Hinarap ng batang babae si Puppy at nakalimutan na ang paghingi ng bayabas.

Ni D. L. ALTRE

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Mayo 27, 1963)

UMAYOS si Jun ng pagkakaupo sa sanga ng punong bayabas. Nakatuntong ang isang paa sa isang sanga, at nakabitin ang kabilang paa, siya’y sumandal at kumagat sa matigas na bungang kapipitas lamang.

            “Hoy, unggoy!” Pumukaw kay Jun ang isang matinis na sigaw mula sa kanyang likuran. Siya’y lumingon sa katabing bahay at nakita niyang nakadungaw sa bintana ang isang nakangiting batang babae, na marahil, katulad niya, ay may pitong taong gulang.

            Iba na ngayon ang naninirahan sa kabilang bahay na pinauupahan. Kahapon lamang sila lumipat sa bahay na iyon, at kahapon unang nakita ni Jun ang batang babae, nang dumating na kasama ng mga magulang, sakay ng isang dyipni.

            Putol pala ang isang ngipin ng bata, na ngayo’y nasa bintana at tumawag sa kanya. Pumihit si Jun sa pagkakaupo sa sanga, at nanukso rin, “Naka, bali ang isang ngipin!”

            Nagpatuloy sa pagngiti ang batang babae, na waring ipinagmagaling ang putol na ngipin. “Naka, bali raw. Hindi po, e!”

            Ipinakita ni Jun ang hawak na bayabas na may kagat. “Gusto mo ng bayabas?

            Nawala sa bintana ang bata. Naghanap si Jun ng sa kanyang palagay ay mga bungang maaari nang kainin. Pumitas siya ng lima at ang mga ito’y kanyang ibinulsa.

            Pagsayad ng kanyang mga paa sa lupa ay naramdaman niya ang pagkiskis sa kanyang mga binti ng katawan ni Puppy.

            Nakita niyang pumasok sa kanilang tarangkahan ang batang babae. Dumukot siya ng tatlong bayabas sa bulsa. Nguni’t paglapit ng bata ay si Puppy agad ang hinarap nito, waring nakalimutan na ang paghingi ng bayabas.

            “Aso mo ba ‘to?” tanong ng bata.

            “Oo. Heto’ng bayabas mo, o.”

            Pinagmasdan ng batang babae ang mga bunga sa kamay ni Jun. “Naku, puro bubot iyan, e.”

            “Wala nang hinog. Ito na lang ang kinakain ko.”

            “Ayoko ng bubot.” Muling hinarap ng bata si Puppy, at ito’y paluhod na niyakap.

            “Pareho kayo ni Puppy,” puna ni Jun. “Si Puppy rin, ayaw kumain ng bubot na bayabas, e.

            Nagtawa ang bata. “Puppy ba ang pangalan niya? Ang laki-laki na, Puppy pa!” Ibinulsang muli ni Jun ang mga bayabas. “Ikaw,” tanong niya, “ano’ng pangalan mo?”

            Inilapit ni Jun ang kanyang mukha sa mukha ni Lolit. “Tingnan ko nga ang ngipin mo.”

            Ipinakita sa kanya ng bata ang ngipin. Hindi pala putol ang isang ngipin ni Lolit. Ito’y bagong ngiping tumutubo, kapalit ng isang natanggal.

            “Ano naman ang pangalan mo?” tanong ni Lolit.

            “Jun.”

            “Jun,” tumingala si Lolit, “sa ating dalawa na si Puppy, ha? Wala akong aso, e. Bibigyan ko siyang lagi ng pagkain.”

            “Sige,” sang-ayon si Jun.

            “Kaya mo bang makipagbuno kay Puppy?”

            “Ano?”

            “Nagbubuno kami ni Puppy, e. Madalas kaming magbuno.”

            “Sige nga, magbuno nga kayo.”

            Sinunggaban ni Jun ang leeg ni Puppy. Sila’y nahiga sa lupat at “naglaban.” Masayang pinanood sila ni Lolit. Tumindig si Jun at humiwalay. Nang humabol sa kanya si Puppy ay kinapitan niya ito sa nguso at niyapos ng kabilang braso. Gumulong sila sa lupa. Nagpumiglas si Puppy, nguni’t hindi nakahulagpas. Napaiyak si Puppy. Dagling tumindig si Jun at biniyaan niyang makakawala ang hayop, na lumayo upang pumasok sana sa bahay.

