ROMANSA NG ISANG PLAYBOY

Maraming babae ang pinaluha ni Ruben, subalit kay Myrna ay natagpuan niya ang isang matibay na moog na hindi niya maigupo.

Ni GEMILIANO PINEDA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hunyo 30, 1952)

HINDI suliranin kay Ruben ang pakikipagkilala sa sinumang dalagang nais niyang makadaupang-palad. Siya’y makisig, magarang manamit, may sariling kotse, at isa sa mga kabataang mangangalakal na inaasahang malayo ang mararating pagkaraan ng mga ilang taon pa. Ngunit sa gulang niyang dalawampu’t walong taon ay wala pa siyang kabalakbalak na makipag-isandibdib, sapagkat ipinalalagay niyang ang babai’y laruan lamang sa kanyang malilikot na palad at hindi nararapat ipagtayo ng palagiang dambana sa kanyang puso.

            Kaya nang makita niya isang araw ang isang napakagandang dalagang makabago ang kasuotan ngunit mahabaa ang buhok, na lumalabas sa isang tanggapan sa Eskolta, ay sinundan niya kaagad iyon. Ipinasiya niyang makipagkilala sa dalaga, tiyak na dalaga iyon, ang naisip ni Ruben.

            Para namang tinutulungan ng mga pangyayari si Ruben. Nakita niyang ang dalaga’y saglit na huminto nang makasalubong ang isang babaing nakikilala ni Ruben at nagkausap sila sumandali. Pagkaalis ng dalaga ay nilapitan kaagad ni Ruben ang babaing nakausap at inalam ang pangalan ng kaaalis-alis lamang. At nang ipabatid sa kanya ay kumislap sa isipan ni Ruben ang isang balak. Mabilis na sinundang muli ni Ruben ang noo’y papalayo nang dalaga.

            Nang tatawid ang dalaga sa panulukan ng Carriedo at Abenida Rizal ay napataon sa pagdaraan ng mga sasakyan, kaya inabutan siya ni Ruben.

            “Aba, MissReynares!” parang dating kakilala’y bati ni Ruben nang mapatabi, kunwa’y di sinasadya, sa dalagang naghihintay sa hudyat ng pulis trapiko upang siya’y makatawid. “Saan kayo nanggaling?”

            Napamulagat ang dalagang binati. Mulang ulo hanggang paa ay hinagod niya ng tingin ang lalaking nakatayo sa kanyang harapan at ngumingiti pa.

            “Marahil ay nakalimutan na ninyo ako,” dugtong ni Ruben nang makitang nag-aatubili ang kaharap. “Ako si Ruben del Prado ng ‘Del Prado and Company.’” Nagkakilala tayo sa nakaraang sayawan ng Krus Na Pula sa Winter Garden.” Kumakaba ang dibdib ng makisig na binata. Walang mahiwatigan siya sa kilos ng dalaga na siya’y pinaniniwalaan nito.

            Siyang paghudyat ng pulis trapiko at ang mga tao’y nagsitawid na. Maagap na sinalo ni Ruben ang kaliwang siko ng dalaga at inakbayan sa pagtawid. Wala siyang naramdamang pagtutol ng dalaga sa ginawa niya.

            At nang nasa kabilang panig na sila ng Abenida Rizal ay sandaling huminto ang dalawa. Nakangiti  na nang bahagya ang dalaga.

            “Ngayon ko lamang naalaala. Nagkakilala nga pala tayo, Ginoong del Prado,” ang wika ng dalaga.

            “Maaari ba kayong maihatid sa inyong tahanan?” ang masiglang anyaya ni Ruben. “Magiging karangalan ko ang makakilala ang inyong mga magulang,” dugtong pa.

            “May pupuntahan pa ako, Ginoong del Prado. Gayunman, sa lahat ng oras ay bukas ang aming tahanan para sa inyo,” magiliw na tugon ng dalaga.

