Bigla na lamang napatili si Rodora, nang makita niyang unti-unting naaangat na parang lumulutang na hangin ang kanyang sanggol...

Nobela ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Enero 9, 1950)

(Unang Labas)

PINALAGAY sa sarili ng inhinyerong si Ricardo Montez, na siya na ang pinakabigong lalaki sa ibabaw ng lupa. Limang taon na silang kasal ni Rodora Montalban ay hindi pa sila nagkakaroon ng bulaklak ng pagmamahalan na siyang sa mula at mula pa’y pinapangarap niya sa buhay. Sa unang taon pa lamang ng kanilang pagsasama’y umasam-asam na si Ricardo na mamumunga ang kanilang pagmamahalan ng babaing iniharap niya sa altar, ngunit pag-asam na nauwi lamang sa masaklap na pagkabigo. Hindi lamang si Ricardo ang binabalisa ng malungkot na pangyayari; si Rodora ma’y naging balisa sa pagtanggi ng kapalarang may pumintig na buhay sa kanyang sinapupunan.

— Hindi yata tayo magkadugo, — ang minsa’y nasabi ni Ricardo, pagkaraan ng kulang-kulang na sa limang taon nilang pagsasama. — Para tayong mga halamang hindi namumunga.

            Nang sabihin ni Ricardo ang naturang pangungusap kay Rodora ay nangulimlim ang mukha ng babae. Naramdaman niyang may tinik na tumimo sa kanyang puso.

            — Hindi lamang ikaw, Ricardo, ang nasasaktan sa hindi natin pagkaka-anak, — ang naitugon na lamang ni Rodora. — Kung isang daan ang pagmimithi mong magkasanggol tayo, sa aki’y walang katapusan.

            Ang totoo’y nalibot na halos ng mag-asawa ang lalong mga bantog na liwaliwan sa Europa, sa Estados Unidos at sa Sud Amerika, dahil sa himaton ng manggagamot. Isang taon ang ipinamalagi nila sa paanan ng Alpea; anim na buwan sila sa Miami Beach; walong buwan sa Buenos Aires; at halos ang buong panahon nila’y nagugol sa kabilang ibayo daigdig, ngunit nabigo rin ang kanilang pag-asang may pumintig na buhay sa sinapupunan ng magandang si Rodora Montalban. Bigo ang kanilang mga hangaring nagbalik sa sariling bayang tinubuan, hanggang sa mapilitan na tuloy na harapin nang pangatawanan ng inhinyero ang kanyang balitang minahan sa lalawigang Bulubundukin.

            Nang may dalawang buwan nang inaatupag ng inhinyero ang kanyang minahan ng ginto ay tumatanggap siya ng tawag sa teleponong pangmalayuan sa kanyang maybahay. Muntik nang mapalukso sa galak si Ricardo, nang marinig niyang ibulong sa kabilang ibayo ng kawad ng kanyang asawa ang ganito; “May pumipintig nang buhay sa aking sinapupunan.”

            Madaliang nagbalik sa Maynila ang minero. Kapagdaka’y dinala sa isang kaibigang manggagamot ang kanyang maybahay. Naganap ang katuwaan ni Ricardo nang patunayan ng nagsuri, na tunay ngang nagdadalang-tao si Rodora Montalban. Daig pa ng inhinyero ang isang baliw. Maaga pa’y ipinaghanda na niya ng mga kagamitan sa panganganak ang kanyang asawa. Hindi pa ma’y nagpalaan na siya ng isang mabuting silid sa panganakan ng Saint Mary. Ipinamili na niya ng mga laruan ang sanggol na hindi pa malay na isilang.

— Kay-aga mo namang maghanda, — ang pabirong wika ni Rodora.

— Aba, hindi mo ba nalamang daig ng agap ang sipag? — ang baliw na salita ng minero.

            Hindi na naglalayo sa piling ni Rodora si Ricardo. Dahil sa malaking kagalakan sa hindi malalauna’t magiging ina na niyang maybahay ay ayaw niyang pagagawin ito ng anumang gawain. Madalas na naglalakad-lakad sila kung umaga sa tabing dagat, sa tagubilin ng manggagamot upang gumaan umano ang pagluluwal ni Rodora.