            “Puppy!” tawag niya.

            Nagbalik sa kanya si Puppy, at kumakawag ang buntot na dumila sa kanyang binti. Lumapit sa kanila si Lolit.

            Binalingan ni Jun ang batang babae. “Kaya mong makipagbuno kay Puppy?”

            “Ayoko. Masasaktan si Puppy.”

            “Hindi. Ngayon lang siya nasaktan. Dinaganan ko kasi, e. Huwag mo lang dadaganan.”

            “Ayoko.” Muling niyakap ni Lolit ang aso, at hinaplos ang ulo nito. “Mahal na mahal kita, Puppy.”

            Pinanood ni Jun si Lolit. Walang kuwentang kaibigan ito. Hindi marunong maglaro.

            “Sige,” nakasimangot niyang wika kay Lolit, “pakanin mo na si Puppy.”

            Tumayo si Lolit at nagmamadalingg tumalikod. “Sandali lang, ha?”

            Nang magbalik si Lolit ay may dala nang dalawang pandesal. Agad ibinigay niya ang isa kay Puppy.

            Napuna ni Jun na may palaman pang keso ang tinapay. “Bakit may keso pa?”

            “Mabuti ‘yan,” muling lumitaw ang munting ngipin,” para mas masarap.

            Tiningnan ni Jun ang isang pandesal sa kamay ni Lolit, at siya’y napalunok. “Akin na lang ‘yang isa.”

            “Para kay Puppy ito, e.”

            “‘Yong keso, akin na lang.”

            “Sige.” Kinuha ni Lolit ang keso at iniabot kay Jun, pagkatapos ay ihinulog naman sa harap ni Puppy ang tinapay na wala nang palaman.

            Samantalang nginunguya ni Jun ang keso ay inilapit niya ang kanyang mga mata sa bibig ni Lolit. “Tingnan ko nga uli ang ngipin mo.”

            Ang ngipin ay muling ipinakita ng batang babae.

            “Nagkaroon din ako ng ganyang ngipin, e” sabi ni Jun.

            “Tutubo pa ‘yan, e.” Ngumiti si Lolit.

            “Siguro, paglaki mo, maganda ka, ano?”

            “Jun,” narinig niyang tawag mula sa pintuan ng bahay. Naroroon ang Kuya Rading niya, bihis na bihis, at nakangiti sa kanila. “Sino ‘yan?”

            “Si Lolit.” Itinuro ni Jun ang kabilang bahay. “Sila ngayon ang nakatira riyan, e.”

            Nakangising minasdan ng kanyang Kuya Rading si Lolit, bago nagtungo sa tarangkahan upang maghintay sa kalye ng masasakyang dyipni.

NANG gabing iyon, nang sila’y naghahapunan ng kanyang tatay at nanay at Kuya Rading, ay tumawag sa kanya si Lolit mula sa kabilang bahay. Agad tumindig si Juna at nagtungo sa bintana. Nakadungaw si Lolit.

            “Jun, kumain na ba si Puppy?”

            “Hindi pa. Ako na lang ang magpapakain ngayon sa kanya. Bukas mo na siya dalhan ng pagkain.”

            Nagbalik si Jun sa hapagkainan. Napansin niyang nakatingin sa kanya ang kanyang mga magulang at binatang kapatid. Nakangisi ang kanyang Kuya Rading.

            “‘Lang’ya si Jun, ha?” tukso ni Rading. “Dumidiga na, ha?”

            Nagpatuloy sa pagtukso ang binata niyang kapatid.

            “Liit-liit puso… dega-dega!”

            Madaling tumindig si Jun at suyang-suyang umalis sa hapag ng pagkain.

KINABUKASAN, umaga, ay tumawag si Lolit mula sa lupa, sa loob ng bakuran.

            “Jun! Dala ko na ang pagkain ni Puppy!”

            Nakasimangot na dumungaw si Jun. “Pinakain ko na si Puppy!”

            “Pakakanin ko uli.”

            “Busog na si Puppy!” marahas niyang pakli, at siya’y tumalikod sa bintana.

ARAW-ARAW ay nagdadala ng pagkain si Lolit para kay Puppy. Hindi na humaharap si Jun sa batang babae, kahit na tinitigan ng matanda niyang kapatid ang pagtukso sa kanya.

