Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Abril 17, 1950)
(IKA-15 LABAS)
ISA-ISANG tinapunan ng masid ni Nanding ang nalalabing mga kasangkapan ng lumang tahanang kanyang kinamulatan. Napabuntunghininga ang binata nang kanyang mamalas ang mga walang kabuluhang kagamitang siyang nalabi sa kanyang mga ipinagbiling kasangkapan. Walang anu-ano’y napukaw ang kanyang nalilitong damdamin ng “tik-tak” ng malaking orasang nasa malaking bulwagan. Biglang pumihit ang nalilitong baguntao. Mabilis na lumabas, hanggang sa makarating sa harap ng orasang mataas pa sa kanya.
“Nasa iyo na lamang ang aking huling pag-asa,” ang paanas na nawika ni Nanding, na wari’y taong kinakakausap ang kanyang orasan. “Magkahalaga ka kaya ng limampung pisong panakip sa tubong hinihingi ng mapagsamantalang si Ricardo Montez, Jr? Hindi ko mapapayagang maremate niya ang itim na batong laruan ko sa kamusmusan.”
At nilapitan ni Nanding ang lumang orasan. Sinubok niyang buhatin ito. Ngunit nang maangat niya ng mga isang dangkal sa lapag ay nalansag ang bahagi ng katawan dahil sa kalumaan at pagkakakain ng bukbok. Nahintakutan si Nanding. Ginapangan ng kilabot ang buo niyang katawan. Ipinalagay niyang tumututol ang orasann sa kanyang tangkang pagbibili.
Panaginip waring nagbalik sa kanyang hinagap ang madalas sabihin ni Tandang Andres, nang bagu-bago pa lamang siyang nagkakaisip at nililikot niya ang orasang nasabi: “Huwag mong likutin iyan. Pinakamahal sa lahat ng kasangkapang laman ng tahanang ito ang orasang iyan. Kasintanda iyan ng iyong mga ninuno.”
Lalo nang kinilabutan si Nanding. Nagunita niyang lahat ang mga kasangkapang kanyang ipinagbili. Maaaring mahahalaga rin ang mga iyon sa nasirang si Dr. Fernando Octubre.
Napapako ang kanyang mga mata sa dalawang kamay ng orasang nagbabalang malapit nang mag-ika-5:00. Sumasal ang kaba ng kanyang dibdib sa takot na hindi makatupad sa pangakong pagbabayad ng tubo. Ipikit at idilat man ang kanyang mga mata ay buhay na naglalaro sa kanyang balintataw ang kisap ng batong itim na inilagak niya kay Ricardo. Halos mabaliw ang kanyang isipan sa pag-aalaala sa batong aywan ba’t tuksong bumabalisa sa kanyang damdamin.
Muling pinagala-gala ni Nanding ang kanyang mga mata sa lahat ng panig ng tahanan upang makahagilap ng kagamitan o kasangkapang kanya pang maipagbibili: Wala… wala na siyang makitang may halagang kagamitan sa bulwagan. Patakbo siyang nagbalik sa silid, hanggang sa mapaharap siya sa lumang altar na halos nangingitim na sa nagbiting mga agiw. Nanlaki ang mga mata ni Fernando Octubre, Jr. nang matambad sa kanyang pangmalas ang garing na birheng nakapalamuti sa madilim na altar. Biglang-biglang sumagi sa kanyang isipan ang ina ni Ricardo Montez, Jr. na walang salang isang babaing banal at madasalin. Malikmata waring ang tingin niya sa mukha ng birhen ay mukha ng ina ng kanyang kaklase.
“Diyos ko… Mahal na Birheng ina ng awa,” ang nausal-usal ni Nanding. “Iligtas mo po ako sa kagipitang aking kinasusuungan. Huwag mo po sanang tulutang masira ako sa aking pangako. Sinabi ni Tandang Andres, na ang isang tao raw na hindi marunong tumupad sa pangungusap ay hamak na yagit at walang kabuluhang tao.”
Dahan-dahang inalis ni Nanding ang pagkakabalot ng kanyang amerikana sa garing na birhen, hanggang sa matambad sa paningin ni Rodora ang Ina ng Awa.
Matagal… matagal na pinagpakuan ng titig ng baguntao ang maamong mukha ng birhen, hanggang sa mahilam ang kanyang mga mata sa luha… luhang tumagistis dahil sa dahil sa nakatatakot na balak na pumasok sa kanyang isipan. Naisip niyang kunin sa altar ang garing na birhen at ipagbili ito o ilagak kaya sa babaing ina ng kanyang kaklase. Lumapit nang malapit na malapit si Nanding sa altar at dahan-dahang iniunat ang nanginginig niyang kamay upang abutin ang mahal na birhen. Makailang sandaling nagbantutot ang nanginginig na daliri ni Nanding.
“Patawarin mo po ako, mahal na birhen sa aking gagawin,” ang paanas na nasabi ng baguntao. “Nalalaman na ninyo ang aking kagipitan. Ilalagak ko naman kayo, sa kamay ng isang babaing inakala kong banal at dakila. Sa tahanang ito’y wala nang mangangalaga sa inyo, sapagkat matapos akong makabayad sa aking pagkakautang at makatupad sa pangako ay maglalagalag ako, upang lunurin ang lahat kong dalamhati.”
At sinapupo ng limang daliri ng kanang kamay ni Fernando Octubre, Jr. ang katawan ng garing na birhen. Binalot pagkatapos sa kanyang amerikanang hinubad, saka nagmamadaling nanaog ng kanilang tahanan. Matulin ang lakad ni Nanding nang dumating siya sa lansangan, lakad na may kahalong yagyag na takbo sa hangaring masapit kaagad ang tahanan ng kanyang kaklase, na walang salang nasa liwaliwan pa noon, ayon sa kanyang haka-haka.
