Ni Sam Trinidad
OKTUBRE 27, 2016
Hindi ako mapakali sa loob ng sasakyan. Nanlalamig ang aking mga kamay at ramdam ko ang panginginig ng aking mga tuhod. Inilagay ko ang kamay sa aking dibdib upang pakiramdaman ang nagwawalang puso sa loob. Kalma, Adelah. Huminga ako nang malalim at inayos ang aking suot. Pinili ko ang pinakasimple sa aking paningin kaya naman hanggang paa lamang ang haba nito. Kulay puti at sakto lamang ang pagyakap ng malambot na tela sa aking katawan. Nagsuot din ako ng perlas sa aking mga tainga at leeg. Siniguro ko namang maayos ang aking buhok. Nakapulupot ito at may iilang hairclip para naman kahit papaano ay may konting timpla ang kabuoang kasuotan ko. Simple lamang din ang ayos ko pagdating sa aking mukha, sapat na para mabigyang kulay ang mapuputla kong labi at matakpan ang itim sa ilalim ng mga mata ko.
“Nandito na ho tayo,” napaigtad ako nang magsalita ang drayber. Humigpit ang hawak ko sa mga bulaklak na nakakulong sa aking mga kamay. Nandito na kami.
Narinig ko ang tunog ng dambana. Siguro, palatandaan na dapat na akong lumabas ng sasakyan. Inipon ko ang lahat ng lakas na mayroon ako sa katawan. Sa hindi malamang dahilan, bigla na lamang nablanko ang utak ko. Biglang hindi ko na alam kung paano gumalaw. Parang mali ito. Parang dapat hindi ako tumuloy. Mariin akong pumikit.
Bahala na…
Nang lumabas ako ay tila nawalan ako ng pakialam sa paligid. Para bang may sariling buhay ang aking mga paa at dahan-dahan akong dinadala papasok sa simbahan. Nagbukas ang malaking pinto. Binati ako ng napakaraming pamilyar at hindi pamilyar na pares ng mga mata. Ngunit napansin kong hindi gaya ng nakasanayan ay walang gaanong dekorasyon sa loob ng simbahan.
Inaasahan kong kahit papaano ay may kung anong disenyong mahahagip ang mga mata ko kahit sa mga upuan man lang. Ngunit wala. Ang tanging nakita ko lamang ay ang mga bulaklak malapit sa altar… at iilang mga kandila. Patay kung maituturing ang loob ng simbahan. Halatang-halatang hindi talaga inaasahan ang kaganapan ngayong araw.
Pinakatitigan ko ang iilan sa mga bisita, partikular na ang mga kakilala ko. Mapupula ang kanilang mga mata. Siguro, dahil sa sobrang tuwa ay napaluha na lamang sila. Pinapanood nila ako habang naglalakad palapit sa altar. Sa kabila ng mga namumugto nilang mata, nakuha pa rin nila akong bigyan ng matamis at maliwanag na ngiti. Matapos suriin ang loob ng simbahan, diniretso ko ang aking tingin.
At doon ko nakita ang isang lalaking malapit sa altar.
“Roman…” bulong ko sa sarili.
Ang kanyang ngiti ay hinaplos ang aking puso kaya naman kumalma ito kahit paano. Maayos ang buhok niya ngayon. Wala ang mga salaming nakasanayan kong makita sa tuwing kaharap siya. Hindi maalis ang tingin ko sa kanyang mga mata. Mga matang nagniningning sa tuwing natatagpuan ang akin.
Gusto ko siyang takbuhin at magpakulong sa mainit niyang yakap. Pero minabuti kong mas bagalan ang paglakad upang namnamin ang sandali dahil ito lamang ang pagkakataon na kaya kong hawakan ang mga oras. At habang pinapabagal ko ito, inalala ko ang paborito kong alaala namin ni Roman. Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang makarating ako, nakuha ko ring ngumiti. Tandang-tanda ko pa ang lahat ng pangyayari nang araw na iyon…
OKTUBRE 22, 2016, limang araw bago ang kasalukuyan.
Mula sa aking kinatatayuan ay kitang-kita ko ang matangkad na pigura ni Roman. Ang kanyang itim na buhok ay nakahawi, maayos at malinis. Pulang polo shirt ang suot niya habang itim na pantalon naman ang pang-ibaba. Nakapamulsa siya, seryosong nakatingin sa kandilang nakatirik sa kanyang harapan. Nagsimula akong maglakad papunta sa kinaroroonan niya. Sadyang napakalakas ng pakiramdam ni Roman kaya naman nilingon niya ako agad kahit pa iilang hakbang pa ang nasa pagitan namin. Nang mahanap ng mga mata niya ang mga mata ko, automatiko siyang napangiti. Hindi ko maintindihan kung paanong ang ngiti mula sa kanya ay may kapangyarihang pakalmahin ako ngunit dahilan din kung bakit nagwawala ang puso ko ngayon.
