Ni EDGAR CALABIA SAMAR
(IKA-7 LABAS)
DAHIL hindi ko napigilan ang sarili ko na magsalita sa first meeting namin sa klase tungkol kay Gregorio Pablo, alam kong ako ang magiging assigned discussant sa Pitumpung Patnubay sa Paglikha ng Palagiang Panahon. Medyo predictable na ako kaya may posibilidad pa rin akong hindi nga ako. Of course, maghahanda ako. Balak kong basahin ulit ang nobela. Naisip kong baka naghahanap lang ako ng dahilan para basahin ulit ang nobela. Hindi ko siyempre sinabi kay Doc Abel na noong una kong binasa ang Patnubay, noon pinakamatindi ang pag-iisip ko tungkol sa pagpaslang, na ang ibig sabihin ay noon pinakaokey ang ulo ko, walang tutuldok, walang mga gagamba, walang naglalagari sa loob. Hindi ko na tuloy naitanong kung aling edition ng nobela ang kailangan naming basahin. I assumed na iyung later edition, iyung may liham bago ang simula ng lahat, na sinulat ni Pablo matapos na ang lahat ng iba pa niyang nabuong nobela pagkatapos ng Patnubay.
Gusto kong sabihing walang pagsidlan ang kasiyahan ko ngayon, pero heto, susubukin kong manahanan ito rito, sa mga salitang ito, para pagdating ng araw na maisip kong nawawala siya, maaari kong balikan ito man lang. Pero hindi natin iniisip na mawawala ang kasiyahan sa sandali ng kasiyahan. Naiisip lamang natin iyon sa sandaling nakaalis na nga ito, itinaboy natin palayo dahil sa hindi natin maiwasang paglingon-lingon sa paghihinala at alinlangan kung ito na nga ba talaga ang kasiyahan, kung dinadaya lang ba tayo ng mga nararanasan natin sa sandaling iyon.
Napakahirap magmahal dahil walang sumasapat para rito, walang makatitiyak dito na minamahal siya ng minamahal. Kahit sabihin niyang mahal ka niya, nang paulit-ulit, kahit ipakita niyang mahal ka niya, nang paulit-ulit, kahit magmakaawa siyang maniwala kang mahal ka niya, nang paulit-ulit, naiisip mo pa rin, mahal kaya niya talaga ako? Hinihibang mo ang sarili sa kawalang-katiyakan kaya nahihirapan kang magmahal. Kaya napapagod siyang manatili. At kapag wala na siya, saka mo maiisip na mahal nga pala niya talaga ako noon. Noon. Noon. Bakit binalewala kong mahal niya ako noon? Puwede bang mahalin niya ulit ako ngayon? Pero malayo na siya. O kung magtagpo ulit ang landas ninyo, hindi na magiging tulad ulit ng dati ang lahat. Dahil hindi nag-uulit ang kasaysayan ng kasiyahan. Ang maaari lang mag-ulit nang paulit-ulit ay kabiguan. Paulit-ulit hanggang hindi mo na makitang kabiguan ang kabiguan kundi basta karanasan. Na ganoon talaga ang buhay.
Biglang nakadama ako ng takot na isiping ganoon talaga ang buhay. Alam ko, anumang sandaling isipin kong ganoon talaga ang buhay, ukol sa anumang bagay, kailangan kong tumigil at baklasin agad ang ganoong pag-iisip. Konstruksiyon lang iyon. Hindi kailangang ganoon ang buhay. Kailangan kong maghanap ng mga landas para mapatunayang hindi ganoon ang buhay. At sa loob ng mahabang panahon, dalawa ang landas na salitang nagsasalba sa akin. Pagbabasa at paghihintay.
At ngayong gabi nga ng pagbabasa ko ulit sa Patnubay ni Gregorio Pablo, nakakagulat ang national alert na wala na si Simeon Maharlika at hahalinhan na siya bilang Bagong Pinuno ng anak niyang si Paulino. Si Dad.