            Isang gabi’y inutusan siya ng kanyang tatay na bumili ng isang kahang sigarilyo sa tindahan. Lumabas siya sa bahay, kasunod si Puppy. Sila’y tumawid ng daan patungo sa katapat na tindahan.

            Matapos bumili ay muling tumawid ng daan si Jun, nguni’t napansin niyang hindi niya kasunod si Puppy, na nagpaiwan pa sa tindahan, paamuy-amoy.

            “Puppy!” galit niyang tawag.

            Tumingin sa kanya ang aso at maliksing tumakbo upang tumawid. Isang rumaragasang taksi ang kasalukuyang dumaraan, at si Puppy ay nabundol at humagis  sa tabi ng lansangan.

            Lumabas sa tindahan sina Mang Sebio at Aling Mameng.

            “Susmaryasantisima!” sambit ni Aling Mameng.

            Dumungaw ang mga magulang ni Jun. “Si Puppy!” gulat na wika ng kanyang ina. “Nasagasaan ang aso ni Jun!

            Ilang taong nagdaraan ang nagmasid. Nilapitan ni Mang Sebio ang hayop at dinala kay Jun. Inilapag ng matandang lalaki ang aso sa lupa.

            “Patay na…” mahinang wika ni Mang Sebio.

            Malungkot na hinagod ni Jun ang ulo ni Puppy.

“PUPPY…” tawag ni Lolit sa lupa kinabukasan ng umaga. “Puppy.”

            Dumungaw si Jun. “Patay na si Puppy!”

            Tumingala sa kanya si Lolit, na may dalang isang palanggana ng pagkain, at siya’y pinandilatan. “Niloko mo ‘ko, ha?”

            “Hindi. Talagang patay na si Puppy.” Itinuro niya ang kalye. “Nabundol ng isang taksi kagabi.”

            “Bakit hindi ko nalaman?” Hinddi pa rin naniniwala ang batang babae.

            “Ewan ko sa ‘yo. Basta patay na si Puppy. Ibinaon namin ng Tatay kagabi.” Itinuro ni Jun ang libingan ni Puppy. “Diyan sa may punong bayabas.”

            Lumapit si Lolit sa isang katambukan sa lupa sa tabi ng puno. Napansin ni Jun na mukhang iiyak ang batang babae.

            Binitawan ni Lolit sa isang tabi ang palanggana, at patakbong tinungo ang tarangkahan. Agad nawala ang batang baba sa paningin ni Jun. Nakaramdam siya ng pagkaawa.

NANG hapong iyon ay muling inakyat ni Jun ang puno ng bayabas. Marami nang hinog na bunga. Pumitas siya ng pinakadilaw na bunga upang maialok sa kaibigan.

            “Lolit!” tawag niya. Ilang ulit siyang tumawag bago dumungaw si Lolit. Hanggang ngayo’y umiiyak ang kanyang kaibigan.” Mayroon nang hinog na bayabas! Halika!

            “Ayoko!”

            “Naka, iyakin ka pala, e. Ako, hindi umiyak.”

            Tumalikod si Lolit at nawala sa bintana.

            Mag-isang kinain ni Jun Jun ang pinitas na mga bayabas.

PAGKARAAN ng isang linggo, ang tatay ni Jun ay dumating na may dalang isang tuta. Bigay raw iyon ng ninong ni Jun. Tuwangtuwa, agad niyang kinalong ang munting hayop, at siya’y tumakbo sa labas.

            “Lolit!” sigaw niya sa bintana ng kanilang bahay.

            “Mayroon na naman tayong aso! Lolit!”

            Ilang ulit siyang sumigaw. Hindi dumungaw si Lolit.

            Nang dadalhin na lamang niya sa bahay ang bagong alaga, nakita niyang bumungad si Lolit sa tarangkahan.

            “Uy, ang ganda!” bigkas ni Lolit, at patakbong nilapitan sila. Masuyong hinipo ng batang babae ang ilong ng tuta.

            “O, kalungin mo.”

            Lugod na lugod, tinanggap ni Lolit ang munting hayop.

            “Ano’ng ipapangalan natin?”

            “Puppy, ano pa!”

            “Sige!” Ngumiti si Lolit. Pinagmasdan ni Jun ang munting ngipin ng batang babae.

(Wakas)