TALISMAN

Gaganti na lamang si Nanding nang gulatin siya ng mga tinig ni Rodora, na parang kidlat na lumabas sa pinangungublihang kurtina.

Ni NEMESIO E. CARAVANA

(Unang nailathala: LIWAYWAY, Abril 24, 1950)

(IKA-16 LABAS)

GINAPANGAN ng kilabot ang buong katawan ni Nanding, pagkatanaw na pagkatanaw sa anino ng hindi nakilalang kapatid na si Ricardo. Namasid niyang susuray-suray na pumanhik sa hagdanan ang bunsong anak ni Rodora, dahil sa kalasingan. Pagkapanhik na pagkapanhik sa balkonahe ni Carding ay nalanghap na ni Rodora at ng binatang nagbibili ng birhen ang sansang ng alak na nagpakulay makopa sa mukha ng bagong dating.

            “Lasing ka na naman, Carding,” ang bating payamot ng mabait na ina.

            “Hindi naman gaano, mama,” ang tugon ng bagong dating, “ipinagdiwang ko lamang ang aming pagsusulit. Walang salang ako ang magkakamit ng pinakamataas na nota sa natapos naming eksamen.

            At tinapunan ng isang nangungutyang sulyap si Nanding na parang nakatulos sa tuud sa pagkakatayo. Naramdaman ng panganay na anak ni Rodorang parang dinuro ng karayom ang kanyang puso sa pasaring na namutawi sa mga labi ni Carding.

            “Kumusta, Nanding?” ang gumagaralgal na tinig na pumulas sa mga labi ni Ricardo, “dala mo na ba ang panubong limampung piso?”

            Nagbantulot sa pagsagot si Nanding. Naging mailap ang mga mata ng panganay na anak ni Rodora. Walang ginawa ito kundi pinagpakuan ng tingin ang banal na babaing kaharap nila. Nahulaan ng ina ang pagpapako sa kanya ng paningin ng anak na hindi nakikilala, kaya’t…

            “Oo,” ang maliwanag na narinig ni Ricardong pakli ng kanyang ina. “pinagkaloob na niya sa akin. May sukli pa siyang limampu, pagkat isang buong dadaanin ang kanyang ibinayad.”

            Pumasok sa loob si Rodora, at naiwan naman ang dalawang binatang nagkatitigan lamang. Matagal na sandaling wala silang imikan at mga mata lamang ang pinapag-usap. Hindi naman nalaunan at muling lumabas si Rodora na dalla ang apat na dalawampuin at dalawang sasampuin. “Heto ang sukli mo,” ang wika kay Nanding, saka binalingan ang kanyang anak na si Ricardo, “at heto naman ang mabigat na patubong hinihingi mo sa kanya.”

            Iniabot ni Nanding sa banal na babaing labis niyang kinagagaanan ng loob ang birheng garing. Gayon na lamang ang pagtataka ni Ricardo sa kanyang nakitang pag-aabutan ng birhen.

            “Ano ang ibig sabihin ng birheng iyan, mama?” ang pamanghang usisa ni Ricardo.

            “Bukod sa pagbabayad niya ng utang sa iyo ay niregaluhan pa niya ako ng isang mahal na birhen, “ang paliwanag na may himig na pagkakaila ni Rodora sa kanyang bunso at lihim na kinindatan ang panganay na anak na hindi niya nakikilala.”

            Pinagpakuan ng tingin ni Ricardo ang orasang nakagalang sa kanyang bisig. Mag-iikasiyam na sa gabi. Isang piping buntunghininga ang pinawalan sa kanyang dibdib, saka…

            “Maaari mo na kaming iwan, mama,may mahalagang bagay lamang kaming pag-uusapan ng aking kaklase.”

            Tumalima naman si Rodora. Pumasok siya sa bulwagan, ngunit pasubok na sumilip sa kurtina.

            “Hindi ko na matatanggap ang patubong ito na ibinayad mo sa akin,” ang wika ni Ricardo sa kanyang kaklase. “Lampas na sa ating salitaan. Humingi ka ng taning na hanggang hapon lamang. Gabi na ngayon at nagkulang ka sa salitaan.”

            “Huwag ka sanang nakapalupit, Carding,” ang may pagpapakumbabang tugon ni Nanding. “Ipinakikiusap kong ibalik mo na sa akin ang itim na batong nakaprenda sa iyo.”

            Pasalampak na naupo sa sopang yantok si Carding, at matamang minalas-malas ang binatang nagmamakaawa, hanggang sa…

            “Ang salitaan ay salitaan,” ang ngingiti-ngiting pahayag. “Hindi ko na maibabalik ang itim na batong isinanla mo sa akin. Uulitin ko:  lampas ka na sa taning.”

            Pinagpantingan ng mga taynga si Nanding. Hindi kinukusa’y napagtiim ang kanyang mga bagang at nakuyom ang sampung daliri ng kanyang mga kamay. Gayunma’y nakapagpigil pa rin siya. Nagunita niya ang banal na ina ng binatang kanyang kausap, at kung hindi sa pagkakagunita sa mga kabutihan ng mahal na babae, disi’y may malubhang nangyari sa kanila ni Ricardo.

            “Ano ang ibig sabihin ng pagkuyom mo ng mga daliri?” ang wika ni Ricardong sabay sa mabilis na pagtayo at sinurut-surot ang hindi nakikilalang panganay na kapatid. “Ano? Magsalita ka!”

            “Wala…” ang wika ng binatang sabay sa pagpapawala sa kanyang mga labi ng isang mahabang paghinga. “Ginawa ko ang pagkukuyom ng mga daliri upang matimpi lamang ang aking dalamhati.”

