Ni Francisco Arias Monteseña
Kinikilala ang hubog ng mukha
ng kaharap, kahit ng isang bulag.
Pinagkakatawan ang mga sagot
sa mga di maintindihan. At tila
mga nagigitlang gatla sa balat
ang di namamatay na paghahanap.
Kailangang mailahad ang sinasabi
ng palad. Kailangang mahubad
ang mga nakatagong badya.
May mga kirot na nalulunasan din
ng kirot. May mga dugong naaampat
sa mas madiin na pagtulak.
Kailangan nating maunawa
na may iba’t ibang mukha ang mga lunas
at kahit pa ito nagbabalatkayo
kung ito ang sasagot sa mga danas
natin ngayon ay yakapin natin. Hindi
lahat ng tinik ay kailangang bumaon.