Ni LADISLAO BELLA SUBANG
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 14, 1949)
NARAMDAMAN ni Pepitong niyakap siya ng hanging malamig nang mabuksan na ang pinto ng taksing kanyang sinasakyan. Sa tulong ng mga ilaw dagitab ay namasdan niyang mabuti ang ayos ng harapan ng Manila Hotel na sa kauna-unahang pagkakataon sa kanyang buhay ay ngayon pa lamang niya nasilayan. Matagal na siya rito sa Maynila, subali’t ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataon makita ang bantog na bahay-aliwang iyon. Wala siyang hilig sa mga pagdalu-dalo sa mga night-club sapagka’t iyang ang pangako niya sa kanyang mga magulang na nagsisipagsakit na maitaguyod ang kanyang pag-aaral. Nang ituntong niya ang kanyang mga paa sa unang baytang ng hagdan ng hotel ay binati na ang kanyang pandinig ng malambing na tugtuging nagbubuhat sa isang panig ng unang palapag ng bahay-liwaliwang iyon.
“Narito na kaya sila?” naitanong pa niya sa sarili nang hindi na niya mapigilang bilangin ng kanyang mga paa ang baytang ng hagdanan. “Kasama rin kaya siya?”
Ang siyang tinutukoy ni Pepito ay si Amelia. Tinipan siya ng dalaga sa Manila Hotel upang makipagsaya sa kaarawan ng isa nilang kamag-aaral. Bagaman laban sa kanyang kalooban ang pagtungo sa nightclub dahilan sa pagkahabag sa kanyang mga magulang na nagsisipagtiis sa paghanap ng salaping magugugol niya sa pag-aaral, na kung gagawin niya’y mapapaukol lamang sa pag-aaksaya ng sandali nang wala namang kaugnayan sa karunungang kanyang tinutuklas, ang pagbibigay sa kanyang minamahal ay hindi niya natanggihan.
Pagsungaw niya sa bulwagan ng “Fiesta Pavillion” ay nakita siya agad ni Amelia at ito nama’y hindi nagpabaya upang ipahiwatig ang mesang kinaroonan nila.
“Kanina ka pa namin hinihintay,” salubong sa kanya ni Amelia nang siya’y maupo na sa luklukang itinalaga sa kanya ng lingkod sa harap ng may kaarawan.” Akala namin ay hindi ka na darating.
“Ikinalulungkot ko,” kanyang tugon na ang mga mata ay nakapako sa mukha ng dalaga. “Talagang kungdi lamang sa pag-aalaala ko sa iyo at sa katuparan ng aking pangako, rito ay kalilimutan ko na.”
Napansin ni Amelia na biglang lumungkot ang mukha ng kanyang minamahal. Hindi dating gayon si Pepito! Batid niya na kung sila’y nagniniig, ang kaluguran nito’y hindi niya masukat. Ikinabalisa niya ang hindi pangkaraniwang nasaksihang iyon sa kanyang mahal.
“May dinaramdam ka, Pepito!” nasambit ni Ameliang ang paningin ay nakapako sa mukha ng binata.
“Wala, Amelia, wala…” naitugon ng kausap na parang nagsisikip ang dibdib.” Kung nakikita mo man akong namanglaw ay sapagka’t nadarama kong sumisigid ang pag-aalaala sa aming bayan… sa pangit na larawan ng aming nayong pinaghaharian ngayon ng matinding pagkakagutom.
“Pepito!” anang dalagang pinaghaharian na rin ng pamanglaw ang puso. “Nakalimutan mo yatang kaya tayo naririto ay upang makipagsaya sa kaarawan ng aking kaibigan!”
Masiyasat na hinilamusan ng paningin ni Pepito ang buong kapaanyuan ng kanyang pinakamamahal na babae. At pagkatapos pagsawain ang kanyang mga matang hindi na yata manghihimagal manalamin sa alindog ni Amelia ay inihandong ang paninging iyon sa panig na kinaluluklukan ng dalagang may kaarawan na noon naman ay parang walang kamatayang nakikipagtagayan sa iba pang mga panauhin.
“Iyan nga ang ikinalulungkot ko,” kanyang turing. “Nagsasaya tayo rito at nilulunod ang ating mga puso sa kagalakan, samantalang sa lalawigan natin ay nagdaralita ang libulibong mamamayan. Nagkakagutom ang mga tao at ang iba’y madalas magparaan ng gabi sa mga silong ng tahanan at ilalim ng mga punong kahoy.
Napakislot si Amelia sa narinig na pangungusap ng kanyang mahal.
