MOOG NG ISANG ALAALA

At ilang pagtatagpo lamang nila roon ay wala na ang kanilang pupuan. Ang namalagi ay ang tiwalaan at kapanatagan ng loob ng bawat isa.

Ni BENJAMIN A. BARTOLOME

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 12, 1950)

AT buhat na nga noon ay naging kaugnay ng buhay ni Nena ang mga buhangin sa pampanging yaon. Itinuring niya buhat noon na ang mga tipak ng batong nangakahanay doon ay mga moog na nagtatanggol sa alaala sa isang pangyayaring hindi niya makakalimutang hanggang sa siya ay tabunan ng lupa.

            Tuwing Linggo ng hapon ay nagtutungo siya roon. Kung minsan ay kasama niya ang kaibigang si Paning. Ngunit kung magkataong may dinaluhang kasayahan si Paning ay nagtutungo siya roon kahit siya nag-iisa.

            Mahigit pa sa isang panata ang pagparoon ni Nena.

            Yaon ay bahagi ng kanyang buhay. Ipinalalagay ni Nena na siya ay mapalad na rin namang nilalang. Nagkakasakit din siyang paminsan-minsan. Ngunit sa lakas ng kanyang dalangin, hindi natatapat ng araw ng Linggo ang pagkakaramdam na yaon, hindi inaabot ng araw ng LINGGO ang kanyang mga pagkakasakit. Bago dumating ang Linggo, ang kanyang mga dalangin ay dinirinig ng Diyos, siya ay gumagaling na.

            Lalakad-lakad siya roon. Nakayuko si Nena. Tila siya may hinahanap sa mga buhanging yaon sa kabila ng mga batong nakatalaksan sa pagitan ng tubig at ng mga kabahayan sa dakong tinatalikuran niya.

            Ang pagparoon niya ay parang isang pagtungo sa isang simbahan. Babae lamang ang tinutulutan niyang makasama sa pagparoon. Si Paning lamang. Kung naroroon siya, ay tumatanaw sa kalawakan ng dagat pagkatapos na siya ay magsawa sa katutunghay sa buhanginan.

            Nagbabangon sa kanyang alaala ang isang gabing napakadilim, madilim na hindi magkitang-surutin ang kadiliman. Malakas noon ang ulan at ang hangin ay tila may isang angaw na kamay na sumusuntok at nagpapayanig sa boong daigdig.

            Nagbalik sa kanyang alaala ang pagtagilid ng sasakyan at nang nakatagilid na ito ay biglang binuntal ng isang angaw na lakas na parang tulak ng isang malaking lalaki sa salansan ng mga tiklis na patung-patong, ngunit walang laman. Nagtuloy na nabulid ang sasakyan at ito ay nabaon sa dagat. Nang kabigin ng malalaking alon ay tumihaya. Subalit sila ay tumilapon. Ang mga kasangkapang laman ng sasakyan ay nangapahagis at nagsilutang sa tubig.

            Siya ay wala nang pag-asang mabubuhay.

            Bahagya lamang ang kaalaman niya sa paglangoy. Ginamit niya ang kaunting nalalamang ito. Ngunit napakalamig ang gabi. Siya ay pinapanghihina ng pamumulikat ng kanyang mga binti at mga bisig. Ang kanyang pagkatakot sa kamatayan ay siya pa manding nakapagpaparagdag sa kanyang panghihina.

            Tumawag siya sa Diyos. Hindi naririnig ng kanyang kasamahan ang kanyang tinig sapagkat nalulunod sa igong ng hangin at lagusaw ng tubig sa kalalakihan ng mga alon.

            Wala na siyang pag-asa.

            Naniniwala si Nena na hanggang doong talaga na lamang ang kanyang kapalaran. Doon lamang ang sadyang sukat ng haba ng kanyang kapalaran sa mga kamay ng Diyos.

            Subalit gayon na lamang ang kanyang pagtataka nang mamulat ang kanyang mga mata kinabukasan. Nakahiga siya sa isang katre. Nasa loob ng silid ng isang tahanang hindi nga sa isang mayaman, subalit aliwalas naman at masinap. Sa malapit sa kanya ay nakatayo ang isang matandang babaing nang kanyang masdan ay ngumiti sa kanya. Sa gilid ng katre ay nakaupo at nakatunghay sa kanya ang isang maganda at bata pang dalagang may hawak na isang tasa ng mainit na sabaw at isang kutsara.

            “Hala, humigop ka ng mainit na sabaw at nang magbalik ang lakas mo.”

            “Saan po ako naroon?” iyang ang kaunaunahang katanunganng namulas sa kanyang mga labi, matapos na kanyang mailibot ang kanyang paningin sa paligid ng kanyang kinahihigan.

            “Tumiwasay ka, nasa mabubuti kang kamay!” ang naisagot ni Paning na nginitian ang nakaratay.

