ANG MABUTING LUNAS

“Bakit, ang mayaman ba’y hindi tao… ang mayaman ba’y walang puso upang makadama sa malungkot na kalagayan ng kanyang kapuwa?”

Ni SALVADOR C. ALMARIO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 14, 1949)

GULONG-GULO ang isip ni Pakito nang gabing yaon. Halos nag-iisa na lamang siyang naglalakad sa lansangan. Malalim na ang gabi. Ngunit, patuloy rin siyang naglalakad… kahi’t walang tiyak na patutunguhan.

            Ang kalooban niyang naghihirap ay sumisigaw.

            “Hindi ako makauuwi ngayon ng bahay upang saksihan ang pagsilang ng una kong anak sa gitna ng malabis na karalitaan!”

            At sa kanyang alaala ay muling nagbalik ang malungkot na katotohanang ibig niyang iwasan. Kay ganda ng pag-asa niya sa buhay nang siya’y pakasal kay Lilay. Ito’y mahahandugan niya ng isang maginhawang buhay, kung hindi man ng kayamanan. Siya’y may hanap-buhay at malusog ang kanyang katawan. Siya nama’y masipag at masikap.

            “Maliit lamang ang aking sahod, Lilay,” wika niya sa asawa nang unang gabi ng kanilang kasal. “Nguni’t nalalaman kong ang aking suweldo ay makasasapat na upang hindi ka magdanas ng malaking hirap na katulad ng sinasapit ng iba…”

            “Sisikapin kong makatulong sa iyo, Pakito,” sagot naman sa kanya ni Lilay. “Pamamahalaan kong maayos ang iyong kita, pagka’t nalalaman kong sa katatagan ng isang tahanan, ang babae ay may malaking nagagawa…”

            “Ang pangarap ko’y mapaligaya kita, mapaginhawa kita Lilay,” naipakli ni Pakito.

            “Tiyak na ako’y mapaliligaya mo. Ang lalong kailangan ko ay ang iyong pag-ibig. Iyan lamang ang laging ipagkakaloob mo sa akin nang walang pagbabago. Liligaya na ako!”

            Ang gayon ay hindi naging bulaklak lamang ng pangarap ni Lilay. Napatunayan iyan ni Pakito habang nagtatagal ang pagsasama nila sa isang bubong ng pagmamahalan. Ang kaunting kita ay napagkakasya ni Lilay sa kanilang mga pangangailangan. At nakapag-iimpok pa ito nang unti-unti.

            Walang maraming kapritsong pansarili si Lilay. Hindi pala-ibig sa magagandang damit. Nasisiyahan na siya sa karaniwan. Hindi pala-pasok sa sine. Sa kanya’y masarap pang ayusin sa maghamaghapon ang maliit na bahay na kanilang inupahan.

            “Mag-aliw-aliw ka naman,” minsan nga’y nawika ni Pakito sa kanyang mabait na asawa. “Tatanda ka agad kapag ganyan ka. Hala, magbihis ka at ipapasok naman kita sa sine…”

            Nakatawang umiling sa kanya si Lilay.

            “Ayoko,” sagot niya, at sa pagkakaupo ni Pakito sa kanilang lumang silya sa tabi ng durungawan, ay kumandong sa kanya si Lilay. “Dapat tayong lalong magtipid ngayon…”

            “Magtipid? Ano ang magagawa mong magtitipid kung wala kang titipirin?” patawang sagot ni Pakito. “Sa maliit ko bang suweldo’y may natitipid ka?”

            “Mayroon kahi’t kaunti!”

            “Diyata? Nguni’t bakit tayo magtitipid hanggang sa kaunting pag-aaliw na maibibigay sa ating sarili?” ani Pakito. “Makapagdadala ba tayo ng alkansiya sa langit?”

            Napatawa nang malakas si Lilay. Sumaliw sa kanya ang matunog ding tawa ni Pakito.

            “Nguni’t alam mo, Pakito.” ani Lilay at ang butones ng kamisadentro ni Pakito ay linaro ng kanyang hintuturo. “Dapat din tayong magtipid kahi’t hindi makapagdadala ng alkansiya sa langit, sapagka’t balang araw, tayo’y maging… tatlo na!”

            Nanlaki ang mga mata ni Pakito sa pagkakatitig sa mukha ng asawa.

            “Ano?” bigkas niyang pagulat.

            Nakangiting tumangu-tango sa kanya si Lilay.

            “Magiging tatlo!” sambit nito.

            At sa kagalakang sumapuso ni Pakito ay nayakap niya nang pagkahigpit-higpit si Lilay.

            Ngunit ang pagiging tatlo nila sa isang buhay ay may kakambal na mabigat na suliraning ibinigay kay Pakito. Talaga yata siyang sinusubok ng kapalaran.