Walanghiya, nang sinimulan ko ang pagbabasa, nagtuloy-tuloy na naman, para akong dinadala sa lahat ng espasyo ng pangangarap sa kung saan-saang sulok ng mundo. Naalala ko ang hiwaga nang ma-discover ko ang irony, na hindi lahat ng sinasabi ng mga tao sa paligid ko, literal. Literal ba ang sinasabi ni Pablo sa simula ng pambungad na ito na wala sa unang edisyon ng Patnubay? O, nagtatawa siya sa likod nito, na walang seryoso rito, kahit ang tungkol sa pagmamahal. Hindi ako usually tumitingin sa phone ko, lalo na pag nasa bahay ako at nagbabasa, pero pag-angat ko, matter of reflex lang para huminga mula sa rereading ng Patnubay, tamang-tama, biglang may FB friend request si Doc Abel. Dahil nabigla, na-approve ko agad-agad. Pagkatapos, saka ako nagdalawang-isip kung siya talaga iyon dahil hindi ko ma-recognize sa picture. Ang totoo, bago ko tiningnang mabuti ang picture niya, hindi ko maalala ang hitsura niya. Napatigil ako. Weird na di ko maalala ang hitsura niya kahit halos tatlong oras akong nagsasalitan lang ng tingin sa kaniya at sa silabus kanina. Weird. Anyway, ibinaba ko na ulit ang phone sa table at iniangat ulit ang libro ni Pablo. Pero bago ako makabalik sa Patnubay, may alert sound ng national notification sa phone. Kilala ng lahat ang tunog na ito, mahigit isang dekada nang bahagi ng kamalayan ito ng lahat, itinuturo rin sa mga bata sa school, para sa mga national emergency, tulad ng bagyo o lindol o anumang sakuna. May bahagyang pigil ng hininga dahil laging sa mga drill ko lang naririnig ang ganitong alert sound. Pagbukas ko sa message, may link. Sa link, video announcement. Wala na ang Pinuno ng bansa kaya itinatalaga na ang bagong Pinuno ng Maharlika na iluluklok agad kinabukasan.
May isang minuto na hindi ako agad nakakilos. Pagkatapos, biglang parang gusto kong magsulat lang ng kahit anong tula. Isang bagay na itinigil ko a year ago, nang malaman ko finally na ang totoo, si Mom pala ang kabit ni Dad. Sorry, parang walang kaabog-abog ito. I mean, siguro, in denial pa rin talaga ako sa part na ito ng buhay ko. Walanghiya, hindi basta part. Critical part, kasi Dad ko siya. I mean, I wouldn’t be here. Siguro, ni-revise ko talaga sa utak ko ang maraming alaala ko sa kanya. Na baka wala naman talaga siya noong kabataan ko most of the time. Na iyung paminsan-minsang pagdalaw niya sa bahay ay inakala kong pananatili niya sa bahay. Na iyung pag-alis-alis niya ay para sa trabaho. Na sa amin talaga siya umuuwi. Na kahit iyung kuwento na itinanan ni Dad si Mom para sabayan ang pagtatanan ng parents ni Jeremy, inimbento ko lang sa utak ko. Please don’t think I’m crazy. Sure ako na may ganoong kuwento sina Dad noon. Sigurado nga ba ako? Kung inimbento lang nila ni Mom ang kuwentong iyon for me, para mas maging totoo ang relasyon nila sa isip ko, it’s not on me. I had no reason to doubt them.
Pero iba na nga ngayon. Ngayon, baka may mas conscious na desire nga talaga ang utak ko na palitan siya, palitan ang lahat. Siguro, kailangan kong isipin ang ibang Dad sa isip ko dahil kailangan kong isipin na ang Dad na nakilala ko, ang Dad na nang-iwan sa amin noong first year high school ako para sumama kay Puta ay hindi ang bagong Pinuno ng Maharlika at apo ng dakilang Malahákan.
OKAY, let me breathe. Sure akong alam ito ni Mom from the start pero hindi niya binanggit sa akin bago ko nalaman on my own. Hindi ko alam kung umasa siya na hindi ko malalaman kahit kailan. I know, posibleng di ko malaman kahit kailan. Walang media coverage sa pamilya ng Malahákan unless sanctioned nila. Kung meron man, palaging ang Malahákan at ang Lakambini niya na nakangiting nagbabalita sa lahat ng mga ginagawa nila para sa bayan. Lalo pa ang development sa Museo ng Kadakilaan na lifelong project ng Malahákan. Palaging masaya, walang problema. O, kung may problema man, kayang solusyonan. Umuutang sa ibang bansa pero ang ibig kasing sabihin ay katiwa-tiwala tayong pautangin. Dahil mayaman ang Maharlika. Walang utang na hindi kayang bayaran ng Malahákan.
Iyon ang nasa lahat ng biographies ng Malahákan, na puro patula, dahil iyon ang gusto niya. Alam ng lahat na may kaisa-isa siyang anak na lalaki, si Simeon Maharlika, na muntik nang mapatay sa gabi ng pagsugod ng mga rebelde sa Malacañang kung hindi naging matapang ang Malahákan na ipagtanggol ang kapangyarihan ng pamilya niya laban sa mga gustong mangamkam na ito ng kapangyarihan. Ang paglaban na iyon ng Malahákan sa mga ganid na rebelde ang tumiyak ng Payapang Rebolusyon na nagpalit sa pangalan ng bansa bilang Maharlika. At pagpapalit din ng apelyido ng buong angkan ng Malahákan para isunod sa pangalan ng bansa. Sila at ang bansa ay iisa.
