Biyahe

Ni John Dave B. Pacheco

HINDI pa umaabot ang hatinggabi, nakaabang na akong may malaking bagahe sa bus terminal. Hindi naging maayos ang pag-uusap namin ni Papa kaninang hapunan. Aalis na naman daw ako ulit. Puro na lang alis. Wala naman daw akong mapapala sa pagsali sa mga writing at painting workshop. Wala raw pera sa art-art. Kaya hindi na ako nag-aksaya ng oras, umalis na kaagad ako sa bahay alas-nuwebe pa lang ng gabi. Tahimik ang paalam sa kanila. 
Papunta kong Dumaguete. Mula GenSan, landtrip hanggang maabot ang dulo ng hilaga— sa Dipolog. Alauna ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Mula Dipolog, sasakay ng tricycle pa-Dapitan. Pagkatapos, sasakay ng FastCat Ferry papuntang Dumaguete. Sumatutal, aabutin ng isang buong araw.
Ako ang unang nakakuha ng ticket card sa bus terminal. Maya-maya’y pumuwesto na ang bus. Nasa bandang harapan ako umupo. Malala ang turbulence kapag nasa likod. Gusto kong mahimbing na humimlay sa buong araw ng biyahe.
Ilang minuto paalis, pumasok ang nagtitinda ng maning nilaga. Tiningnan niya ang drayber.
“Oy.”
“Oy. Mani. Bale 100.”
“Aga ng b’yahe boss, a.”
Ngumiti ang drayber. “Excited. Uuwi na kasi sa Misamis pagkatapos ng tatlong buwan. Miss ko na mga anak ko,” saka tinanggap ang mani. “Paborito ni panganay.”
Sandaling tuwid na daan ang mga labi ko. Dumungaw ako sa bintana. Naalala ko ang sinabi ni Mama noong nakaraang buwan nang maospital si Papa. Sabi niya, nang ipinanganak niya ako, hatinggabi’t maliwanag na maliwanag ang buwan. Unang beses sa buong buhay niyang nakita si Papang umiyak habang karga ako.
Ngayon ko lang naramdaman sa katawan ang epekto ng bitbit kong bagahe. Umandar na ang bus. Hindi ako nakatulog sa biyahe.