Ni EDGAR CALABIA SAMAR
(IKA-9 LABAS)
SA ngayon, pagkatapos matuto ng isang batang magbasa, gumamit ng computer, umunawa ng code, magpakahusay sa pagbibigay ng prompt, gumawa ng content, i-master ang algorithm optimization, malaya na siya. Bahala siya sa mga gusto niyang kalikutin sa mundo. Bahala siya sa mga gusto niyang palawakin sa mundo.
Kaya natatawa na lang ang mga taga-Maharlika kapag naririnig nila ang balita mula sa ibang bansa na may opresyon sa atin, na hindi malaya ang mga tao rito. Na pinaiikot umano ang buhay natin ng censorship, ng manipulasyon, at ng pagsupil ng gobyerno sa pribadong buhay ng mga tao. Nagbibiro ba sila? Wala akong maisip na mas malayang lugar kaysa sa Maharlika. Hindi ko maisip kung anong uri ng buhay mayroon ako kung hindi ako rito sa Maharlika isinilang. Totoo, maaaring mas maaga pa, naipahayag ko na sa mundo ang pagkababae ko kung nasa ibang bansa ako. Maaaring babaeng-babae na ako ngayon. Pero ano ba’ng ibig sabihin ng babaeng-babae? Konstruksiyon din lang iyon ng mga gobyerno’t media nila. Hindi ba iyon ang totoong manipulasyon. At kung sa ibang bansa ako isinilang, hindi ko magagawang pumaslang ng kahit kanino kahit kailan sa buong buhay ko nang hindi ko pananagutan iyon sa mga uri ng batas nila na napakalayo sa katwiran ng Saligan ng Kapayapaan. Kaya ko bang mabuhay sa ganoon kabarbarong mga bansa na inaalisan ng karapatan ang tao na patayin ang kapwang mas mababa sa kanya na para sa kanya ay wala nang karapatang mabuhay pa?
Hindi tulad sa ibang bansa na may konsepto ng menor de edad na bawal pang maghanapbuhay, na para bang pribilehiyo lang ng matatanda ang pagkita ng pera, sa Maharlika, may mga sanggol pa lang, nagva-viral na. Ang kahusayan ay nasa mabilis na pagkatuto sa mga galaw ng virality na ito para matukoy ang mga dapat i-replicate, alin ang dapat patalasin pa, alin ang kailangan nang itapon. Sa paulit-ulit na pagkatuto ito sa mga content, nalalaman agad ng mga batang iyon ang niche nila, nakakakuha sila ng malaking following sa murang edad na siyempre’y convertible sa kita na siyempre’y dagdag sa maiaambag nila sa Museo ng Kadakilaan.
May mga wala pang disisais anyos pero nasa Top 10% na ng Pambansang Talahanayan ng Antas sa Maharlika o PATAM. Palagi kong naaalala ang sabi ni lola na noon, “matagumpay na pagtama sa target ang ibig sabihin ng patam.” Hindi ko alam kung sinadya ang akronim na ito. Ni hindi ko alam kung may alam pa sa matandang kahulugang iyon ng patam. Hindi ko alam kung paano gagamitin ang sinaunang patam sa pangungusap. Pero sa kasalukuyang wika ng mga mamamayan, halos naging katumbas ng patam ang tagumpay o buhay. Karaniwang expression ang “para sa patam!” kapag may tagay sa anumang pagdiriwang o panawagan sa anumang suwerte o biyaya. Kapag binabati ang isa’t isa, “mukhang ayos na ayos ang patam natin, a?” ang karaniwang sinasabi. O kapag kinukumusta ang kakilala, “ayos naman ang patam natin?” Na sasagutin naman ng, “patam pa naman.” Siyempre, iyan ang sinasabi ninuman anuman ang totoong antas nila sa PATAM. Ako? Patam pa naman.
Sa estadistika ng nagdaang dalawang dekada, wala pang 10 ang kaso ng pinaslang mula sa top 20% ng antas sa lipunan batay sa PATAM. Samantalang 92% ng pinapaslang ay nagmumula sa bottom 20% ng antas sa lipunan. Ipinagmamalaki ng Maharlika ang Saligan ng Kapayapaan bilang pinakamatagumpay na kodigo ng mga tuntunin sa kasaysayan ng tao na nagdala sa bansa sa gintong panahon nito. Lahat ng mga lumaki ritong tulad ko sa panahon ngayon, kinikilala ang panahon ngayon bilang gintong panahon. Hindi matatawaran ng ibang bansa ang matagumpay na ekonomiya, ang maayos na transportasyon, ang patuloy na produksiyon ng mga content na kinokonsumo ng malaking bahagi ng daigdig.
