Ni BIENVENIDO A. RAMOS
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Agosto 28, 1989)
Hinanap ng radar ang ugat ng unos
Ngunit di matunton—
Ito ba’y dayuhan o dito umusbong?
Nag-ugat ba ito sa lipunang bulok
O hanging baluktot
Na nag-ipuipong pulang rebolusyon?
Lito ang PAG-ASA at hindi malaman
Ang bisyo ng hangin
Na may ganting-bagyong sa kanluran galing;
Ang mga eksperto ay nahintakutan
At tiila nabuwang
Sapagkat ang unos ay ayaw tumigil!
Di nila maaming tao ang lumikha
Na unos na itong
Nag-ugat sa hirap, daya at abuso;
At kahit taon nang nagpakitang-tanda
Ang mga babala’y
Kusang di pinansin ng mga eksperto.
Daming napinsala! Ngayong humahampas
Sa unos, si Juan
Si giray na dampa’y litong nagsusuhay,
Ang mga eksperto’y llitong naghahanap
Sa tunay na ugat
Ng unos na hindi matunton sa radar.