            Ngunit nang mga araw na lamang ang bibilangin upang magsilang ang magandang maybahay ni Ricardo ay tumanggap siya ng tawag sa telepono mula sa namamahala ng minahan ng kanyang pinsan, na umano’y mag-aaklas ang mga kawani at manggagawa at tanging ang pagharap lamang niya ang makapipigil. Ipinagbigay-alam ni Ricardo ang bagay na nasabi kay Rodora.

            — Anong halaga sa akin ng mina, — ang buntot na salita ni Ricardo, — hindi kita maiwan sa mga araw na ito ng iyong pagsisilang.

            — Alalahanin mo sana ang magiging anak natin, — ang payo ni Rodora, — sa sandaling mag-aklas ang mga kawani at manggagawa’y maaaring bumagsak ang minahan, at kung magkakagayon ay magiging kulimlim ang kapalaran ng bunso natin. Ibig kong mabuhay siya sa gitna ng liwanag at kasaganaan. Tingnan mo ang nangyari sa kalaban nating minahan, na nang pag-aklasa’y napinsala nang malaki, hanggang sa bumagsak tuloy pati na kabuhayan ng may-ari. Natakot ako, Ricardong gayundin ang sapitin natin.

            Hindi nakatutol ang inhinyero sa paliwanag ng asawa. Noon di’y niyari niyang liparin sa pamamagitan ng eroplano ang lalawigang bulubundukin.

            At nakita lamang ng mga kawani ang mukha ng may-ari ng minahan ay naayos kaagad ang nagbabantang pag-aaklas. Ipinagkaloob ni Ricardo ang lahat ng kaluwagang hinihingi ng mga manggagawa. Ipinagbunyi ang minero ng kanyang mga tauhan.

            — Uli-uli sana, bago kayo magbalak ng anuman ay sangguniin muna ninyo ako, — ang paliwanag pa ni Ricardo. — Wala tayong pagkakasiraan, matangi lamang kung lalabis kayo sa takalan ng hinihingi. Hindi ko hangaring ako lamang ang yumaman. Ibig kong makahati kayo sa galak na aking tatamasahin.

            Sabay sa pagbubunyi ng mga kawani at manggagawa sa minahan ay tumanggap ng pasabi ang inhinyero na may tumatawag sa teleponong pang malayuan. Mabilis na napatungo sa lunsod ng Bagyo ang minero. Muntik nang mapasigaw sa galak si Ricardo Montez, nang tanggapin ang balita sa kabilang dulo ng kawad, na nagsilang na ang kanyang magandang maybahay ng isang malusog na sanggol na lalaki sa Saint Mary. Baliw manding iniatas sa mga kawani at manggagawa sa kanyang minahan ng ginto na itigil ang paggawa, bilang pagbubunyi sa pagsilang ng unang supling ng kanilang pagmamahalan ni Rodora.

            —Isang ama na ako ngayon! — ang nahihibang na naibulong ng minero, habang lumilipad ang eroplanong maghahatid sa kanya sa lunsod. — Isang kamang ginto ang ipagagawa ko para sa aking anak.

            Talagang baliw na baliw sa kagalakan si Ricardo Montez. Bagamat matulin na ang lipad ng sasakyang kanyang kinalululanan ay nababagalan pa rin ang kanyang hibang na damdamin na naghahangad na maabot kaagad ang matulaing lunsod ng Maynila. Sarisaring guniguni ang naglalaro sa kanyang hinagap: minsang isipin at usal-usalin ang maraming pangalang pinagpipilian na iuukol sa kanyang anak; kanyang isipin kung sino ang gagawing mabuting ninong; ang simbahang pagdarausan ng binyag; ang paraan ng paghahanda; ang hotel na pagdarausan ng piging at kung anu-ano pang mga kahibangan.

At naghabulan ang mga sandali…

            Panauhin na ng Saint Mary ang minerong si Ricardo Montez. Isang matamis na ngiti ang isinalubong sa kanya ni Rodora, nang pumasok siya sa silid nito.

            — Ang sanggol! Ang anak natin! — ang humahangos at nananabik na usisa ng minero. — Ibig kong makita kaagad. Nais kong mahalikan. Sino ba ang kamukha sa atin?

— Sino pa kundi ikaw! — ang masayang pakli ng asawa. — Ang mga mata, ang ilong, ang bibig ay sa iyong sa iyo. Walang nakuha sa akin kundi buhok na buhok lamang.

