Ni AR. T. GOLE CRUZ
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 10, 1965)
Tanawin mo, anak, ang ating bukirin—
Kaygandang pagmasdan ang lunting pananim;
Ang ginintong uhay
Na bunga ng palay
Hayun, hagurin mo ng iyong paningin—
Malintog na tuwang hirap ang nagsupling!
Masdan mo ang mga mayang maiingay—
Bagwis ng ligayang nangagliliparan;
Kung di ta nagsikap
At nagbatang-hirap
Di aaning-lugod ang dusang puhunan
Na pinapaglunti ng katalagahan.
Ang bukiring iyan, anak, ang naghatid
Ng dunong na iyong ninasang makamit;
At ngayong marating
Gintong pangarapin
Ang bukiring iyan na hindi nagkait
Sa iyong tagumpay ay huwag iwaglit.
Tanawin mo, anak, ang ginintong palay
Na sa ating bukid ay hitik sa uhay;
Iya’y patotoong
Sa buhay na ito:
Wala sa tugatog ang kadakilaan
Pagas man ang lupa’y nagbibinhing-buhay.




