Si Tikboy

Ni Erwin M. Mallari

BINALOT na ng tuyong pawis ang suot ni Tikboy. Tatlong oras na siyang naghihintay. Nagmumura na ang kaniyang sikmura. Wala na kasing mapalimusan kaya wala kahit anong dala si Tikboy.

Inaabangan niya ang namimigay ng relief goods sa barangay nila. Isang tricycle na puno ng mga balot ng de-lata at bigas. Pagtalikod ng tanod, kumaripas siya. Hinablot niya ang isang balot ng relief goods na magsasalba sa sikmurang nananakit. Sumambulat sa kalsada ang bigas at de-lata. Mabigat pala ito, hindi kaya ng maliliit at maruming kamay ng batang ulila. Kumaripas siya ng takbo, na suwerteng nakatangay ng isang de-lata. Humabol naman ang isang palo ng arnis sa likod ng batang desperado. Yumukot ang mukha sa sakit ngunit tiniis niya para makaalis. Nagsuot sa kawalan, nagtago sa mga taong namimigay ng tulong sa may mga pagkakakilanlan at karapatang bumoto ngunit bulag sa mga taong iniluwal ng lansangan.

Lumipas ang mga oras at nang matiyak na wala nang panganib, lumabas si Tikboy bitbit ang isang lata ng sardinas. Lumakad sa kadiliman ng gabi, ilang sandali pa sa ilalim ng tulay, sa tabi ng tambakang may maliit na gaserang bukas. May isang matandang nakahiga na dinadalahit ng ubo. Dumating si Tikboy na may pasa sa likod.

“Aling Mely, heto, kumain na kayo,” sambit niya kaibigang matanda. Binuksan ang de-lata, tumayo at akmang aalis na kaagad.

“Ipanghihingi ko kayo ng gamot, hintayin ninyo ako,” sabi pa niya sa matanda kahit hindi niya alam kung naririnig pa ba siya nito. Tumayo at naglakad si Tikboy. Pero hindi niya sigurado kung saan na naman siya magnanakaw ng pag-asa.