Ni PEDRO L. RICARTE
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Pebrero 8, 1960)
BUHAT sa pagkakaupo sa bangkong hintayan ng mga pasahero ay tumanaw si Nelda sa gawi roon ng daang-bakal na kinaringgan niya ng lagunlong, at nakita niya ang dumarating na tren. Ganap na ikapito ng umaga sa kanyang relong panggalang. Ito nga ang hinihintay niyang biyaheng pa-Maynila.
Mabagal na ang takbo ng tren nang malapit na sa istasyon. At bago tuluyan iyong huminto ay narinig ang bahagyang pagkakabungguan ng mga kotse. Tumindig si Nelda sumakay, kasunod ng iba pang mga pasahero.
Makaraan ang ilang sandali, nang nakaupo na siya sa tabing bintana, ay unti-unting umusad ang tren. Lumikha ng ingay ang mga nabatak ng kotse. At sa unti-unting pagbilis ng takbo ng sasakyan, unti-unti ring bumibilis ang pagdaraan ng mga tanawin sa paningin ni Nelda: mga bahay na nangakatayo sa tabi ng daang-bakal, mga punungkahoy, malalagong talahiban, pagkatapos ay ang palanas na kabukiran.
Pumikit si Nelda. Mabilis din ang pagdaraan ng mga larawan sa kanyang isipan: si Tony, ang kanyang asawang kawal; ang kanyang pasusuhing anak na isinilang nang nasa Korea pa si Tony; ang pagdating ni Tony buhat sa Korea—isa nang bangkay; ang sulat na tinanggap niya kamakalawa na nagbabalitang pararangalan ang mga Pilipinong nasawi sa Korea at siya ang sasabitan ng medalyang ukol sa kanyang asawa.
Dumilat si Nelda. Kumurap-kurap. Pumikit uli. Makailan siyang pumikit at dumilat. Nais niyang iwaksi sa isipan ang malulungkot na alalahanin. Upang may pagkalibangan, iginala niya ang tingin sa paligid. Kakaunti ang pasahero sa kotseng kinalululanan niya. May natutulog. May nagbabasa ng pahayagan. May nangag-usap. Nag-iisa si Nelda sa upuan, walang makausap, at nagkasiya na lamang siya sa pagbabaling ng tingin sa labas ng bintana.
Makaraan ang ilang sandali ay tumigil ang tren sa kasunod na himpilan. Kabilang sa mga sumakay ang isang babaing may akay na bata.
Maganda ang babae. Kaypala’y may dalawampu’t walong taong gulang. Nakabestido ng puting may patak-patak na itim. Hindi ahit ang kilay na likas na may magandang hubog, at hindi makapal ang pahid ng make-up. Ang bata naman ay may pitong taong gulang. Nakasuot ng puting kamisadentro, kaking korto at cow-boy shoes.
Nakaupo ang dalawa sa tabi ni Nelda.
Nang umusad ang tren ay tumayo ang bata at nanungaw. Umanyong waring may hawak na riple.
—Pung! Tama! Pung! Tama!—wika ng bata, at nakita ni Nelda na ang mga poste sa tabi ng daang-bakal ang sinisipat nito.
—Boy, — tawag ng babae sa bata, — halika rine. Huwag kang malikot diyan.
— ‘Nay, — sabi ng bata, — tamang lahat, tamang lahat ang poste.
—Oo, —nangingiting tugon ng babae. — Talagang mahusay kang bumaril. Siya, halika na rine.
Nagbalik ang bata sa tabi ng ina.
— ‘Nay, di ba… sabi mo, mahusay bumaril ang ‘Tay?
—Oo.
—Mahusay rin ‘kong bumaril.
Muling nangiti ang babae. — Oo, mahusay ka ngang bumaril paris ng tatay mo.
—Di maraming napatay ang ‘Tay?
—Oo.
— Talagang matapang ang ‘Tay ko. Matapang na matapang s’ya, ano, ‘Nay?
— Oo, matapang na matapang.
Ang sagutang iyon ng mag-ina ay may pinukaw sa gunita kay Nelda. Malungkot na gunita.
