ABEL AT ENKIDU

Guhit ni FRANKLIN BATOLINAO

Ni EDGAR CALABIA SAMAR

(IKA-6 NA LABAS)

SA mga dumalaw rin daw sa burol ng tatay ni Jeremy kumalat ang balita tungkol sa video. Napanood ni Mom. Napanood din ni Dad. Mag-bestfriend sina Dad at ang Papa ni Jeremy, kaya naging malapit ang pamilya namin. Noon, noong panahong masaya pa ang lahat, lagi nilang ikinukuwento sa mga okasyon na nang nagtanan ang mga magulang ni Jeremy, itinanan din ni Dad si Mom, kahit wala iyon sa plano niya noon, dahil lang gusto nila ng double wedding. Honestly, hindi ko alam kung ano ang tanan kung hindi ko nga lang paulit-ulit na naririnig ang iyon nung lumalaki ako. Nangako raw kasi sila sa isa’t isa noong nasa grade 4 sila na sabay silang magpapakasal. Grade 4! Hindi ko nga maalala ang mga ipinangako ko noong isang taon. Ang totoo, wala akong maalalang binitiwang pangako sa kahit na sino na balak kong seryosohin. Pero sila, grade 4 pa pero dinala nila hanggang magbinata!

Tapos, buong time na bata kami, naglolokohan na sila na kung naging babae sana ang isa sa amin ni Jerms, kami sana ang magkatuluyan. What the f, di ba. Heteronormative bullsheesh. Tapos, saka nila sasabihin na puwede namang double wedding ulit. Saka sila magtatawanan. Ilang beses iyang nangyari noong bata kami, tuwing may okasyon, tuwing may ibang tao. Either sa bahay namin or sa bahay nina Jerms. Imagine, babago pa lang kaming nagkakaisip, tapos, ang iniisip nila, e, ang future na magpapakasal na kami. Of course, hindi nila pinag-uusapan na may Puta si Dad. Matagal na. At na, kinailangang magtrabaho ni Tita Weng abroad. Seriously, sinong mai-inspire magpakasal sa tinakbo ng mga buhay nila?

Pero of course, most likely na iyong biru-biruan din na iyon ang dahilan kaya ko mas napansin si Jerms more than what was necessary. Cute naman si Jerms. Payat pero hindi malamya. Ang haba-haba ng pilikmata, parang sa Sto. Niño, madalas na comment ni Mom. Pero dama ko, asiwang-asiwa si Jerms. Sa comment sa pilikmata at sa pagdidisenyo ng mga buhay namin. Ang akala ko noon, ang tingin niya talaga sa akin, younger brother. Pero bakit kay Joaquin, di younger brother ang turing niya? Parang magkaedad lang sila kung magturingan, lalo na nang lumalaki na kami, kahit older siya rito nang almost four years?

Anyway, mahigit isang linggo pagkatapos ng libing ng Papa niya, namatay na rin si Jeremy. Sorry, dinelay ko pa, dito rin naman pala ang punta. Ganu’n kasi ang nangyari. More than two weeks pang na-ICU si Jerms bago siya finally nag-let go. Or ni-let go nina tita. Naubos daw lahat ng ipon ni Tita Weng sa pagbabayad sa ospital at sa paggastos sa dalawang magkasunod na libing. Dinalaw ko ang burol niya. Sa kabaong ko na siya ulit nakita simula noong gabing nagpakamatay siya. Hindi niya kamukha. Napakapal ang make-up. Mas payat kaysa sa nasa alaala ko. Pinipilit kong may maramdaman. Kahit ano, lungkot, takot, gálit. Wala. Tiningnan ko ulit si Jeremy, nasa ilalim ng salamin ng kabaong, at ang gusto kong gawin, e, sumigaw. Congratulations! Nagawa mo ang gusto mo. Iyan ang gusto ko sa iyo.

Pagkatapos ng libing ni Jeremy, noon ako unang nagsulat ng tula.

SORRY, wala naman akong balak isisi ang kahit ano kay Jeremy. Sa akin ang mga desisyon ko sa buhay. Ang sa akin lang, just in case na naghahanap ka ng major na turning point, I can only point you to that event. Ano pa bang mas unusual na puwedeng pagdaanan ng isang tao? Pero seryoso, I don’t think it would have made a difference kung hindi nangyari iyon. I mean, ang hirap mag-isip ng hindi nangyari, pero kung andito si Jerms, kung buhay sila ni Tito, kung hindi nangyari iyon, I don’t think may nagbago sa buhay ko. I feel na may mangyayari at mangyayari para magsulat ako ng tula.

