Ni EDGAR CALABIA SAMAR
(Ika-3 na Labas)
PERO WALA akong ginawa. Matanda na siya. Bahala siya.
Wala akong ginawa kahit nang one week na siyang di bumabalik sa apartment. Hindi ko rin siya nakikita sa campus. At hindi ko siya hinanap kahit kanino. Wala akong pinagtanungan. Wala rin namang ibang naghahanap sa kaniya. Wala siyang org, sa pagkakaalam ko. Hindi ko alam kung may malapít siyang blockmate, pamilyar lang sa akin ang mukha ng iba dahil nakikita ko minsan na kasa-kasama niya sa tambayan. Pero wala ngang naghahanap sa kaniya kaya di ko pinapansin kapag may nakakasalubong akong parang namumukhaan kong kakilala siya.
Matanda na siya. Bahala siya.
Pero isang araw, binuksan ko ang kuwarto niya dahil baka naman nabubulok na pala siya roon. Wala, tulad ng inaasahan ko. Siyempre, wala, naisip ko agad, saka bahagyang natawa sa sarili na naisip na puwedeng nasa kuwarto lang pala ang katawan niya all this time. Iyung gamit niya, grabe ang ayos. Pati kumot, nakatiklop. Plantsado’t nakahanger kahit mga t-shirt lang. Naka-arrange pa sang-ayon sa kulay. Puti, itim, blue. Tigwawalong shirt. May anim na collared shirt din, tatlong puti at tatlong itim. Iyung apat na rubber shoes, nasa glass cases. May isang leather shoes na nasa ibabaw ng pinakaitaas na glass case. Naghanap ako ng kahit anong kalat, kahit anong unsual, kahit anong sisira sa kaayusan. Wala. Mahihiyang pumasok ang basura rito. Lumabas ako’t ini-lock ko ulit ang pinto.
Hindi ko na rin siyempre sinabi kay Ma na wala na naman akong kasama sa bahay. Kapag inambush visit ako ni Ma, walang dahilan para mag-isip siyang wala na si Amiel. Nasa kuwarto pa rin ang mga gamit ni Amiel. Kataas-taasan, sermunan niya ako’t ikompara ang kalat ng mga gamit ko sa ayos ng mga gamit ni Amiel. Pero malamang na sa bandang huli, siya rin ang maglilinis ng buong apartment.
Halos isang buwan na simula noong fiesta sa San Pablo nang pagbalik ko sa apartment, dinatnan ko sa labas ang ate raw ni Amiel.
DITO KO natiyak na talagang nawawala nga si Amiel. Sinabi ko sa ate niya na matagal ko na ngang di nakikita si Amiel. May bahagyang pag-aalala para hindi naman ako mukhang walang-kuwentang kasama sa bahay. Di ko binanggit siyempre ang pagsasama ko sa kapatid niya sa San Pablo. Sinabi ng ang pangalan niya, pero hindi ko narinig nang mabuti kaya nahiya na akong itanong. Parang Geraldine. O Catherine. Nasa 5’3’’ pero may posturang parang titisurin ka sa daan kapag loloko-loko ka. Naka-maong na blue at t-shirt lang. Medyo mapanga siya at bahagyang singkit ang mga mata. Kitang-kita ko sa mukha niya ang iniimpit na takot para sa kapatid. Sinikap kong magmukhang natatakot din para kay Amiel kahit paano. Hindi ba talaga ako nag-aalala kahit konti? Wala akong maramdaman sa loob ko. Tinanong ko kung nanggaling pa ba siyang Marinduque. Sinabi niya na sa Pasig na siya nagtatrabaho. Hindi ko alam na may ate pala sa Pasig si Amiel pero ano ba talaga ang alam ko kay Amiel?