            Bumilis ang pintig ng puso ng inhinyero sa bugso ng kagalakang nag-umapaw sa kanyang dibdib. Hinudyatan kaagad ang tanging nars na kunin ang bata. Hindi naman nalaunan at nakaharap na ni Ricardo Montez ang kanyang larawan: ang sanggol na may limang taon din niyang napapangarap. Sinilsil ng halik ng minero ang bulaklak ng kanilang pagmamahalan ni Rodora.

            — Ikaw ang magiging hari ng ginto sa Pilipinas! — ang salita ng minero, habang hinahaplus-haplos ang kamay ng kanyang anak. — Ibibigay ko sa iyo ang langit paglaki mo. Mag-aaral ka sa lalong bantog na paaralan sa daigdig. Tuntunin mo ang bakas ng iyong ama, na isang bantog na minero ngayon.

            — Huwag kang hibang, — ang nakangiting pakli ni Rodora sa mga kahibangan ng kanyang asawa. — Ayokong maging minero siya paglaki. Ang ibig ko’y maging manggagamot siya.

            — Tila hinahamak mo ang aking propesyon? — ang pabirong pakli ng minero.

            — Hindi naman, — ang tugong masaya ni Rodora, — ang ibig ko’y maging doktor siya, nang kung magkasakit ang sinuman sa atin ay siya na ang gumamot. Tayka muna, — ang paibang salita ng babae, — ano ba ang ipangangalan natin kay totoy?

            — E, ano pa, kundi Ricardo Montez, Jr. — ang agarang salo naman ng inhinyero.

            — Iyan din ang naiisip ko, — ang salo ng asawa.

            At… maghapong nilaro ni Ricardo ang kanyang malusog na sanggol. Muntik na niyang malimot pati pananghalian dahil sa kahibangan sa kanyang anak.

            Sampung araw ang nakaraan at ang mag-asawang Rodora at Ricardo ay nakauwi na sa kanilang makaharing tahanan sa New Manila. Naging isang langit para kay Ricardo ang kanilang dati’y malungkot na tahanan. Para sa inhinyero ang iyak ng kanilang sanggol ay matamis na musika sa kanyang pandinig. Isang dalubhasang nars ang naging tagapag-alaga ng bata, na hindi halos lumalayo rito.

            Sa kauna-unahang gabi’y minagdamag halos sa pagtanod sa kanyang sanggol si Ricardo. Ang kuna ng bata’y laging nasa piling ng kama ng kanyang ina, na kaibayo ng kama ng minero. Nang mag-uumaga na’y napabangon si Ricardo dahil sa matalim na kidlat na gumuhit sa dahong kristal ng kanilang durungawan. Ang nahihimbing na si Rodora ay nagising din at nagmulat ng kanyang mga mata at ang unang pinagpakuan ng tingi’y ang kuna ng pinakamamahal nilang sanggol.

            Walang anu-ano’y narinig nila ang kahulan ng mga aso nilang gumagala sa loob ng bakuran, na para bang nakakakita ng kinayayamutang panauhing panggabi. Nagkatinginan sa magkaibayong kama sina Ricardo at Rodora.

            — Uulan yata, — ang wika ni Ricardo, — totoong malakas ang hangin.

            Ang mga mata ni Rodora ay napabaling sa pintuang ang dahon ay bahagyang nakabukas. Nanlaki ang kanyang mga mata nang mamalas niyang nahawi ang kurtina na parang kinabig ng isang tao, gayong wala namang nakikitang sinumang pumasok.

            — Wala ka bang naririnig na kaluskos? — ang tanong ni Rodora sa kanyang asawa.

            — Kung anu-ano ang sinasabi nito, — ang tugon ni Ricardo, — ang naririnig mong kaluskos ay likha lamang ng malakas na hangin.

            Bigla na lamang napatili si Rodora, nang makita niyang unti-unting naaangat na parang lumulutang sa hangin ang kanyang sanggol at dahan-dahang kumikilos nang palayong walang iniwan sa bulang tangay ng agos.

            Napatindig ang nahihintakutang ina, nang mamalas niya ang kahima-himalang pangyayari. Maliksing sumugod si Ricardo sa kanyang anak, ngunit habang matulin siyang sumusunod ay lalo namang bumibilis ang paglayo ng kanyang anak, hanggang sa matanaw na lamang niyang pabulusok na pababa sa hagdanan, gayong wala namang sinumang nagdadala. Subalit may naririnig siyang mga yabag ng paang pababa sa hagdanan. 

(Itutuloy)