Ni EDGAR CALABIA SAMAR
(Unang Labas)
ABEL
TATLO NA ANG napapatay ko simula nang nahílig ako sa pagbabasa ng nobela. Tingin mo siguro, walang kinalaman ang mga pagbabasa ko sa mga pagpatay na ginawa ko, pero siyempre, meron. Na-realize ko early on na kung may papatayin ka pala, kung may buhay na naisip mong tapusin na, for whatever reason ha, imposibleng walang impluwensiya ang mga binabasa mo. Wala akong pakialam du’n sa mga mamamatay-tao na hindi nagbabasa. Sa akin, they don’t count. I mean, nasaan ang point ng pagpatay kung wala kang alam sa mga estruktura ng kuwento. Dahil kung hindi mo alam ang simula, kasukdulan, at wakas, paano mo malalaman kung nasaang bahagi ng istorya mo ang pagtutulak mo sa isang tao sa bangin pagkatapos mo siyang halikan nang pagkatagal-tagal na para bang walang ibang mahalaga sa iyo sa mundo. O paano mo masasabi kung simula pa lang ba ng nobela ang pagkatay mo sa kanya sa sikmura, ang paulit-ulit na pagsaksak mo sa bituka bago mo saliksikin sa talim ng kutsilyo ang atay niya’t saka hiklatin iyon mula sa loob.
Huwag kang mag-alala, hindi ganyan ang ginawa kong pagpatay sa tatlo kong biktima. Ang totoo, ayoko rin silang tawaging biktima. Ginagamit ko lang ang salitang iyon dahil iyon ang mas madaling maintindihan ng makitid na utak ng tao na huhusgahan agad ako bilang kriminal dahil lang may mga napatay na ako. Nakakalimutang gawa-gawa lang din ng unimaginative na utak ng tao ang mga nosyon natin ng krimen, samantalang nagmula sa mga diyos at diyosa ang mas kamangha-manghang posibilidad ng paglikha at pagpaslang.
Kaya ang mas gusto ko talagang itawag sa mga napatay ko, specimen. Mga specimen na object ng pag-aaral, mga textong bukal ng posibilidad ng karunungan. Mga specimen na puwedeng pagmulan ng mga bagong kaalaman para mas maunawaan natin ang mundo at ang uniberso at ang isa’t isa.
Pero wala rin naman akong ilusyon na ang layunin ng buhay ng tao sa mundo ay pag-unawa. Mas matindi rin ang excitement sa akin pag naiisip na malamang na wala naman talagang kaayusan ang lahat. Walang kaayusan pero kumakapit pa rin tayo sa mga disenyo ng naratibo hindi dahil naniniwala tayo sa lohika ng mga ito kundi dahil idinadambana natin ang mga ilusyon. Nahihibang tayo sa mga ilusyon. Marinig ko nga lang ang salitang ilusyon, bumibilis na ang tibok ng puso ko. Palagay ko kasi, may mga katotohanan sa buhay na mapadadaloy lang sa kapangyarihan ng mga ilusyon. Iyon siguro ang totoong kapangyarihan ng mga salaysay. Kaya ako narito ngayon. Kaya ka narito ngayon, sa tingin ko. Gusto nating magsala-salabid ang mga buhay natin sa lalang ng makapangyarihang ilusyon.
May mga araw na naiisip ko na ako yata ang malas kaya namamatay ang mga tao sa paligid ko, pero kapag nakikita ko si Ma na malakas na malakas kahit retirado na, parang hindi tumatanda sa araw-araw na pagbabasa tuwing umuuwi ako sa San Pablo, napapanatag ako sa katiyakan na namamatay lang talaga ang mga tao at puwedeng-puwedeng wala akong kinalaman sa mga ito, kahit pa nga sa mga ako mismo ang pumatay.