Ang totoo, mas mahilig akong magbasa ng nobela. Mas gusto kong may inaabangan ako, na may mangyayari, na mas mapapasok ko iyong utak ng mga tauhan. Pero for some reason, mas gusto kong tumula kapag ako na ang nagsusulat. Ewan ko, may gayuma para sa akin ang pagpuputol ng mga linya. Parang may winawakasan ako pero hindi pa talaga. Parang binibitin mo unnaturally ang isang bagay para lang mag-annotate ng bagong kahulugan, o para haltakin iyong pangungusap patungo sa ibang direksiyon. Siyempre, hindi ko alam ang mga ito nang nagsisimula ako. Lagi namang belated ang realization sa mga bagay-bagay. Siguro, mas napag-isipan ko lang ito nang nag-attempt na rin akong magsulat ng prosang tula. Naisip ko iyong nawala, iyong iba, iyong hindi ko na kailangang putulin ang linya para may ma-delay. Mas challenging in a sense. Ang hirap ipaliwanag sa walang interes sa pagtula. Kung narito ka, I’m assuming na may interes ka kahit paano sa mga ito.

Anyway, puwede nating pag-usapan ang mga ito some other time kung interesado ka sa talaga sa mga iyon. I can even share my papers on the poets I read. Pero again, mas nagbabasa ako ng nobela kaya iyong mga iniisip ko tungkol sa tula, mas nahugot ko sa pagbabasa ng nobela. Is this weird? I mean, may mga makata nga na kayang sabihing hindi sila nagbabasa at all, as in na hindi sila interesado sa isinusulat ng iba, so I guess, I can’t by any worse than them, di ba. At wala naman talaga akong pakialam. I mean, mas madalas na ang problema ko recently, e, sumasakit ang ulo ko. I mean, matagal na naman akong na-diagnose ng chronic migrane, bata pa lang ako, na unusual, pero nangyari, so anong magagawa ko? So kinasanayan ko na ang attacks. As in parang nilalagari sa loob. Magsisimula sa parang may kung liwanag na sumasabog sa harapan ko at may susundan akong tutuldok na hinihilo ako. Hindi mawala sa paningin ko kahit pumikit na ako. Parang mga gagambang naghahagaran, nagkakaripasan ng takbo samantalang nilalagari ang bungo ko. Ipina-check-up ako ni Mom sa kung kani-kaninong doktor. CT scans, MRI’s, lahat ng tests na hindi ko na mapangalanan. Wala, same diagnosis. May panahon na hindi na kinakaya ng basta pain relievers, suka ako nang suka. Pagkatapos, kahit nawala na ang sakit, parang naubos lahat ng lakas ko. Nakahiga na lang ako sa kama, wala na ang sakit, pero nakatulala lang ako sa kisame. Si Mom, tahimik lang pero alam kong pumapatak ang luha niya kapag hirap na hirap ako. Ako, hindi. Siguro, kasi, I assumed na normal iyong pinagdadaanan ko. Na nangyayari ito sa lahat. Na kapag nasa kanila siya, nangyayari rin ito kay Jerms. Na pagdating ni Joaquin sa edad ko, mararanasan din niya ito. Kaya tinanggap ko lang. At iyon, kahit sakit nga, I made myself believe, nakakasanayan. Kapag napapatagal nga ang interval ng attacks, ako pa ang naghahanap minsan. Nang nagsimula akong magbasa-basa at tumula-tula, lalong naging rare. Minsan, lilipas ang tatlo-apat na buwan na walang attack. At umatake man, hindi ganoon katindi, na hindi ko halos maipag-iba sa karaniwang sakit lang ng ulo. Pero don’t think na kaya lang ako nahumaling sa pagbabasa, e, dahil nakita kong may correlation ang pagdalang ng attack sa pagbabasa ko. I would like to think na dalawang magkaibang bagay sila na wala naman talagang kinalaman sa isa’t isa pero nagkataong parehong naroon. Parang iyong isang buong sem na nakakasabay mo sa LRT dahil lang pareho kayo ng sked that sem pero wala naman talagang kinalaman ang ginagawa niya sa mga ginawa mo. Wala naman talagang kinalaman ang buhay niya sa buhay mo. Anyway, halos nawala nga ang migraine attacks na ito buong college ko. Until nitong last sem ko nga sa college.

