Kasalatan

Ni Jhon Steven C. Espenido

MAY grupo ng mga pulubing kabataang edad lima hanggang siyam na wari’y naglalaro lamang habang nagbibigay-buhay sa isang bundok ng basura. Hindi ito istoryang karaniwang mapapanood sa entablado o sa mga beauty contest, kung saan ginagamit ang kantang ‘Anak ng Pasig’ ni Geneva Cruz sa talent portion. Bagkus, ito’y reyalidad ng buhay para sa ilang kabataan—isang mundong punô ng komplikasyon, kahirapan, at umaalingasaw na baho.

Kung tutuusin, delikado ang mundong ito para sa kanilang murang edad—hindi lamang dahil sa masangsang na paligid kundi dahil maaari rin silang magkasakit. Ngunit sa kanilang paningin, ang bundok ng basurang ito ay isang kastilyong pinapangarap at pinagnanasaan, sapagkat ito ang bumubuhay sa kanila. Sa kabila ng inosente nilang edad, nabubuhay sila sa pagsasalansan ng sandamakmak na plastik, lata, at botelya, kahit pa magkasugat-sugat at dumugo ang kanilang maliliit na kamay. Ang dugong ito’y sumisimbolo ng katapangan.

At habang sila’y naghuhukay at sumisisid sa tambakan, unti-unti rin nilang nililikom ang lakas ng loob upang makipagsabayan sa hamon ng buhay. Sa bawat kilos nila, para silang mga mandudula sa teatro ng isang kuwentong hindi nila nilikha, ngunit araw-araw nilang ginagampanan. Isang entabladong walang palatuntunan, walang palakpak, ngunit punô ng katotohanan.