Ni EDGAR CALABIA SAMAR
(IKA-5 LABAS)
IYUNG KAISA-ISA niyang profile picture, nakatawa, parang binigla siyang kunan ng picture kanina lang. Iyung background, nondescript, mukhang nasa bahay lang siya. Nasa pagitan ng beige at dirty white na pintura ng isang random na pader.
Nag-alangan akong i-add siya sa FB. Anong iisipin niya? Walang ibang makaaalam, purgatoryo / itong babalik-balikan. Naisip kong gumawa ng FB group para mai-add ko silang lahat sa FB ko, iyung siyam kong estudyante. Para hindi halata na kay Enkidu lang talaga ako interesado. Pero tinamad ako. Bakit ba.
Pinindot ko ang Add friend button sa tabi ng pangalan niya. Ako ang nagulat nang wala pang ilang segundo, inaccept na niya agad ang request ko. Na para bang nakaabang lang siya sa laptop niya, hinihintay na mag-friend request ako. Na para bang alam niyang gagawin ko ito, na hindi ko mapipigilan ang sarili ko.
Nu’ng makita ko na ang laman ng FB niya, saka ko na-realize na ibang-iba iyon sa Enkidu na nagsulat ng mga tula. Nagmumukha siyang karaniwang college student sa profile niya. Nag-i-status tungkol sa mga klase (hinanap ko kung meron siyang post tungkol sa unang klase ko sa kanila nang hapong iyon, wala akong nakita, o baka na-delete na niya bago ko pa man siya ini-add sa FB, pero nakaramdam din ako ng bahagyang inis na wala man lang siyang kahit anong post na may kinalaman sa klase namin, o sa akin), may mga pa-mysterious na crush (hindi siya in a relationship, na ipinagtataka ko rin, dahil ’yung hitsura niya, e, ’yung hitsura na hindi mawawalan ng girlfriend––o boyfriend, irrelevant sa akin ang preference niya––later ko na malalaman na by choice iyon, siyempre), puma-party, nagpo-post ng pic ng pagkain niya, ng mga pinupuntahang lugar, ng mga pusa sa campus, ng mga librong binabasa. Karamihan ng profile picture niya, hindi kita ang mukha niya, o blurry, bago po man ito nauso sa mga Gen Z.
Sa FB niya, karaniwang-karaniwan siya’t maglalaho sa patuloy na lumulobong populasyon ng mga kabataang walang sariling identidad. Napakalayo noon sa nagsulat ng “Karnabal.” O ng “Hati.” o ng “Alas Dose.” O ng prosang tulang “Namamatay Ako Taon-Taon.” Maskara lang ba itong FB? Isang pagpapanggap na kagaya lang siya ng iba para maitago ang talagang siya, ang siya ng mga tula na nasa H––? Ang siya na nagbasa ng mga nobela ni Gregorio Pablo.
Pero ginagamit niya ang totoong pangalan niya sa byline ng mga tula. Kasama pa nga ang buong middle name niya. Enkidu Aningal Torres. Much later ko pa malalaman na Waray para sa alingawngaw ang aningal, pero never kong narinig na ginamit ni Ma. Mas ang una ko talagang napansin, e, EAT ang initials niya. Sorry, alam kong irrelevant, pero nakakaaliw lang. Well, wala naman talagang irrevelant, lalo kapag naiisip kong nasa loob ng DEATH ang EAT. Eat that.
O ang mga tula niya ang maskara para pagtakpan ang totoong siya?
O parehong maskara ang mga ito, at iyong totoong Enkidu, isang buong mundo na natatabingan ng mga alingawngaw na ito? Anuman, ang bersiyon ng Enkidu na nasa klase ko, iyung mukhang nabasa na ang mga nobela sa silabus pero mukhang handang basahin ulit ang tatlumpu’t anim na nobelang iyon sa loob ng limang buwan, at iyung naglathala ng labing-apat na tula sa H––, iyon ang Enkidu na gusto ko.
At iyon ang Enkidu na makakasama ko sa pagpatay sa one-time Palanca awardee ng Lit Department namin. Mula pagpaplano hanggang sa mismong pagpatay.
At iyon ang Enkidu na kailangan ko rin ngayong patayin.
Tatlong araw na ang nakalipas nang sinabi nilang buháy si Jeremy, pero nasa coma. Hindi ako makapaniwala. Bago ako nawalan ng malay, nakita kong sumabog ang utak ni Jeremy sa harapan ko. O na-imagine ko lang ba iyon? Dinagdagan ng drama at dahas ng utak ko ang totoong nangyari lang?
