Ni NEMESIO E. CARAVANA
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Abril 10, 1950)
(IKA-14 LABAS)
MAGDAMAG na nag-isip si Nanding kung saan siya makakahagilap ng pamunong tubo upang makabayad sa kanyang pagkakautang kay Carding. Bagama’t may eksamen sila sa kinabukasan ay nalimot na magbukas ng kanyang aklat upang mag-aral. Walang laman ang kanyang isipan kundi ang pangako sa kaklaseng tila masisira.
Nang mag-uumaga na’y natukso ang binatang buksan ang lumang aparador. Isa-isa niyang hinalungkat ang mga damit ng nasirang si Tandang Andres. Walang mga kabuluhang bagay lamang ang kanyang natagpuan. Hinila niya ang isa sa dalawang kahong nasa gitna ng aparador. Wala rin siyang nakuha maliban sa tatlong sentimos na kumalansing pa nang hilahin ang kahon. Sa lakas ng pagkakahila ay nahugot ang kahon at nahulog sa lapag ang mga laman niyon. Yumukod si Nanding at sa hindi sinasadyang pangyayari ay napasilip siya sa butas sa ilalim na pinagmulan ng nahugot na kahon. May nakita siyang bagay na nakatawag sa kanyang pansin, na tila munting kahon sa ilalim. Sinalat ng binata ang kahong nasabi, hanggang sa matambad sa kanyang mga mata ang isang kahuwelang pelus. Mabilis na kumaba ang dibdib ng binatang nangangailangan. Sinapantaha niyang mahalagang hiyas ang nakalagay sa kahuwela, kaya’t nagmamadali niyang binuksan, hanggang sa mabilad sa kanyang mga paningin ang batong TALISMAN. Dinampot ng kanyang dalawang daliri ang may-agimat na bato at inilapit sa kanyang mga mata: isang batong makislap man ay walang iniwan lamang sa karbon. Ipinalagay niyang walang kahala-halaga ang naturang bato. Gayunma’y isang bagay ang pumasok sa kanyang dili-dili: ipagkaloob kay Carding bilang katumbas ng halagang limampung pisong tubo sa halagang isang daan na kanyang hiniram.
Isang mahabang buntung-hininga ang hinugot sa dibdib ni Nanding, habang pinagugulong sa kanyang manipis na palad ang maitim na bato. Paniwalang-paniwala siyang walang gaanong halaga ang batong hindi niya nalalaman ang taglay na agimat at kahalagahan.
“Tanggapin kaya niya ang batong ito, na katumbas ng limampung pisong tubo?” ang iiling-iling na naitanong sa sarili. “Ano kayang uri ito ng bato? Hindi naman masasabing brilyanteng itim. Kulang sa kislap, salat sa ningning at walang tapyas.”
Nagbuntunghininga na naman si Nanding. Ibinalik ang naalis na kahon sa aparador at ipinamulsa ang talisman matapos na maipaloob sa kahuwela.
“Bahala na,” ang sa wakas ay nasabi na lamang sa sarili ng nagpupuyat na binata.
At dumating ang umaga. Walang inalmusal si Nanding kundi kaunting kape lamang na walang asukal upang huwag siyang antukin sa eksamen. Madilim-dilim pa nang umalis siya ng tahanan, pagkat kinakailangan niya ang maglakad mula sa San Francisco del Monte hanggang sa kanilang paaralan. Hindi niya ibig na makaltasan kahit na diyes sentimos ang isandaang pambayad kay Ricardo Montez, Jr. Hinding-hindi niya magagawang magkulang sa kanyang pangako. Ipinalalagay niyang isang malaking kasalanan ang ang hindi makabayad sa pinagkakantangan. Ayaw niyang sirain ang magandang pangaral sa kanya ni Tandang Andres, na: “Ang tao’y nakikilala sa kanyang pangungusap. Ang pagsira sa salita ay walang pangalawang kasalanan”. Talagang hindi maaaring malimot ni Nanding ang pangaral na itong mula pa sa kanyang pagkakaisip ay ipinangaral na ng nasirang matanda.
