Ni PEDRO L. SALVADOR
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 25, 1951)
ANG KALALIMAN ng gabing payapa na nakukumutan ng pinilakang sinag ng buwan ay biglang pinukaw ng taginting ng gitara na sumasaliw sa tila nagmamakaawang tinig ng isang nilikha, na noon ay nakatapat sa durungawang nakapinid nina ka Mameng.
Kung ilang ulit na iginalaw ni Rosa ang mabango niyang ulo. Saglit niyang nakiramdam. Nakimatyag. Ibig niyang mataho kung siya ay gising na o kinakalaro lamang ng isang mapagbirong panaginip.
Datapuwat hindi. Hindi siya nangangarap! Ang bahagyang liwanag ng buwang naglalagos sa siwang ng mga durungawang nahantad sa kanyang pangmasid, ay malinaw na palatandaang gising siya at hindi natutulog.
Bahagi nga ng katotohanan ang gumambala sa kanyang pagpapahingalay sa mga bisig ni Morpeo. Tunay ang malambing at tila napaaawang tinig na dinadala sa kanyang pandinig ng panggabing hanging naglalagos sa nakaawang na durungawan.
“Si Carding!” ang naibulong sa sarili ni Rosa, nang ganap na niyang makilala ang tinig na yaong hindi miminsang nagdulot ng aliw at walang kahulilip na kaluwalhatian sa kanyang buhay.
Tinangka ni Rosa ang bumangon. Ang masasal na tahip ng kanyang dibdib ay nagbibinhi sa puso niya ng malabis na pagkaawa sa naghaharana. Humihimok sa kanya ng makataong hangad na dunghalin man lang ito sa mapanglaw na pangungundimang yaon… ngunit, nanghina na lamang at sukat ang kanyang katawan. Walang lakas na mag-angat sa kanyang likod. Inaalihan siya ng pagkasindak, sa kung anong malignong nagsasayaw sa balintataw ng kanyang mga paningin. Inaalinsangan siya, gayong kay-lamig ng simoy ng hangin.
May pag-aalaalang hinagod na lamang ng tingin ni Rosa ang nagakahimlay sa paligid: ang kanyang ina at si Ka Mameng.
Hindi na niya makuhang tuminag. Mata na lamang ang kanyang napagagalaw.
Ang pagkabalisa ni Rosa ay lalong tumindi. Namalayan din pala ni Mang Lucio ang naghaharanang yaon. Muli niyang tinanaw si Ka Mameng. Mabuti na lamang at matunog ito sa gayong pakiramdaman. Pupungas-pungas itong nagbangon at pagkuwa’y buong-ingat na nanaog. At…
Nalagot sa kalahatian ang awiting “Manong Dungawin Mo,” na kinakanta ng tinig na yaong dati ay kinawiwilihang pakinggan ni Rosa.
Saka pa lamang siya nakahinga. Gabundok na pagkabalisa ang napawi sa namimigat niyang dibdib. Ang lahat ng ito ay bunga ng isang hiwagang natatago at tanging siya lamang ang nakalilirip.
Ang katahimikan ay pamuling lumukob sa tahanang iyon. Si Rosa ay hindi nakapagbuka ng mga labi. Si Ka Mameng man ay walang kaimik-imik nang pumanhik. Kung ano ang pag-iingat niyang huwag makalikha ng anumang ingay nang siya ay manaog, ay siya rin niyang ginawa nang siya’y pumanhik at tuluy-tuly na nahiga.
Ngunit, hindi na sinagian ng bahagya mang antok si Rosa. Habang pinagsisikapang ipikit ang mga mata’y bagkus lalo namang nagdudumilat sa kanyang gunita ang nanunurot at mapanuksong alalahaning itakwil man ay hindi niya magawa.
NOON AY KAGAGALING pa lamang ni Rosa sa isang malubhang karamdaman. Mahinang-mahina siya at hulog na hulog pa rin ang dati’y magandang pangangatawan, kaya sa pagtalima ng kanyang ina at ni Mang Lucio sa hatol dalubhasang manggagamot na tumingin sa kanya, ay pinapagbakasyon siya sa isang nayong sariwa at malinis ang simoy ng hangin.