Tinanong niya ako kung puwede siyang pumasok sa apartment. Of course, of course, sabi ko. Pagpasok, pinapaupo ko siya sa sofa sa maliit na salas pero gusto niyang tingnan na agad ang kuwarto ni Amiel. Hindi ko na ulit napasok iyon simula noong sinilip ko sa pag-aalalang nabubulok na ang bangkay roon ni Amiel. Biglang kumabog ang dibdib ko. Paano kung biglang naroon pala talaga ang bangkay ni Amiel pero hindi ko lang nakita noon? Gaano katagal na ba iyon? Halos three weeks? Paano kung nasa ilalim pala ng kama? Chineck ko ba ang ilalim ng kama?
Pagbukas ng pinto, natawa na naman ako sa kung ano-anong naisip ko. Siyempre, wala ang katawan ni Amiel. Amoy lang ng naluom na silid ang bumungad sa amin. Maayos na maayos pa rin ang pagkakatiklop ng kumot sa kama. Tiningnan ng ate niya ang mga gamit ni Amiel. Naghahanap siguro ng kahit anong puwedeng magbigay ng clue kung nasaan ito. Wala. Tiningnan niya ako na parang nanghihingi ng saklolo. Anong sasabihin ko? Gusto mong i-report na natin sa pulis? sabi ko. At nagsisi ako sa offer ko pagkasabing-pagkasabi ko. Tumango siya nang bahagya kaya wala na akong nagawa kundi samahan siya.
Malayo-layo ang municipal police station ng LB sa apartment ko. Sa Villegas pa pero kinaya ng 20 minutes na drive. Hindi ako kinakausap ni Catherine (nagdesisyon akong Catherine na lang siya sa utak) buong time, kahit nakaupo siya sa tabi ko. May tatlong naka-park na service sa tatatlong parking slot sa unahan ng presinto. Ibinalandra ko ang sasakyan sa unahan nila sa gilid ng kalsada.
Nagulat ako na hinarap agad kami ng mga pulis nang pumunta kami sa presinto. Kinausap kami ng nagpakilalang PO2 Maghirang para mag-blotter. Tinanong niya si Catherine tungkol kay Amiel at ng mga alam nito tungkol sa pagkawala nito. Pagkatapos, inulit niya sa akin ang mga itinanong niya kay Catherine. Inulit ko lang din ang mga sinabi ko na sa ate ni Amiel. Idinagdag ko na dahil magkasama lang kami ni Amiel sa bahay pero hindi hindi naman talaga magkakilala bago siya tumira roon kaya wala kaming pakialaman sa mga ginagawa sa araw-araw. Paminsan-minsan, nagkakakuwentuhan kapag nagpapang-abot pero hanggang doon lang. Hindi ko rin sinabing isinama ko si Amiel sa San Pablo noong Enero. May paraan ba para malaman nila iyon?
Dahil wala namang lead talaga, maliban sa posibleng matagal nang nawawala si Amiel, sinabi lang ni PO2 Maghirang na irerebyu nila ang kaso ng mga found dead body nitong nagdaang buwan na nananatiling unidentified. Nilinaw ulit niya kay Catherine na wala itong alam na posibleng dahilan para sadyaing magtago ni Amiel. Iginiit ni Catherine na wala. Na imposible. Na kung aalis dito si Amiel, wala itong gagawin kundi bumalik lang sa Mogpog. Sa kanilang magkakapatid, si Amiel lang ang gustong bumalik sa Mogpog. Si Amiel lang ang ayaw umalis sa Molpog.
Dahil ako iyung good samaritan na nagmagandang-loob na samahan lang ang ate ng nawawala kong housemate, kaya wala namang kahina-hinala si PO2 Maghirang na may kinalaman ako sa pagkawala ni Amiel. Good boy ako sa lahat ng societal standards. Palaki ng isang teacher. Isko. Wala kahit traffic violation. Ni hindi nagyoyosi. May alaga pa akong cactus sa apartment. At anong posibleng motivation?