            At bago tuluyang umalis ang dalaga ay naitala na ni Ruben sa kanyang “memorandum” ang direksiyon ng bagong kakilala. Ipinangako ni Ruben na siya’y dadalaw roon, kinabukasan, sa ika-6 ng gabi. Ang papalayong dalaga’y hinabol pa ng tingin ni Ruben, na noo’y napapapalatak sa sarili. Tagumpay na naman, ang naisip niya. Kakilala ko na ang babaing ngayon ko lamang nakita sa tanang buhay ko.

KINABUKASAN, sa takdang oras na sinabi niyang siya’y dadalaw, ay panauhin si Ruben sa tahanan nina MissReynares. Ang kanyang kotse ay inihinto pa sa tapat na tapat ng pintuan ng bakod na ang rehas na bakal ng may katamtamang laking tahanan ng dalaga. Naisip ni Ruben na tama ang kanyang hinuha nang unang makita ang dalaga sa Escolta: ito’y nakariwasa sa buhay. Nang siya’y patuluyin sa bulwagan ng isang utusan ay nakakita siya ng mga nakakuwadrong titulo na parang nakapahiyas sa iba’t ibang panig noon. At nakita niyang tapos pala ng edukasyon si MissReynares, kaya maaaring nagtuturo ito sa isang haiskul.

            Halatang-halata ni Ruben ang malaking pagtataka ni MissReynares nang lumabas ito buhat sa kanyang silid. Gayunma’y nakangiti itong lumapit sa kanya, pinaupo siya at lumikong katapat ng panauhin.

            “Marahil ay hindi ninyo inaasahang dadalaw nga ako, ano po, MissReynares?” bungad ni Ruben, na sa pagkakalikmo niya sa isang malambot na sopa ay walang kaalis-alis ang titig sa maamong mukkha ng dalaga.

            “Hindi po naman,” nakikiming tugon ni MissReynares.

            “Alam ninyo, mula nang magkakilala tayo sa Winter Garden, bagama’t hindi po tayo kaibigan doon.”

            “Kayo yata’y nagtuturo, MissReynares.”

            “Opo, ngunit bakasyon po ako ngayon.”

            “Kung gayo’y maaari ko kayong anyayahan… wala pala kayong gaanong ginagawa sa kasalukuyan,” ang nakangiti pang turing ni Ruben. Kailangang samantalahin ko ang pagkakataon, naisip niya.

            Hindi tumugon ang dalaga.

            “Sa Sabado ng gabi ay may pasayaw ang Lionssa Riviera. Maaari po ba kayong maanyayahan doon?” at parang nabitin ang mga labi ni Ruben sa paghihintay sa magiging katugunan ng dalaga.

            Ang dalaga’y nag-anyong umiisip ng maitutugon at nagbaba ng paningin.

            “Maaari namang ipagsama ninyo ang isa ninyong kapatid na binata o dalaga,” habol ni Ruben, upang huwag lumitaw na inaanyayahan niya nang nag-iisa si MissReynares.

            “Pinahihintulutan po naman akong lumakad nang mag-isa. Ngunit hindi ko kayo matutugon agad.”

            “Bakit po naman? May pupuntahan ba kayong ibang pagkakataon?” buong pananabik na tanong ni Ruben, na natutuwang malaman na maaaring anyayahan pala nang nag-iisa ang kausap.

            “May nag-aanyaya sa akin sa kaarawan ng isang kaklase sa unibersidad, ngunit hindi ko po tiyak kung matutuloy. Kaya, mabuti pa’y dumalaw uli kayo rito sa makalawa ng hapon upang malaman ninyo ang aking kasagutan, “anang dalaga.”

            Naging kasiya-siya para kay Ruben ang unang pagdalaw niya kay MissReynares. Maraming mga bagay ang kanilang napag-usapan, at pakiramdam ni Ruben ay paniwalang-paniwala ang dalaga sa lahat ng kanyang sinasabi.

