ANAK NG BILANGGO

Ang malaking suliranin ni Raul ay ang mga sulat na walang lagdang tinatanggap ng mga babaing pinaglaannan niya ng pag-ibig na nagbubunyag ng kanyang lihim tungkol sa pagkabilanggo ng kanyang ama.

Ni ADRIANO P. LAUDICO

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 2, 1952)

HINDING-HINDI maaaring makatkat sa pag-iisip ni Raul ang tagpong naganap sa balkon ng bahay ni Bella.

            Kararating pa lamang niya nuon na may bitbit pang isang pumpon ng sariwang bulaklak na binili niya sa flower shop. Bahagya pa lamang nasasayaran niya ang malambot na kutson ng isa sa mga silyang nasa balkon nang iabot sa kanya ni Bella ang sulat. Hindi niya napansin ang may kalamigang pagkatanggap sa kanya ng dalagang ito na itinatangi niya sa lahat.

            “Basahin mo ‘yan, Raul,” ang wika ni Bella na hindi man lamang nagpasalamat sa binata.

            Walang kasapa-sapantaha si Raul na binasa ang kalatas pagkatapos na tapunan ng isang mairog na malas ang magandang kaanyuan ng dalagang sinasamba niya.

            Anang huling bahagi ng sulat:

            “…at upang huwag kang maghinalang paninirang-puri lamang ang hangarin nang lumiham na ito, ay tanungin mo si Raul. Tanungin mo siya kung hindi tunay na ang kanyang ama’y nabilanggo.

            Isang nagmamalasakit”

            “Nabasa mo ba?” ang tanong ni Bella nang mapansin niyang parang namamalikmatan ang binata. “Totoo ba ang sinasabi diyan?”

            “Oo, Bella, totoo,” ang pagkaraan ng ilang saglit ay itinugon ni Raul na bahagyang gumagaralgal ang tinig. “Inaamin kong nabilanggo ang aking ama, ngunit matagal nang pinagdusahan niya ang kanyang pagkasala at ang akala ko’y nalimot na ang dungis na ito sa aming karangalan.”

            “Pero, bakit ngayon mo lang ipinagtapat sa akin’yan?” ang tanong ni Bella na halatang-halata ang pagpupuyos ng kanyang kalooban. “Kung hindi pa sa carta anonimang ‘yan ay… Ku, kung nalaman ko lamang ‘yan agad ay…”

            “Ang ibig mo bang sabihin, Bella, ay hindi mo tatanggapin ang aking pag-ibig kung sa simula pa’y ipinagtapat ko sa iyo ang nangyari sa aking ama?”

            “Mangyari pa, an’ong akala mo?” ang mabilis na tugon ng dalaga. “Tila nakakalimutan mo ang katayuan namin sa sosyedad. Pihong papatayin ako ng papa kapag nabalitaan niya na isa palang naging bilanggo ang ama ng aking boy friend. Raul, bakit ka nagsinungaling sa akin? Bakit mo ako inilagay sa isang napakaalanganing katayuan?”

            Pinagtiim ni Raul ang kanyang mga bagang.

            “Huwag kang mag-alala, Bella,” ang wika niyang sabay tindig. “Aalisin kita sa iyong gipit na katayuan. Ito ang kahuli-hulihang pagkikita natin. Diyan ka na.”

II

Hatinggabi na nang umuwi si Raul sa kanila. Kung saan-saang templo ng aliw nagtungo siya upang kalimutan ang kanyang makirot na karanasan. Naghintay siya ng maraming taon upang maging karapat-dapat sa pagmamahal ng isang katulad ni Bella. Nagpunyagi siya sa gitna ng karukhaan upang makapaghanda para sa isang magandang kinabukasan. At ngayon, ngayong sa akala niya’y nalimot na ang batik sa kanilang karangalan at karapat-dapat na siya sa paglingap ng isang dilag na tulad ni Bella, ay biglang-biglang gumuho mga kastilyong itinayo niya sa himpapawid.

            Ang kanyang matandang ama ang nagbukas ng pintuan pagkatapos nang matagal-tagal din namang pagkatok niya.

            “Bakit kayo pa ang nagbukas?” ang kanyang tanong sa bagong gising na si Mang Pilo. “Bakit hindi pa ninyo binayaan sa mga utusan?”