Kumalat ang larawan ni Amiel sa LB. Missing. Kahit sa labas ng campus. Walang Amiel na lumitaw. Walang lumitaw na puwedeng makapagturo sa kinaroroonan ni Amiel. Ako, iniisip ko, ano ba’ng nangyari sa gagong iyon? Kung may nangyari sa kanya, kung naaksidente o kung ano, napabalita man lang sana. Pero wala. Walang katawan ng kahit sinong puwedeng pagkamalang si Amiel na nakita sa kahit saan sa Laguna o kahit sa mga kalapit-lalawigan, sa Quezon o sa Batangas, o kahit sa Maynila. Sabi ni PO3 Maghirang nang balikan ni Catherine, kasama na ang tatay nila. Hindi ko na sila nasamahan dahil biglaan at may klase ako pero ibinalita niya sa akin sa phone. Wala, wala na si Amiel, sabi ni Catherine, parang naghihintay na sabihin kong huwag siyang susuko, huwag silang susuko. Na puwedeng lumitaw pa si Amiel. Pero hindi ko sinabi. At parang ang sarap sa pakiramdam na hindi ko siya binigyan ng pag-asa. Na hindi ko sinabi ang gusto niyang marinig.
Sasabihin mo ngayon, akala ko ba, napatay mo?
E, gago, nakikinig ka ba? Alam ko, parang kung saan-saan na napunta ang kuwento ko, pero sigurado akong malinaw naman ang nangyari. Gets mo ba. Simula nu’ng iwan ko siya sa gilid ng Marcos highway sa San Pablo, bandang alas-tres ng madaling araw, di ko na ulit siya nakita, di na siya nakita ulit ng iba. Anong tawag mo du’n?
Sabi ni Catherine, iyung tatay niya, umasa pa ring buhay si Amiel noong una, na makikíta pa ito. Pero anong petsa na ngayon? Halos dalawang dekada na. Wala nang Amiel na lumitaw dahil wala na siya, okay? Siguro nasagasaan ng trak nung hinabol niya ako. Naluray-luray ang katawan sa highway, napisak nang napisak nang nadaanan nang nadaanan ng mga kasunod pang sasakyan, tulad ng nangyayari sa mga pusa o asong nasagasaan na paulit-ulit na dinaanan ng mga sasakyan. O baka rin namatay na pala siya agad nu’ng naatrasan ko pa lang siya, at multo na niya ang humampas sa likod ng kotse, sumigaw, at humabol sa akin. Basta ang point, ako ang huli niyang kasama bago siya nawala, sa akin ang credit ng pagkawala niya.
Isa pa, siya ang nasa isip ko nang plinano kong pumatay a year ago. Imagine, nagtapos muna ako ng college, nag-masters, nag-PhD, naghintay na ma-permanent dito sa A–– University bago ko naisipang pumatay. Pumatay for real for real. And they were well-executed. Pakiramdam ko, pro ako. Na more than my PhD dissertation, those murders were my actually my best works. Pero iyung tungkol sa kanila, hintay ka lang. Mas importante kasi itong recent developments with Enkidu. Ang importante sa ngayon, iyung dalawang pinagplanuhan kong patayin, parehong tagarito sa A––. Estudyante ko iyung una, at ginawa ko sa mismong sem na nasa klase ko siya. Iyung pangalawa, colleague. Nagtuturo rin ng Lit. At creative writing, dahil nanalo nang isang beses sa Palanca noong bata-bata pa siya at may dalawang poetry books na na-publish na wala naman yatang nakapagbasa maliban sa mga ka-poetry group niya. Dito sa huli, nakasama ko nga si Enkidu na estudyante ko sa Pomo Fic elective nang nangyari iyon. Hindi kasama sa plano, siyempre, pero dahil matalino itong si Enkidu, nalaman niya ang mga plano ko dahil sa suggestions at hints na nasa syllabus ko at lectures.
