Ni EDGARDO M. REYES
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Nobyembre 23, 1964)
KUNG tatanawin mula sa itaas, ito’y isang higanteng “Y”: ang Ilog Agno at ang Ilog Pampanga, na nagtatagpo sa bagtasan ng Tulay Kalumpit. Dalawang agos na mula kung saan ay nagkita at magkasamang tumapon sa dagat.
Sa lahat ng dako’y nangakaismid pa ang alaala ng digmaan. Sa tagpuan ng dalawang ilog ay wasak ang magkaagapay na tulay ng tren at tulay ng trak. Pansamantala’y may tulay na tawiran ang mga sasakyan, datig-datig na kahoy na nakasunong sa ulo ng mga pilote, na sa sinsin ng pagkakaduro sa dibdib ng ilog ay nagpapagunita sa mga paa ng alupihan. Ang pansamantalang tulay na ito, sa kakitiran, ay hindi maaaring pagsalubungan, kaya’t sa araw, na dagsa ang mga sasakyan, sa magkabilang dulo ng tulay ay may tig-isang tanod na nag-uugnayan sa pamamagitan ng teleponong de-baterya, at siyang nagbibigay ng kaukulang hudyat sa mga tsuper ng sasakyan.
Sa tulay ring ito ibinagtas ang riles ng tren. Aatungal ang tren: Wooo! Woooo! Woooo! Tsi-tsi-tsa-tsa! Tsi-tsi-katsa-tsa! Tsi-tsi-katsatsa! Wooooo! Tigilan ang mga sasakyang panlansangan upang bigyang-daan ang kasunod nila sa tulay.
Isang gabi’y kaylakas ng ulan. Ang hangin ay kumikilos pagbagtas sa mga kawad. Ang lupa’y nayayanig sa kulog, ang kalawaka’y binibiyak ng sanga-sangang kidlat.
Ang masungit na gabi’y sinundan ng maulap na umaga. At sa biglang-kalat ng malagim na balita, ang mga tao’y sumugod sa ilog.
“Ano ‘ka mo?”
“Me nahulog daw na sasakyan.”
“Kelan?”
“Kagabi.”
“Ba’t di natin narinig e kelapit natin sa tulay?”
“Malakas ang ulan. Baka gabing-gabi na siguro nang mahulog.”
“Ang sakay?”
“Ewan.”
Pigtas ang isang bahagi ng barandilya ng pansamantalang tulay. Sa ibaba, sa tapat ng pigtas na barandilya, ang mukha ng tubig ay malinab, nagmamapa, sa langis at sa gasolina. Sa ilalim ng kinahulugan ay hindi mababanaagan ng sasakyan.
Hubaran at daiban ang mga kalalakihang matatagal sa sisiran.
“Dyip! Dyip!”
“Ang sakay?”
“’Sang babae, ‘sang lalaki.”
“O, e, ba’t di pa n’yo iahon?”
“Naipit ng dyip ‘yong paa no’ng babae. ‘Yong lalaki, nakayakap sa babae. Tumigas na ‘yong lalaki. Di mabaklas sa pagkakayakap sa babae.”
Namutiktik sa mga tao ang pansamantalang tulay. Pumila ang mga sasakyan pagka’t walang matawiran. Kumilos ang mga trabahador sa ginagawang tulay ng tren. Ginatungan ang dapugan ng martinete. Inilagay sa mamboboso ang bakal at salaming kasuotan.
Sumisid ang mamboboso, hatak ang kable ng handa nang martinete.
Sumingasing ang martinete, umikot ang gulong na ikiran ng kableng ang dulo ay nakasilo sa dyip sa pusod ng ilog. Nahila ang dyip, lumutang, tumawing-tawing sa hangin, sinalo ng balsang yari sa dai-daitang dram. Bagung-bago ang dyip, kulay oliba, mapulang-madilaw ang tiyan, sa ibaba ng salamin ay nakatala, sa malalaking titik: USAF.