            “E, alam mo na kung papa’no matulog ang mga iyon,” ang nakangiting tugon ng matanda samantalang papasok silang mag-ama sa kabahayan. “Kahit na magpaputok ka ng rebentador ay hindi sila magigising. Baka nagugutom ka ay ipinagtabi ka ng pagkain ng iyong ina, Raul.”

            “Busog po ako,” ang matamlay na tugon ni Raul at nagtuloy siya sa kanyang silid.

            Hindi karaka-raka nakatulog si Raul sa kanyang munting silid. Isa-isang nagbalik sa kanyang pag-iisip ang mga bahagi ng isang kahapong malaon na niyang ibinaon sa kanyang alaala.

            Mahigit nang labindalawang taon ang nakararaan nang maganap ang isang pangyayaring bumago sa takbo ng kanilang buhay. Unang taon niya nuon sa kolehiyo. Ang dalawang batang kapatid niya’y nasa high school at ang dalawa pa’y nasa paaralang elementary naman. Dahil sa sabay-sabay ang kanilang pagmamatrikula at dahil sa mahabang pagkaratay ng kanilang ina dahil sa isang pabalik-balik na pagkakasakit, ay napilitan si Mang Pilo, na isang kahero sa isang munting kompanya, na “humiram” sa salaping kanyang iniingatan upang makapagmatrikula si Raul. Ilang araw na lamang at suweldo na, kaya malaki ang pag-asa ni Mang Pilo na maibabalik niya ang salaping kanyang hiniram nang walang nakababatid.

            Subalit, dahil sa isang hindi inaasahang biglaang pagsisiyasat sa salaping kanyang iniingatan ng isang awditor ay natuklasan ang bagay na ito. Walang nangyari sa pakikiusap ni Mang Pilo sa may-ari sapagkat ito’y may mainit na mata sa kanya, hanggang sa humantong sa hukuman ang usapin at mahatulan siyang mabilanggo ng dalawang taon. Pagkaraan ng isang taon ay nakalaya siya sa pamamagitan ng parole.

            Samantalang nabibilanggo ang kanyang ama, ay si Raul ang naging padre de familia ng kanilang angkan. Napilitan siyang tumigil sa pag-aaral at harapin ang pagtatrabaho upang makapagpatuloy sa pag-aaral at harapin ang pagtatrabaho upang makapagpatuloy sa pag-aaral ang kanyang mga kapatid.

            Isang sakit na dumapo kay Mang Pilo nang siya’y nasa bilangguan ang nagpahina sa kanyang patpating katawan. Nang siya’y makalaya  ay tinaglay niya ang ganitong kapansanan, kaya ang lahat ng kanyang pagsusumikap na makapagtrabaho ay nauwi sa wala. Salamat sa unti-unting pag-asenso ni Raul sa kanyang trabaho ay napakiusapan ni Raul ang kanyang amang mamahinga na sapagkat kaya na niyang buhayin ang kanilang angkan.

            Sa loob ng mahigit na sampung taon ay itinabi ni Raul ang anumang damdaming may kaugnayan sa pag-ibig. Nagsikap at nagtiyaga siya upang mapabuti ang kanyang kalagayan at maaruga niya ang kanyang mga magulang at kapatid. At siya’y nagtagumpay nga. At nang sa akala niya’y matatag na siya at limot na ng mga tao ang masaklap na karanasan g kanyang ama, ay ipinasiya niyang si Bella ang dapat niyang makaisang–puso kung siya’y tatanggapin ng dalaga.

III

ANG panlulumo ng kalooban ni Raul ay tumagal nang marami, napakaraming gabi. Kung sabagay ay sinikap niyang malingid sa kaalaman ng kanyang mga matatanda at kapatid ang subyang ng kanyang puso. Ngunit, sa mapanuring mga mata ni Mang Pilo ay hindi nakalusot ang dalamhating sinasarili ng kanyang anak na panganay, lalung-lalo na nang hindi binabanggit ni Raul ang pangalan ni Bella sapol nang hatinggabing siya ang magbukas ng pinto sa binata.

            Ibinuhos ni Raul ang kanyang sarili sa kanyang mga gawain upang makalimot. Dahil dito’y lalo siyang napabuti sa opisinang pinaglilingkuran. Itinakwil niya sa kanyang puso ang anumang hangaring mapalitan sa kanyang pagtatangi si Bella. Hindi na siya muling iibig upang huwag nang maranasang muli ang kanyang matinding pagkabigo.