Ikapito at kalahati na sa gabi nang tuunan niya ang timbre sa bakuran ng mga Montez. Isang utusan ang sumalubong kay Nanding, na napagsabihan ng kanyang pakay.
Nang ibalita ng utusan sa babaing siyang sadya ng binata ay madali itong lumabas sa balkon, palibhasa’y labis na kinagigiliwan nito si Nanding sapul pa nang unang magsadya sa kanila ang baguntao.
“Ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?” ang masaya at malumanay na bati ng ina sa hindi niya nakikilalang anak.
Nagyuko ang binata sa harap ng babaing pinagkakautangan ng kanyang buhay, ngunit hindi niya nakikilala. Hindi niya matitigan ang mga mata ni Rodora, pagkat wari’y mata ng garing na birhen ang kanyang namamalas. Hindi makapagsalita gaputok man si Nanding. Ibig niyang mangusap at magtapat ng kanyang pakay, subali’t parang nakatahi ang kanyang mga labi.
“Bakit hindi ka magsalita?” ang malumanay pa ring usisa ni Rodora kay Nanding at bahagya pang inalog ito sa balikat. “Huwag kang mahiya… mangusap ka… magsalita…”
Dahan-dahang inalis ni Nanding ang pagkakabalot ng kanyang amerikana sa garing na birhen, hanggang sa matambad sa paningin ni Rodora ang Ina ng Awa.
“Suss!” ang paimpit na nawika ng ina, “ano ang ibig sabihin ng birheng iyan?”
“Ipagbibili ko o ilalagak, sa halagang limampung piso lamang,” ang halos hindi marinig na salita ni Nanding.
“E, bakit ka nagbibili ng santa?” ang ligalig na pahayag ni Rodora. “Hindi mo ba nalalamang masama ang ginagawa mo?”
“Wala pong kasamaan,” ang malumanay na pakli ng baguntao, “ang birheng ito’y hindi ko na mapangangalagaan. Kailangang ilagak ko sa karapat-dapat na mga kamay ng isang banal na katulad ninyo. Ito ang birhen sa aming tahanan, ang tahanang lilisanin ko na habang buhay upang maglagalag at nang malimot ko ang malaking mga kalungkutan.”
“Ang ibig mong sabihi’y kailangan mo ng baon?” ang malungkot na pakli ni Rodora.
“Hindi po,” ang agarang sagot ng binata, “ang pagbilhan ko sa birhe’y ibabayad ko sa tubo ng aking pagkakautang na naibigay ko na ang puhunan.”
“At kanino ka nagkakautang?” ang habag na habag na tugon ng ina.
“Sa inyong anak,” ang walang gatol na pakli ni Nanding, “nabayaran ko na ang puhunang isangdaang piso. Kulang pa ako ng tubong limampu.”
“Ang ibig mong sabihi’y…” ang naputol na pangungusap ng ina.
“Opo,” ang dugtong ni Nanding, “limampu pa ang kulang ko sa kanya.”
“Puwes, huwag ka nang magbayad ng tubo,” ang wika ni Rodora, “ako na ang bahala sa kanya.”
“Dinaramdam ko, Ginang Montez,” ang maliwanag na sagot ni Nanding, “ang salitaan ay salitaan. Pangit sa isang tao, lalo na sa isang lalaking katulad ko.”
“Ako ang kanyang inang makapagpapasiya,” ang tahasang pahayag ni Rodora, “saka salapi ko ang ipinautang sa iyo at hindi sa kanya.”
“Sa mga kamay niya tinanggap ko ang salapi at hindi sa inyo,” ang lalong matatag na tugon ng binata. “Huwag kayong magagalit… kailangang sa kanyang mga kamay ko rin iabot ang salapi.”
“Ngunit hindi kami nagpapatubong mga Montez.”
“Uulitin ko, may salitaan kami.”
“Kahit na… kahiya-hiya ang kanyang ginagawa,” ang wika sa basag na tinig ng mahal na ina.
“Kung gayo’y mapipilitan akong ipagbili sa iba ang birheng ito,” ang mangiyak-ngiyak na salita ni Fernando Octubre, Jr. “Kaming mga Octubre ay hindi sumisira sa salitaan.”
At pipihit na sana si Rodora, ngunit parang may mahiwagang kamay na nagtutulak sa kanya upang habulin ang binata. Aywan ba’t ang yabag ng mga paa ng baguntao ay parang sa kanyang dibdib tumatama at yumayanig sa kanyang puso.
“Sandali lamang,” ang habol ni Rodora sa binatang nasa kakalahatian na ng hagdanan. “Huwag mo nang dalhin sa iba ang birhen. Babayaran ko.”
Napabalik si Nanding. Hinay-hinay na binilang ng kanyang mga paa ang mga baytang ng hagdanang pabalik sa itaas, hanggang sa mapalapit siya nang malapit na malapit sa hindi niya nakikilalang ina.
“Magkano ang kailangan mo?” ang tanong sa basag na tinig ni Rodora.
“Limampung piso po lamang,” ang pakli ni Nanding.
“Bibigyan kita ng isang daan…”
Nang mga sandaling yao’y bumubungad na sa pintong bakal sa bakuran ang lasing na si Ricardo Montez, Jr. Dahil sa tunog ng pintong nabuksan ay natawag ang pansin ni Rodorang magtapon ng mga mata sa pintuan sa ibaba.
“Heto si Carding…”
Biglang napapihit si Nanding at walang kurap na minasdan ang binatang kanyang pinagkakautangan, na gayong iniluwal ng isang inang banal at mahabagin ay kung bakit walang puso at mapagsamantala.
(Itutuloy)








