TALISMAN

At inilahad ni Nanding ang kanyang kanang palad upang ipakita ang kapal nito na sanay sa mabigat na gawain.

Ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 22, 1950)

(IKA-20 LABAS)

WALANG iniwan sa isang mailap na isda si Ganeya, na biglang tumalon sa tubig at sumisid nang matagal na matagal. Nanlalaki ang mga mata ni Nanding na sinundan ng tingin ang magandang Igorotang numakaw ng kanyang puso. Hindi siya humihinga dahil sa malabis na katagalan ni Ganeya sa ilalim ng tubig. Nahihirapan siyang hindi mawari. Parang puputok ang kanyang dibdib na hindi pinaglalagusan ng hanging ayaw na langhapin.

            “Ganeya… Ganeya… lumitaw ka na—ang naibulong sa sariling pigil pa rin ang paghinga.”

            Saka lamang nakahinga nang maluwag si Nanding nang makita niyang lumitaw sa kabila ng malaki-laki rin namang lawa ang magandang Igorota. Parang napabaong tulos si Nanding. Naramdaman niya noong nilalagnat ang kanyang puso; nahihibang ang kanyang damdamin; nangangarap ang kanyang kaluluwa…

            “Nanding,” ang paanas na tawag sa kanya ng matandang kasama, “gabi na tayo. Baka ka maubusan ng pagkain sa pahingahan ng mga kawani at manggagawa. Walang salang nagpapasimula na sila ng paghahapunan.”

            Saka lamang natauhan ang nahihibang na pag-ibig na si Nanding. Nilinga ang matandang kasama, saka…

            “Gabi na nga pala,” ang wikang sinilayan sa mga labi ng isang ngiting kinapalamnan ng kahihiyan. “Malayo pa ba rito ang pahingahan?”

            “Mga limandaang hakbang lamang,” ang masayang pakli ni Mang Soro.

            At ang dalawa’y sabay na lumakad. Natanaw ni Nanding ang isang malaking tila kamalig na nagliliwanag sa mga ilaw. Nahulaan niyang iyon ang pahingahan ng mga manggagawa at kawani ni Don Ricardo Montez, na siyang may-ari ng malaking minahan ng gintong kanyang paglilingkuran.

            Nakarating at nakarating ang magkasama sa bahay-pahingahan na hindi pa rin nakakatkat sa isipang malikot ng binata ang magandang larawan ni Ganeya. Iilang subo lamang ang kanyang nakain.  Para bang nakalimbag sa pinggang kanyang kinakanan ang anino ng magandang Igorota. Maging sa basong kanyang ininuman ay nakita niya sa tubig na lumalangoy ang tala ng kabundukan.

            “Ganeya!” ang pahinagpis niyang nawika, na hindi nakaila sa matalas na pandinig ni Tandang Soro.

            Napailing lamang at napangiti ang matandang kasama. Halatang-halata niya ang pagkabaliw ng binata. Ibig niyang sisihin ang sarili kung bakit naihimatong karakaraka kay Nanding ang paliguan ng mapamighaning si Ganeya. Walang anu-ano’y ginambala ang pagmumunimuni ni Mang Soro ng tinig ng isang kawani:

            “Kailangan kayo sa telepono ni Don Ricardo,” ang wika ng kawani.

            “Madaling tumayo sa pagkain si Mang Soro at tinungo ang kinalalagyan ng telepono. Naligalig ang katiwala nang marinig niya ang tagubilin ng inhinyero:

            “Itinatagubilin ko sa iyong bigyan ang binatang aking pinasamahan sa iyo ng mabigat na gawain. Ipatupad mo sa kanya ang kasabihan: “panggalingin sa kanyang pawis ang kakanin.”

            At ipininid na sa kabilang dulo ng kawad ni Don Ricardo ang telepono. Ilang sandaling natigilang si Mang Soro. Hinay-hinay siyang lumapit nna muli sa mahabang hapag ng kainan, na walang naglalaro sa isipan kundi ang katagang: “Panggalingin sa kanyang pawis ang kakanin.” Walang imik na naupo sa piling ng binata ang matandang katiwala. Ibig niyang ipagtapat kay Nanding ang tagubilin ng may-ari ng mina, ngunit nahabag siyang kung paano sa binatang aywan ba’t kinagagaanang lubos ng kanyang damdamin.