            Subalit, pagkalipas ng dalawang taon ay muling napukaw ang kanyang naghihinanakit na puso ng karilagan ni Nora, isang dalagang tila hindi na maaaring pintasan ng pinakapihikan mang binata. Matatagpuan sa kanya ang lahat ng mga katangiang nilulunggati ng isang binatang tulad ni Raul. At dahil dito’y nakalimutan ni Raul ang lahat ng kanyang hinanakit at ang pangakong hindi na muling iibig. Subalit tuwing tatangkain niyang magpahayag ng pag-ibig kay Nora ay tila may isang makapangyarihang kamay na pumipigil sa kanya. Laging sumasagi sa kanyang alaala ang larawan ng kanyang ama. Bago siya magtapat kay Nora ay kailangang ipagtapat muna niya ang lihim ng kanyang pagkatao, ang lihim ng kanyang ama na siyang naging dahilan nang marahas na pagtanggi sa kanya ni Bella.

            Isang araw ay kumalat na lamang ang balita ng marangyang kasal ni Bella. Nakipag-isangdibdib ito sa isa sa mga masalaping binatang kabilang sa mataas na lipunang mahal na mahal sa kanya.

            “Nag-asawa na rin pala si Bella,” ani Mang Pilo, isang gabing silang mag-ama na lamang ang hindi pa natutulog.

            “Opo, punung-puno ang mga pahayagan ng kanilang mga larawan,” ang walang hinanakita na tugon ni Raul.

            “Mabuti’t hindi kayo nagkatuloy na dalawa,” ang pansin ng matanda nang mapuna niyang walang taglay na hinanakit ang kanyang anak. “Nalalaman kong hindi kayo liligayang dalawa. Umaasa ako na may babaing higit na mabuti kaysa kanya na makapagdudulot sa iyo ng tunay na kaligayahan. Palagay ko’y natagpuan mo na siya, anak. Nagkakamali ba ako, Raul? Hindi ba siya si Nora?”

            “Hindi kayo nagkakamali,” ani Raul na biglang lumiwanag ang mukha.

IV

Pagkaraan ng ilang araw ay ipinasiya ni Raul na magtapat kay Nora. Ipagtatapat niya ang lahat. Isasalaysay niya sa babaing pinakamamahal niya ang masaklap na karanasan ng kanyang ama.

            Kinagabihan ay panauhin si Raul sa munting tsalet nina Nora.

            “Nora, mayroon akong ibig ipagtapat sa iyo,” ang sa di kawasa’y nawika ni Raul. “Matagal, napakatagal nang ibig kong isiwalat sa iyo ang isang bagay tungkol sa aking pagkatao.”

            “Matagal na tayong magkakilala, Raul,” ang nakangiting ganti ni Nora. “Mayroon pa ba akong hindi nalalaman tungkol sa iyo? At oo nga pala, ibig kong malaman mo na wala akong hangarin na malaman ang mga bagay tungkol sa iyo na wala akong kinalaman.”

            “Kahit na, Nora. Bago ko ipagtapat sa iyo ang laman ng aking puso ay ibig kong mabatid mo na ang aking ama’y nabilanggo, na ako’y anak ng isang bilanggo.”

            Nakaramdam si Raul ng isang malaking kaginhawahan. Para siyang nabunutan ng isang mahabang tinik.

            “Sandali lamang, Raul, ha?” ang narinig niyang pakli ni Nora, sabay tindig at pasok sa loob ng bahay. Pagkalipas ng ilang saglit ay nagbalik ang dalaga na may dalang isang maikling liham. Hindi umiimik si Norang iniabot ang kalatas sa natitigilang binata.

            Parang namamalikmata si Raul na tinunghayan ang liham na may ganitong pagwakas:

            “… at upang huwag kang maghinalang paninirang-puri lamang ang hangarin nang lumiham nito, ay tanungin mo si Raul. Tanungin mo siya kung hindi tunay na ang kanyang ama’y nabilanggo.

            Isang nagmamalasakit”

            Isang carta anomina na naman! At matay mang kuruin ni Raul ay buhat din sa taong nagpadala ng liham na walang lagda kay Bella. Sino kaya itong may maitim na budhi na tila yata wala nang hangarin sa mundong ito kundi ang dulutan siya ng isang matinding salaghati sa buhay? Muling tinunghayan niya ang liham at muling sumurot sa kanya ang pagkakahawig ng mga titik ng sulat sa mga titik na tila hindi naiiba sa kanya.

