Ni BIENVENIDO A. RAMOS
(Nalathala: LIWAYWAY, Mayo 23, 1955)
HININAAN ni Fidel ang pagsagwan nang makita niyang pumapasok na sila sa ilog ng Malabatuhan. Mahaba ang ilog na iyon at nalalaman niyang matatagalan pa bago sila makarating sa kabilang dulo na kinaroroonan ng kubo nina Onor. May panahon pa siya upang makagawa ng paraang mahadlangan ang pagtatanan nina Lino at Onor.
Inaninaw ni Fidel ang doong ng bangka. Sa pusikit na kadiliman ay bahagya na niyang maanyuan si Lino. Mabilis pa rin ang pagsagwan ni Lino. Mula pa sa Atlag ay paspas na ang pagsagwan ni Lino. Nalalaman ni Fidel na nasasabik na si Lino na makarating sila sa kubo nina Onor.
“Hinaan mo lang ang pagsagwan at ‘baka may makapansin sa atin,” anas ni Fidel kay Lino.
Saglit na tumahimik ang sagwan ni Lino. “Napakadilim pala sa ilog na ito!” Lumingon pa si Lino sa pagsasalita. “Halos hindi na makita ang daan, a.”
“Tatalasan mo ang mata mo at baka tayo matumbok,” ani Fidel na tuluyan nang tumigil sa pagsagwan. Iniugit niya ang sagwan sa bangka at nagsindi ng sigarilyo.
Lumatag ang paikpik na katahimikan. Sunud-sunod ang paghithit ni Fidel. Iisa ang laman ng isip ni Fidel nang mga sandaling iyon: ang mahadlangan niya ang pagtatanan nina Lino at Onor. May kutob siyang paglalaruan lamang ni Lino at Onor. May kasintahan si Lino sa Atlag, si Sisa, na siyang binabalak na pakasalan nito. Kaibigan ni Fidel si Lino. At sa katamisan ng kanilang pagsasama, pati ang pag-ibig niya kay Onor ay ipinagparaya ni Fidel sa kaibigan.
“Hindi ka rin lang ‘kamo makapagtapat kay Onor ay ako ang liligaw sa kanya,” sabi ni Lino kay Fidel nang mapag-usapan nila si Onor samantalang namamangka silang pauwi buhat sa pagdapit ng tuba sa Malabatuhan.
“E, ma’no,” sang-ayon ni Fidel, nguni’t tumututol ang kanyang kalooban. Noon pa lamang ay parang ibig na niyang pagsisihan ang pagkakapagsama niya kay Lino sa kubo nina Onor. Alam niyang mabilis sa babae si Lino at hindi na iilan ang naging kasintahan nito sa Atlag, Bagna, at Panasahan.
“Salamat,” ani Lino at ang kislap ng kagalakan sa mga mata nito ay parang pumaso sa puso ni Fidel.
Buhat noon ay madalas nang sumasama si Lino sa pagdapit ni Fidel ng tuba sa Malabatuhan. Iyon ang hanapbuhay ni Fidel: ang pagdapit ng tuba, na inihuhulog niya sa mga tindahan sa Atlag at sa mga karatig-nayon.
Hindi lamang nagpapahalata si Fidel, nguni’t lihim na nagdurugo ang kanyang puso kung nakikita niyang nagkakamabutihan ng pag-uusap sina Lino at Onor. Kung minsan ay ibig niyang huwag nang isama si Lino kina Onor. May hiwatig siyang mapaiibig ni Lino si Onor at iyon ay lihim na sumusugat sa kanyang pusong lihim na nagtatangi sa dalawa.
At ang hiwatig niyang iyon ay nagkahugis nang minsang magkarasilihan sila ng pag-uusap ni Onor. Noon ay mag-iisang buwan nang lumiligaw si Lino sa dalaga.
“Mababait ba ang mga magulang ni Lino?” naitanong ni Onor habang tumitigis sila ng tuba sa mga tukil sa loob ng sasahan. Si Lino ay naiwan sa kubo at kahunta ng ama ni Onor na si Ba Sebyo.
Bigla ang pagkakatingin ni Fidel kay Onor. May nabasa siyang kislap ng pananabik sa mga mata ng dalaga. “Mababait din,” parang wala sa loob na tugon ni Fidel.
“Nag-aaral nga ba si Lino sa Maynila?” tanong uli ni Onor.