Pero malayo pa iyon. Nang mga oras na iyon, gusto ko lang marinig ang mga sasabihin niya sa Pitumpung Patnubay. Siyempre, siya ang tatawagin kong discussant sa susunod na pagkikita.
ENKIDU
NASA HIGH school ako nang máhílig ako sa pagsusulat. Wala pa akong pinaplanong patayin noon, pero totoong nasa isip ko lagi iyon. Bago mo ako i-psychoanalyze, sasabihin ko nang matagal ko nang sina-psychoanalyze ang sarili ko. So hindi na bago iyan, at hindi ko na ipagtataka. Hobby ko iyan noon pa, kahit noong di ko pa naririnig ang salitang iyan. Basta lagi akong may moment of reflection, parang two steps back, pagkakatapos ng mumunting krimen nu’ng bata.
Tulad nu’ng matapos kong patayin ang maya pet ni Joaquin, younger brother ko. Ipinabili niya kay Mom, fiesta sa bayan. Nakakulong sa maliit na hawlang gawa lang sa stick ng barbecue. May paint na red ang mga pakpak. Ang abnormal nu’ng ibon. Parang si Joaquin. Parang clown na ibon na ewan. After dinner, nu’ng natutulog na si Joaquin, kumuha ako ng saging sa ibabaw ng ref. Binalatan ko, kinain ang kalahati. Tapos, iyung other half, pilit kong ipinasok sa hawla. Ang lagkit sa daliri ko kasi napisak nang konti. Iyung maya naman, ang tagal nag-deliberate kung tutukain iyung saging. Grabe, walang tiwala sa akin?
Ipinasok ko sa pagitan ng mga kawayan ang kanang hinlalaki ko at hintuturo. Pinipilit kong abutin ang maya. Pero umiiwas, kahit ni hindi nito maikampay ang red wings sa pagkasikip-sikip na hawla. Hinampas-hampas ng kaliwang kamay ko iyung side ng hawla na pinupuntahan nito. Finally, nahawakan ng mga daliri ko ang batok part nito. Super kampay at forever pagaspas ng pakpak. Tina-try niyang tukain ang daliri ko pero di niya abot. Loser na ibong mukhang clown.
Itinapat ko ang tuka niya sa saging. Ayaw pa ring tukain. Hello, pinapakain ko na, duda pa? Yumuko ako nang konti para matingnan nang mata sa mata iyung maya. Ay, grabeng makatingin sa akin. Para akong kriminal kung tingnan! Ibinaba ko ulit ang tuka sa saging. Ayaw pa rin. Ibinaon ko na ang tuka sa saging, tapos iyung buong mukha itinodo ko na pabaon sa saging. Pagaspas nang pagaspas iyung pakpak. Tapos, maya-maya, parang na-lowbatt, tapos dead na.
Nu’ng bitiwan ko, naghalo na iyung saging at ulo nu’ng maya. Tapos, nag-step back ako, literally, one, two steps. Tapos, naisip ko, success. Na-imagine ko na ang pag-iyak ni Joaquin paggising kinabukasan.
Tapos, naisip ko rin, am I crazy? Tapos, kinausap ko na ang sarili ko, parang Q&A with myself. Are you mad, En? Hindi ako baliw, shunga. Don’t you pity the abnormal bird? Grabe siyang maka-abnormal, o. Don’t you love your little brother? Ay, si Joaquin, mahal na mahal ko si Joaquin. Kahit abnoy ‘yun. Kaya nga ayokong nakukuha ng ibang bagay ang atensiyon niya. Dapat sa Kuya En niya lang.
So clear ha, hindi ako baliw, sira. At hindi rin ako laging ganito. Wala namang trauma nu’ng kabataan ko. I think. Hindi ako pinagmalupitan nina Mom. Hindi rin ako nagkaganito dahil iniwan kami ni Pa nu’ng first year high school ako at sumama na finally du’n sa kabit niya. Simula naman nu’ng nagkaisip ako, nasa eksena na ang kabit na iyon. Hindi ko nalaman ang pangalan kahit kailan, dahil basta ang tawag ni Ma, si Puta. Akala ko tuloy nu’ng bata ako, pangalan talaga ng tao iyung Puta.
Nakita ko once si Puta, noong mga grade one ako. Si Pa ang sumundo sa akin pagkatapos ng field demo namin para sa opening ng intramurals. Naka-jogging pants kami na may katernong t-shirt at cap para sa section namin. Tapos may hawak kaming maracas at may pink and yellow ribbons na nakatali sa braso at noo namin. Tapos, pinasisigaw kami ng kung ano-ano nu’ng chubby na nagturo sa amin na ni hindi nga makatalon pero gustong sabay-sabay kaming tumalon, sumigaw, at patunugin ang maracas. Pawisang-pawisan kami sa init. Ipinagdasal ko noong umulan, pero hindi umulan. So sabi ko sa Diyos, sige, next time ha, ako naman ang masusunod. Mabuti na iyung malinaw.