Minsan, magigising ako sa familiar na sensation na iyon ng kabataan ko. Akala ko, nananaginip lang ako na may literal na lumalagari sa bungo ko, sa utak sa loob ng bungo ko, tapos mari-realize ko, hindi, gising na ako talaga. Pagkatapos, parang may mga itim na gagambang nagpupulasan palayo sa puta-putaking flashes of light sa harap ko. Tatagal iyon nang mga 20-30 minutes. Namura ko na lahat ng mamumura ko sa isip ko. Si Dad. Si Puta, na namatay bago pa ako grumaduate ng high school. Sinabi lang ni Mom isang gabi, over dinner, parang wala lang, parang naalala lang niya bigla at di talaga plinanong sabihin sa akin. Patay na si Puta, sabi niya. Ako, nag-attempt pang magmaang-maangan na di ko alam kung sino ang sinasabi niya, kung sino si Puta, pero naisip ko rin agad na pointless namang magmaang-maangan pang nakalimutan ko na ang Putang binabanggit-banggit niya sa akin noong bata ako kaya itinanong ko na lang kung anong ikinamatay. Kanser sa suso, sabi ni Mom. As in kanser sa suso talaga ang sinabi niya, di man lang breast cancer kaya natawa ako nang bahagya. I mean, first time ko yatang narinig kay Mom ang suso. Karma, naisip ko, at naisip ang mukha ni Dad na nasa ibabaw ng mga susong iyon. Don’t think it’s karma, biglang sabi ni Mom, na ikinagulat ko dahil hindi ko alam kung anong meron sa pagtawa ko nang bahagya para mabása niyang iyon ang iniisip ko. No one deserves to die that way, sabi pa niya, there’s nothing to laugh about. Nagkibit-balikat ako bago nag-focus kunwari sa pagkain. Tama naman, naisip ko, at bahagyang na-guilty sa agad na pag-iisip na nakarma ang kabit na iyon ni Dad na sinabihan akong chubby nung bata ako. Well, kung hindi Karma, Tadhana na lang? Parang kambal na character sa soap opera itong dalawang ito na nagdidikta sa direksiyon ng buhay ng iba pang tauhan. Pag nag-fail ang isa, iyong isa. Pero puwedeng hindi mo talaga alam kung sino ang dumalaw sa iyo. At iyon nga, namura ko na lahat sa isip ko pero masakit pa rin ang ulo ko. Tapos, walang kaabog-abog, babaling ako sa kanan sa pagkakahiga sa kama at mawawala. Parang nagdahilan lang. Makikiramdam pa ako nang mga isa-dalawang minuto kung wala na talaga bago ako bumangon sa kama. Halos uma-umagang ganito. Malilimutan ko habang nagpe-prep for school, tapos biglang pag naglalakad sa campus in between classes, papunta sa ibang classroom sa ibang building, mararamdaman ko ulit. Parang nilalagari ang ulo ko. Kung puwede lang na may literal na nga lang sanang lagari sa loob ng bungo ko na puwede nilang tanggalin, ipinahiwa ko na ang ulo ko para gawin nila.