“Ha… e, oo nga!” Napagtiim ni Fidel ang kanyang mga ngipin at iniwasan niyang tumingin kay Onor. Napilitian siyang sumang-ayon sa sinabi ni Onor kahit nababatid niyang iyon ay kabulaanan. Hindi niya gustong biguin ang pag-asa sa tinig ni Onor. Alam niyang hindi totoong nag-aaral sa Maynila si Lino. Nguni’t hindi inaasahan ni Fidel na pati kay Onor ay gagamitin ni Lino ang maruming paraang iyon ng panlilinlang.
Hindi nagtaka si Fidel nang pagkaraan lamang ng tatlong buwan ay ibalita sa kanya ni Lino na napasagot na nito si Onor. Subali’t hindi rin niya naiwasang makadama ng kirot sa kanyang puso kahit inaasahan na niya iyon.
“Humanda ka’t sa isang linggo ay itatanan natin siya,” dugtong pa ni Lino.
“Iba na ang isama mo,” tanggi ni Fidel.
“Sino pa ang ibang maisasama ko?” Nakikiusap ang tinig ni Lino. “Ikaw lamang ang nakaaalam ng daan sa kanila kung gabi.”
“Sasama ako sa iyo kung…” Napahinga nang malalim si Fidel.
“Kung ano?”
“Tototohanin mo ba si Onor?” At tinitigan ni Fidel si Lino.
Napakunot-noo si Lino. “Ba’t mo itinatanong?”
“Wala!” parang napahiyang sambot ni Fidel, nguni’t naglalaro sa kanyang isipan si Sisa, ang katipan ni Lino sa nayon. “Sasama ako…” May pagbabantulot pa rin sa kanyang tinig.
Hinintay pa muna ni Fidel na matabingan ng ulap ang buwan bago niya tinungo ang kubo. Pagdating sa may prinsa ay saglit siyang tumigil. Nakadama siya ng pag-aatubili.
Hanggang sa sumapit ang araw ng pagtatanan nina Lino at Onor ay hindi hinihiwalayan ng agam-agam si Fidel. Halos natitiyak na niyang paglalaruan lamang ni Lino si Onor, itatanan at iiwan pagkatapos. Hindi pa niya nalilimot ang isang taga-Bisayang iniuwi ni Lino sa Atlag, at pagkaraan ng may isang buwan ay pinalayas. Si Sisa ang talagang nagugustuhan ni Lino at sinasabi nitong siya niyang pakakasalan.
Nalalaman ni Fidel na kahit na magkaibigan sila ay hindi ipagtatapat ni Lino sa kanya ang talagang hangarin nito kay Onor. Sapagka’t hindi siya papayag na paglaruan lamang ni Lino si Onor, at lalong hindi siya makapapayag na ipakipagsapalaran ang kapakanan ni Onor. Sa ano mang paraan ay kailangang mahadlangan niya ang pagtatanan ng dalawa. Ibinubulong ng kanyang puso na dapat niyang ipagmalasakit si Onor na pinakaiibig pa rin niya nang labis.
KASALUKUYANG bumabagtas ang bangka sa isang liko ng ilog nang magulat si Fidel sa biglang pagsibad ni Lino sa gawi niya. Muntik nang mabitiwan ni Lino ang sagwan sa pagmamadali.
“Bakit?” nagtatakang naitanong ni Fidel na sinagian din ng pangamba.
“Me sumanggi sa mukha ko!”
Marahang napatawa si Fidel. “Dahong-sasa lang ‘yon…”
“Ngayon lang ako nakapamangka rito nang gabi… nakatatakot pala!” Nangangatal pa rin ang tinig ni Lino.
May biglang kumislap sa isipan ni Fidel at siya’y napangiti. “Talaga!” sabi niya. “Noong minsang magdaan ako rito nang gabi e me bumabalibag sa akin…” Naramdaman ni Fidel ang pagsiksik sa kanya ni Lino at siya ay nagpatuloy, “Takot ko lang no’n nagkuros ako at…”
“Di totoo pala ang ibinabalita ni Ba Sebyo na marami raw tiyanak dito?” agaw ni Lino na lalong inalihan ng takot.
“Oo.” Bahagya pang namaos ang tinig ni Fidel.
Nakalalagim ang katahimikang pumatlang. Mula sa malalayong kubo sa labas ng ilog ay paminsan-minsang bumabasag sa katahimikang iyon ng gabi ang mahahabang kahulan ng mga aso. Unti-unti nang sumusungaw noon ang pingot na buwan sa kabila ng maiitim na ulap.
Marahang isinadsad ni Fidel ang bangka sa sasahan.
“Narito na tayo, Lino.”
“Sige, umahon ka na at hihintayin ko kayo rito.” At humawak si Lino sa isang puno ng sasa.