            At lalong nalubos ang nadaramang tagumpay ni Ruben sa kanyang pakikipagkilala kay MissReynares nang ito’y siyang makapareha niya sa sayawan sa Riviera. Naibiro ng kanyang mga kasamang Lionsna tila may bago na namang biktima si Ruben, ngunit gaya ng laging sinasabi niyang si MissReynares ay isang kaibigang matalik na hindi niya maaaring lapastanganin.

            Ganap na larawan ng isang maginoo ang inasal at inanyo ni Ruben sa gabing yaon. Maging nang ihatid niya si Myrna (na siya nang itinatawag niya kay MissReynares) at sila lamang dalawa ang nasa sasakyan ay hindi niya sinaling kahit dulo ng kalingkingan ng dalaga. Ibig ni Ruben na lubusang magtiwala at maging magiliw sa kanya si Myrna at sa layuning yaon ay maliwanag na nagtagumpay siya, sapagkat nang magpaalaman sila sa may pintuan ng tahanan ng dalaga ay sinabi nito:

            “Hindi ko akalaing maging maligaya para sa akin ang gabing ito, Ruben. Maraming-maraming salamat sa iyo,” ang pabulong pang dugtong bago nasok sa pintuang binuksan ng isang utusan.

            Habang pauwi at lulan ng kanyang sasakyan ay patuloy na kaulayaw ng guniguni ni Ruben ang kaanyuan, ang tinig, at ang mga ngiti ni Myrna. Hindi niya masasabing iniibig niya si Myrna, bagama’t maganda nga ito, nag-aral naman, nakaririwasa sa buhay, at masayang kausapin. At ang iniisip niya’y kung paano niya masasarili ang kagandahan at kabanguhang yaon ni Myrna—gaya ng ginawa niya sa ilan nang naglagak sa kanya ng pagtitiwala at nanalig sa kanyang makasariling pag-ibig. Ngunit hindi malaking suliranin si Myrna, naisip ni Ruben, sapagkat malapit na kaagad ang loobin ng dalaga sa kanya, madali niya itong naanyayahan sa Riviera sa mga susunod pang pagkakataon ay lalong magiging magaan ang pag-aanyaya sa kanya sa iba’t ibang pagtitipon.

            Kung baga sa isang planong inihanda ng mahusay na arkitekto, ang pamamaraan ni Ruben upang masilo ang pag-ibig ni Myrna ay naisakatuparan nang buong tagumpay, at makaraan ang tatlong buwang panayang pagdalaw, pag-aanyaya sa mga pagtitipon, panonood ng sine, ay maipagmamalaki niyang angkinin ang karangalang siya ang tanging nakapagpapaamo sa puso ng dalaga.

            Nangingilid pa ang luha sa mga mata ni Myrna nang mga sandaling yaon ng pagkakaunawaan ng kanilang mga puso.

            “Pinagtatakhan ko ang aking sarili kung bakit natutuhan kitang ibigin sa loob lamang ng maikling panahong nagdaan,” pabulong na wika ni Myrna. Sila noo’y nasa loob ng kotse at sumasagap ng hanging nagbubuhat sa dagat sa Luneta. Mag-iikapito na ng gabi.

            “Paliligayahin kita sa aking pag-ibig,” buong pag-irog na tugon ni Ruben at maingat na idinampi ang kanyang mga labing pinapag-aalab ng pananabik sa pisngi ng kasintahan.

            Inilayo ni Myrna ang kanyang mga pisnging bahagyang nadampulayan.

            “Ayaw ko na nga kung ganyan ka,” may himig pagtatampong wika pa ng dalaga.

            “Ngunit, Myrna,” at napangunot ang noo ni Ruben. “Hindi ba karapatan ng magkasintahan na ipagdiwang ang kanilang pag-iibigan sa gayong paraan? Para ka namang isinilang sa unang panahon,” at bahagyang napatawa pa si Ruben.