            “Ako po’y sakay ng isang sasakyang dagat na galing sa Kabisayaan. Nang malapit na kami sa pagpasok ng Look ng Maynila ay inabot ang amingg munting sasakyan malakas na unos.”

            “At ikaw ay nalalad. Napakapit ka sa isang putol na tabla. Napasampid ka sa pampangin. Samantalang namamasyal kami ng ilan kong kaibigan kaninang umagang-umaga ay nakita ka namin. Dinala ka namin dito, binihisan, inilatag ka sa kamang ito. Ngayon, ayon sa manggagamot na kapananaog lamang ay ligtas ka na. Naalis na ang lahat ng panganib sa katawan mo,” ang pagsalaysay ni Paning.

            “Ang tao pong nagligtas sa akin, ang lalaking sumagip sa aking buhay, nahan siya?” naitanong ni Nena.

            “Ewan namin, hindi namin malaman!”

            “Ang ibig ninyong sabihin ay hindi siya nakaligtas?” at ang mga mata ni Nena ay nandilat at kinabahan ang dibdib.

            “Hindi namin masabi. Nang makita kita,” ani Paning, “ay nag-iisa ka at nakayupyop ka pa sa kaputol na kahoy na hindi na mahila ng alon sapagkat mataas ang kinasadsarang buhanginan at bukod sa roon ay napagdadapan mo pa!”

            “Kung gayon ay nalunod siya. Nang malapit na kami sa pampang ay nanlambot siya. Kung magpipisan ang bigat niya at ang bigat ko sa kaputol na kahoy ay hindi kami makakaya!”

            “Kumapit kang mabuti, ako’y nanlalambot na. Sumikad ka nang sumikad at malapit na malapit na ang pampang. Kung magpapabigat pa ako sa ibabaw ng kahoy na ito ay hindi tayo makakaya, baka pa tayo kapuwa malunod. Ikaw man lamang ay makaligtas,” wika niya sa akin.

            “Pagkatapos?” ang nasasabik na tanong ni Paning.

            “Pagkatapos ay humiwalay na nga siya upang makaya ako ng kaputol na kahoy. Sumikad ako nang sumikad. Napagod ako at wala na… nakalimot na ako sa hapo at sa masasal na pintig ng aking puso. At ngayon ay narito ako at wala ang lalaking iyon, nalunod siya upang ako ay makaligtas!” at si Nena ay nagbuntunghiningang malalim.

            “Kaanu-ano mo siya, kapatid mo, kamag–anak mo, o, ano?” naitanong ni Paning.

            “Hindi ko siya nakikilala man lamang. Ni hindi ko matandaan ang kanyang anyo, napakadilim, napakalakas ang ulan at hangin at nakasisindak ang atungal ng alon. Wala na akong pagkakataon sa maikling panahong yaon na makilala pa siya. Siya man ay hindi maaaring makatiyak na makikilala pa niya ako, matangi na lamang kung magkaharap kami. Namatay siya upang ako ay mabuhay!

            “Pagpalain nawa siya ng Diyos!” bulong ni Nena sa sarili na taimtim na taimtim ang dalangin.

“SI Nena ay ulila sa ama’t ina. Walang kapatid at may dito sa pook na nag-iingat ng isang mahalagang alaala sa aking buhay. Baliw ako, ano po, sapagkat ni hindi ko kayo nakikilala ay pinangahasang kayo ay kausapin. Ano nga ang pakialam ninyo sa mahalagang alaala ng pook na ito, ano nga! Ngunit binibini, wala akong makausap! Wala akong mapagbalitaang iba ng ukol sa isang madaling araw nang may lumubog na bapor sa laot na yaon, ako ay sakay ng bapor na iyon,” masasal ang kaba ng dibdib ni Nena.

            Hindi siya makapagsalita, hindi siya makaimik, subalit walang kakurap-kurap ang kanyang mga matang nakatitig sa lalaki.

            “Bukod sa akin ay marami pang ibang sakay ang bapor na galing sa Kabisayaan. Nang lumubog, binibini, ang bapor ay tumilapon kaming lahat. Nakapangapit ako sa isang lulutang-lutang na tabla. Nagsikap akong makalangoy hanggang pampang. Ngunit sa dinaanan ko’y may papalubog na katawan ng isang babae. Babae ang sabi ko sapagkat nakapa ko ang kanyang mahabang buhok. Isinampay ko siya sa tabla. Inilangoy ko siya. Sa paglalangoy ko na siya nagkamalay. Ngunit ako naman ang nanghihina. Ako naman ang tila painangangalayan ng mga binti at mga bisig. Madilim… madilim na madilim… at sapagkat di na ako makapanimbol na mabuti ay naramdaman ng tabla ang aking bigat na hindi makakaya nang may nakasampay pang ibang katawan sa ibabaw nito. Alin sa dalawa, kung magpipilit na sakay ko pa ang aking sariling bigat sa tabla, kapwa kami lulubog at malulunod, bumaba at tumaas ang dibdib ni Nena sa pagsasalaysay ng lalaki. “Kaya’t” anang nagsasalaysay, “ipinasiya kong magpatiiwan na at pinagsabihan ko ang babaing malapit na rin lamang ang pampang ay iubos na niya ang kanyang huling lakas upang makalangoy, maisikad ang mga paa at maikampay nang halili ang mga kamay. Ako’y naiwan na, bahala na. Ngunit sa kabutihang palad, kinabukasan ay nagising ako na nasa kubo ng isang mangingisda sa Palanyag. Nang lumakas ako, binibini, ay natawag na maging manggagawa sa minahan sa Kabikulan. Kailan lamang ako dumating, at ang unang tungkulin ko’y dalawin ang pook na ito at idalangin sa lahat ng oras na ang babae sanang yaon ay nabuhay, iniligtas sana ng Diyos at nang hindi nasayang ang aking ginawang pagpapasakit… opo, binibini, nabuhay sana siya!

