DALANGIN ANG AKING MOOG

Ni MARCELO TEO. ROBERTO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 14, 1962)

Sa anyaya ng orasyo’y nagbalikwas ang panimdim

Nanikluhod sa karimlang ang dasala’y dusa’t lagim;

May pag-asa o wala ma’y nagtitiis na angkinin

Ang ga-mundong kahirapang waring di na kayang bathin…!

Ang lipaking paniwalang tumibay sa pagkaluhod

Nakayukong tumatanggap ng sampilong ng himutok:

Matibay ang pananalig sa dalitang sunud-sunod:

Kung may gabing nagpauna ay may araw na kabuntot.

Nagdarasal ako ngayong pinipiga sa gunita

Ang tumikis na hilahil sa puso kong abang-aba;

Isusulit ko nang buo ang lahat kong pagkadusta

Yamang ako’y lupa lamang na sa wala nagsimula…

Kung sa ganyang pagtitika’y di pa ako magkapalad

Maghihintay pa rin ako ngingiting bagong bukas;

Sa dalanging mataimtim at dasal na walang sukat

Ang ligaya’y aamo rin at lalayo ang bagabag…