Ang dalawang saka’y hanggang sa maisampa sa balsa, ay magkayakap. Ang babae’y Pilipina. Kayumanggi at maliit at maganda. Ang lalaki’y Amerikano, matangkad at malaginto ang buhok, ang uniporme ay nagsasabing ito’y tenyente sa Hukbong Panghimpapawid ng Estados Unidos.
“Me natagpuan daw na sapatos na kombat sa pampang.”
“Ow?”
“’Yon siguro ang sapatos no’ng Amar’kano. ‘Alang sapatos nang iahon, di mo ba nakita? Nakamedyas lang.”
“Ba’t nagkagano’n?”
“Nakalangoy ‘yong Kano, nakasalta sa pampang, nag-alis ng sapatos saka binalikan, para sagipin, ‘yong babae.”
“E, ba’t nalunod din ‘yong Amarkano?”
“Naipit ‘yong babae; hindi niya nakuha. Hindi rin siya siguro maiwan kaya kaysa makaligtas siya at malunod ‘yong babae, nagpakalunod na silang pareho.”
Noo’y Hunyo, 1947.
Hinihintay ng lalaki, sa istasyon sa Kalookan, ang tren na patungong timog. Dumating ang tren at sa pagsakay ng lalaki ay nasunod siya sa isang matanda, payat, hukot na babae. Inalalayan niya sa pagsampa ang babae at ito’y nagpasalamat. At aywan kung iyo’y isang pagkakataon, sila’y magkatabi sa isang upuan. Sa loob ng supot na plastik sa kandungan ng babae, nakikita ng lalaki ang pumpon ng sariwang sampagita, may dahon at may sanga.
Lumapit sa kanila ang konduktor ng tren at pinatakatak ang pambutas ng tiket. Ipinakita ng lalaki ang pases niya sa tren. Ang tiket ng babae, nang iabot nito iyon sa konduktor, ay dumaan sa harap ng lalaki, at nakita ng lalaki kung para saan ang tiket na iyon.
“Sa Kalumpit din kayo, Lola?”
“Oo. Ikaw baga’y do’n din?”
“Oho.”
“Tagaro’n ka?”
“Hindi ho. Dadalaw lang ho ako sa kaibigan ko ro’n. Pero natira na rin ho kami ro’n no’ng araw…do’n sa may tulay.”
“S’yanga ba? Kelan ‘yon?”
“No’n hong kasalukuyang ginagawa ang tulay ng tren. Sa Perokaril ho kasi si Itay, kapatas ng tulay; siya ho’ng namamahala sa pagpapagawa ng tulay ng tren sa Kalumpit.
“Mga ga’ano’ng edad mo no’n?”
“Greyd tu ho ako noon.”
“Alam mo ba no’ng may nahulog na dyip do’n, sa ilog? Ang sakay e ‘sang babae, saka isang Amer’kano.”
“Oho, alam ko. Sina Itay pa nga ho ang nag-ahon sa kanila, pati isa dyip.”
“Anak ko ‘yong babae.”
“S’yanga ho?”
At inilahad ng matandang babae:”
LIBERASYON. Guhong mga gusali. Tupok na mga bahay. Gutom ang mga tao, nagpapayatan. Maraming may sakit. Naglipana ang mga walang hanapbuhay.
Sa umaga, bitbit na ni Chedeng ang kanyang basket, puno ng piling-piling na saging at naglalakihang kamatis. Sunok na sa de-lata ang mga Amerikano. Matakaw sa saging at sa sariwang kamatis ang mga Amerikano. Maraming Amerikano sa Clark Field. Nagbalik ang kalakalang palitan. Para sa limang kamatis, isang latang sardinas. Para sa isang piling na saging, isang latang chili con carne.
Bago mananghali ay nasa bahay na si Chedeng. Sa loob ng basket: Baby Ruth, Salmon, Corned Beef, Camel, Chorizo. Pork and Beans. Peaches.