Pawisang-pawisan si Nanding nang dumating sa U.P. Sa bungad pa lamang ng pintuan ng kolehiyo ng inhinyerya ay namataan niyang nakaabang na si Carding.
“Kumusta tayo?” ang abti kaagad sa kanya ni Ricardo Montez, Jr.
Madaling dinukot ni Nanding ang isangdaang piso at iniabot sa kanyang pinagkakautangan, saka isinunod na inilabas ang kahuwelang kinalalagyan ng Talisman, at…
“Iisang daang piso lamang ang aking natipon,” ang simula ni Nanding, “gayun ma’y narito ang isang hiyas na siyang itinutumbas ko sa limampung iyong ibig na ipatubo ko.”
Isang nanlilibak na ngitiang sumungaw sa isang sulok ng nguso ni Carding, saka…
Nanlaki ang mga mata ni Ricardo Montez, Jr., nang matambad sa kanyang pangmalas ang itim na batong kung tunay mang nangingintab ay wala namang luningning na katulad ng mga batong mamahalin. Muling iniabot ni Carding kay Nanding ang kahuwela, hanggang sa…
“Hindi ako isang tanga,” ang wika ni Ricardo, “marunong akong kumilatis ng alahas. Ito’ korales lamang na mahirap magkahalaga ng limangpung sentimos.”
Hindi nakaimik gaputok man si Ricardo sa isinagot sa kanya ni Fernando. Naliwanagan niyang hindi pa tapos ang takdang panahon upang lubos na higpitan niya ang binatang nagkakautang. Wala siyang ginawa kundi muling abutin ang hinahamal na batong punung-puno ng agimat at ipinamulsa.
Parang sinaksak ang puso ni Nanding sa paghamak na binitiwan ng kanyang mapanghamak na kaklase. Pinagtiim na lamang na binata ang kanyang mga bagang.
“Ang salitaan ay salitaan,” ang narinig pa ni Nanding na mulas sa mga labi ni Ricardo. “Pag hindi mo naibigay ang tubo bago magsimula ang ating eksamen ang hindi ka makapapasok.”
“Tanggapin mo na muna ang hiyas na iyan, bilang prenda sa patubong hinihingi mo sa akin,” ang may himig na pakiusap na salita ni Nanding. “Bayaan mong makakuha ako ng eksamen at ngayunding hapon ay maghahagilap ako ng pantubos.”
“Hindi maaari!” ang paasik na tugon ni Ricardo.
“Maaari!” ang paasik na ring pakli ni Fernando. “Hindi pa naman tapos ang araw na ito, na siya anting salitaan. Hanggang mamayang hapon ay mababayaran kita!”
Hindi nakaimik gaputok man si Ricardo sa isinagot sa kanya ni Fernando. Naliwanagan niyang hindi pa tapos ang takdang panahon upang lubos na higpitan niya ang binatang nagkakautang. Wala siyang ginawa kundi muling abutin ang hinahamal na batong punung-puno ng agimat at ipinamulsa.
Naging mabagal si Nanding sa pagsagot sa mga katanungan sa pagsusulit. Naiilang siya sa mga panakaw na tingin sa kanya ni Ricardo Montez, Jr. Sa gitna ng kanyang mga pag-iisip ay paminsan-minsang sumasalit ang nakayayamot sa sinabi ni Ricardo: “Pag hindi mo naibigay ang tubo bago magpasimula ang eksamen ay hindi ka makapapasok”. Dahil sa mabigat na suliraning nakapataw sa kanyang kaluluwa ay hindi niya tuloy nakuhang saguting lahat ang mga katanungan. Isa sa limang katanungan ang hindi niya nalutas sagutin.
