Ni Rae Rival

NGAYONG gabi ko lang nalaman na maaari palang pumasok ang tinik ng tulingan sa dila. Hindi lang simpleng tumusok, talagang nasalubsob ng tinik ng isda. Matapos namin kumain ng hapunan sa isang karinderya, agad na kaming umuwi. Pagpasok ng bahay, napansin ko na may kung ano sa aking dila. Naisip ko na baka napaso lang sa libreng sabaw na umaaso pa nang ihain sa amin. Pumunta na rin ako sa banyo upang tingnan ang aking dila sa salamin. Wala namang senyales na napaso o may kakaibang kulay. Wala namang kakaiba sa hitsura ng aking dila.

Pero may mali pa rin sa aking pakiramdam. Parang may kung ano na hindi dapat naroon.

Pinadaan ko ang hintuturo ko sa aking dila at doon naramdaman na may tumusok sa aking daliri. Tumili ako nang bahagya dahil nagulantang ako sa naramdaman ng aking daliri. Paano ko ito kukunin? Kailangan ko ba ng tyani?

Tinawag ko ang aking asawa at saka sinubukang hawiin muli ang dila. Natagpuan ko ang mumunting tinik. Mas mataba ito sa mga karaniwang tinik na halos singnipis lang ng hibla ng sinulid at sa lalamunan tumutusok. Maliliit lang naman ang hugis ng mga taste buds kaya’t tila may kalakihan ang tinik sa tabi ng mga ito. Hindi ako kalmadong tao, sa mga ganitong pagkakataon, natataranta ako. Hindi ako makapagsalita sa takot na lalong lumubog ang tinik sa aking dila. Tuloy lang ako sa pagkapa at paghawi ng masel na nakapaligid sa tinik. Sinubukan kong itulak pababa ang balat upang lumitaw ang piraso ng tinik.

“Kunin mo,” utos ko naman sa aking asawa. “Kita mo ba?” Hawak ng magkabilang hintuturo ang bahagi ng aking dila upang mas makita ng aking kabiyak ang tinik. Hindi ko alam kung naintindihan niya ang sinabi ko dahil nakalawit ang aking dila.

Hindi umimik ang aking asawa pero agad niyang nilapit ang kaniyang daliri sa aking dila. Nakausli naman ang tinik kaya inaasahan kong makikita naman niya ang nakalitaw na bahagi nito. Dalawang beses niyang sinubukang hugutin gamit ang kaniyang daliri pero naroon pa rin.Sa mga ganitong pagkakataon, lagi akong naghahanap ng sisisihin. Ito ang napansin ko sa aking sarili. Laging may ibang taong may sala ohindi ginawang tama.

“Hindi mo naman nakikita! Baka lalong lumubog,” sambit ko na may inis.

Malabo naman talaga ang mata niya. Nagkaroon na siya ng uveitis kung saan halos mabulag ang kaliwa niyang mata. Naalala ko pa nang una kong makita sa liwanag ang kaniyang mata matapos siyang bigyan ng napakaraming eye drops para mawala ang mga ulap sa kaniyang mata. Hindi na lang kulay itim ang iris niya, itim na may halong ibang kulay. Magkaiba na ang kulay ng iris sa kanan at kaliwa. Parang kulay ng holen ang isang tinamaan ng uveitis kaya kapag tinapat sa araw ay may bahid ng berde. Naalala ko ang mga mata ng pusa noong una ko itong nakita. Nasabi niya rin na tila hindi na nawawala ang mga lumulutang na kung ano sa kaniyang mata. Maraming ininom at pinatak sa kaniyang mata bago nawala ang pamumula at pamamaga nito. Konektado rin ito sa kaniyang spondilitis. Ito ay isang uri ng sakit sa buto na tinatawag din na bamboo spine. Tulad ng isang kawayan, hindi na ito nakayuyuko nang mababa, parang hindi na niya magamit ang kaniyang mga gulugod. Parang nagdikit-dikit ang mga kasu-kasuan at buto upang maging isang kawayan na limitado ang galaw. Tinatamaan nito ang ilang ugat kabilang ang mga ugat sa mata na maaaring naging sanhi ng pagkalabo ng kaniyang mata.