            Nagsipag-aklas ang kanyang kasamahan sa pinapasukan, at sa agos ng pasiya ng nakararami ay natangay siya. Ipininid ng may-ari ang pagawaan. Ang nangyari kay Pakito ay nawalan ng hanap-buhay.

            “Huwag kang malungkot, Pakito.” aliw sa kanya ni Lilay. “Makakakita ka uli ng mapapasukan. Marahil, lalong mabuti pa kaysa dati!”

            Iyan ang naging pag-asa ni Pakito, at maging pag-asa rin ni Lilay. Makakikitang muli ng mapapasukan. Ngunit pag-asang pinaputlang unti-unti ng mapait na katotohanan.

            Malapit  nang magsilang ng sanggol si Lilay ay wala pa ring pinagkakakitaan si Pakito. Ang alkansiya ni Lilay ay nabiyak na. Said na ang hanggang huling kusing. Talagang hikahos na hikahos na sila.

            Datapuwa, ang lalong malungkot, ang lalong mapait sa kanilang kalagayang iyon, ay ang katotohanang wala ni anumang naihahanda sa sisilang na sanggol. May dalawang kamisong sira si Lilay na tinahi at ginawang ilang baru-baruan.

            At, ang kinatatakutang sandali ni Pakito ay dumating.

            Nang gabing yaon ay ginising ni Lilay si Pakito. Sisilang na ang bulaklak ng kanilang pag-ibig. Kinailangan ni Pakito ang magpasiyang madali. Hindi niya madadala si Lilay sa ospital pagka’t wala siya ni isang buliling sa bulsa.

            Nagunita niya ang hilot na hindi malayo sa kanilang pook. Madalas niyang makita ang karatula niyon sa durungawan kung siya ay naglalakad na pauwi sa bahay na galing sa paghanap ng trabaho. Naririnig niyang sinasabing mabuti raw magpaanak. Mahal lamang kung sumingil.

            “Bahala na!” bigkas sa sarili nang makapagbuo ng pasya, at matulin siyang nanaok. Nagdaan muna sa kanilang mabait na kapitbahay at nakiusap na lumipat muna sa kanila pagka’t manganganak na si Lilay.

            At matulin nang sinundo ni Pakito ang hilot. Sumama naman ito. Nang maihatid na niya sa bahay, ay muli siyang nanaog. Hindi niya ibig saksihan ang pagsilang ng unang bulaklak ng puso sa isang napakalungkot na kalagayan.

            Kailangang gumawa siya ng paraan. Kahi’t anong paraan, kahi’t ano!

            At sa paglalakad na iyon ni Pakito sa kalaliman ng gabi ay para siyang linulunod ng katahimikan sa kabikabila. Para siyang naglalakad sa isang patay na daigdig. Walang may buhay na madudulugan upang humingi ng tulong.

            Sa lahat ng araw, hindi siya nakalilimot na dumalangin. Ngunit, sa pakiwari niya’y naging bingi ang langit sa malungkot nilang kalagayan. Ngayon, parang ayaw nang tumibok ang kanyang puso upang tumawag sa Diyos. Kung talaga siyang tutulungan, noong araw pa sana’y tinulungan na siya. Ano pa ang kabuluhan nang dumalangin niya? Hindi siya naniniwalang sa gipit na kalagayan niyang iyon ay mangyayari ang isang milagro upang makatulong sa kanya.

            Lakad… patuloy siya sa paglakad. Gulong-gulo ang bait niya.

            “Ano ang gagawin ko? Saan ako pupunta, Diyos ko!” ang nasambit niya sa gitna ng pagkagulumihanan.

            At bigla siyang napahinto. Ang paningin niyang may luha palang hindi niya nalalaman ay natawag ng isang ilaw sa isang silid sa ibabang palapag ng isang malakingg bahay. Isang masamang ulap ang biglang nagdaan sa kanyang isip.

            At nang mamalayan na lamang niya ang ginagawa ay nasa looban na siya ng bahay na iyon. Tumiyad siya sa tapat ng bintana nang may ilaw na silid, at nakita niya ang isang lalaki na natutulog sa isang upuan. Sa isang kamay ay may nakabukas na aklat.

            Sa isang panig ng bahay ay may nakita siyang nakaawang na dahon ng bintana. Iyon ang dinaanan ni Pakito sa pagpanhik sa bahay na iyon. Bukas ang pinto ng silid na kinaroroonan ng lalaking natutulog. Linapitan niya ito.

            Nguni’t nakahanda si Pakito. Isang kortapluma ang hawak niya sa kanang kamay. Ang marahang yabag niya sa paglapit ay nakapukaw naman sa magaang na pagtulog ng lalaki. Nagmulat ito ng mata.

            “Mamamatay ka kapag kumilos nang hindi mabuti o nagpagibik kaya?” at tinuunan sa tagiliran ang lalaki.