Nang palabas na siya sa lagusan ng kanilang kolehiyo ay namataan niyang nakatayo si Carding na kausap ng ilang nilang kaklase. Napigil ang kanyang mga paghakbang sa narinig niyang pasaring.
“Tandaan ninyo,” ang wika ni Ricardo Montez, Jr., “na ako ang magiging hari ngayon sa klase. Sa pagsusulit nati’y ako ang mangunguna.”
Naramdaman ni Nanding na nginatngat ng matutulis na ngipin ng dalamhati ang kanyang puso. Labang-laban sa kanyang akalang ang isang tulad ni Carding na namulat sa isang angkang mariwasa at nabibilang sa lipunan ay lumabis sa gaspang.
“Kumusta ang eksamen, Mister Octubre?” ang para pang nanunuksong bati ni Ricardo nang makalampas na siya.
Nanlilisik ang mga mata ni Nanding na tinapunan ng tingin ang mapangutyang kaklase, saka…
“Sa mabuti o sa masamang paraan ay tatanggapin mo sa akin ang tubo ng iyon salapi,” ang mahina, ngunit mariing tugon ni Nanding, “ngunit ipinakikiusap ko lamang na huwag mong iwaglit ang hiyas na isinanla ko sa iyo.
“Oo, hanggang mamayang hapon ay iingatan kong katulad ng pag-iingat ko sa aking sarili,” ang pakurya pa ring salita ni Ricardo, “ngunit pagkatapos na lumubog ang araw at nagkulang ka sa pangako ay hindi mo na makukuha ang hiyas na ito… at…”
“At ano?” ang agarang pakli ni Nanding.
Lumapit nang malapit na malapit si Ricardo sa kausap, saka binulungan:
“Ang hinihingi kong pagtigil mo sa pag-aaral o paglipat sa ibang paaralan.”
Narinig ni Ricardo Montez, Jr. na nagngalit ang bagang ni Fernando Octubre, Jr. na pinagtagis.
Talaga sanang magbibitiw na ng masakit na pangungusap ang inuupasalang binata, ngunit napigil dahil sa natanaw niyang pagdaraan ng kanilang propesor.
Walang lingun-likod na ng nagpatuloy sa kanyang paglakad si Nanding. Niyari sa kanyang sariling ipagbili na pati kahuli-huling kasangkapan sa kanilang tahanan upang matubos lamang ang kaisa-isang hiyas na minana kay Tandang Andres. Habang inihahakbang ni Nanding ang kanyang mga paa’y buhay na naglaro sa balintataw ng kanyang mga mata ang batong talisman. Unti-unting nahikayat ang kanyang paniniwala na ang naturang bato’y may munting halaga.
Nakuyom ni Nanding ang sampung daliri ng kanyang mga kamay, nang mabilis na siyang umaakyat sa kanilang hagdanan. Nagunita niya ang maitim na batong lagi niyang pinaglalaruan sa kanyang kamusmusan. Ang batong tandang-tanda pa niyang inagaw sa kanyang mga kamay ni Tandang Andres, at nang itago’y maghapon din niyang iniyak-iyakan. Nanariwa sa hinagap ng binata ang sinabi sa kanya ni Tandang Andres noon: “Paglaki mo na ay saka ko ibibigay sa iyo ang laruan mo. Hindi mo pa dapat paglaruan ang batong naturan.”
Lalo nang nanariwa sa isipan ni Fernando Octubre Jr. ang kanyang laruang batong itim, nang mapapasok siya sa silid na kanyang nilakhan. Sa naturang silid niya inihahagis-hagis ang mahiwagang batong inagaw sa kanyang mga palad ni Tandang Andres at tinago pagkatapos.
“Iyon nga…” ang pabulalas na nawika ni Nanding, “iyon nga ang batong aking laruan noong musmos pa ako. Kailangang mabalik sa akin. Sa mabuti o sa masamang paraan ay tutubusin ko.”
(Itutuloy)