            “Kung gayo’y maaari ka nang umalis,” ang malakas na pasiya ni Ricardo at iniaabot sa kausap ang limampung pisong patubo.

            Tuluyan nang nayamot ni Nanding. Naririnig na naman ang pagngangalit ng kanyang mga bagang na pinagtagis, saka…

            “Hindi ako makaaalis hangga’t hindi mo ibinibigay sa akin ang batong itim,” ang wikang pinangingislapan ng mga mata. “Mahalaga sa akin ang naturang batong isinanla ko sa iyo!”

            “Uulitin ko: tapos na ang taning at sumira ka sa salitaan.”

            “Hindi ako sumira sa salitaan,” ang matatag na tugon ni Nanding. “Sa ika-labindalawa pa ng hatinggabi ang taningan natin. May salitaan tayong isang buwan at ang araw na ito’y siyang ikasambuwan ng takda ko sa iyo. Maliwanag na matatapos ang taning sa ganap na ika-labindalawa.

            Ilang sandaling napipi si Ricardo. Nagipit siya sa pangangatwiran ni Nanding. Talagang maliwanag ang kanilang usapang magbabayad ang may utang sa loob ng isang buwan. Sinalat-salat ni Ricardo ang kanyang bulsa upang kapkapin ang batong itim na isinanla sa kanya ng binatang kaharap.

            “Ibigay mo sa akin ang batong itim,” ang ulit sa maliwanag na tinig ni Nanding.

            “Wala na sa akin,” ang tugon ni Ricardo, “nahingi ng isa kong kaibigan sa ‘bar’.”

            “Mahalaga sa akin ang naturang bato,” ang pinanlilisikan ng mga matang pahayag ni Nanding. “Kailangang isauli mo sa akin, at kung hindi’y…”

            “At kung hindi’y… ano?” ang paasik na sahod ni Ricardo.

            “Malilimot ko ang kabutihang-loob na ipinautang sa akin ng iyong ina,” ang agarang pakli ni Nanding.

            “Hinahamon mo ba ako?” ang pagalit na tanong ng lasing, at sinurut-surot ang kausap.

            Biglang-biglang nalimot na lahat ni Nanding ang kahinahunan.

            “Huwag mo sana akong surut-surutin,” ang wika ni Nanding at tinabig ang kamay ng lasing.

            Isang mariing suntok ang pinadapo ng lasing sa mukha ng hindi nakikilalang matandang kapatid. Gaganti na lamang si Nanding nang gulatin siya ng mga tinig ni Rodora, na parang kidlat na lumabas sa pinangungublihang kurtina at pumagitan sa kanila.

            “Utang na loob, huwag mong patulan ang aking anak. Siya’y isang lasing.”

            Parang apoy na binusan ng malamig na tubig ang galit ni Nanding. Nawalan siya ng lakas na gumanti sa binatang humamak sa kanya. Ang tinig ng babaing sumansala sa kanya’y naglagos hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso, at nagpalamig sa sumusulak niyang dugo.

            “Kung hindi dahil sa inyo ay nalimot ko na sana ang aking sarili,” ang wika ni Nanding na pinag-aaligiran ng luha sa mga mata, saka hinarap ang kanyang kaklase.

            “Pinatatawad kita, Carding,” ang malumanay na salita ni Nanding, “ngunit kailangang ibalik mo sa akin ang batong itim, na mula pa sa pagkabata’y naging laruan ko hanggang sa pagtulog. Kung tunay na naipagkaloob mo sa isang kaibigan ang nasabing bato’y pahintulutan mo akong makuha sa kanya. Sino ba ang kaibigan mong sinasabing napagkalooban ng batong itim?

            “Sa isang kaklase natin, kay Pedro Alcala,” ang pakli ng lasing, ngunit hindi ko na maaaring bawiin pa.

            “Hindi ikaw ang babawi kundi ako,” ang malakas na tugon ni Nanding.

            At hindi na nagpalikawlikaw pa ang binata at nagmamadaling nanaog. Hindi man lamang pakaimik ang mag-ina sa ginawi ni Nanding. Walang laman ang isipan kundi ang batong itim, na aywan ba’t parang kabyak ng kanyang pusong tumitibok sa dibdib. Nalalaman niya ang tahanan ni Pedro Alcala. Naniniwala siyang ipagkakaloob sa kanya ng kaklaseng pinagkalooban ng bato ni Carding, na kanyang naging laruan.

            Kaikailanma’y hindi lumululan sa taksi si Nanding kundi noon lamang. Isa siyang binatang huwaran sa pagtipid, ngunit dahil sa mapang-akit na batong habang natatagala’y nagiging mahal sa kanya ay nalimot niya ang pagkukuripot.

            Ikasiyam na nang kumatok siya sa pintuan ni Pedro Alcala. Salamat at ang nagbukas ng dahon ng pinto’y ang binatang kanyang pakay.

            “Kataka-taka ang pagkakadalaw mo sa akin,” ang wika ni Pedro, “tuloy… tuloy, ano ang maipaglilingkod ko sa iyo?”

            At isa-isang ipinaliwanag ni Nanding ang kanyang layon. Wala siyang ipinaglihim sa kaibigan.

            “Dianramdam ko ang panyayari, Nanding,” ang wikang iiling-iling ni Pedro,” sa kasamaang palad ay nairegalo ko sa aking kasintahan ang batong ibinigay sa akin ni Carding. Nabati sa akin ni Conchita. Maganda raw gawing palawit ng kanyang kuwintas.

            Isang piping buntunghininga ang pinawalan sa dibdib ni Nanding. Naramdaman niyang parang bumagsak sa kanya ang langit.

(Itutuloy)