Ang Mga Hindi Ko Nasabi

Ni Ramil Jasareno

Na ang isang sulok sa

dulo ng dyip sa tabi ko ay hindi

ko pinauupuan sa iba dahil hindi ito

mapupunan ng kahit na sino.

Na nagkamali ako nang ibulsa

ko ang sukli ng bayad mo kaya

ibinalik ko sa iyo ang hindi

ko na maaaring mabawi.

Na noong nakita kita palabas

ng simbahan na naglalakad

nang mag-isa ay hindi kita

sinundan ngunit nakasulat

ako ng tula at doon ko

natunton ang iyong mga bakas.

Na hindi ko alam

ang iyong lihim

ngunit nais ko itong

buksan mo na parang liham

at ipabasa sa akin ang hindi

mo pa naisusulat na wakas.

Na hindi na ako ngayon

sumasakay ng dyip ngunit

iniisip ko pa rin kung ang sukling

ibinalik ko sa iyo ay tama ba

o kulang na limos sa patay

na pag-ibig.