Isa sa mga pangunahing destinasyon ng content tourism ang mga pulo sa bansa. Isa sa mga dinarayo ang mismong mga paraan ng pagpaslang bilang ispektakulo. May ilang mayamang banyagang kumuha ng citizenship sa Maharlika, palatandaan na nakikita ng ibang bansa ang posibilidad ng mas matiwasay na buhay rito. Naging kontrobersiyal lang ang pagkuha ng citizenship ng ilang nahatulan ng krimen sa ibang bansa na kinupkop naman ng Maharlika. Tulad ng kaso ng bilyonaryong nagtatag ng mga kulto at inakusahan ng sexual assault, human trafficking, financial fraud, at illegal drug distribution sa US. O ng milyonaryong tech giant sa Germany na sangkot sa malawakang paglabag ng data privacy, dalawang bagay na sagrado pa rin sa maraming bansa hanggang sa ngayon, o lalo na nga ngayon: data at privacy.
Ako, dose na nang magkaroon ng unang viral content na na-develop ko bilang niche. Tungkol sa paghahasa ng iba’t ibang uri ng patalim na lumaganap noong bago ang Rebolusyong 1986. Hindi ko alam na papatok, naintriga lang ako noong una sa balisong na naiwan ni Pa bago niya kami iniwan. Nakita ko nung tinanggap na ni Ma sa wakas na hindi na kami babalikan at nag-volunteer akong maglinis at mag-dispose ng mga naiwan niyang gamit. Nakita ko nga ang balisong at ginawan ng content. Wala na kasing balisong at wala nang nakakaalam na may ganito pala dati sa Maharlika.
Noon ko na sinearch ang iba’t ibang patalim at balaraw. Mga panabas at itak. Hanggang sa napunta ako sa bolo at kris at kampilan. At barong at talibong at ginunting. Napakamahal ng iba, nakuha ko pa sa ibang bansa, mula sa mga dating mamamayan ng Maharlika na nangibang-bayan noong hindi pa Maharlika ang Maharlika at hindi na bumalik dito matapos ang Rebolusyong 1986. Pero sa dami pala ng interesadong manood sa paghahasa ng mga ito, balewala ang presyo.
Noong una nga, nakatuwaan ko lang gawing content ang balisong ni Pa. Nagmula pa mismo sa Batangas, tulad ng nakaukit sa sisidlang kahoy nito. Tiniyak kong makunan iyon ng kamera. Pagkabukas ng kahon, makikitang may dalawang hawakan itong nakatiklop, tulad ng magkayakap na pakpak ng isang paruparo. Nagkukubli ang talim sa loob nito. Maingat kong binuksan ang mga hawakan, ipinapakita ang makintab na talim na gawa sa mataas na kalidad ng bakal. Dinama ko ang bigat ng balisong, tinitiyak na balanseng-balanseng bago ko sinimulan ang proseso ng paghasa na pinag-aralan ko na muna siyempre bago ko kinunan ang video.
Kinuha ko ang hasaan, gawa na ito sa batong synthetic na gawa sa magkakahalong silicon carbide, corundum, at ilang ceramic particle. Binasâ ko ang hasaan mula sa isang maliit na sulyaw, tinitiyak na may sapat na dampi upang magdulot ng tamang friction sa pagitan ng talim at bato. Bawat dampi ng tubig ay tila may ritmong naghahanda para sa proseso ng paghahasa.
Maingat kong inilapat ang talim ng balisong sa hasaan, simula sa base ng talim, saka dahan-dahang hinila pataas, patungo sa dulo. Mabagal, tumpak. Bawat hagod, may layuning pagyamanin ang talim. Nilapatan ko ng angkop na musika ang tunog ng bakal na kumikiskis sa bato. Tunog na paigting nang paigting, parang may hinahagad na kung ano. Pinaulit-ulit ko ito. Dahil napraktis ko na, madali nang magpanggap ang mga kamay ko na para bang sanay na sanay rito, alam kung gaano katindi ang kinakailangang diin at bilis sa bawat hagod. Nagdadagdag ako ng visual effect na para bang may mga tumatalsik na alipato mula sa talim, na para bang kumikinang talaga ang balisong.
Mabilis lang ang buong video, wala pang dalawampung segundo, pero naipakita mula pagbubukas ng kahon hanggang pagsusuri ko sa talim, kaya may anag-ag ng anyo ko sa screen. Ipinahid ko ang daliri sa ibabaw ng patalim bago ko iyon inilapit sa liwanag na para bang sinisipat kung may mga bahaging hindi pantay ang pagkakahasa. Silhouette ko lang halos ang makikita sa liwanag. Pagkatapos, saka ko ulit ibinaba ang patalim para hugasan at nang matanggal ang natitirang metal shaving sa talim. Saka ko pinunasan ng malinis na basahan, lalong pinatindi ang kinis at kintab ng bakal. Sa dulo, pinahiran ko ng kaunting langis ang talim para maprotektahan sa kalawang saka ko maingat na tiniklop ang balisong at ibinalik lalagyan nitong kahon.