Kaya wala akong tiwala sa mga walang habas kung pumatay pero walang-malay sa mga anyo ng salaysay na humubog sa daan-daang taon ng imahinasyon ng tao sa pagkitil ng buhay. Huwag mong sabihin sa akin na ang pagpatay ni Cain kay Abel ang naiisip mong nagpasimula ng lahat ng ito. Lalo ko lang masisiguradong wala kang alam sa mga totoong kuwento ng mundo. Na mangmang ka sa mas malalagim na kuwento mula sa mas malalayong sibilisasyon na ugat ng kasaysayan ng pagpaslang ng tao sa isa’t isa. Bago pa nasulat ang pinakamatatatandang libro sa Matandang Tipan, libo-libong taon nang nanggigilalas sa kamatayang ipinapataw ng tao sa kapwa ang mga mas matatandang sibilisasyon gumamit ng mga wikang Sumerian at Akkadian at Egyptian. Naikuwento na nila ang mga mas sinaunang takot sa kasaysayan ng mga diyos at diyosang pumapaslang, nililipol ang mga tao sa baha’t tagtuyot dahil gusto lang nila. Walang katwiran na nauunawaan ng mga mortal nilang nilalang.
Puwede siguro nating sabihing mga diyos at diyosa ang inspirasyon at huwaran ng mga tao sa pagpaslang ng tao dahil saan pa ba magmumula ang lahat nating kahibangan at kasanayan? Ang lahat ng ating mga bisyo’t ambisyon? Nauna bang pumatay ang tao ng kapwa niya o nauna niyang naisip na maaari nga niyang patayin ang kapwa niya? Pero saka na ang review of related literature. Background of the study muna tayo, para mas malinaw sa ‘yo ang ilang bagay. Isa pa, malamang na mas interesado kang malaman muna ngayon ang tungkol sa tatlo kong napatay. Heto.
Iyung una, tulad ng maraming kaso ng unang pagpatay, hindi ko sinasadya. Napatay ko lang. Sorry but not sorry. Again, mamaya ang detalye, huwag kang atat. Ang hirap kasing magdetalye nang hindi ko muna kinikilala ang mga naisip at naramdaman ko pagkatapos mangyari iyon. Akala ko kasi, kukubabawan ako ng lagim. Na tipong hindi ako makakatulog nang ilang gabi. O na babangungutin ako makatulog man ako. Pero hindi pala. Sa dami ng puwede kong isipin at gawin, ni hindi ko nagawang tumigil at pag-isipan na nakapatay ako. Na nakapatay nga pala ako.
Mas nakonsensiya pa yata ako nang una akong nagsinungaling kay Ma noong nasa Grade 2 ako at sinabi kong kailangang mag-donate sa school kahit ang totoo’y gusto ko lang bumili ng cards ng X-Men dahil gusto kong mapasaakin iyung cards ng Mutant Liberation Front at Brotherhood of Evil Mutants ng hambog kong kaklase. Ayaw niya kasing ibigay sa akin kahit anong bola ang gawin ko. Nauwi na ako sa pananakot, wala pa rin. Hindi ko naman manakaw dahil paano ko rin madadala sa klase at maipagmamalaki sa iba? Kaya ang naging solusyon ko nga, magsinungaling kay Ma para bigyan niya ako ng 200.
Pero nu’ng nakuha ko na, hindi ko rin na-enjoy iyung cards. Tuwing nakikita ko ang angas ni Stryfe na nasa foreground, nakaturo sa susugurin nilang mga kalaban, naaalala ko na nagsinungaling ako kay Ma. Naiisip ko na nagsinungaling na rin lang ako, sana, nilakihan ko na ang hiningi ko. Ang pagkakaiba siguro sa nakapatay ko at sa nagsinungaling ako kay Ma, iyung cards, naroon para paalalahanan ako sa ginawa ko. Isa pa, iyun ngang una kong napatay, hindi sadya, kaya wala, wala talagang kahit anong emosyon. Iyong huling dalawa, pinagplanuhan ko kahit paano. Parang ang yabang ko, sasabihin mo, e tatatlo pa lang naman ang napapatay ko. Well, puwede naman kasing marami na, kung gugustuhin ko. Pero hindi naman paramihan ito para sa akin. Namimilì rin ako. Ang gusto ko nga kasi, may literary merit. Deconstructive ng poetic justice.
Mga nobela nina Anki Lugalme at Gregorio Pablo ang binabasa ko noon. Pinaglalaruan ni Lugalme ang utak ko, tatamnan ng kung ano-anong hinala’t akala bago ibubunyag sa dulo na hibang akong sunod-sunuran sa mga pakana niya. Nagbibigay ng halaga sa mga wala naman talaga. Nagbibigay ng kahulugan sa mga bagay nang higit kaysa sa ibig nilang sabihin. Ilusyon. Pero gusto ko kasi iyung ginagago ako ng mga binabasa ko. Mas ginaganahan akong manggago rin ng iba. At gagong-gago ang utak ko sa mga kuwento ni Lugalme.