Nu’ng sinundo nga ako ni Pa, saka lang niya naalala ang extra shirt na ipinapadala ni Mom. Tapos lumitaw sa likod niya iyung babae. Di naman niya ipinakilala, pero pagkakitang-pagkakita ko pa lang, alam ko na kung sino. Feel ko lang. Basta ang pumasok sa isip ko pagkakita ko, si Puta ‘to, for sure. Tapos nandiri ako, kasi OMG, mas pangit kay Mom si Puta, bakit siya nagustuhan ni Dad. Pero di ako nagpahalata kasi parang sa tingin ni Dad, gusto niyang mag-behave ako sa harap ni Puta.
Naglabas ng panyo niya si Puta at ipinunas sa pawis ko sa likod at sa mukha. Tapos, pinisil pa ang pisngi ko. Ang taba-taba na ni En, sabi. Yep, chubby rin ako nu’n. Noon ko siya tiningnan nang masama. Tapos, pabulong, sinabi ko sa kaniya, ikaw po ba si Puta? Ang emphasis ko siyempre, naroon sa po.
Biglang tumuwid ng pagkakatayo si Puta tapos si Pa na ang kinausap. Narinig pala ni Pa. Pag-uwi, pinalo ako sa puwet nu;ng marakas ko. Tapos sinigawan nang sinigawan si Mom. Kung ano-ano raw ang itinuturo sa akin. Iyak ako nang iyak kahit ang nasa isip ko talaga, titigil na ba ako o kelangan ko pang tagalan ang pag-iyak para mas kawawa ako?
So, gets mo? Once lang nangyari iyon, I mean, na literally, e, sinaktan ako ni Dad, kaya di ko puwedeng isisi sa kanila ni Mom ang nangyari sa akin. O sa maracas. At hello, judgmental ka lang kasi. Ano bang nangyari sa akin? May balak lang patayin, masama na agad? Never mo bang naisip din iyon? As in wala kang naisipang patayin ever?
Pero fine, kung may sisisihin ako, kahit I am not into blaming game, e siguro si Jeremy na iyon. Best friend ko si Jeremy simula bata. Neighbors din kasi kami. Naging crush ko nang konti pero never naman naming napag-usapan ang emotions at sexuality namin kasi nga, nabaliw siya. Yes, kung may baliw, si Jeremy iyon. Ganito kasi. Nu’ng fourteen ako, siguro fifteen siya kasi mas matanda siya sa akin ng ilang months, nakita kong binaril ni Jerms iyung Papa niya. Yes, as in gun shot. Sa ulo. Tutok na tutok.
Akala ko, sumala iyung bala. Akala ko, biro lang, hanggang sa nakita ko ang pagtalsik ng dugo, at ang pagbagsak ng Papa niya sa sahig. Napa-shriek ako nang konti (yes, shriek talaga) kasi may dugong tumalsik sa ilong ko. Of all places. Tapos, nu’ng makita kong mas grabe ang dugo sa pader, nakalma ako nang konti. Hindi malayo sa mga napapanood sa TV. Grabe iyung dugo. Lalo pa dahil pagbagsak nung Papa niya, nilapitan pa ni Jeremy tapos binaril ng isa pa sa ulo.
Hindi ako nakagalaw. Gusto kong sumigaw, pero mas dahil gusto ko lang na maki-join sa unexpected drama na ito. Well, siguro, nakasigaw talaga ako kung hindi naunang isinubo ni Jeremy ang baril at saka pinaputok ulit. Sabog ang utak niya sa harap ko. Tapos, nawalan na ako ng malay. Hindi ko alam kung nahilo ako sa lansa, o natulig ako sa mga putok, pero nawalan ako ng malay.
Totoo pala iyon. Akala ko, drama lang iyung nawawalan ng malay, iyong hinihimatay, lalo pa sa mga burol o kapag may inililibing na mahal sa buhay at isa-isa nang magsisitumbahan ang mga kapamilya. Akala ko, imposibleng mawalan ng malay na wala namang sumasapak sa iyo. Pero nangyari sa akin. Ang huling alaala ko, iyung pira-piraso ng utak ni Jeremy, parang pelikula, sumasabog mula sa bungo niya.
Nang magising ako nang sumunod na araw, walang nagsasalita, walang nagkukuwento sa akin kung ano nang nangyari sa mag-ama ni Jeremy. Basta tinatanong lang ako ng lahat kung anong pakiramdam ko.