Sa tahanan ngang iyon ng mabait na si Ka Mameng siya itinuloy ng kanyang ina, palibhasa’y isa ito sa matalik na kaibigan ng mga magulang niya.
Noong una’y hindi nawiwili si Rosa sa nayong iyon. May mga araw na ibig na ibig niyang bumalik sa nilakhang lunsod. Damdam ba niya’y kabagut-bagot ang magpalumagak sa nayong iyong napakatahimik at wala na yatang katulad sa kalungkutan.
Subalit, nang magkakilala sila ni Carding, ang kaisa-isang anak ni Mang Kikong manggagawa ng araro, ay unti-unting nagbago ng loob si Rosa. Lalo na nang marinig niya ang tinig ng binatang kapitbahay ni Ka Mameng; ang pagkakilala ni Rosa sa nayon ay nag-iba… naging kaliga-ligaya kung kanyang wariin ang mga tanawin. Salamat sa malambing na tinig ni Carding at nagkaroon siya nang pagkagiliw sa nayong nasabi.
Sa kanyang pamamasyal sa batis at pambubulabog ng mga maya sa baybayin ng ‘pasong kulkol,’ sa Carding ay kusang sumusunod sa kanya. Kung sila ni Carding ay magkaratig na nakalikmo sa isang nakaalimbutod na palanas sa Apalit; madalas na siya ay pinagpaparinggan nito ng katutubong awiting-bukid na sinasaliwan ng lumang gitara ng binata, bagay na labis namang ikinasisiya ng kanyang kalooban.
GUMALING AT LUMAKAS si Rosa. Nanumbalik ang dati niyang kalusugan, ngunit, nagkasakit naman ang kanyang puso: umiibig siya kay Carding.
Dumating ang pagkakataong hindi niya napigilang di paunlakan ang binata sa iniluluhog na pag-ibig. Ang tandisang pagtutol ng kanyang budhi ay ganap na ginapi nang nag-aapoy niyang paglingan kay Carding. Uhaw na uhaw siya sa mapusok na pagmamahal nito.
Gaputok man ay hindi humuma si Rosa. Gulilat na tumindig. Iniwaksi ang dalawang kamay na nakapigil sa kanyang balikat, at lumayo ng ilang hakbang sa natitilihang binata. Patuloy ang pagdaloy ng mapapait na butil ng luha sa kanyang mga pisngi.
“O, Rosa ko! Tunay bang iniibig mo ako?” ang halos malunod sa matinding kagalakang badya ni Carding.
“Carding, hanapin mo sa aking mga mata ang kasagutan ko,” magiliw na tugon ni Rosa.
Mula noon, ay nagsimula na silang mag-ibigan. Hindi na rin nakatutol si Rosa sa pakikipagtagpo kay Carding sa mabulaklak na halamanan nina ka Mameng. Ang Apalit ay hindi miminsan… marami nang ulit na sumaksi sa kanilang pag-uulayaw na itinatago nila kay ka Mameng.
Datapuwa, sumapit sa dalawa ang pinakamalungkot na sandali. Tumanggap si Rosa ng isang liham buhat kay Mang Lucio, na nagbabalitang ang kanyang ina at ito ay darating sa kinabukasan upang siya ay kaunin.
Gayon na lamang ang kalungkutang naghari kay Carding, nang si Rosa ay magpaalam.
“Paano ang ating pag-iisang-dibdib, Rosa?” buong lumbay na untag ng binata.
Hindi umimik ang babae. Nagtagpo ang kanilang mga mata ni Carding. Ilang saglit din silang namarati sa gayong ayos, pamaya-maya’y nangusap si Rosa na pinangingiliran ng luha.
