Bakit?

Ni Benigno R. Juan

SA Matalahib, marami ang humahanga sa retiradong gurong si Teacher Minda. Kasi, maagang nabiyuda ay naipagpatuloy niya ang pagtuturo at pagtataguyod sa naiwang dalawang anak na babae ng yumaong asawang si Mang Victor.

Napagtapos niya ng kursong nursing sina Fe at Corazon at ngayon ay kapwa naglilingkod sa isang ospital sa South Carolina sa Amerika.

Mag-isa na sa buhay, pilit na iwinawaksi ni Teacher Minda ang pangungulila sa napalayong dalawang anak at ang pagtigil niya sa pagtuturo.

Nagdaan kasi ang maraming Bagong Taon at kaarawan niya na hindi makauwi ang dalawang anak.

Sa tindi ng pangungulila, hindi siya mapagkatulog, laging walang ganang kumain hanggang sa mamatay.

Huli na ang lahat nang madala siya sa ospital.

Sa barangay Matalahib ibinurol ang kanyang bangkay. Inayos at pinalamutian ang buong paligid ng barangay. Naging abala ang lahat.

At sa pagkakalutang ng kanyang kaluluwa sa ibabaw ng kanyang kabaong, nakita ni Teacher Minda kung paano siya minahal ng kanyang mga kapwa guro, mga naging estudyante at mga kakilala sa Matalahib.

At sa huling gabi ng lamayan, dumating ang kanyang pinakahihintay – sina Fe at Corazon. Halos himatayin ang dalawang anak dahil sa tindi ng kalungkutan at panggigipuspos.

Ngayon ay maluwalhati na siyang lilisan subalit nagkaroon si Teacher Minda ng isang katanungan – bakit kailangan pa muna niyang mamatay bago umuwi ang kanyang mga anak?