Sa mga pagkakataon na galit ako o naiinis, hindi ako pinapatulan ng aking asawa. Tinatanggap niya lang ang paninisi ko. Wala namang ibang may kasalanansa tinik kung hindi ako. Sino ba ang kumain ng isda at sinubukang durugin ang tinik nito gamit ang kaniyang dila? Akala ko kasi ay malambot ang tinik, yaong tila niluto sa “pressure cooker” at kung iipitin ko ang makakapal na tinik sa gitna ng aking dila at ngala-ngala ay madudurog ito. Bakit ko ba naisip na baka sinlambot ng tinik sa mga de-latang mackerel ang binili kong tulingan sa karinderya? Ang nakapagtataka ay hindi ako nasaktan nang husto sa pagpasok ng tinik. Natapos ko ang pagkain at umalis kami ng karinderyang tila hindi nasugatan. Ang dami ko pa yatang kinuwento pauwi.

Ilang minuto pa ang lumipas. Pilit kong pinalilitaw ang tinik pero hindi ko alam kung paano ko ito huhugitin? Dalawang kamay kasi ang kailangan ko upang mapalitaw ang tinik, mga hintuturo sa magkabilang kamay. Kailangan ko ng isa pang taong huhugot sa oras na mapalitaw ko ang dulo nito.

Naghanap ako ng ibang lugar upang pagdausan ng munting “operasyon”.Sa sala ay nakakita ako ng mas maliit na salamin para mas malapitan kong makita ang aking dila. Mas maliwanag din dahil hindi na ako nakatalikod sa ilaw. Inulit ko ang pagtulak ng dila pababa at lalo kong napalabas ang iba pang bahagi ng tinik.

“Ayan, Nanay. Lumalabas ang tinik, nakikita ko na,” sabi naman ng aking anak.

Hindi talaga akong naging mabuting modelo sa aking anak sa mga pagkakataong kailangang kumalma. Kaya naman, minsan nakikita ko rin siyang aligaga at taranta sa mga ganitong sitwasyon. Naalala ko pa noong mahiwa ko ang aking dailiri, tumalsik ang makapal na balat at nahulog sa tabi ng mga balat ng manggang tinatapyas ko. Padalos-dalos kasi akong maghiwa ng mangga. Hindi ko rin alam kung bakit hindi ko kayang hawakan nang tama ang kutsilyo kahit marami na ang nagsasabi sa akin na mali ang paghawak ko. Kaya naman isang hapon, pagkagising mula sa siyesta, pupungas-pungas pa ang aking mata ay natapyas ko ang aking daliri habang naghihiwa ng mangga. Muli akong naging bata na hindi alam ang gagawin bukod sa pumalahaw. Tinanong ko pa sa asawa ko kung dapat ko bang ilagay sa freezer ang natapyas na balat. Kapag naalala ko ay natatawa ako na naiinis sa sarili. Bakit ilalagay safreezer? Tatahiin ba muli ang mumunting balat? Pero taliwas sa aking inaasahan, kalmado ang anak ko at asawa kahit naghihihiyaw na ako na para bang naputol ang isang daliri.

“Kailangan ba nating pumunta ng Emergency Room?” tanong ko habang iniipit ang aking daliri sa mga bulak at naghihintay na tumigil ang pagtulo ng dugo.

“Hindi naman,” sabi ng aking asawa. Hinihintay ko na mapagalitan ako sa asal ko pero nanatili lang siyang kalmado. Tuloy lang siya sa pagsagot ng mga tanong kong dulot ng takot.

“Titigil din ang pagtulo ng dugo, Nanay,” paalala ng aking anak. Marami pa siyang sinabi sa akin na hindi ko na maalala. Basta’t namangha ako na kaya pala niyang maging kalmado sa mga ganoong pagkakataon.

Ganoon din ang ginagawa niya sa akin habang nakatingin sa salamin.

“Sige lang,Nanay. Lumalabas na ang tinik.”

Kumuha ng tyani ang aking asawa.