“Carding, tunay na iniibig kita. Minamahal kita… subalit, dinaramdam kong sabihing hindi tayo maaaring humarap sa dambana. Hindii kailanman, sapagkat, ngayon ko lubusang nakilala ang kulay ng ating kalagayan.
“Dahil ba sa ako’y isang taga-nayon lamang? Isang… O! Rosa ko…! Inaakala mo bang nagkamali ka nang pakikitungo sa akin?”
“Hindi, Carding! Utang na loob! Huwag kang patangay sa masamang hinala… nasasaktan mo ang aking damdamin!”
“Rosa… Rosa, hindi kita mawatasan! Turan mo sa akin ang dahilan, kung bakit hindi natin matutupad ang ating pangarap.”
“Hindi nga pagkata… O, Carding… hindi ko masasabi.”
“Ang alin?…” matuling sambot ni Carding, at nahawakan sa magkabilang balikat ang lumuluhang si Rosa. “Rosa, mahal ko… Sabihin mo sa akin ang sanhi ng iyong pagluha. Sabihin mo sa akin kung ano ang sagabal na nagbabantang magwasak sa ating pagmamahalan. Hale na, irog ko… huwag kang lumuha. Huwag mong paghirapin ang aking loob. Alagatain mo sanang bawat luhang tumakas sa iyong mga mata ay nagsisilbing balaraw na tumitimo sa aking puso: bawat hikbing mamulanggos sa iyong mga labing kakambal ang buntunghininga ay gumagahi sa aking pagkatao ng pahihinalang kulang ka ng tiwala sa akin…!”
Gaputok man ay hindi humuma si Rosa. Gulilat na tumindig. Iniwaksi ang dalawang kamay na nakapigil sa kanyang balikat, at lumayo ng ilang hakbang sa natitilihang binata. Patuloy ang pagdaloy ng mapapait na butil ng luha sa kanyang mga pisngi.
“Carding, para mo nang awa! Layuan mo ako! Hayaan mo na akong mag-isa buhat ngayon. Limutin mo ang lahat! Ipalagay mong ang pagdatal ko sa buhay mo ay bahagi ng isang marikit na panaginip… limutin mo akong hindi natutong magtimpi sa anyaya ng pag-ibig. At… pagkatapos ay sumpain mo ako! Ako na dumaya sa iyong pagmamahal at malinis na pagtitiwala, at nawalan ng sapat na lakas ng loob upang ipagtapat ang tunay kong…” hindi na nakuhang tapusin ni Rosa ang kanyang pangungusap.
Matapos hilamusan ng tingin ang kasuyo, ay patakbo halos na tumalikod.
“Rosa…! Rosa, sandali lang!” habol pa ni Carding.
Ngunit, hindi na siya maririnig ng tinawag. Mabilis na itong nakapanhik ng bahay. Sa silid na tulugan ay pabiglang nahiga si Rosa sa kanyang kama. Isinusubsob ang magandang ulo sa bunton ng mga unan at buong-layang ibinulas ang salaghating nakukuyom sa dibdib. Iginalang naman ni Ka Mameng ang gayong pamimighati nito.
NANG GABI NGANG YAON, samantalang ang nahihimbing na daigdig ay naliligo sa pinilakang sinag ng Buwan; ang malambing na tinig ni Carding ay pumailanlang na kasaliw ang gitarang hawak.
Gaano nga ang paghahangad ni Rosa na ito ay dungawin subalit, hindi na niya magagawa ang gayon… sukat ang matira na lamang siya sa pakikiramdam. Hindi na siya makatinag, sapagkat, ang kanang bisig ni Mang Lucio… ANG MATANDA NIYANG ASAWA, ay mahigpit na nakapalupot sa kanyang malambot na baywang.
Mabuti na lamang at matunog si Ka Mameng. Pagkarinig sa sumasamong tinig ng naghaharana ay maingat nang nagbangon. Nanaog at sinansala ang nananawagan… at siya na rin marahil ang nagsabi kay Carding ng ‘mapait na katotohanan sa buhay ni Rosa.’