Matapang si Tony. Ang katapangan ni Tony ang isa sa mga katangiang ikinaibig niya rito, at siya ring nagdulot sa kanya ng labis na pangamba nang sila’y makasal na.
Nang lumiligaw sa kanya si Tony ay iniligtas siya nito sa tatlong lasing na lalaking nagtangkang humalik sa kanya sa sayawang dinaluhan nila. Hindi ito natakot kahit nagbunot ng patalim ang isa sa mga kalaban. Inagaw ni Tony ang patalim at napagupo sa suntok ang tatlong nagtulung-tulong.
Nang makasal na sila ay inamuki niya si Tony na magbitiw na sa pagkakawal.
Tumawa lamang si Tony. Hinawakan siya nito sa balikat at hinagkan sa pisngi.
Ang katapangan ng kanyang asawa ang naghatid dito ng kamatayan. Nang ipadala sa Korea ang batalyong kinabibilangan ni Tony ay nagkusang-loob itong sumama sa isang advance patrol. At nang ang puno ng patrol na iyon ay magtanong kung sino sa pangkat nito ang magkukusang-loob na gumapang patungo sa pook ng mga kaaway upang malagyan ng bomba ang tulay na pinagdaraanan ng mga sasakyan ng mga iyon, si Tony pa rin ang humandog. Napasabog nga ni Tony ang tulay, nguni’t nakita ito ng mga kaaway at pinaulanan ng putok. Nabatid niya iyon sa sulat na ipinadala sa kanya ng puno ni Tony, sulat na nagbabalitang nasawi ito.
Pumikit si Nelda. Hinayaan niyang mag-usap ang mag-inang katabi niya sa upuan. Nais niyang makatulog, makalimot kahit sandali. Nguni’t hindi siya makatulog, hindi makalimot. Hindi napawi ang kirot sa kanyang puso.
Muling pumikit si Nelda. Mariin, upang mapigil ang luhang nagtatangkang dumaloy sa kanyang mata. Tahimik ngayon ang mag-inang katabi niya sa upo. Nang dumilat siya ay mabagal na ang takbo ng tren. Nalalapit na sila sa isa pang himpilan.
—Balot, balot! Puto, puto! — sigaw ng mga tindera na nagsilapit sa mga bintana ng kotse nang tumigil ang tren.
Bumili ng balot ang babaing katabi niya sa upuan. Inalok siya nito.
—Salamat po, — tugon ni Nelda sabay iling.
Nagtalop ng balot ang babae at kumain ang mag-ina.
—Paluwas po ba kayo? — tanong ng babae kay Nelda nang tumatakbo na uli ang tren.
Tumango si Nelda.
—Paluwas din kami ni Boy. Patungo kami sa Murphy. Ngayong umaga ang parangal sa kanyang ama. — Masigla ang pagsasalita ng babae at may taginting ang tinig nito.
—Doon din po ang tungo ko, — naibadya tuloy ni Nelda.
—Dadalo rin kayo sa parangal?
Tumango si Nelda.
—Asawa ninyo ang pararangalan?
Isa pa ring tango ang itinugon ni Nelda.
—Huwag na tayong magpupuan, —maya-maya’y palagay-loob na wika ng babae. — Halos magkasinggulang lamang naman tayo, e. Meding ang pangalan ko.
Sinabi naman ni Nelda ang kanyang pangalan.
Napansin niyang waring may nais sabihin si Meding. Kung ilang ulit siyang pinagmasdan nito: ang kanyang mukha, ang kanyang itim na kasuutan.
—Nakaluksa ka, — maya-maya’y pansin ni Meding.
Hindi agad nakatugon si Nelda.
—P-patay na…S-siya, —sa wakas ay nasabi niya.
—Sa Korea?
Tumango si Nelda.
Sandali silang natahimik. Tumanaw si Meding sa labas ng bintana.
—Mapalad ka at makapagmamalaki. Isa siyang bayani…— ani Meding.
Mapalad! Nakadama ng pagtutol si Nelda.
Nagbuntunghininga si Meding at muling tumanaw sa labas ng bintana.