“Naku, e, karami nire, a,” sasabihin ni Aling Ninay, ang ina ni Chedeng. “Ba’t ‘yong iba’y di nakapag-uwi ng ganire karami?”
Isang hapon, sa tapat ng bahay nina Chedeng ay tumigil ang isang dyip na minamaneho ng isang Amerikano.
“Naku, Inay, “ sabi ni Chedeng, “may bisita tayo.”
“Ha? Sino?”
“Si Frank.”
“Sinong Parank?”
“Si Frank Davis. Piloto siya, ‘Nay, tenyente. Pag nagpupunta ‘ko sa Clark Field, tinutulungan niya ‘ko para maraming makapalit, ang dala ko. Mabait siya, ‘Nay.
Nakatitig sa kanya si Aling Ninay, titig na mananarok, naghihinala; namula si Chedeng.
“Mawgandang araw pow.”
“Tumatawag na siya, ‘Nay.”
“Sige, patuluyin mo.”
Isang supot ng sarisaring kendi at tsokolate ang pasalubong ni Frank.
Sa pagbagsak ng pumpon ng sampagita sa tubig ay nalagas ang ilang talulot, at ang mga iyo’y pinaglaruan ng mumunting uliuli.
“Siya ang aking ina,” sa Ingles ay pagpapakilala ni Chedeng. Tapos ng elementari si Chedeng kaya’t nakaiingles kahit padakma-dakma.
Ngumiti si Frank, yumukod nang bahagya sabay sabi, “Kumusta kayow?”
Hinarap ni Chedeng si Frank. Masama ang mukha ni Aling Ninay.
Ang asawa ni Aling Ninay, si Mang Berto (yumao na), ay isang abenturero. Noong binata pa ay naglayas ito, pumuslit, nagtago sa isang barko, at nakarating sa California. Nabuhay ito noon sa pamimitas ng prutas, sa pamumupol ng bulak. Nang makaipon ng pamasahe ay nakabalik sa Pilipinas si Mang Berto, at napangasawa si Aling Ninay. Madalas kuwentuhan ni Mang Berto si Aling Ninay tungkol sa naging buhay nito sa California.
Umano, ayon kay Mang Berting, ay napakababang tingin ng mga Puti sa mga lahing may kulay ang balat, sa mga itim. Kapag nakihalo ka sa mga Puti, malamang sa malurhan ka sa mukha, o mabukulan kaya sa ulo. Hindi ka maaaring tumira sa lugar na tirahan ng mga Puti. Sa salon ng mga Puti ay karaniwan nang nakababala: DITO’Y BAWAL PUMASOK ANG MGA ASO. Ibig sabihin, doo’y bawal ang mga itim.
Ang salaysaying iyon ay makailan na ring narinig ni Chedeng sa kanyang ama.
Kaya’t ngayong may panauhing Amerikano si Chedeng ay masama ang mukha ni Aling Ninay. Hindi siya naniniwala na ang sadya nito sa kanyang anak ay karaniwang pakikipagkaibigan lamang. Lulukuhin ng damulang ito ang kanyang anak. Napapansin lamang nito ang kanyang anak pagka’t nais maglibang, walang mapaglilibangang Amerikana.
“Ayoko na siyang makikita rito,” pagkaalis ni Frank ay sabi ni Aling Ninay. “At bukas, hindi ka na pupunta sa kampo. Kung gano’n lang pala’ng ginagawa mo ro’n, dapat, no’n pa’y di na kita pinayagan.”
Hindi na nga nagpunta sa kampo si Chedeng. Nguni’t isang araw, aywan kung nainip si Chedeng, ang Amerikano’y muling dumalaw kina Aling Ninay. Hindi nagawang di patuluyin ang Amerikano. Tulad noon, marami uling pasalubong si Frank.
“Sabihin mong huwag na siyang pupunta rito,” sa harap ng natangang si Frank ay sabi ni Aling Ninay. “Pag pumunta pa uli siya rito, babastusin ko na siya.”