“Sandali lang at bubuhusan ko ng mainit na tubig ang tyani,” sabi niya.

Nakausli na ang tinik at madali na lang itong kunin. “Nanay, lumalabas na!” sambit pa ng aking anak, “You’re doing a good job!” Iyon naman ang namana sa akin ng aking anak. Ang magbigay ng emosyonal na suporta sa pamamagitan ng mga salita. Kaya naman patuloy lang siya sa paghikayat sa akin at pagpapaalala na ligtas ako. Dahil sa mga salita niya naisip kong subuking ipagpatuloy ang ginagawa ko. Gamit ang mga hintuturo, tinulak ko nang tinulak pababa ang parte ng dila na nasalubsob. Nakahiga ang tinik at unti-unting lumalabas ang nakalubog na bahagi. Kaunting tulak pa ay tuluyan ko nang nahugot ang buong tinik mula sa aking dila.

“Naalis ko na,” sabi ko.

“Ang husay mo, Nanay!Naalis mo nang mag-isa!”

“Salamat, anak.”

Lumabas na ang aking asawa hawak ang tiyani.

“Naku, parang may isa pa!” May magaspang pa rin sa aking dila. Sa ibang bahagi naman.

Muli akong bumalik sa salamin sa banyo. Hinagod kong muli ang dila at nakapa ang isa pang magaspang na bahagi. Kailangan ko lang ulitin ang ginawa ko kanina. Lumabas ako sa banyo at pumuwesto na sa harap ng mas maliit na salamin. Dahan-dahan kongitinulak ulit palabas ang isa pang tinik na pumasok sa aking dila. Nanood muli ang aking anak. Nanood na rin ang aking asawa.

Muli kong natanggal ang ikalawang tinik. Paano ko ba malalaman na wala na talagang tinik. Ilang piraso ba ng tinik ang pumasok sa aking dila? Parang bangungot! Sabi nga ng mga kabataan, “new fear unlocked.” May paso pa ang aking dila kaya hindi ko alam kung may dapat pa ba akong hugutin o magaspang na lang talaga ang pakiramdam ng aking dila. Nakakatawa ang buong engkwentro, parang absurdong eksena sa isang maikling pelikula na surreal pero hindi mo agad makita ang kuwenta. Nabasa ko sa isang pag-aaral na may isang pasyenteng naparalisa ang dila sa pag-aakalang nakagat lang niya ang dila. May tinik pala na pitong araw nang nananahan sa kaniyang dila. Namaga ito sa ikapitong araw at hindi na niya magalaw ang dila.

Hindi ko alam kung anong mararamdaman ng literal na mabunutan ng tinik. Siyempre, tulad ng idyoma, may ginhawang dulot at nabawasan ang takot. Nakakagitla ang mga ganitong karanasan. Hindi ba’t isang balintuna na sa mga pakakataong natatapyasan ng balat ang ating daliri, nasasalubsuban ng munting piraso ang dila, at natatakpan ng munting ulap ang ating paningin, naalala natin na naroon pala ang mga parte ng ating katawan? Malaki pala ang ginagampanan ng mga itosa kasiyahan mo at pagiging tao mo. Isang pasilip sa posibilidad at unibersong hindi na babalik ang iyong paningin, hindi ka na muling makapagsasalita o hindi na kumpleto ang iyong daliri.

Mahiyain ako kaya hirap akong magsimula ng usapan lalo kung hindi ko kilala at wala naman kaming koneksiyon. Hindi rin awtentiko ang pakiramdam ko sa tuwing kailangang makipag-usap tungkol sa mga bagay na hindi naman importante para sa akin, “small talk.” Pero, tulad din ng ilang mahiyain na tao, mahilig din akong magkuwento at marunong akong makinig. Sabi nga, nagiging madaldal ang isang tao sa oras na maramdaman niyang ligtas namang maging bulnerable. Taliwas din sa inaasahan ko dahil nga mahiyain ako, pagsasalita ang pundasyon ng aking trabaho. Kung maparalisa ang aking dila, saan mapupunta ang lahat ng mga nais kong ibulalas? Paano akong magpapaliwanag? Siguro sa pahina. Mawawalan na rin ako ng trabaho. Hindi ko naman maaaring isulat lang ang lahat ng kailangan kong ipaliwanag.