            “Ano ang kailangan mo?” anito.

            “Salapi?”

            Marahang ibinba ang paniin ng lalaki sa aklat na nasa kandungan. Hinawakan iyon. Nabasa ni Pakito ang nakatitik sa pabalat: Bagong Tipan.

            “Gaanong halaga ang kailangan mo upang maging kaligtasan ng aking buhay?” mahinahong tanong ng lalaki.

            Hindi agad nakasagot si Pakito. Hindi niya nalalaman kung gaanong salapi ang kailangan niya.

            “Pambayad sa hilot!” nawika ni Pakito. “Hindi ako masamang tao, ginoo… hindi ako magnanakaw. Ang aking asawa’y nanganganak sa mga sandaling ito, nguni’t ako’y wala kahi’t kusing na magugugol. Kaya ginawa ko na ang kapangahasang ito… maaari akong mamatay o makamatay sa mga sandaling ito!

            Tumitig sa mga mata ni Pakito ang lalaking iyon, mahinahon, walang sindak.

            “Kung ayokong magbigay sa iyo’y hindi mo ako mapipilit kahi’t sa dulo ng patalim na iyan.” anang lalaki. “Nagkakamali ka ng paraang ginagamit mo sa paglunas sa iyong kagipitan. Hindi ka man masamang tao, sa paggamit mo ng dahas ay masama ka na rin…”

            Malakas na katok sa pinto sa labas ang narinig. Mga yabag pagkatapos ang narinig na patungo sa pinto. Si Pakito’y nawalan ng loob. Mayamaya, isang batang lalaki ang sumungaw sa pinto ng silid na iyon.

            “Don Saro, may pulis po sa pinto sa labas,” anito, “at sinabing nakakita raw po siya ng tao na pumanhik sa bintana.

            “Sabihin mong walang nakapanhik na ibang tao rito,” sagot ng lalaki. “Ang aking panauhin ay isang dating kaibigan. Lakad na…

            Lumisan naman ang utusan. Naiwan uli ang dalawa sa silid na iyon.

            “Ngayon, saksakin mo na ako, tinatanggihan kitang bigyan ng kahi’t maliit na halaga,” anang lalaki. “Hala… saksakin mo na ako!”

            Napayuko si Pakito. Hindi niya magagawa… hindi niya magagawa ang pumatay. Tumalima ang kamay niya nang hawiin ng lalaki iyon. Marahang tumayo ito at ipinatong sa balikat ni Pakito ang isang kamay.

            “Naniniwala akong ikaw ay nangangailangan lamang,” wika nito. “Nguni’t sabihin mo sa akin, bakit dahas at hindi pakiusap ang ginamit mo sa paglunas sa iyong pangangailangan?”

            “Sapagka’t inaakala ko pong hindi ako makatatanggap ng pagpapahalaga… lalo na sa isang katulad ninyong mayaman,” naisagot ni Pakito.

            “Bakit, ang mayaman ba’y hindi tao… ang mayaman ba’y walang puso upang makadama sa malungkot na kalagayan ng kanyang kapuwa?” badya ng lalaki at napailing. “Iyan ang karaniwang pagkakamali. Ipinalalagay agad na ang mayaman ay walang puso, kaya naman ang mayaman at ang kayamanan ay nagiging tila nga walang puso. Nguni’t ang katotohanang nakakaligtaan ay ito: ang mayaman ay tao rin, taong may Diyos, may kapuwa tao…

            Tumalikod ang lalaki. Tinungo ang kanyang susulatan. Binuksann ang isang kahon. Tinawag si Pakito.

            “Narito ang sandaang piso,” anang lalaki at iniabot ang isang dadaaning pisong papel kay Pakito. “Gamitin mo iyang sa iyong pangangailangan.”

            “Ginoo, kay buti ninyo!” at napakagat-labi siya nang mahigpit upang huwag mapaluha.

            “Ang lahat ng tao’y may kabutihan, maging mayaman at maging mahirap,” anang lalaki. “Kaya huwag kang mawawalan ng pagtitiwala sa kabutihan ng tao. Kung may kagipitan tayong lulunasan, dumulog tayo sa kapuwa tao hindi sa pamamagitan ng dahas, kundi sa mabubuting kalooban at pagtitiwala.” At iniabot kay Pakito ang isang kamay upang makipagkamay. “Lakad na… maligayang bati sa iyong pagiging ama. Hinahangad ko ang kalusugan ng iyong anak at asawa.”

            At lumisan na si Pakito. Inihatid siya sa pintuan ng lalaki. Nang naglalakad na siyang pabalik sa bahay ay parang hindi niya mapaniwalaan ang nangyari. Nguni’t ang katotohanang nangungusap ay nasasalat niya sa bulsa na dadaaning piso… lunas ng isang mabuting kapuwa tao sa kanyang pangangailangan.

(Wakas)