Si Pablo naman, iba. Puso ang pupuntiryahin. Bihira kong gamitin ang salitang iyon. Puso. Medyo proud kasi ako kapag nasasabihan akong walang puso ng mga co-faculty ko dahil sa mga estudyanteng ibinabagsak ko. Pero totoo, e. Sa puso ako tinatamaan sa mga katha ni Pablo. Dama ko rito o, sa loob. Paiibigin ka sa tauhan niya. Matandang binatang makata na wala naman talagang ginawa maghapon kundi dumungaw sa bintana, naghihintay ng kamatayan na parang kahit iyon ay kinalimutan na siya. O dalagitang nakatuklas ng bagong elemento na nagpabago sa direksiyon ng mundo pero hindi ng buhay niya. Iyung kakatiting na nga lang na sentimyento sa loob mo, kakantiin pa. Parang napuwing ang loob mo. Hindi mapakali sa lungkot at bagabag. Kailangang hipan ng iba, pero walang iba sa tabi mo para tulungan ka. Kailan ka ba may huling nakasama sa pagbabasa? Kaya iyon. Parang sasabog ang loob mo dahil lang sa problema ng karakter na alam na alam mo namang katha lang.
‘Tang-i––, parang tanga, hindi ba? Ang sama-sama ng loob ko sa mundo pagkakasara ng mga nobela ni Pablo. Parang gusto kong pumatay.
At ginawa ko nga. Walang biro. Huwag kang tumawa diyan, kasi, alam mo, ’yung mga pinatay ko, tumatawa bago ko tinapos ang buhay nila.
Ano, gusto mo ba akong makilala talaga? Gago ka rin, ano. Pero gusto ko iyan. Alitaptap na lumalapit sa apoy. Classic. Makikita mo ang hinahanap mo.
AKO SI ABEL Buenaventura. Huwag kang tumawa, hindi ito joke. Pa-Cain-Cain at Abel-Abel pa ako kanina tapos, biglang Abel pala ang pangalan ko. Wala namang religious sa parents ko sa pagkakaalam ko kaya hindi ko alam kung bakit Abel ang ipinangalan nila sa akin. At kung bakit ipinangalan talaga ako sa isa sa mga unang biktima ng hate crime, na fratricide pa. Well, hindi ko na rin sila natanong dahil pareho silang namatay, kasama sa mahigit apat na libong malamang na nasunog muna bago nalunod sa paglubog ng Doña Paz noong 1987. Huwag kang malungkot para sa akin kasi kaiisang taon ko lang noon, EDSA baby kasi ako. I mean, nabuo raw ako sa Catbalogan habang nagrerebolusyon peacefully ang mga tao sa Maynila. Kaya kahit iyon ang unang Pasko na naulila kami ng ate ko at naiwan sa tiyahin naming teacher sa Samar, wala pa naman akong isip para mag-emote. Ang tiyahin kong iyon ang kinalakihan kong magulang kaya Mama Luz ang naging tawag ko sa kanya hanggang naging basta Ma na lang. Iyung ate ko, namatay naman noong nine siya at mga four naman ako. Wala rin ako talagang memory niya kaya hindi ko pa rin naramdamang may nawala sa akin. Hindi pinag-uusapan sa harap ko ang dahilan ng pagkamatay niya, at kahit nang lumaki na ako, hindi na ikinuwento pa ni Ma. Pero siyempre, may mga hinalang nabuo sa isip ko dahil sa mga hindi sinabi sa akin. Malamang na dahil sa krimen. Baka ni-rape pa bago aksidenteng napatay o sinadyang patayin. Pero wala talaga akong kongkretong basis dito, puro hinala lang. Sinubok kong maghalungkat ng balita sa mga local newspaper pagka-graduate ng college nang nakabisita ulit ako sa Samar, pero wala akong nakita.