            “Iniibig kita, Ruben, ngunit ayaw kong matulad sa iba pang babae sa iyong buhay!” at kusang kumawala si Myrna sa bisig ni Ruben na nakahawak sa balikat niya.

            Talaga sanang yayakapin na ng dalawang bisig ni Ruben ang kasintahan ngunit napaudlot siya sa narinig na tinuran ni Myrna.

            “Anong ibig mong sabihin, Myrna?” at sandaling namahay sa pangamba lang dibdib ni Ruben.

            “Kilala kitang malaon na, Ruben. Ang una mong kasintahan ay si Melita; siya’y pinaluha mo lamang at pinaasa sa wala. Sumunod ay si Dalisay, nagtiwala siya ngunit kabiguan lamang ang kinahantungan. At ikatlo, noong isang taon lamang, ay si Mercy. Kamuntikan nang masawi siya, ngunit nakaligtas sa iyong pagsasamantala nang siya’y patakbong tumakas sa otel na pinagdalhan mo sa kanya. Ano, hindi ba totoo ang mga iyon?”

            Parang tinuka ng ahas si Ruben. Namumula ang buong mukha at pinagpapawisan nang butil-butil gayong malamig ang hanging nanggagaling sa laot.

            “Kung gayon, nang ako’y makipagkilala sa iyo ay alam mong ibig lamang kitang pagsamantalahan?” nawika ni Ruben.

            “Oo. Galing nga ako noon kay Mercy at may larawan ka sa kanya. Pagkaraan mong makipagkilala sa akin ay kinausap ko siya at natalos ko ang buo mong kasaysayan.”

            “E, bakit kangina lamang ay sinabi mong iniibig mo ako, kung ang paniwala mo’y isa akong lalaking mapagsamantala lamang?”

            “Sapagkat may pananalig akong ang bawat lalaki ay may likas na kabutihang nakatanim sa kanyang puso. Na kung makakatagpo siya ng babaing marunong magpahalaga at magsanggalang sa sariling kapurihan ay maaaring magbago pa siya ng landas…”

            Matagal na di nakakibo si Ruben. Sa karimlang paminsan-minsa’y pinupunit ng liwanag buhat sa ilaw ng mga nagdaraang sasakyan ay parang nakikita niya ang sarili—kinukutya, hinahamak at pinandidirihan ng mga kinapal na pinaluha niya. At nang ibaling ang kanyang paningin sa gawing kanan, nakasalubong ng kanyang mga mata ang titig ni Myrna—at sa saglit na yao’y parang may bumulong sa kanyang puso, na, ang babaing ito, sa kabila ng mga nagawa niyang pagkakasala ay natutong umibig pa rin sa kanya at umasa sa kanyang pagbabagong-landas…

            Nang magsalita si Ruben ay waring hinugot sa pinakaliblib na pitak ng kanyang dibdib ang tinig na gumagaralgal sa kataimtiman:

            “Myrna, ipakikilala ko sa iyong tapat ang aking pag-ibig. Pakakasalan kita!”

            “Baka napapahiya ka lamang sa akin, Ruben. Hindi ako maaaring pakasal sa isang lalaking nagsisikap na makapagbangong-puri lamang sa paningin ko.”

            “Hindi, Myrna, hindi ako nagbabangong-puri sa paningin mo. Inaamin ko ang aking mga pagkakasala. Ngunit kung hindi mo ako tutulungan ay hindi ako maaaring magbago ng landas. Ikaw ang nagpamulat sa aking paningin, Myrna; kaya ikaw rin ang dapat magbigay-wakas sa aking pagka-playboy. Payag ka bang makasal tayo sa lalong madaling panahon, Myrna?”

            “Bakit pa ba kita iibigin kung hindi rin lamang yaon ang mangyayari?” at kahit sa karimlan ay kitang-kita ni Ruben ang matamis na ngiti ng kasintahan. Ngunit hindi na tinangka ni Ruben na hagkan si Myrna; baka pa tumutol uli ito, ay hindi matuloy ang kanilang kasal.