Ni VICTOR TOLEDO MARCOS
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Agosto 13, 1962)
Mura pa mang labong at di pa mabulas
ay nasa tindig na ang mithi’t pangarap;
nakatingala na’t ang langit at ulap
ay waring lunggating mahagkan, mayakap!
Ang kaitaasang pinapanaginip
sa sang-iglap lamang ay hangad masapit;
nang maging mataas sa nasa paligid
sa lupa ay parang ayaw nang tumitig!
At nang gumulang na at maging mayabong
ay tila kung sino sa galaw ng dahon;
ang pinanununghang damo’t punungkahoy
pinagtatawanan pag nalilinggatong.
Palibak na waring winiwika-wika
na talagang gayon ang mga mahina:
palaging ligalig at mukhang timawa
pagka’t sa sarili ay walang tiwala.
At malimit pa ring waring tinuturan:
upang m’akatiyak, siya ang tularan;
nguni’t nang bumagyo, bali ang kawayang
nalugmok sa lupa’t naputi ang buhay!
Ang nasa paligid na kanyang nilibak
mga buhay pa rin, masigla’t matatag;
ang mabining galaw, parang nagsasaad:
“Sadyang nasasawi ang mapagmataas!”