Wala pang isang taon pagkamatay ng ate ko, lumipat si Ma sa San Pablo, kahit takot siyang magbarko. Isinama ako, siyempre, kahit pinapaiwan raw ako ng mga lolo’t lola ko sa Catbalogan. May naka-penpal siyang nagtatrabaho sa fabrication plant ng isang engineering company sa San Pablo. Akala niya’y engineer dahil de-kotse pero guwardiya lang pala roon. Pero naroon na, at mahal din naman daw niya talaga, kaya natuloy ang pagsasama nila. Mas bata kay Ma nang limang taon. Si Tito James Bond. Ipinagbuntis daw ito noong ipinapalabas ang From Russia with Love at ipinanganak habang kasagsagan ng promotion sa Goldfinger. At Tito James Bond talaga ang tawag ko sa kanya, hindi puwedeng basta Tito James lang. Pakiramdam niya raw kasi, may kulang. Mabuti na nga lang daw at naging lalaki siya, kung naging babae siya’y baka Pussy Galore ang ipinangalan sa kanya, na hindi ako makapaniwalang pangalan pala ng isang babaeng tauhan sa Goldfinger. Alam kong bastos talaga ang utak ko, pero seryoso ba talaga sila? Pussy Galore? Mabait naman si Tito James Bond, pinalaki’t pinag-aral ako kahit nang magkaroon na sila ng mga sariling anak ni Ma. Si Ma, nakabalik sa pagtuturo, at pagtagal ay naging principal pa ng private na high school sa San Pablo hanggang bago siya nag-retire. Madalas niyang sinasabing mas gusto niya sana siyempreng buong buhay na nagturo na lang siya ng panitikan kaysa gumawa ng admin work, mag-report sa mga board member ng eskuwelahan, mag-manage ng mga guro, humarap sa mga magulang. Pero nangyari na, at masaya na rin daw siya. Obviously, kay Ma ko nakuha ang hilig sa pagbabasa ng nobela. Sa kaniya ko nakilala si Pablo, nasa koleksiyon niya ang kopya ng mga nobela. Kay Pablo ko naman natuklasan ang mga akda ni Lugalme na madalas niyang banggiting binabasa ng mga tauhan sa mga nobela niya.
Gusto kong isipin na naging maalwan naman ang buhay ko, namin, kahit paano, lalo pa nang makakuha si Ma ng malaki-laking pera sa planta nang mamatay sa aksidente roon si Tito James Bond noong first year high school ako. May mga araw na naiisip ko na ako yata ang malas kaya namamatay ang mga tao sa paligid ko, pero kapag nakikita ko si Ma na malakas na malakas kahit retirado na, parang hindi tumatanda sa araw-araw na pagbabasa tuwing umuuwi ako sa San Pablo, napapanatag ako sa katiyakan na namamatay lang talaga ang mga tao at puwedeng-puwedeng wala akong kinalaman sa mga ito, kahit pa nga sa mga ako mismo ang pumatay.
Ngayon, mas kilala na nga ako bilang Doc Abel Buenaventura. Pero hindi ako doktor na doktor. Doctor of Philosophy. PhD. Iyung doktor na hindi alam ng maraming tao na nag-e-exist. O kung alam man, e, hindi naman alam ang halaga nito. Huwag kang mag-alala. Hindi ko rin alam ang pakinabang nito, lalo pa’t sa Comparative Lit ang PhD ko. Ang alam ko, kailangan ko lang kunin ito para hindi ako matanggal noon sa pinagtuturuan ko at tumaas-taas naman ang suweldo ko. Well, tenured na ako ngayon. At ngayon, dahil balik-campus at back to normal na ulit ang lahat kahit abnormal pa rin ang pakiramdam ng mga tao sa isa’t isa sa hindi naman talaga natapos na pandemya, panahon na para bawian ang mga estudyanteng masyadong nakampante sa pag-aaral. Lalo na sa mga estudyanteng ito na tamad na tamad magbasa.
Dalawampu’t isang libro sa isang sem ang required readings sa klase ko. May 18 linggo sa buong sem. Isang libro kada linggo sa 15 weeks at may tatlong linggo na may tigdadalawang maninipis na libro ang ipinababasa ko. Kailangan talaga nilang basahin ang mga iyon kung ayaw nilang bumagsak sa klase. May mga quiz ako at long test na hindi nila puwedeng i-bullshit lang. Sa bawat section, pagkakabigay ko ng silabus, nagtitinginan sila nang palihim––pero may maililihim ba sa akin?––na parang itinatanong sa isa’t isa kung seryoso ba ako sa pagpapabasa ng 21 libro. Parang humihingi ng saklolo sa mga kapwa nila nalulunod.