Tinanong ako ng department head namin kung desidido ba ako sa elective na ituturo ko. Katatapos ko lang noon ng PhD ko, at excited akong magturo ng elective sa undergrad. Murder in Postmodernist Fiction. Nagtataka ako sa mga ganitong tanong. Gusto kong sabihin sa kaniya, hindi, nagjo-joke ako, kaya nga nag-effort akong gumawa ng detailed syllabus na may pagkahaba-habang suggested readings, di ba. Pero ang sinabi ko siyempre, yes, ma’am, I think we will attract a number of non-majors to this class. Pero ang nasa isip ko talaga, e, ‘tang-‘na, kaya tuwang-tuwa tayong ginagago ng mga komedyante sa Pinas, e. Kung desido ba ako? Magpo-propose ba naman ako ng elective nang kusa kung hindi ako desido rito, e, puwede naman akong magpabandying-bandying tulad ng ginagawa ng ibang teacher dito.
Pagkatapos ng ilang pasikot-sikot sa usapan, saka ko natukoy ang pag-aalangan niya. Hindi siya komportable na may salitang murder sa course title. Tinamaan ng magaling. So may mga paksa palang hindi mo kailangang banggitin. Kahit sa panitikan. Kahit sa eskuwelahang ito na pinagpaparangalan ang edukasyong liberal. Sige, maglaro tayo. Kinailangan kong ipaliwanag na hindi literal na pagpatay o krimen lang ang ibig kong tukuyin dito. Sa isip-isip ko, gago ka ba. Panitikan nga ito, alam mong hindi tayo nagtatapos sa literal lang. Pero alam ko rin na ang tinutukoy ko naman talagang murder sa course title, e, iyon ngang mga literal na pagpatay lang sa panitikan.
Pero handa ako sa mga ganitong ululan. Hindi ako nag-PhD para maubusan ng gas sa pakikipagtalo sa wala naman talaga. Sinabi kong sa diksiyonaryo mismo, dalawa ang pangunahing kahulugan ng murder. Una, “the unlawful premeditated killing of one human being by another.” Ito iyong malamang na iniisip niya. Ito iyong labag sa batas. Labas pa sa utos ng Diyos. Diyos niya, to be clear. At ngayon, hindi siya komportableng paksain ito kahit sa klase. Kaya kailangan ko ng ikalawang kahulugan: “Informally, murder means a very difficult or unpleasant task or experience.” O ayan, ha, kailangan pa ng informal meaning ng salita para lang magkaroon ng bigat sa kaniya.
Inulit ko na kung iyon ang gagamiting course title, baka mas maraming mag-sign-up sa klase. Baka makatulong din ito para makahikayat ng mga magma-minor sa Lit, o kung sinusuwerte’y baka mag-major pa. Pero wala, ayaw talagang bumigay nitong female Professor Moriarty na ito. Her pretend morality trumps any probable discourse. Nauwi kami sa basta A Survey of Postmodernist Fiction. Pero siyempre, sa course content ko binawian, sa readings at sa class discussions. Sa klaseng iyon ko nga nakilala si Enkidu.
Enkidu Torres ang buo niyang pangalan. Siya ang nasa dulo ng classlist ng labing-isang estudyante. Siya ang pinakamaagang dumating. Nalaman ko na graduating senior na siya at kumukuha ng BS Biology, pero tumutula-tula. Miyembro ng literary org sa school. Medyo chinito, pero siya na mismo ang nagsabi eventually na wala siyang lahing Chinese. Pero baka hindi lang niya alam. Pero wala na akong sinabi.
NU’NG MAKITA ng mga estudyante ang syllabus pagkatapos ng unang meeting, may dalawang nag-drop. Okey lang, hindi ko sila kailangan sa klase ko. Siyam ang natira kaya puwede pa ring ma-waive para hindi maging tutorial. Tatlong lalaki, anim na babae. Hindi ko alam kung mas marami lang talagang babaeng mahilig sa fiction, o mas kakaunting lalaki ang trip ang postmodernismo. Dalawa ru’n sa babae, majors ng Lit. Iyung pitong iba pa, kasama si Enkidu, kung ano-ano nang mga major na walang kinalaman sa Lit.
