Dayo

Ni Francisco Arias Monteseña

BIGAYAN ng relief goods. Nauna na muna ang dalawang kilong bigas, ilang de-lata at noodles mula kay Kapitan.

Maagap na pumila si Ka Ilyong. Alas kuwatro pa lang ng umaga ay naroon na siya ngunit nagulat pa siyang may mas nauuna pa pala sa kanya sa pila. Nagsiguro pa naman siya na mauuna kaya maagang kumilos ngunit may mas maagap pala sa kanya.

Tatlong taon na siya sa Barangay Macopa mula nang lumuwas galing probinsiya. Katulad siya ng marami na naghangad ng suwerte sa lungsod at di na nagawang umuwi sa pagkapahiya sa sarili kaya nagtiis ng kung ano-anong trabaho. Mahusay ding hilot ang matanda kaya kilala na siya sa buong barangay.

Nang siya na ang nasa unahan ng pila ay hindi makita ang kanyang pangalan sa listahan. Wala raw siyang permanenteng address sa barangay kaya hindi kuwalipikado sa pamumudmod ng barangay. Kahit anong gawing hanap sa pangalan niya ay hindi makita sa listahan. Walang nagawa ang matanda dahil humahaba na ang pila sa tagal ng oras ng paghahanap sa pangalan niya.

Nanlumo si Ka Ilyong. Naluluha habang paalis ng pila.

Nabutas ang plastic bag ng sumunod sa kanya at kumalat ang butil ng bigas. May gumulong na sardinas sa paanan ng matanda.

Hindi niya malaman kung tamang pulutin niya o pabayaan na lang ang gumulong na sardinas.