            “Kay-ganda ni Ganeya, ano po?” ang tila nahihibang na salita ni Nanding kay Mang Soro.

            “Oo,” ang mahinang sagot ng matanda, “ngunit… sanay ka ba Nanding sa mabibigat na gawain?”

            “Lumaki po ako sa hirap at namulat sa paggawa,” ang tugong walang gatol ng binata. “Pinalaki ako ni Tandang Andres sa magandang aral, na: ‘Panggalingin sa sariling pawis ang kakanin.”

            Kinilabutan si Mang Soro sa kanyang narinig. Matamang pinagmasdan ang binatang kapiling. Ang narinig niyang mga huling kataga sa mga labi nito’y siya ring binigkas ni Don Ricardo sa telepono. Labis na nagulumihanan si Mang Soro.

            “Bakit ninyo naitanong kung sanay ako sa mabibigat na gawain?” ang muling nulas sa mga labi ni Nanding nang mapunang nagwalang-imik si mang Soro. “Uulitin ko sa inyong sanay ako.”

            At inilahad ni Nanding ang kanyang kanang palad upang ipakita ang kapal nito na sanay sa mabibigat na gawain.

            “Ako ang tagaigib sa amin,” ang patuloy na salita ng binata, “ako rin ang tagasibak ng kahoy. Ginagawa ko ang ganyang mga gawain halos tuwing umaga, bago pumasok sa paaralan, noong buhay pa ang aking ama-amahang si Tandang Andres.”

            Napailing si Mang Soro. Nalalaman niyang ang gawaing ipinagpaparangalan ng binata, na pag-igib at pagsisibak ng kahoy ay alangan sa mabibigat na gawain sa minahan. Gayunma’y hindi niya ipinagtapat ang tagubilin ng inihinyerong nag-atas na pahirapan si Nanding, dahil sa walang pangalang panibughong sumusunog sa kanyang puso.

            “Salamat at walang gawain bukas,” ang naibulungbulong ni Mang Soro. “May isang araw pang maipagpapahinga ang kahabag-habag na binatang ito.”

            Magdamag na hindi nakatulog si Nanding sa kagugunita sa magandang Igorota. May mga sandaling dumurungaw siya upang tapunan ng tanaw ang lawa-lawaang pinaliguan ni Ganeya. Hindi naman nagpipikit ng mga mata si Mang Soro. Hindi siya nagkulang ng pagpapaalaala sa binata, na mapanganib magliwaliw kung gabi sa labas ng bakuran ng pahingahan ng mga manggagawa at kawani. Nang sumungaw na ang magandang mukha ng buwan at maglatag ng kanyang ginintuang buhok sa gulod ng mga bundok ng matulaing lunsod ng mga pino ay narinig ni Nanding ang taginting ng “kudlang” at sumunod na sumaliw ang tinig ng isang babae. Bumilis ang tibok ng puso ni Nanding, lalo na nang ibulong sa kanya ni Mang Soro, na ang tinig na nasabi ay kay Ganeya.

            “Kay-ganda pala ng kanyang tinig,” ang nangangarap na nawika ni Nanding. “Matamis na katulad ng huning ating pipit-puso.”

            “Ha-ha-ha-haha!” ang hindi napigilang halakhak ni Mang Soro, pagkat nababatid niya ang mga katagang isinasaliw sa “kudlang” ni Ganeya, na naglalaman ng pag-aglahi.

            “Bakit kayo nagtawa, Mang Soro?” ang madaling usisa ni Nanding sa kapiling na matanda.

            “Mangyari’y natatamisan ka sa pag-aglahing ipinahihiwatig ng pag-awit ni Ganeya,” ang paliwanag ni Mang Soro. “Nilalait niya at kinasusuklaman ang kapangahasan ng binatang nanubok sa kanyang paliligo sa lawa-lawaan.”

            Isang ngiti lang ang sumilay sa mga labi ni Nanding, hanggang sa…

            “Nakauunawa pala kayo ng salitang Igorot?” ang usisa sa matanda.

            “Mahigit sa tatlumpung taon na akong nanirahan sa lalawigang Bulubundukin,” ang saad ni Mang Soro.

            “Halos parang Tagalog na rin kung pakinggan ko ang kanilang salita.”