—Hindi mo naitatanong, — maya-maya’y wika ni Meding, — pero…maligaya ako…
Naputol ang pagsasalita ni Meding nang lumapit ang anak na kangi-kangina’y nakatayo sa tabing bintana. Nakatapos nang kumain ng balot ang bata at kumalong ito sa ina.
— ‘Nay, — anang bata at tiningala ang ina, — sabi mo, sa pupuntahan natin, makakikita ‘ko ng sundalo.
—Oo nga.
—Matatapang din ba sila, tulad ng ‘Tay ko?
—Oo, matatapang tulad ng tatay mo…tulad ng kanyang asawa. —At itinuro ni Meding si Nelda.
—Bakit, matapang din ba ang kanyang asawa? — baling ng bata sa ina.
—Oo.
—Sundalo rin?
—Oo.
—Basta, matapang sa lahat ang ‘Tay ko! Wala nang tatapang pa sa ‘Tay ko! Paglaki ko, magiging matapang din ako. Magsusundalo rin ‘ko.
—Oo, anak. Magiging matapang ka. Matapang na matapang. Magiging sundalo ka rin.
Tumanaw si Meding sa labas ng bintana, at nang pagmasdan ni Nelda ay waring may nakita siyang ulap na lumambong sa mukha nito. At naisip ni Nelda na kaypala’y dinaraya lamang ni Meding ang sarili sa pagsasabing maligaya ito sa pagiging asawa ng isang kawal na laging wala sa tahanan at laging nasusuong sa panganib.
Nguni’t sandali lamang ang ulap sa mukha ni Meding. May kislap ang mga mata nito nang magbaling ng tingin sa anak.
Nakakikilos lamang siya nang ganito pagka’t hindi pa nasasawi ang kanyang asawa, nasabi ni Nelda sa sarili. Kung naranasan niya ang naranasan ko, aywan ko lamang kung di siya iiyak…
At nagunita ni Nelda ang pasusuhing anak na iniwan niya sa bahay sa pag-aalaga ng kanyang ina ngayong paluwas siya.
Pumikit si Nelda. Hinayaan niyang mag-usap ang mag-inang katabi niya sa upuan. Nais niyang makatulog, makalimot kahit sandali. Nguni’t hindi siya makatulog, hindi makalimot. Hindi napawi ang kirot sa kanyang puso.
Kung ilang ulit pang huminto ang tren. Sa wakas ay sumapit sila sa kanilang bababaan.
Akay ang anak ay naunang umibis si Meding. Kasunod ng mag-ina si Nelda.
Nang makababa sila ay hinawakan ni Meding sa bisig si Nelda. Nadama ni Nelda sa hawak na yaon ang waring pakikiramay. Parang may nais sabihin si Meding. Sandali itong napatungo na tila nag-iisip.
Sa wakas ay inakbayan ni Meding si Nelda at lumayo sila nang bahagya kay Boy na nalilibang sa panonood sa nagsisakay sa tren.
—May ipagtatapat ako sa iyo, —ani Meding kay Nelda. —Alam mo, patay na rin ang ama ni Boy. Nasawi rin siya sa Korea. Ako ang sasabitan ng medalya sa ngalan niya. Hindi ko iyan nasabi sa iyo kangina pagka’t ayokong marinig ni Boy.
—Hindi ba niya alam?—naitanong ni Nelda.
Umiling si Meding. — Ayokong malaman niya. Napakamusmos pa niya para makaunawa. Ibig kong manatiling maganda para sa kanya ang buhay ng kanyang ama. Iyon ang buhay na hinahangaan niya.
Napatingala si Meding, at pabuntunghininga nang nagpatuloy ng pagsasalita.
—Maligaya pa rin ako, Nelda…paniwalaan mo…sa kabila ng lahat…
Nagkatitigan sila. At naunawaan ni Nelda ang damdamin ni Meding na nais nitong ibahagi sa kanya. Napatingala rin siya sa bughaw na kalawakan. Waring ibig niyang maiyak. Nguni’t hindi na sa dalamhating nakakuyom sa kanyang dibdib.