Siyempre, napapangiti lang ang maliit na halimaw sa loob ko. Sa akin, kulang na kulang pa iyung 21 libro. Kung ilalagay ko ang lahat ng mga nobelang dapat nilang mabása para maunawaan nila ang problema sa mundo, sa mga kinasanayan nating pagbabasa kaya ganito ang buhay natin, baka magpasalamat pa sila. Bago matapos ang unang meeting sa klase, sinasabi ko siyempre na mag-drop na agad ang gustong mag-drop, na huwag na naming pahirapan ang isa’t isa. Ngumingiti sila nang bahagya pero may takot ang mga mata na tulad ng takot ng maliliit na halimaw sa mas malalaking halimaw, pinapangarap ang araw na magiging dambuhala rin sila para lamunin ang mga mas malaking halimaw na nanakot sa kanila.
Ang saya-saya ko lagi sa tindi ng takot nila. Dahil iyan, iyang mga mukhang inosenteng iyan, college freshmen na nanggaling sa mayayamang angkan, iyang mga di naranasang magutom kahit kailan, o di alam ang pakiramdam nung may gusto ka pero di mo puwedeng makuha, o mga anak ng sinuwerte sa negosyo, na sanay lang na nag-uutos, na may gumagawa ng mga bagay para sa kanila, may dumarampot sa mga basura nila, o mga bunso ng mga mandarambong na politiko na magiging politiko rin at magsisilaking mas walang hiya pa sa mga magulang nila, may halimaw rin sa loob ng mga iyan. Pero hindi lang iyang mayayaman. Kahit iyung mga scholar na galing sa probinsiya, tapos, nu’ng nakatuntong dito sa Maynila at nakabasa lang ng bagong saliksik sa disiplina nila e pakiramdam nila’y sila na ang gumawa ng pag-aaral, mayayabang din iyan, matataas ang tingin sa sarili, proud kahit sa dayukdok na buhay na pinagmulan nila, dahil, well, puwede nga kasing i-project na marangal ang sarili dahil lang nagmula sa kahirapan lalo’t napakadaling i-transform iyon bilang origin story ng kanilang kahusayan, kaya kahit iyang mga iyan, may halimaw rin sa loob ng mga iyan.
Dahil may halimaw sa loob nating lahat, iyon ang natutuhan ko sa pagbabasa ng mga nobela. Kaya alam ko na lahat ng estudyante ko, bigyan mo lang ng ilang araw, ilang linggo, ilang buwan, magagawa nang pumatay ng mga iyan. Hindi metaporikong pagpatay, ha. Hindi pagpatay sa tingin. Hindi pagpatay sa isip tulad ng malamang na ginagawa ng marami sa kanila sa akin kapag halos sigurado na silang babagsak sa klase. Iyung totoong pagpatay. Assuming na wala pa silang napapatay, ha. Anyway, itong freshmen na ito na di makapaniwalang magbabasa sila para sa isang klase ng 21 libro sa loob ng isang sem, sila ang masasarap paglaruan. Sila ang masasarap paasahin, bigyan ng pag-asa, ng pantasya, ng kakapitan. Bulungan sa gitna ng pag-aaral ng panitikan: huwag kalilimutang mangarap ng mundong higit sa naririto. Pagkatapos, saka durugin. Wasakin lahat ng pinaniniwalaan. Tapos, kaunting kambiyo’t bulong lang ulit para iangat sila, kaunting papuri, at siguradong kuha mo na ang loob. Gagawin na ang lahat ng sabihin mo.
Ganito ko nakilala si Enkidu. En ang palayaw niya sa iba pero mas gusto kong tinatawag siya sa buo niyang pangalan na obviously ay kinuha ng mga magulang niya sa ka-bromance ni Gilgamesh. Na nagkataong isa sa makakapal na libro ng epikong ipinababasa ko sa klase. Dati kong estudyante si Enkidu bago niya ako binuntot-buntutan sa loob at labas ng kampus. Siya ang kasama ko at tanging nakakaalam sa huli kong pinatay, iyung ikatlo. Ngayon, obviously, si Enkidu ang kailangan kong isunod.
(Itutuloy)