Akala ko noong una, iimbestigahan ako, tatanungin ako nang katakot-takot, tulad din sa mga pelikula. Pero hindi, tahimik lang sila most of the time. Wala silang nababanggit na kahit ano na parang nagdududa na nga ako kung nangyari nga ba ang mga nangyari o napanaginipan ko lang ang lahat.
Nu’ng nakakatayo na ako at sinabihan nilang huwag muna akong lumabas ng bahay, noon ko natiyak na hindi panaginip. Isa pa, nahuhuli ko sila minsan na nagbubulungan. Grabe, parang bees na gumagawa ng honey. Para naman silang tanga, magbubulungan na lang, nagpapahuli pa. Obvious na may gustong itago na di talaga gustong itago. Mas parang gustong tanungin ko sila sa kunwaring gusto nilang itago. Well, ayokong ibigay ang satisfaction sa kanila kaya hindi ako nagtanong. Sadly, hindi ko nakukuha lahat ng pinagbubulungan nila. Pero naririnig kong tungkol kay Jeremy, at may mga sinasabi silang “baliw” at “iniwan.”
Minsan, tinitingnan nila ako na para bang ako mismo ang nagpaputok ng baril.
Tatlong araw na ang nakalipas nang sinabi nilang buháy si Jeremy, pero nasa coma. Hindi ako makapaniwala. Bago ako nawalan ng malay, nakita kong sumabog ang utak ni Jeremy sa harapan ko. O na-imagine ko lang ba iyon? Dinagdagan ng drama at dahas ng utak ko ang totoong nangyari lang?
Pagkatapos, nalaman kong umuwi na pala ang nanay ni Jerms mula sa Guam at siya na ang nag-asikaso sa burol ng asawa. Sabi ni Mom, hindi man lang daw umiiyak si Tita Weng. Simula nang umuwi ito. Mas okay pang maglulupasay siya, bulong ni Mama. Pero wala nga raw kahit pamamaga ng mga mata na puwedeng mag-suggest na umiiyak ito kapag walang nakakakita. Hello, kailangan ba, pare-pareho ng atake sa acting kapag namatayan? Sayang, hindi ko nakita ang subdued na handling ni Tita Weng sa nangyari. I could have learned a thing or two from her. Ang tagal ko rin nga palang di nakita si Tita Weng.
After ng libing ni Tito, tinanong naman ako ni Mama kung gusto ko bang bisitahin si Jeremy sa ospital. Hindi ako sumagot. Gusto ko lang matulog, iyon ang sinabi ko. Gusto ko kasing magpapilit. Pero hindi nila ako pinilit. At hindi rin ako makatulog, o kung nakatulog man ako, nananaginip naman akong iniisip at dinaramang gising na gising pa rin ako.
Buong panahon na nasa bahay ako, hinihintay kong dumating ang mga pulis at tanungin ako kung anong nangyari, kung paano nangyari ang mga nangyari. Pero wala, walang pulis na dumating. Si Tita Weng ang dumalaw sa akin mga one week after ng libing ni Tito. Pero wala rin itong binabanggit tungkol sa nangyari. Walang itinatanong. Kinumusta lang ako. Tinanong kung ilang taon na ako, kung anong year na. Na ang liit ko pa raw nung huling uwi niya sa Pinas. Tinanong niya ako kung anong kukunin ko sa college. Sa isip ko noon, ayoko nang mag-aral. Ayoko na ngang tapusin kahit high school. Pero para lang may maisagot, ang sinabi ko, Criminology. Hindi na siya nagsalita. Hindi ko alam kung dahil sa nangyaring krimen, o dahil hindi niya inexpect iyon sa tulad ko.
Well, I was intentionally hitting two birds. At natutuhan ko na iyong matagal na. Most likely from Mom, kung paano niya kausapin si Dad. Kapag gusto mong tumigil sa pagsasalita ang kausap mo, sagutin mo ng hindi niya inaasahan, halos bastos, pero dahil binitiwan mo nang walang-malay, may pagmamaang-maangan, absuwelto ka sa malisya. Na kung nasaktan siya, e, kasalanan niya.
Pag-alis ng nanay ni Jerms, saka ko nalaman ang ibang bagay. Nabuo ko sa pira-piraso ng mga bulong-bulungan sa paligid. Nag-upload pala ng video sa YouTube si Jerms noong gabi mismo na plinano niyang magpakamatay at patayin ang Papa niya. Hindi ko nakita. Ni-request na ng mga kamag-anak niya sa YouTube na tanggalin ang video, hindi kasi nila mabuksan ang account ni Jeremy.
Pero marami nang nakakita sa video bago natanggal.
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.