            Napatindig si Nena. Nagulat ang lalaki.

            “Huwag po ninyong masamain, wala akong mapaghingahan ng akingg mga iniisip, ng aking mga inaalaala. Hindi ko nga kayo kakilala, ngunit wala po namang masama sa mga sinabi ko, mayroon pa ba? Patawarin ninyo ako!

            “Ginoo, ano ang inyong pangalan?”

            “Ruperto Prendaze, binibini! Pentoy ang palayaw sa akin!”

            “Ako’y si Nena Alcoriza, ako ang inyong iniligtas nang madaling araw na iyon.”

            “Kaya ba kayo ay lagi ring narito?”

            “Binabakas ko ang moog na itong kinatataguan ng isang magandang alaala sa aking buhay!”

            “Mapalad pa rin ako, sapagkat nabuhay na ako pagkatapos ng sakunang yaon ay nabuhay pa rin kayo.”

            Inanyayahang kusa ni Nena na dumalaw si Pentoy sa kanyang tinutuluyan at ipinakilala kay aling Ariang at kay Paning.

BUHAT noon ay lagi na silang dumadalaw tuwing Linggo ng hapon sa baybaying yyaong mga matitigas na mga batong nakasalansan ay tila matibay na moog ng magandang alaala ng kanilang pinagdaanang sakuna. At ilang pagtatagpo lamang nila roon ay wala na ang kanilang pupuan. Ang namalagi ay ang tiwalaan at kapanatagan ng loob ng bawat isa.

            Saka hindi bumilang ng maraming buwan, at “giliw” na kung tawagin ni Pentoy si Nena at “irog” naman kung tagurian ng dalaga ang binata.

            Noon ay masaya sila at maligaya. Namamasyal pa rin sila sa baybay dagat. Nang mahapo sa pagsasalisod ng mga buhangin ay magkaagapay na lumikmo sa mga salansan ng bato na paharap sa dagat.

            “Hindi ko akalain, Pentoy na dito tayo nagkahiwalay sa pampanging ito nang madaling-araw na yaon ay dito rin tayo magkakatagpo,” ang nasisiyahang wika ni Nena.

            “Marahil ay upang tayo ang magkaunawaan habang buhay, tayo ang magkaugnay ng kapalaran,” ang nasisiyahang wika ni Pentoy.

            “Ngunit…” ang nawika ni Nena na lumungkot ang mukha at napatanaw sa malayo.

            “Nag-aalinlangan ka, mahal ko!” ang maagap na wika ni Pentoy.

            “Nahihiya ako sa iyo, mahal ko. Ngunit ako’y babae. Ako’y ulila, isang dayuhan dito sa Maynila na kinukupkop lamang ng may magagandang pusong nakapulot sa akin sa pook ding ito nang madaling-araw na yaon. Magtataka ka baga na ako’y sagian ng lungkot kung maisip ko na maaaring maging madilim at malungkot ang aking kinabukasan?”

            “Kung ganoon ay nag-aalinlangan ka nga sa akin, Nena.”

            “Kailan lamang tayo nagkakilala, Pentoy. Kung nagkalapit tayo buhat noong Linggo ay dahilan lamang sa ikaw pala ang sumagip sa akin. Nang sagipin mo ako ay ni hindi mo ako nakikilala. Ikaw man ay hindi ko rin nakikilala, sapagkat napakadilim nang gabing yaon at ang tao ay wala nang pagkakataong makapangilala pa ng kanyang kapuwa dahilan nga sa kadiliman at sa lakas ng hangin at ulan at dahilan sa malalaki ang alon at ang sasakyan ay lumubog na nga at nangapadpad tayong hiwahiwalay.

            “Kung ganoon ay dudulog ako sa nanay ni Paning mamayang gabi at sasabihin ko sa kanyang sapagkat siya ang pinakamagulang mo ay hinihingi ko sa kanya ang iyong mga kamay!” ang nawika ni Pentoy na hinawakan ang kanang kamay ng dalagang noon ay tila nag-iisip pa rin sa pagkakatingin sa malayo.