            “Ngunit sabihin na ang ibig sabihin,” ang pahayag ng binata, “sabihin mang paglait ang kanyang awit ay matamis na kundiman iyon para sa aking pandinig,” at huminga ng isang maluwag na paghinga si Nanding, saka… “Mang Soro, iniibig ko si Ganeya!”

            Umagang-umaga pa’y sinikatan na ng araw sa gilid ng lawa-lawaan ang binatang si Nanding. Isinuot niya ang lalong makulay niyang “polo shirt,” pagkat mahilig di-umano, ayon kay Mang Soro ang mga Igorota sa matitingkad na kulay, lalo na’t bulaklakin. Subali’t tukso namang hindi niya nasilayan ang magandang tala ng Bengget. Mataas na at pantay-mata ang araw ay hindi pa niya nasisilip man lamang ang butihing Igorota.

            Nang malapit nang mamayong ang araw at tanghali na’y dumating si Mang Soro. Nakangiti siyang nilapitan nito at kinausap:

            “Ang mabuti’y magpahinga ka na, Nanding. Mahirap makita kung araw ng Linggo si Ganeya. Nagtitinda siya ng mga gulay sa lunsod. Maaaring magbalik siya ngayong hapon, kung maagang maubos ang kanyang mga paninda.”

            Malungkot si Nanding na nagbalik sa bahay-pahingahan. Ang totoo’y noon lamang kauna-unahang nangarap ang kanyang puso. Kung maaari lamang ay hilahin niya ang takbo ng panahon upang dumating na ang hapong pag-uwi ni Ganeya. Napuna ni Mang Soro ang panamlay niya sa pagkain.

            Hindi halos nakaliligpit ay nakita na namang nanaog ng tahanan si Nanding. Muli siyang napatungo sa gilid ng lawa-lawaang kanyang kinakitaan kay Ganeya. Nagtiyaga na naman siyang naghintay, ngunit parang bituing nagtago sa makapal na ulap ang magandang Igorota. Matagal… matagal na naghintay si Nanding. Napuna niyang kulimlim na ang araw, katulad nang sinundang hapong makita niya si Ganeya. Sumasal ang tibok ng kanyang puso. Umasa siyang lalabas na ang tala ng kabundukan at maliligo sa salaming lawa. Ngunit nangawit na ang kanyang mga matang hindi man lamang ikinukurap—wala pa rin si Ganeya.

            Sa pagkakahawak sa sanga ng kahoy na pinangungublihan niya nang sinundang hapon ay nakakita siya ng ilang titik, subalit titik na hindi niya maunawaan, pagkat sa katagang Igorot. Walang anu-ano’y nakarinig siya ng kaluskos at nang linguni’y nakita niya si Mang Soro. Maingat niya itong kinawayan at inihimaton ang titik. Lumapit naman ang matanda at tinunghan ang inihihinaton ni Nanding.

            “A…” ang pamanghang nawika ni Mang Soro, “ang mga titik na iya’y gawa ni Ganeya, na nasasabing “kinayayamutan ko ang binatang malalaki ang matang nanubok sa akin. Hindi na niya ako muling makikita.”

            Muntik nang mapahalakhak si Nanding dahil sa ipinagtapat sa kanya ni Mang Soro.

            “Malalaki nga po ba ang mga mata ko?” ang usisa ni Nanding kay Mang Soro.

            “Oo,” ang pakli ng matanda, “ngunit para sa mga Igorota, ang malalaking mata’y siyang labis nilang hinahangaan at kinalulugdan. Siya… siya… umuwi na tayo. Kung magsalita ang mga Igorota’y kanilang tinutupad. Hindi mo siya makikita ngayon.”

            Tumalima naman sa matanda si Nanding, at binuhat ang mga paa, bagama’t mabigat ang anyang kalooban.

            Nang dumating sila ng bahay-pahingahan ay sinalubong kaagad ng isang kawani si Mang Soro at ibinalitang tumawag kaagad sa tanggapan kay Don Ricardo. Madali namang ginawa ni Mang Soro ang tagubilin ng kanyang panginoon.

            “Huwag mong kalilimutan,” ang narinig na naman sa kabilang dulo ng kawad nM Soro, na tinig ni Don Ricardo. “Ibigay mo sa kanya ang pinakamahirap na gawain ng isang hornal. Ang ibig ko’y pumutok ang mga kamay ng Nanding na iyan sa paggawa.”

(Itutuloy)