Halos takbuhin ni Roman ang espasyo sa pagitan namin. Natagpuan ko na lamang ang sarili kong nakakulong sa kanyang mga bisig, dinadama ang bawat segundong pakiramdam ko ay kami lamang ang tao sa buong mundo.
“Mukhang seryosong-seryoso ka?” natatawa kong sabi kay Roman. Kahit pa alam kong palagi siyang seryoso. Nagawa ko pa rin siyang biruin, ngiti lamang ang sinukli niya sa akin.
“Gutom ka na?” malambing na tanong niya sa akin. Tumango na lamang ako. Hinawakan niya ang kamay ko tsaka hinila palabas ng simbahan.
Sa buong maghapong magkasama kami ni Roman, wala siyang ibang ginawa kundi ang tumitig lamang sa akin. Minsan ay bigla na lamang siyang matutulala na para bang nakalimutan niya na may kasama siya. Sa hindi malamang dahilan, bigla na lamang ako nakaramdam ng kaba. Sinubukan kong hindi pansinin ito ngunit masyado itong malakas—parang tinatalo ang sistema ko at kinukuha ang lakas na mayroon ako. At mukhang napansin niya na may bumabagabag sa akin.
“Ayos lang ako, ‘wag kang mag-alala,” nakangiting sabi niya. Nagtagpo ang mga palad naming dalawa. Napakalambot ng sa kanya kaya naman ang mga iniisip ko kanina, sa isang iglap, ay biglang nawala.
Ayos nga lang ba si Roman?
Bakit ganoon? Pakiramdam ko talaga, may hindi magandang mangyayari. Ilang sandali pa ang nakalipas, bigla na lamang tumayo si Roman mula sa pagkakaupo. Tumambad sa akin ang mukha niyang walang emosyon. Ang kaniyang mga labi na kaninang nakakurba ay nakatikom na ngayon… na parang isang diretsong linya. Nang titigan ko ang mga mata niya, wala itong kulay. Nawala ang mga bituin na kanina lamang ay pinagmamasdan ko.
Napasinghap ako sa mga susunod na nangyari. Si Roman ngayon ay nakaluhod na sa harap ako. Hawak ng kanang kamay niya ang isang maliit na pulang kahon, binuksan niya ito at nakita ko ang isang maningning na bagay… ang singsing.
“Adelah, handa ka bang samahan ako hanggang sa pagtanda?” Parang nawalan ako ng abilidad na makapagsalita. Hindi ko alam kung seryoso ba siya o ano. Nakipagtitigan ako kay Roman na bigong maitago ang ekspresyon sa kaniyang mukha.
“Oo, Roman!” Halos mapatalon ako sa tuwa. Agad na tumayo si Roman at agad akong niyakap. Halos maluha pa siya kaya naman pareho kaming natatawa habang magkayakap.
Kinagabihan ay napagdesisyunan namin na umuwi na. Habang nasa sasakyan ako ay hindi maalis ang titig ko sa singsing. Alam na alam ni Roman ang eksaktong sukat ng daliri ko. Hindi pa rin ako makapaniwala… na halos kalimutan ko na ang pag-ikot ng mundo. Nilingon ko si Roman na tutok na tutok sa pagmamaneho. Maya-maya pa’y huminto na ang sasakyan.
Wala sa sariling napatitig sa akin si Roman. Umangat ang isa niyang kamay upang hawiin ang mga nakaharang na buhok sa aking mukha. Ngumiti siya. Ngumiti rin ako. Hanggang sa ang kaniyang mga daliri ay napunta sa aking baba. Dahan-dahan niyang pinaglapit ang aming mga mukha hanggang sa lumapat ang kaniyang malalambot na labi sa ibabaw ng akin. Hindi ako makahinga. Pakiramdam ko ay nalulunod ako. Ngunit sa kabilang banda, nakaramdam ako ng kapayapaan.
“Mahal kita, Adelah,” halos pabulong na sabi ni Roman.
Gusto kong maiyak sa sobrang galak. “Mas mahal kita, Roman.”
Ilang sandali pa ay nagpaalam na kami sa isa’t isa. Bitin pa rin para sa akin ang araw na ito. Pakiramdam ko hindi sapat ang mga oras na magkasama kaming dalawa. Parang… may parte sa akin na ayaw pang pakawalan si Roman. Hindi ako mapakali. Kinuha ko ang aking cellphone at nagtipa ng mensahe upang ipadala sa kaniya. Tumayo ako upang kumuha ng tubig. Nasa kalagitnaan ako ng pag-inom nang biglang tumunog ang cellphone ko.
