ANG KARETA NI TININTI BANAKIN

Ni CARMEN F. DEL VALLE

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Marso 8, 1948)

GAYON na lamang ang palakpakan ng mga apo ni Impong Edang nang mabiwas ang isang malaking hito na kikiwal-kiwal pa at gumugukgok na nataas sa tubig. Halos mag-agawan ang mga apo nang ang isda ay malapag na sa lupa. Nag-aagawan mandin ang mga iyon na maunahan pa si Impong Edang na mahipo ang batukang hito.

            “Huwag ninyong hipuin at baka kayo matibo,” ang bigla namang saway ng matanda.

            Tutoo ngang matulis ang tibo ng hito, ngunit ang tutoo ay ibig din ni Impong Edang na siya ang maunang makahipo sa matabang hitong iyon:

            “Makapagkukuwento ka na ngayon, Impong Edang,” ani Sidro nang tinatanggal na ng matanda ang isda sa sima at pinanonood naman ng nakapaligid na mga apo.

            “Oo,” masayang sagot ng matanda.

            Matapos na makapaglagay na muli ng bagong pain at mailubog sa tubig, sinimulan na ang pagkukuwento.

            Ang kuwento ng matanda ay nauukol sa isang karetang kasalukuyang ginagawa ng matandang tininti ng nayon na si Joaquin, na lalo ngang kilala nng kanyang mga kapalagayan sa pangalang Tininti Banakin.

            Ang kareta ay isang kasangkapang gamit ng mga magsasaka sa lalawigan, na yari sa kawayan, at hinihila ng kalabaw. Ginagamit ito sa mga putikan na panghila ng mga kailangan, sapagka’t sa mga malalambot na putikan ay hindi maaari ang mga sasakyang may gulong.

            Samantalang ginagawa nga ni Tininti Banakin ang kanyang kareta ay siyang pagdating ng kaibigan niya at kumpareng Juan, na ka-nayon din niya at kapanahon.

            Ang matandang Juan ay isang taong mapakialam sa ginagawa ng kapuwa, at mandin ay wala nang tama kundi siya. Sa kanyang palagay, wala nang mainam gumawa ng mga bagay kundi siya lamang at ang ginagawa ng kapuwa ay pawang may mga kamalian.

            “Mukhang gumagawa ka ng kareta, kumpare?” tanong ni matandang Juan at lumuklok na sa tabi ng tinukoy na kasalukuyang kinakalis ang kawayan.

            “Oo,” sagot naman ni Tininti Banakin, “may patanim ako bukas ay gagamitin ko sa paghihila ng punla.”

            Pinagmasdang mabuti ni matandang Juan ang karetang nakabalangkas na at sasahigan na lamang.

            “Pero, kumpare,” ang simula nang wika ni matandang Juan pagkaraan ng mga ilang sandaling pagmamasid sa kareta, “wala sa ayos itong mga ginawa mong tukod. Ang palagay ko ay may kamuraan ang kawayan at saka tila hindi iyong punong-puno ang ginamit mo. Ang kailangan sa haligi ng kareta ay iyong magulang na puno at nang matibay.”

            Hindi kumikibo si Tininti Banakin. Patuloy rin siya sa pagkakalis ng sasahigin. Paminsan-minsan lamang niyang hinahagisan ng tingin ang kanyang kumpareng salita nang salita.

            “Saka,” patuloy ni matandang Juan, “itong ginawa mong pinakapahagad ay pilipit. Kailangang pipili ka rin niyong maayos ang pagkakahubog at iyon ding magulang. Hindi rin tama iyong ganito kalaki. Ang mainam ay iyong maliit ngunit wika ng ay batibot naman. Sa bigat lamang nito ay lalawit na ang dila ng kalabaw mo sa paghila.”

            Sa tininti ay hindi na nakatiis. Umaapaw na sa dibdib ang yamot sa matandang kumpare. Siya ay pagod na pagod na. Di-anhin na lamang ay mayari niya ang kareta sapagka’t gagamitin na nga kinabukasan. Sa halip na tulungan siyang magkalis man lamang ng sasahigin o dili kaya ay isahig na ang mga nakayas na, ang ginawa pa nga ng matanda ay pinagpipintasan ang kanyang ginagawa. Kanina pa, sa pagsisimula pa lamang ng mga salitang may uring pamumuna, ay nagsimula na ring umakyat ang dugo sa kanyang ulo.

            “At itong mga butas mo ay panay na maluluwang,” patuloy pa rin ni matandang Juan na hindi yata nakahahalatang yamot na si Tininti, “kaya kumakansot na ganito,” at niyugyog pa nga ang kareta na lalo nang nagpasiklab ng loob ni Tininti Banakin.

            “Kumpare,” ang biglang nasabi ni Tininti, “kung gagawa ka ng iyong kareta ay huwag ganito ang gagawin mo. Ang gawin mo ay iyong kamukha niyong sinasabi mo at huwag mong paparisan itong ginagawa ko.”

            Napahiya si matandang Juan kaya nagmamadaling umalis nang hindi na nakuhang magpaalam pa. Napansin pala ni Aling Kuwala na asawa ni Tininti ang pagkakaalis at sukat na iyon ng kanilang kumpare kaya lumapit at nag-usisa.

            “Kung ang mga tao ay matuto lamang gumalang sa ginagawa ng kapuwa tao at babawasan iyang mga pakikialam na hindi kailangan,” ang tugon ni Tininti sa asawa, “marahil, mahigit sa kalahati ng mga basag-ulo sa mundo ang maaawas. Iyang panghihimasok na hindi kailangan, at iyang pamimintas sa ginagawa ng kapuwa nang dahil lamang sa hindi kamukha ng kanyang ibig o hindi katulad ng kanyang ginawa ay mga ugaling kasumpa-sumpa.”

            Biglang nagpalakpakang muli ang mga apo ni Impong Edang nang ipahayag na doon na nagwawakas ang kanyang kuwento.