anak at kakilala para maibigay sa Museo. Sinubaybayan ito ng mga tao, tulad ng pagsubaybay ng mga tao sa mga palabas sa telebisyon bago ang Rebolusyong 1986. Sa bandang huli, nagwagi pa rin ang nauna talagang nagbalak pumatay. Nalimutan na ng mga tao ang totoong dahilan kung bakit nga ba niya binalak patayin ang pinatay niya, pero hindi nawala sa isip ng mga tao na mas mabuti yatang huwag kang gumawa ng kaaway kaysa makipag-ubusan ng yaman. Isa pa, nalubog sa utang at sumadsad sa ibaba ang antas sa lipunan ng taong ito na nauwi rin sa sarili niyang pagpapatiwakal. Kung hindi lamang napigilan ng asawa ay muntik nang pinatay din nito ang mga batang anak.

Siyempre, bawal patayin ang wala pang disisais anyos. Kung simula disisais anyos lang puwedeng magsimulang pumaslang, disisais anyos lang din puwedeng magsimulang paslangin. Pagkasilang hanggang bago magdisisais, panahon iyon para maging masigasig na magkaroon ng mas mataas na antas ng buhay sa pamamagitan ng pagpapakahusay sa anumang gawain na siguradong pagkakakitaan. Sa ganitong mindset pinalalaki ang mga bata. Kailangan mong magkaroon ng maayos na pagkakakitaan kahit bata pa lang para matiyak na maging mataas ang antas mo sa lipunan. Lahat ng mga paaralan at programa ng mga unibersidad at akademya ay nakatuon sa pinakaepektibong paraan ng pagkakaroon ng malaki’t palagiang kita sa lalong madaling panahon. Kadalasan, sa paglikha ng content. Kahit anong content, basta’t magva-viral. Sa mas maikling panahon, mas maganda. Nagugulat ako kapag nalalaman na noong panahon bago ang Rebolusyong 1986––at kahit sa ibang bansa hanggang sa ngayon—may mga pag-aaral na tumatagal nang kung ilang taon, at pagkatapos ay wala pa ring nangyayari sa buhay nila.

(Itutuloy)

Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.