Nasupil ang lahat ng mga naghimagsik at ibinigay ng Malahákan sa buong Maharlika ang kapayapaang ipinangako nito. Isa sa mga itinuro ng Payapang Rebolusyon ay na kung kailangang patayin ang mga nagpapagulo sa bayan, patayin. Tinatabas ang palalong damo. Saang nobela nga ba ni Gregorio Pablo sinabi ito? Iyon ang nagpasimula sa pagkahubog ng Mga Batas sa Pagpaslang na tumiyak ng patuloy na pag-unlad at kapayapaan ng Maharlika sa ilalim ng mga Maharlika.
Pero maliban sa muntik nang pagkakapatay na iyon kay Simeon, wala nang ibang pinauulit-ulit tungkol sa kanya sa mga epiko ng buhay ng Malahákan. Para bang basta siya nasa gilid ng kadakilaan ng ama niya. Parang hindi mahalaga sa kaniya kung kilala siya ng iba. Ano nga bang puwedeng maging mas mahalaga pa kaysa sa pagiging tanging anak na lalaki ng Malahákan? Isa pa, sa loob ng mahabang panahon, walang nag-iisip na hindi mortal ding tulad ng karaniwang tao ang Malahákan. May mga kuwento na binigyan ito ng agimat ng mga daligmata sa gabi ng Payapang Rebolusyon para labanan ang anumang anyo ng kamatayan. May mga kuwento rin na may grupo ito ng siyentistang walang humpay sa pananaliksik hanggang sa nakatuklas ng pampahaba ng buhay na natatangi lang sa mga may dugo ng Malahákan. Iba-iba man ang kuwento, lahat ay nag-aambag sa pagpapatindi pa ng paghanga at lalo pang pagdakila sa Malahákan at sa pamilya niya.
Ang totoo, ang hindi halos pagpapakita ni Simeon sa publiko sa loob ng mga taon ng pamumuno ng Malahákan ang nagdagdag sa hiwaga’t karisma nito. Ipinagpapalagay siyempre ng marami na sa buong panahong ito ay wala talaga siya sa Maharlika at nasa US, o China, o Germany, nagpapakahusay kasama ang mga katulad niyang anak ng pinuno ng mga dakilang bansang ito.
Hanggang binigla nga ang buong Maharlika noong 2011 sa biglaang pagpanaw ng Malahákan. Biglaan, dahil iyon ang sinabi sa mga ulat. Walang paraan para pagdudahan nila ang mga ulat. Mula sa anino ng mga anino ng kung saang imperyo, saka muling nagpakita sa madla si Simeon Maharlika para ipagpatuloy ang tungkulin ng ama na pangalagaan ang bansa. Panitilihin ang kapayapaang tinatamasa na sa loob ng ilang dekada. Ituloy ang kinamatayang habambuhay na proyekto ng Malahákan na pagtatayo ng Museo ng Kadakilaan na naging katumbas ng pagtataguyod ng sari-sariling pangarap ng bawat mamamayan ng Maharlika.
Hindi ko maisip na may kahit isang hindi nanood sa telebisyon o sa computer o sa cellphone nila nang halos hatinggabi nang pag-aanunsiyong iyon ng simula ng isang taóng pagluluksa para sa Dakilang Malahákan. Bata, matanda, may iniisip na paslangin, o walang malay na iniisip silang paslangin ng iba, lahat ay nakamata nang lumabas si Simeon sa screen. Sa isip ng marami, hindi ang mahigit animnapung taon nang Simeon ang nakikita nila kundi ang Simeon na nasa rurok ang kakisigan nang muntik na siyang mapaslang ng mga rebelde noong 1986. Malakas pa rin naman ang 64 na taóng Simeon nang humarap siya sa kamera noong 2011. Ang totoo, mukhang nasa kuwarenta lang siya.
Magtatapos ako ng high school noon pero nawala na sa mga final requirements sa klase ang isip ng buong klase, ng buong school, ng buong bansa. Lahat ay naghanda sa pagkakatong dakilain ang Malahákan at makamayan o matanaw man lang mula sa malayo ang bagong Pinuno. Araw-araw ang panalangin ng iba’t ibang grupo, ng ibang relihiyon. Dinagsa muli ang EDSA ng iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Halos walang nakakaisip pumatay nang buong taóng iyon. Halos kalahati ng ka-batch ko ang nakidagsa sa EDSA sa araw na itinalaga sa distrito namin. Ako, mas gusto kong nasa bahay lang. Mas madaling panoorin ang mga ito sa cellphone.