Kung hindi pa tinugtong ng orkesta ang “Happy Birth Day” na iniuukol sa kaibigan ni Amelia, na siyang sanhi ng pagdiriwang na iyon, ay hindi pa sana kikilos sa pagkakatayo ang dalawa.
“Ikinalulungkot ko na masabi ko ito sa iyo,” patuloy pa ni Pepito, “subali’t talaga na nga lamang na hindi maaatim ng aking sarili na hindi buksan sa iyo ang damdamin ng aking puso kung nakikita kong nagkakatuwa ang mga nagsisipag-aral na buhat pa sa mga lalawigan, gumugugol nang walang taros nang hindi na inaalintana kung paanong natatamo ng ating mga magulang ang salaping ipinadadala sa atin na ang paniniwala ay nagsisikap naman tayo sa ating pag-aaral.
“Pepito!” anang dalaga na sinabayan ng tindig at niyayang magsayaw ang kasintahan.” Ibig kong magsayaw kita. Nais kong sa saliw ng malambing na tugtugin ay marinig pa sa mga labi mo ang tunay na nilalaman ng iyong dibdib. Ngayon ko lamang ganap na nakilala ang iyong pagkatao.
Si Amelia ay anak ng mayaman, at kalalawigan ni Pepito.
Ang pamanhik na iyon ni Amelia ay ikinagalak ni Pepito. Paano, batid niyang kaya niya inibig ang dalaga ay sapagka’t nasumpungan niya sa babaing ito ang kahulugan ng kabaitan at kawanggawa, ang tanging nagiging sagwil nga lamang ay ang mga magulang nitong walang nakikilalang kaibigan kundi ang salapi.
Nagsayaw sila. Nagsayaw nang nagsayaw. Nagpakalasing sila nang gabing yaon. Paminsan-minsan ay nagbubulungan. Nagtatawanan. Noon nasukat ni Amelia ang tunay na pagkatao ng kanyang mahal, bagay na lalo naman niyang ikinagalak sapagka’t hindi siya nagkamai ng pagpili ng pinagkatiwalaan ng kanyang pag-ibig.
“Bayaan mo, mahal ko,” turing pa ni Amelia habang sinasayawan nila ang isang mahinhing balse,” ako ang bahala sa aking mga kaibigan. Ang lahat ng damdamin mong isiniwalat sa akin ay pararatingin ko sa kanila na parang ako ang nagsasalita.
“Magagawa mo iyan?” hindi makapaniwala ay naitanong ni Pepito. “Huwag, Amelia. Huwag. Sapagka’t sa sandaling makarating iyan sa pandinig ng iyong mga magulang ay tiyak na tayong dalawa ang magdurusa; maaaring patigilin ka sa iyong pag-aaral at alam mo naman ang mangyayari sa akin sa sandaling hindi na tayo magkita.
“Ako’y dalampu at isang taon, Pepito!” pagunita pa ni Amelia sa hangad na ipakilalang hawak nito ang kanyang puso.
Kumislap ang mga mata ng binata. Ang sinabing iyon ni Amelia ay siyang kahulugan ng katiyakan na hindi na maaaring paghiwalayin ang kanilang mga pusong nagkakaibigan.
“Alam mo namang binigo ng kayamanan ng aking Papa ang aking kaligayahan,” patuloy pa ng dalaga,” sapagka’t ang kaligayahang iyan na ipinagkait sa akin ng kanilang kahigpitan at kaibhan ng ugali sa ugaling hinahanap ko ay maaari ko lamang masumpungan sa sandaling maangkin ko na ang iyong pangalan.
“Amelia…!” napapatakang nasambit ng binata.
“Pagtatakhan mo nga ang sinabi ko,” anang dalaga, “subali’t iyan ay hindi salita ng aking labi, manapa’y iyan ang tanging sugo ng aking pusong nagbabadya ng katotohanan.
Nang bumalik ang dalawa sa kanilang luklukan, ang larawan ng kasaganaan ay lalo pang natambad sa paningin ng binata nang sa ibabaw ng mahabang mesa ay makita niya ang sarisaring mamahaling pagkain. Napatingin siya sa mukha ni Amelia. Nagkatinginan silang dalawa. Para kay Amelia ay iyon na ang tugon sa katotohanang inilalarawan kanina ni Pepito.
Kung hindi pa tinugtong ng orkesta ang “Happy Birth Day” na iniuukol sa kaibigan ni Amelia, na siyang sanhi ng pagdiriwang na iyon, ay hindi pa sana kikilos sa pagkakatayo ang dalawa.