Kung mawalan ako ng dila, hindi ko na mauutusan ang aking anak (o maaari namang pag-aralan ang sign language). Sa pamamagitan ng pagsulat ng liham ko masasabi ang mga salitang puno ng metapora at kabalintunaan. Mas yayakapin ko na lang siya sa oras na kailangan niya ng kadamay at hindi na mabibigkas ang mga salita “narito ako” at “hindi ka nag-iisa.” Pero isang magandang pagbabago siguro ang hindi makapagbulalas ng masasakit na salita.

Siguro ay magagawa ko pa rin naman ito sa pamamagitan ng sign language pero para sa taong nagkaroon ng pribilehiyong makapagsalita, mangungulila siguro ako sa tunog ng salitang “paumanhin.” Sa isang banda, mas malalim ang kilos at may katamaran ang paulit-ulit na umasa sa tunog at bigat ng mga salitang binibigkas. Maraming paraan upang magpadama ng pagmamahal: sa musika, sa pagpinta, sa pagtatanim, sa pagluluto, sa pananahi, sa pagbibigay suporta, sa paglalakad na magkasama, paghawak ng kamay at siyempre sa talinghaga ng mga simbolong ginuguhit sa hangin–ang sign language. Mas malalim siguro ang ibang paraan kung inaalam lang natin at hindi naging kampante sa simpleng pagbigkas. Minsan nga ay nakakasakit ang tono, isang kakayahan na hindi magagap ng isang taong ipinanganak na may abilidad na bumigkas.

Ang galit naman ay napadarama rin sa pamamagitan ng pagdarabog, pagpunit, pagtadyak ng paa, sa pananahimik, sa pagtatago, at sa paglisan. Dalawang araw pang ininda ng aking dila ang paso at munting mga hiwa na dulot ng mga tinik.

Makailang beses na rin akong natinik ng mga tao at karanasan, ng pangarap na magkaroon ng isang mas ligtas at patas na mundo. Hindi ko alam kung ano ang dapat maramdaman sa mga naging karanasan kong bumara sa lalamunan at nagdulot sa akin ng hirap. Sabi nila, pinalalakas daw tayo ng mga karanasang nagpahirap sa atin pero hindi naman pumatay sa atin. Ang panglaw.What does not kill you makes you stronger. Parang ginagawang glamoroso ang mga pagkakataong naabuso ka o nakaranas ng matinding opresyon na halos ikamatay mo. Hindi ka nga namatay pero parang may namatay sa iyo. At dahil napagtagumpayan mo ito ay naging mas malakas ka. Hindi ko masasabing totoo ito nang buong buo. Siguro mas maingat na ako sa mga desisyon at kilos para hindi na ako muling matinik, kalakasan ba iyon? Ang sigurado akong naging bunga ng mga karanasang halos “pumatay” sa akin ay matinding pagdadalamhati. Araw-araw kong binabaka ang mga naging epekto nito sa pagtanaw ko sa buhay at pagtingin sa sarili. Naghihilom naman at lumalago ako, siguro iyon naman ang importante. Hindi ka ulit-ulit na nasasaktan sa tinik? Hindi nanganganak ang tinik?Hindi mo hinahayaang lumubog ito at tuluyan kang malason?

Minsan nanaginip ako, may binhi ng mga tinik sa lupang tiwangwang sa tabi ng bahay namin. Nagkaroon ito ng ugat saka umusbong ng mumunting punla. Nagkaroon ng mumunting tangkay at nanganak ng mga dahon, parang kamukha ng mga monggong tinubuan ng puting tangkay na tila matatabang sinulid. Lumago pa ito at naging isang puno.Sa mga sanga nito ay tumubo ang mga tinik. Nadatnan kong may mga tinik din ang mga dahon nito. Namunga ito at namulaklak. Nahulog ang mga bulaklak sa lupa. Kumuha ako ng prutas at binuksan, hinati sa gitna. Kinain ko ang laman at nagkaroon ako ng bagong dila.