“Hi! Nakauwi na ako. Matutulog muna ako, pagod na rin kasi. ‘Wag mong kalimutan breakfast natin bukas, a? Goodnight!”
Napangiti ako. Magdamag kong tinitigan ang singsing. Hindi ako pinapatulog ng nararamdaman ko. Ewan ko kung baka dahil sobrang nasorpresa ako, o kaya naman ay sobrang tuwa. May bagay na bumagabag sa akin na hindi ko malaman kung ano ba. Hanggang sa napagod na lang ako sa kaiisip, bumigat ang talukap ng mga mata ko at hindi na ako nagtangkang lumaban pa.
Nagising na lamang ako sa tunog ng cellphone ko. Medyo nakakairita kaya padabog ko itong inabot mula sa study table ko. Alas nuwebe y media na pala! May usapan kami ni Roman na sabay kaming mag-aagahan dahil ipagluluto kami ng Tita niya. Agad akong bumangon sabay diretso sa banyo upang maligo. Mabilis akong kumilos ngunit nabalewala lang dahil sa traffic.
Nahihiya akong kumatok sa pinto ng bahay nila Roman. Pagbukas ay bumati sa akin ang nakangiting si Tita Rosel. Nagmano ako sa kaniya at binati niya ako ng isang napakainit na yakap. Tuwang-tuwa siya nang makita ang singsing sa daliri ko.
“Si Roman po pala?”
“Ay naku! Tulog pa si Roman.”
Nagtaka ako. Hindi naman tinatanghali ng gising si Roman. Palaging nasa pagitan ng alas nuwebe o alas otso ang gising niya. Inutusan ako ni Tita Rosel na akyatin na lamang siya sa kuwarto at ako na mismo ang gising. Sinunod ko ito. Nakakailang katok na ako sa pinto ngunit walang Roman na nagbubukas. Sinubukan kong pihitin ang doorknob, buti na lamang ay hindi ito naka-lock. Pagbukas ko ng pinto, agad kong siyang nakita na nakahiga. Nilapitan ko ito at pabirong tinapik ang kaniyang dibdib. Hindi siya gumalaw. Tiningnan ko ang mukha niya… parang may kakaiba. Doon na ako kinabahan. Ilang beses kong tinawag ang pangalan niya. Marahan ko ring inuyog ang kaniyang katawan.
“Hindi magandang biro, Roman.”
Ipinatong ko ang aking ulo sa kaniyang dibdib upang pakinggan ang pagtibok ng kaniyang puso.
Bingi na ba ako?
Bakit wala akong maririnig?
Ang kandila ay sumisimbolo sa ating mga tao. Oras na sindihan ang mitsa, unti-unti tayong tutunawin, kukunin ang lahat ng lakas, at kukunin ang lahat sa atin… hanggang sa walang matira. Pero sa ganoong paraan, alam nating naging makabuluhan ang ating buhay…
OKTUBRE 27, 2016, balik sa kasalukuyan.
Naramdaman ko ang mainit na magpatak ng mga luha sa pisngi ko. Alam ko sa sarili kong hindi ako dapat nandito. Hindi pa ako handa, Roman. Kaya pasensiya… dahil alam kong kahit kailan ay hindi ako magiging handa para rito. Nadudurog ang puso ko habang naglalakad at nakikipagtitigan kay Roman. Hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi niya. Sana nga, Roman. Sana nga ay masaya ka talaga. At sana ay ganoon din ako.
Nilagpasan ko ang nakangiting si Roman para pumunta sa mas malapit na bahagi ng altar.
Ang sabi ng doktor, inatake raw sa puso si Roman habang natutulog. Sobrang bilis ng pangyayari. Masaya pa kami noong gabi. Ayon na pala ang huling paalam ko sa kaniya. Kung alam ko lang sana na hindi na siya gigising…
Matapos kong malagpasan ang malaking larawan ni Roman ay narito na ako ngayon sa harap niya. Ipinatong ko ang bulaklak na hawak ko sa kanyang kabaong. Ito ang unang beses na nakita ko siya mula nang siya ay mawala. Durog na durog ako. Gusto kong makasama si Roman sa harap ng altar pero hindi sa ganitong paraan.
Pinakatitigan ko ang mukha niya. Ito ang unang beses na nagkita kami nang hindi ko nakikita ang mga mata niya. Walang ngiti sa kaniyang mga labi… at walang mainit na yakap ang sumalubong sa akin.