“Baka hindi sumama sa akin si Onor?” may pagbabantulot na tanong ni Fidel.
“Sasama. Taratuhan na namin na ikaw ang kakaon sa kanya sa kubo. Daratnan mo na siyang naghihintay.”
Lumakad na si Fidel. Tinalaktak niya ang loob ng sasahan. Nakapagitan sa pilapil at sa ilog ang sasahan na nakabaybay sa ilog hanggang sa bantilan ng kubo.
Nguni’t hindi agad umahon sa pilapil si Fidel. Nanganlong muna siya sa mga sasa at pinanood niya si Lino. Sa liwanag na isinasabog ng pingot na buwan ay nakita niyang palinga-linga si Lino, at walang patid ang paghitit ng sigarilyo.
Maraming sandali ang nakaraan bago umahon sa pilapil si Fidel. Tinantiya niya ang kinalalagyan ni Lino. Pagkuwa’y dumampot siya sa pilapil ng gasuntok na tiningkal ng matigas na lupa. Isang kalabog ang humaginit sa sasahan. Dumampot uli si Fidel ng tiningkal na lupa. Muling humaginit na sinundan ng kalampag ng sagwan sa bangka. Nagmamadaling mga kampay ng sagwan sa tubig at mabilis na paglayo ng isang bangka ang naiwan sa pandinig ni Fidel.
Hinintay pa muna ni Fidel na matabingan ng ulap ang buwan bago niya tinungo ang kubo. Pagdating sa may prinsa ay saglit siyang tumigil. Nakadama siya ng pag-aatubili.
Mahihinang yabag na buhat sa kubo ang pumukaw sa pag-iisip ni Fidel.
“Onor!”
“Akala ko’y hindi na kayo darating!” Nagpauna na si Onor kay Fidel.
Walang kibong sumunod si Fidel sa halos tumatakbong dalaga. Sapupo pa rin si Fidel ng malalim na pag-iisip. Nalaman niyang hindi na nila daratnan si Lino. Umalis na iyon nang takutin niya kangina. Nguni’t paano niya masasabi kay Onor na tinakot niya si Lino, at ginawa niya iyon alang-alang din sa kabutihan ng dalaga?
“Dito ko lang siya iniwan kangina,” kunwari’y nagtatakang sabi ni Fidel nang hindi nila makita si Lino sa pook na pinag-iwanan niya.
“Paano ngayon ang gagawin ko?” mangiyak-ngiyak na nasabi ni Onor na nagsimula nang mabalisa.
“Ihahatid uli kita sa kubo,” ani Fidel na hindi tumitingin kay Onor.
Nguni’t bago naipasiya ni Onor kung papayag o hindi sa mungkahi ni Fidel ay nabanaagan na niya ang anyo ng nagtutumuling si Ba Sebyo. Napakapit na lamang si Onor sa bisig ni Fidel at tumalaga sa mangyayari.
Kahit na nagkakandahingal ay buo at malakas ang tinig ng matanda: “Mga walanghiya!”
Kitang-kita ni Onor ang paghigpit ng kamay ni Ba Sebyo sa hawak na pisaw.
Lumunok muna si Fidel. Pinilit na buhayin ang kanyang loob, saka nagsalita: “Nagkakagustuhan po kami ni Onor, Ba Sebyo,” at pinisil ni Fidel ang hawak na kamay ni Onor.
“Siyanga ho, Tatang,” sinalo ni Onor ang pagtatapat ni Fidel at sinuklian ng pisil din ang kamay ng binata.
“Ha? At si Lino? Akala ko’y si Lino ang…”
“Si Lino po’y tagapagsalita ko lamang… hindi ko masabi kay Onor noong una…”
“Kung gayo’y magbalik tayo sa kubo. At bukas, Fidel, kailangang naririto ang iyong matatanda.” Hindi na matigas ang tinig ni Ba Sebyo at hindi na mahigpit ang pagkakahawak niya sa pisaw.
“Totoo ba, Fidel?” anas ni Onor nang sila’y bumabalik na sa kubo.
“Sa iyo ko dapat itanong iyan,” ganting anas ni Fidel, “pagka’t ako’y matagal nang nakatitiyak sa aking sarili.”
Hindi na tumugon si Onor. Hinigpit na lamang ang pagkakasaklit ng kanyang kamay sa baywang ni Fidel.
Nang muling bumulaga ang buwan mula sa pinagtaguang ulap ay parang dadalawa ang matatabang aninong patungo sa kubo. Ang isa’y kay Ba Sebyo at ang ikalawa’y ang kina Onor at Fidel.