Naisip ko siyempre na akala siguro nu’ng iba, madali lang ang klase na ito. Basa-basa, bola-bola. Pampataas ng QPI. O na baka magiging mabait ako kasi relatively, e, batang faculty na nagtuturo ng elective. Just to be clear, 32 pa lang ako. Kung nag-math ka sa mga sinabi ko kanina, nakuha mo na dapat ito. Maraming ibang mas matanda, mas institusyon na sa school, at mostly terror profs kaya hindi nila kukunin. Tulad ni Mrs. Moriarty na feminist na marxist daw pero laging si Butler lang ang ipinababasa. Na mukhang si Butler ang huling nabasa bago nilunod ng admin work.
Akala siguro ng mga estudyanteng ito, makukuha ako sa chill-chill lang. Kaunting basa, mas maraming bola. Well, nagkamali sila. Kung tingin nila, hindi seryoso iyong 36 na nobela, I don’t have to remind them na sila ang nag-decide na mag-enroll at magpatuloy sa klase. Dalawang nobela bawat meeting, regardless ng haba. Hindi pa kasama rito ang ilang critical essays na magsisilbing framework sa pagbasa sa mga ito. First two readings ang The New York Trilogy ni Paul Auster para easy reading muna, saka ang 910 Calle Kundiman ni Gregorio Pablo. Daya pa ito kung tutuusin dahil tatlong nobela talaga ang kay Auster, pero maninipis naman kaya wag na silang magreklamo. At magaan ngang basahin, kahit maraming papilosopong kung ano-anong ang sakit sa bangs, sabi nga nu’ng isa sa anim na babae, nagpapa-cute, tatawa-tawa pa. First time kong narinig na may nagsabi ng expression na iyon sa klase. Ang sakit sa bangs. Tiningnan ko siya nang masama pagkatapos niyang sabihin iyon. Hindi na ako nakarinig ulit ng kahit anong pa-cute mula sa kaniya sa klase. Wala na akong narinig na kahit ano mula sa kaniya sa klase sa buong sem.
Iyung nobela ni Pablo (pansiyam niya, pero masasabi kong isa sa tatlong major novels niya), naunang na-serialize sa short-lived revival ng Bulaklak Magazine noong late 80’s hanggang early 90’s. Ito ang pinakamahabang nobela ni Pablo na hindi natapos ang serialization dahil nagsara nga ang Bulaklak matapos ang wala pang tatlong taon. Umabot ng 128 labas sa magasin ang nobela. Nabasa ko ito noong nagma-masters na ako dahil sa access sa mga kopya ng magasin sa Filipiniana Section ng A– Library. Tapos, isang taon bago tumigil sa pagsusulat si Pablo noong 2009, nag-publish siya ng complete edition ng 910, eksaktong 910 pages, tipikal sa mga literary dazzle ni Pablo––at naidagdag niya ang supposedly, e, unpublished last 23 chapters ng nobela. Dahil siguro serialized sa magazine at correspondent ang labas sa kabanata kaya ito ang tanging nobela ni Pablo na halos magkakasinghaba ang mga kabanata na tig-aanim na pahina at may apat na pahinang section divider ng apat na “canto” ng libro, na siyempre ay pinaglalaruan ni Pablo ang kahulugan bilang kanto ng Calle at awit ng Kundiman sa pamagat ng nobela.
So para sa first week ng klase, technically ay kailangan nilang magbasa ng isang trilogy at isang 910-page novel na set mostly sa 19th century sa isang alternatibo at pantastikong Filipinas na pinamumunuan ng mga aswang at cyborg.
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.