This time, kahit anong pagbabasa ng nobela ang gawin ko, kahit anong pagtula-tula, walang epekto. Until na-realize ko, may specific na topic sa isip ko na medyo nagpapakalma sa utak ko. Na kapag nagsimulang iyon ang pinag-iisipan ko, parang biglang nanghihina ang mga nagpupulasang gagamba, parang nilalamon ng mas malaking liwanag ang mga kumurap-kurap na liwanag, parang napapagod ang kung sinumang naglalagari sa loob ng utak ko. Kapag wala akong ibang iniisip kundi pagpatay. Na mayroon akong puwedeng patayin. Kapag pinag-iisipan ko ang mga detalye kung paano ko gagawin iyon. Noong una siyempre, hindi ko agad nakita ang relasyon. Nagkataon lang na nagbabasa ako ng nobela ni Bolaño, 2666. Mahirap hawakan ang maximalist na proyekto ni Bolaño. Gusto mong isipin na pinaglalaruan ka lang, pero mahirap gawin dahil seryoso ang proyekto. Ang ikaapat na seksiyon e pag-iisa-isa ng mga krimen sa Santa Teresa. Mga babaeng pinapaslang. Pinagsasamantalahan at saka pinapaslang. Isa pa, halos 1,000 pages ang nobela. The fact na nabasa ko lang iyon, okey na sa akin. Ang totoo, hindi ko naramdamang ganoon kahaba nung binabasa ko. I mean, natapos ko yata in less than a week iyong buong nobela. Nagjo-journal din ako noon sa mga binabasa ko. Wala lang, parang may kailangan akong gawin to quarrel with the texts. Usually ito iyong panlinis sa palate ng academic plates ko kapag nao-overwhelm sa last majors at thesis ko. How do city design and urban planning approaches affect the interactions of wildlife species endemic to the site? Tuwing pinag-iisipan ko ito, at ang paulit-ulit na admonition ng adviser ko na i-narrow down ito, mas maging specific sa location, sa time period na covered, sa types ng species, mas gusto kong sabihin na iyong wildlife talaga sa isip ko ay mga tao, galaw ng mga tao bilang ilahas––salitang napulot ko sa pagbabasa kay Gregorio Pablo bago ko na-realize na ginagamit na pala ito nang madalas ng maraming makata na malamang na nakapagbasa rin sa mga nobela niya. Saka ko naiisip kung bakit ko ba pinanindigan ang Bio. Kung paninindigan ko rin ba for the next decade––or potentially decades––of my life ang pagme-med school, ang pag-i-specialize sa neurology, all because of these flashes of spiders in my brain. Anyway, binalikan ko ang journal ko nang nasa final dash na ako sa 2666:

I guess there’s nothing wrong with the depiction of women here as victims… It happens, it is happening right now. I have a quarrel, though, with the vision of reality in which women function only as victims. Why can’t they be suspects here, too? I’d love to have women here as criminals as well. Bolaño’s seeming attempt to be politically correct here is the more reason that he was politically incorrect. His political posturing on issues of gender and violence has led to a less politicized worldview of crime and femininity, in my own view.

Natawa ako. In my own view, ha. E, kanino pa ba akin lang naman talaga ito. Tapos, saka ko nga naisip na, wait, teka lang, buong time na binabasa ko ang pagkahaba-habang 2666 na binili ko lang dahil highly recommended ng isa sa mga batang-bata pa pero established poet na––meaning, hindi lang basta nananalo ng national awards o nakapagpalathala ng mga libro, totoong inirerespeto siya ng mga bata’t matandang poet, at binabasa ng mga kabataan at dinadayo pa kapag may poetry reading siya––pero ang catch ay sa rival university nagtuturo, walang spider attack, walang lagari sa utak. Noong una, akala ko, dahil lang sa simpleng pagbabasa ng nobela, tulad nga nang mas bata-bata pa ako. Pero kapag nagbabasa ako ng ibang mga nobela, mga mas sci-fi o fantasy kesa tungkol sa krimen, kesa tungkol sa pagpatay, inaatake pa rin ako kapag aatakihin. Walang konsiderasyon kung lubog na lubog man ako sa kung anong mundo o planeta o panahon sa hinaharap. Binalikan ko si Bolaño. Binasa ko ang iba pang recommended readings nitong established poet na itong nasa late 20’s pa lang siguro pero parang nagawa nang lahat ng puwede niyang gawin sa limits ng posibleng mangyari sa career ng gustong magmakata sa bansa––out of the question ang pagiging National Artist sa edad niya, of course, pero kung tatanda siya sa pagtula, hardly unimaginable. Anyway, sa pagbabalik na ito ko nakita ang pangalan ni Gregorio Pablo. Wala siyang nabanggit na nobela, ako ang naghanap isa-isa sa mga nobela niya.

Sabi ko, bata pa lang ako, at I guess, lahat naman tayo, at one point, or paminsan-minsan, naiisip na may gusto tayong patayin. Minsan for as petty as yamot. Pero habang binabasa ko si Pablo, doon mas nagiging kongkreto sa akin ang desire na iyon. Doon mas nagiging possibility ang pagnanasa lang. Hanggang sa last sem ko nga, nakita kong nag-o-offer sa Lit Dept ng klase tungkol sa Crime Fiction. Hindi ko kilala ang teacher pero dahil may free elective ako. First meeting namin, lalo akong naging interesado sa klase nang makita ko sa silabus na nandoon ang isang work ni Pablo.

(Itutuloy)

Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.