Pinakatitigan ko ang mukha niyang parang natutulog…
Tulala lamang ako buong misa. Hanggang sa makarating kami sa sementeryo, mabuti na lamang ay inalalayan ako ng ilan sa mga kamag-anak ni Roman. Ayoko pa sana siyang pakawalan pero kailangan. Suot niya ang sapatos na ibinigay ko. Ang huling regalo ko para sa kaniya. Umiyak ako nang umiyak, umaasang kahit papaano ay mababawasan ang sakit. Pero hindi. Bawat luhang pumapatak ay mas lalong nadadagdagan ang bigat. Ang sakit-sakit.
Tuluyan nang wala si Roman. Lahat ng kamag-anak niya ay minabuting iwan na lamang muna ako katabi ng puntod niya. Inilabas ko ang mga kandila mula sa aking bag at umupo sa kaniyang tabi. Sinindihan ko ang ilan at pinagmasdan kung paano ito unti-unting matunaw.
“Gising na, mag-aalmusal pa tayo,” bulong ko.
Mariin akong pumikit. Paano na ako? Katahimikan ang tanging kayakap ko ngayon. Ang daming katanungan sa isipan ko… paano akong magsisimulang muli?
Dinamdam ko ang paghampas ng hangin sa aking balat. Maya-maya pa’y wala nang natira sa mga kandilang sinindihan ko. Inilabas ko ang panghuling kandila. Sinadya kong itira ang isang ito dahil ito ay galing sa mga gamit ni Roman. Itinirik ko ito sa kanyang lapida tsaka sinindihan.
“Pag naubos na ‘to, uuwi na ako, a?”
Ilang beses kong hiniling na sana, sana ay hindi agad matunaw. Kung kanina ay hawak ko ang oras, ngayon ay nakasasalay na ang lahat ng oras sa kandilang nakatirik sa lapida.
Habang pinagmamasdan ang kandilang nakatirik, napansin kong kasabay ng pag-agos ng mga luha ko, ay siyang pagluha rin nito. At habang lumuluha ito, unti-unti itong natutunaw… hanggang sa maubos. Siguro ay ganoon din ako. Tila isang kandilang nakatirik, habang lumuluha ay unti-unting nauupos… dahan-dahang nauubos. At sa mga sandaling ito, hinayaan ko ang sarili kong maging isang kandila. Hinayaan kong tunawin ako ng mga alaalang hindi na muling masusundan. Hinayaan kong ubusin ang mga natitirang lakas na ewan ko kung saan ko pa hinuhugot. Pero hindi puwedeng ganito na lamang. Kasi… hindi ito magugustuhan ni Roman.
Ngayon ay alam ko na kung bakit hilig ni Roman magtirik ng kandila. Siguro ay gusto niyang iparating na ayos lang maubos, ayos lang matunaw, ayos lang mapagod. Dahil walang saysay ang nakatirik na kandila kung hindi mo naman sisindihan. Ang kandila ay sumisimbolo sa ating mga tao habang ang apoy ay ang nakakapagod na mundo. Oras na sindihan ang mitsa, unti-unti tayong tutunawin, kukunin ang lahat ng lakas, at kukunin ang lahat sa atin… hanggang sa walang matira. Pero sa ganoong paraan, alam nating naging makabuluhan ang ating buhay. Nagsilbing liwanag kahit pa ikaw mismo ay hinang-hina na.
Ngunit kahit ganoon, kahit patuloy na tinutunaw ng nakapapagod na mundo, nananatili pa rin tayong nakatirik. Dahil ang pagtirik ang siyang palatandaan na tayo ay lumalaban.
At ngayon, tunaw na ang huling kandila. Kailangan ko nang umuwi. Nagpaalam ako kay Roman. Saktong pagtayo ko ay unti-unting pumatak ang ulan. Tumingala ako. Nawala na ang araw na kanina ay tirik na tirik. Nagmadali akong pumasok sa sasakyan. Pagkapasok ko ay naramdaman ko ang antok at pilit akong hinehele.
Matutulog muna ako.
Sana, sa panaginip ko ay makita ko si Roman. Kung mangyari man iyon, hindi ko hihilinging gumising pang muli. Mas pipiliin kong manatiling tulog makasama lamang siya. Sa panaginip ko, gising at buhay si Roman. Siguro, mas maiging tulog na lamang ako.
Dahil alam ko sa oras na imulat ko ang aking mga mata, maalala ko lamang na habang buhay nang nakapikit ang kaniya. Habang buhay akong gising sa katotohanang wala na siya.
At habang gising ako, mananatiling tulog pa si Roman.