“Maligayang bati sa iyo, Vichy,” narinig ni Pepito na ibinating halos ay sabay-sabay ng mga nagsidalo sa kaarawan iyon.
Siya man ay bumati rin. Bagaman at nahuli siya ng kaunti sa ibang panauhin, ang gayon ay sinadya niyang kusa upang magkapanahon siya na makaniig ito nang matagal.
“Maraming salamat sa iyo, Pepito,” itinugon pa sa kanya ni Vichy nang ipaliwanag na ang maralitang katulad niya ay walang ibang maihahandog sa kaarawan ng dalaga maliban sa mga tapat na hangarin sa kaligayahan nito sa mga panahong hinaharap. “Higit na mahalaga ang handog mo sa akin kaysa mga handog na binibili ng salapi ng mayayaman kong kaibigan. Kung alam mo lamang ang tunay na nilalaman ng aking puso sa mga sandaling ito.
Dahilan sa sinabing iyon ni Vichy ay nagkaroon ng lakas ng loob si Pepito ng anyayahang sumayaw ang dalaga. Ang tangka ni Pepito ay damahin ang kalooban ng mutyang may kaarawan. Pagkaraang pikitan niya si Amelia na nagpapahiwatig ng kanyang pakikipagsayaw kay Vichy ay pumagitna na sila sa bulwagan ng sayawan. Ngayon ay nakakikita na ng tagumpay si Pepito sa kanyang layunin na pagtulong sa mga mamamayang naghihirap sa mga pook na pinamamayanihan ng ligalig sa Luson. At nang magbalik ang dalawa sa upuan, ang mga dalaga at binatang pawang anak ng mayayaman, na dumalo sa pagdiriwang na iyon, ay nangamangha na lamang at sukat nang patalumpating ipahayag ni Vichy ang pangunguna niya sa isang kilusang ibinunsod ni Pepito na dili iba’t ang pagtulong sa mga nagdaralitang mamamayan sa Gitna ng Luson.
“Katulad ng mahalagang gawain ng KRUS NA PULA at PACSA,” anya pang pormal mga kaibigan. Ang mahahalagang handog ninyo sa aking kaarawan ay pinasasalamatan ko at upang maging tapat ako sa inyo, gaya ng katapatan ninyo sa akin, ay ibig kong sa pagkataong ito’y paratingin sa inyong kaalamann na lahat ng inyong handog ay ililipat ko sa pamamahala ni Pepito, na ibig kong maging pangulo ng samahan ng mga kabataan, na magtataguyod sa pangingilak ng salapi at ibang mga bagay na itutolong sa mga mamayang sa Gitna ng Luson.
Sukat sa mga ipinahayag na iyon ng dalagang nabibilang sa angkan ng masalapi sa Kabisayaan upang ang iba ay maganyak na makataong kilusang iyon.
“Sumasang-ayon ako sa magandang panukala ng binibini,” pahayag ng isang binatang anak ng isang makapangyarihang datu sa Mindanaw.” Salamat at iminulat nila ang aking paningin sa katotohanan. Kailangan nating tumulong sa mga kawawang magbubukid.
Parang nabunutan ng tinik ang dibdib ni Pepito sa nakita niyang pagmamalasakit ng ilang anak ng mayayaman. Nakangiti na nang may buhay si Amelia. Nababatid na niya ang kanyang gagawin sa sandaling tutulan ng kanyang Papa ang kilusan nilang iyon.
“Higit kitang ipagmamalaki ngayon,” pabulong pang nabigkas ni Amelia nang sila ni Pepito ay nasa gitna na ng bulwagang sayawan, “sapagka’t ang katatagan ng aking hinaharap… ng aking kaligayahan ay ipinakikilala ng ng mga banal mong hangarin ngayon pa. Naniniwala ako na ang kaligayahan ng tao ay wala sa salapi kundi, nasa mabuting samahan ng mga mamamayan.
“Salamat, mahal ko, at naunawaan mo ako,” anang binata naman na hinigpitan ang pagkakahawak sa baywang ng mahal. “Ngayon ay hindi ko na malilimot ang makasaysayang gabing ito. Ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
“Si Vichy ang pasalamatan mo,” turing ni Amelia na nagduruyan sa labi ang matatamis na ngiti,” sapagka’t kundi sa kanyang kaarawan ay hindi tayo makabubuo ng isang kapasiyahan.
“Kayong dalawa,” tugon naman ng binta, “kayong mga anak ng mayayaman nguni’t may mga pusong dakila… utang ito sa inyo.
(Wakas)