            Binalingan niya si Nora. Ganoon na lamang ang kanyang pagkabahala nang makita niyang tahimik na lumuluha ang dalaga. Parang may kung sinong nagtarak ng punyal sa puso ni Raul nang mga sandaling iyon! Ang pagkabilanggo ng kanyang ama’y muling humadlang sa kanyang kaligayahan. Walang salang hindi na niya maaaring ipagpatuloy ang pangingibig kay Nora.

            “Ikinalulungkot ko, Nora,” ang nawika na lamang niya, sabaya tindig. “Ako’y aalis na.”

            “Hintay, Raul, umupo ka. Ipagpatawad mo ang aking pagluha. Ibig kong malaman mo na walang kinalaman ang pagkabilanggo ng iyong ama sa iyong pagkatao. Bago mo ipinagtapat sa akin ang nangyari sa iyong ama ay buo na sa aking pag-iisip na tatanggapin ko ang iyong pag-ibig kung maghahain ka sa akin ng pag-ibig. Batid kong malaon mo nang ibig magpahayag sa akin, subalit tila may isang bagay na pumipigil sa iyo. Nang matanggap ko ang liham na iyan ay nagliwanag sa akin ang lahat. Raul, lalo kang naging dakila sa akin dahil sa iyong pagtatapat.”

            “Nora, Nora,” ang nasambit na lamang ni Raul.

            “Pero, Raul, mayroon din akong ibig ipagtapat sa iyo—tungkol din sa aking pagkatao. Ako’y ampon lamang sa tahanang ito. Hindi ko nakikilala ang aking mga tunay na magulang. Ngunit, ako’y maligaya dito sapagkat ang pagtingin sa akin ng mga taong kinagisnan kong nag-aruga sa akin ay higit pang sa mga tunay na mga magulang. Tunay na naging ako’y bilanggo ang iyong ama, ngunit sa akin ikaw ay may tunay na mga magulang samantalang naging ako’y ampon lamag. Ako ang lalo hindi karapat-dapat sa iyo, Raul.”

            “Nora, mahal ko, lalo kang napamahal sa akin,” ang nasisiyahang tugon ni Raul, sabay pisil sa kamay ng dalagang pinakamamahal niya.

V

MASAYANG-MASAYA si Raul nang umuwi siya sa kanilang bahay nang gabing iyon. Gising pa ang kanyang ina at ito ang nagbukas sa kanya. Inabot niya si Mang Pilo na may isinusulat. Mahilig si Mang Pilo sa pagsusulat ng mga samut-samot na bagay at hindi miminsang nakasulat siya sa mga pahayagan tungkol sa kanyang pala-palagay sa kasalukuyang takbo ng pamumuhay ng tao. Itinigil niya ang pagsulat nang mapunang dumating si Raul.

            “Tila masaya ang aming pambato, a,” ang kanyang pansin.

            “Hindi kayo nagkakamali,” ang masayang pakli ni Raul.

            “Hihilingin ko sa inyong samahan ako sa bahay nina Nora bukas na bukas upang hingiin ang kanyang kamay sa kanyang mga magulang.”

            “Sinasabi ko na nga ba, e!” ang biglang nawika ni Mang Pilo. Tinapik niya nang buong pagmamahal ang balikat ni Raul. “Hindi ko nagkamali,” ang kanyang makahulugang dugtong.

            “Hindi kayo nagkamali?” ang ulit ni Raul na hindi makaunawa. Dumapo ang kanyang tingin sa mga papel na sinusulatan ng kanyang ama. Dinampot niya ang isa sa mga ito at matamang sinuri ang mga titik. Biglang nagliwanag ang kanyang pag-iisip. Katulad na katulad ang titik ng kanyang ama ng titik ng sumulat ng mga liham na walang lagda kina Bella at Nora?

            “Kayo ang sumulat kina Bella at Nora?”

            “Ako nga, Raul. Nagagalit ka ba?”

            “Aba, e… hindi po,” ang nasabi na lamang ng binata sa harap nang pagkatuklas niya sa taong may “maitim na budhi”

            “Ibig kong ang maging kapalaran mo’y isang babaing magpapahalaga sa sarili mong pagkatao at mga katangian. Nagkamali ba ako sa pagkaliham sa kanila, Raul?”

            “Hindi po. Pinasasalamatan ko pa nga kayo.”

            “Kung ganoon ay mamamanhikan tayo kina Nora bukas, Raul.”