At si Frank ay hindi na nakita kina Aling Ninay.
Naging tamlayin si Chedeng, laging tamilmil sa pagkain, sa gabi’y alumpihit.
“Nahihibang ka na sa Amerk’nong ‘yon, ano?” salakab ni Aling Ninay. “Kaya ka ganyan.”
Napaiyak si Chedeng. “Magkasintahan kami, ‘Nay, “ pagtatapat ni Chedeng.
“Ano?”
“No’n pang nagpupunta ‘ko sa kampo.”
“Gaga!”
“Hindi raw niya ‘ko lulukuhin. Nangako siya. Sumumpa siya. Hindi pa nga lang daw niya ‘ko mapapakasalan dahil may balita siyang malapit na siyang pabalikin sa Amerika. Ayaw raw niya na kakakasal lang namin e iiwan na niya ‘ko. Pero babalik daw siya.”
“Hanggang piyer ka lang! Sino’ng lulukuhin niya? Hayan si Marta, malaki na’ang tiyan; nahan ‘yong Amer’kanong bumibisita no’n sa kanya? Hayan si Pilang, namumuti ang mga mata sa kahihintay sa Amer’kanong nangakong babalik. Paano ka niyang tototohanin e magkaiba’ng kulay ng balat n’yo? Di mo ba natatandaan ‘yong bida ng ama mo?”
“Babalik siya, ‘Nay. Naniniwala ako.”
“Husto na ‘yang kagagahan mo, Chedeng. Baka hanggang mam’ya, di ako makapagpigil e masabunutan kata.”
Isang araw, si Chedeng ay mangiyak-ngiyak na lumapit kay Aling Ninay.
“’Nay,” sabi ni Chedeng, “mam’ya raw e pupunta rito si Frank. Patuluyin natin siya, ‘Nay. Magpapaalam lang daw siya sa akin dahil mam’yang gabi’y pupunta siya sa Maynila para sumakay sa barko patungong Amerika. Sana raw, hihilingin niya sa inyo na maihatid ko siya, pero alam daw niyang hindi kayo papayag.”
“Paano mo nalaman ang mga ‘yan.”
“May mama siyang inutusan, pinapagdala ng sulat sa akin. Iniabot sa ‘kin ‘yong sulat kanginang naglalaba ‘ko sa balon.”
Sa halip na sumang-ayon sa kahilingan ni Frank, ang ginawa ni Aling Ninay, nang araw na iyon, si Chedeng ay dinala niya sa bahay ng isang pinsan. Nguni’t kinagabihan, si Chedeng ay tumakas, sa bintana nagdaan.
Kinabukasan, nabalitaan ni Aling Ninay ang pagkalunod ng dalawa.
May namumuong luha sa matandang babae.
Hindi niya iniwan ang aking anak. Ligtas na siya, pero pinili niyang mamatay nang kasama ng aking anak.
Huminto ang tren sa istasyon sa Kalumpit. Inalalayan ng lalaki sa pagbaba ang matandang babae.
Mula sa istasyon, natatanaw ang magkaagapay na tulay ng tren at tulay ng trak na nangakabagtas sa tagpuan ng dalawang ilog.
“Ngayon ang araw ng kamatayan nila,” sabi ng matandang babae. “Tuwing kamatayan nila, nagpupunta ‘ko rito.”
“D’yan nahulog ang dyip, di ba?” tanong ng matandang babae. Nakatayo sila sa daanan ng tao sa tulay ng trak.
“Oho.”
Inilabas ng matanda ang pumpon ng sampagita sa supot ng plastik. Ang pumpon ng bulaklak ay may tali, may pabigat na bato.
Sa pagbagsak ng pumpon ng sampagita sa tubig ay nalagas ang ilang talulot, at ang mga iyo’y pinaglaruan ng mumunting uliuli. Ang pumpon ng bulaklak ay lumubog dahan-dahan, lumalabo ang puting banaag.