Sa isa sa mga programang iyon ko nakita si Dad. Katabi ng Bagong Pinuno, na siyang naging bansag na kay Simeon. Ipinapakilala si Dad bilang anak niya. Wait, nagkamali ba ako ng narinig? Si Dad, anak ni Simeon Maharlika? Apo si Dad ng Malahákan?
Mahigit tatlong taon ko pa lang hindi nakikita noon si Dad mula nang iwan niya kami. Noong inakala ko ngang ipinagpalit na niya kami ni Mom kay Puta. Parang ang laki na ng itinanda niya. Parang mas matanda lang si Simeon ng dalawa o tatlong taon sa kanya. Hindi ko binanggit kay Mom ang tungkol kay Dad, na nakita ko siya. Wala ring sinabi sa akin si Mom. Nang sinunog na sa wakas ang bangkay ng Malahákan matapos ang isang taon ng mga pagluluksa para ilagak ang abo sa tapos nang bahagi ng Museo ng Kadakilaaan, saka sinabi sa akin ni Mom na ako ang anak sa labas ni Dad. Kami ni Joaquin.
At ngayong gabi nga ng pagbabasa ko ulit sa Patnubay ni Gregorio Pablo, nakakagulat ang national alert na wala na si Simeon Maharlika at hahalinhan na siya bilang Bagong Pinuno ng anak niyang si Paulino. Si Dad.
May kumatok sa kuwarto ko na agad ding binuksan ang pinto matapos ang tatlong mahinang katok. Si Mom, siyempre. Sa hitsura ng mukha niya, mukhang napanood na rin niya ang balita at gusto lang niyang makita ako, o na makita ko siya, para matiyak na walang babaguhin sa amin ang balitang ito.
OKAY, let me breathe. Again. Hindi mo naman siguro iniisip na delusional ako, ano? I mean, it is not as if may value na maging anak sa labas ng kasalukuyang Pinuno. Hindi naman as if… okay, medyo kinabahan ako sa prospect na… Erase, erase. Hindi ako sure kung tama ang naaalala ko na walang anak si Puta, na hindi pala Puta kundi totoong asawa ni Dad. Minahal ba niya? Paano ba talaga sila nagkakilala ni Mom? Tinanggap ba ako noon ni Puta dahil hindi nga sila nagkaanak—magkaanak—ni Dad? Ang taba-taba na ni En. Walanghiya. Kung wala nga silang anak, at hindi na sila magkakaanak, anong ibig sabihin nito para sa akin, para kay Joaquin. Parang nakita ko ulit ang mukha ni Mom pagbukas niya ng pinto sa kuwarto ko. Iyon talaga ang ibig sabihin ng mukha niya nang sandaling iyon: kung ano ang ibig sabihin nito para sa aming lahat.
Pero siyempre, sinubukan kong hindi isipin iyon. Pinilit kong ibaling ulit sa rereading ng Patnubay ang atensiyon ko, knowing nga na most likely ay ako ang magiging discussant. Pero hindi siyempre ako makapag-concentrate. Parang gustong pumasok ng mga gagamba sa utak ko. Bakit walang detalye matapos sabihing wala na ni Simeon, maliban sa obvious na hindi siya namatay. Otherwise, bakit walang burol o pagluluksa tulad ng ginawa sa Malahákan? Pero nasaan siya? Ano ang ibig sabihin ng wala na siya? Ang lakas-lakas pa niya, para ngang aabutan pa siya ni Dad sa hitsura. As expected, walang kahit anong speculation ang mga tao na sinasabi sa Twitter o sa Facebook. Lahat ay reposting lang ng video na natanggap naman ng lahat ng may cellphone.
Kahit nang sumunod na araw, walang detalyeng kahit ano tungkol kay Simeon. Sa halip, basta isinagawa ang induction para sa pagpapasa ng posisyon kay Dad. Naka-livestream. Maayos, parang hindi biglaan. Imbitado ang lahat, iyon ang punto ng notification alert nang sinundang gabi. Pero siyempre, hindi talaga imbitado ang lahat na dumalo lalo’t undisclosed ang lugar ng induction. Ang ibig sabihin lang na imbitado ang lahat ay imbitado ang lahat na manood para makiisa sa pagluluklok ng Bagong Pinuno ng Maharlika. Pero dama ko na hindi ito basta tulad lang ng paghalili ni Simeon sa Malahákan noon. Halos sambahin ng mga tao ang Malahákan. At sa buong panahong nabubuhay ito, alam ng mga taong may anak itong Simeon Maharlika na sinusubaybayan din nila sa isip nila kahit hindi talaga nila nakikita. Kaya tanggap ng lahat ang paghalili nito sa ama. Pero hanggang bago naupo si Simeon bilang Bagong Pinuno, sino ang may alam at pakialam kay Paulino Maharlika?
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.