Sa simula, mukhang inosente ang kagahamanan. Isang simpleng pagnanasa para sa kaunting dagdag na kayamanan, isang pangarap na magkaroon ng higit sa kung ano ang kinakailangan. Ngunit tulad ng isang virus, naghahanap ito ng daan para magparami, hinahanap ang kahinaan ng biktima. Sa tahimik niyang paglaganap, sinisira niya ang mga hangganan ng moralidad at integridad. Kapag kumalat na, ang kasakiman ay nagpapakita ng tunay nitong anyo.
Noong una, typical na engagement lang sa di-kilalang account na tulad ng sa akin. Hanggang sa dinala ng algorith sa account ng isang sikat na creator at shinare. Iyun na. Napakarami nang nanood. Nagulat ako sa pagtaas ng bilang. Nagri-request pa sila ng ibang video ng paghahasa. Gumawa ako ng iba pang version sa balisong na iyon. Naisip ko na may napakinabang naman ako kay Pa kahit paano. Hanggang sa nagsimula na nga akong maghanap ng iba pang patalim at sinaunang sandata. At iyun na. Iba pala talaga kapag nagsimula nang pumasok ang kita mula sa engagement. Iba kapag nagsimula ka nang pansinin ng malalaking creator na pinapanood mo lang dati. Lalo na kapag kinontrata ako para arkilahin ang bagakay ko o susuwat o gayang para sa gagawin nilang pagpaslang. Ang kapalit, siyempre, kukunan ko rin ang pagpaslang nila at gagawing panibagong content. Gustong-gusto ng mga taong panoorin ang pagsaksak sa tiyan o paggilit sa leeg at ang pagpupunas sa dugo sa talas ng iba’t ibang patalim.
Kaya ngayong magdidisisais na ako, iwang-iwan ko na sa ambag sa Museo ang lahat ng ka-batch ko sa school na puwede lang pagmulan ng mga gugustuhing patayin ako. Malayong-malayo pa ako sa top 20% pero malayong-malayo na rin ako sa bottom 20%. Naroon ako sa halos invisible na median, narito’t medyo matagumpay naman. Pero parang wala rin dito. Pero okay na ako rito, hindi ko naman gustong lumutang sa iba. Ang gusto ko lang, na matagal ko nang gusto’t pinapangarap tulad nga ng maraming tulad ko ang edad, makatuntong ng disisais at magsimulang magkaroon ng karapatang pumatay. Kaya bago mangyari iyon, wala dapat makaalam na hindi ako talaga lalaki.
ESPESYAL ANG disisais dahil ito ang edad ng Malahákan nang una siyang nakapatay. At kailangang lalaki dahil, well, lalaki ang Malahákan. Sa mga tulambuhay ng Malahákan, inuulit-ulit niya ang halaga ng unang pagpatay na iyon sa pagbabago sa direksiyon ng buhay niya. At kung gayon ay sa pagbabago ng direksiyon ng buong bansa. Napag-aralan at naisapuso ko ang lahat ng ito, tulad ng inaasahan sa isang matapat na mamamayang tulad niya. Ang Malahákan ang Unang Dakilang Pinuno ng Maharlika, ang dahilan kung bakit naging Maharlika ang pangalan ng bansa matapos ang Rebolusyong 1986. Ang Malahákan ang dahilan kung bakit masagana ang buong Maharlika, kung bakit nagsusumikap ang bawat isa para makapag-ambag sa Museo ng Kadakilaan. Ang Malahákan ang dahilan kung bakit halos wala nang krimen at tanging mga legal na pagpaslang lang ang nangyayari sa bansa.
Wala na ang Malahákan nang isinilang ako pero nasa alaala ito ng lahat ng tao at kanto ng Maharlika. Saan man ako bumaling, naroon ang mukha ng Malahákan habang lumalaki ako sa isa sa mga distrito ng Wayawaya, ang kabesera ng Maharlika. Nasa kalyeng nakapangalan dito, nasa gusaling nakapangalan dito, nasa mga sasakyang nakapangalan dito. Maharlika ang halos lahat ng bagay sa Maharlika. Kahit ang mga ilegal. May mga ilegal pa rin dahil may legal. Kailangan ang mga ilegal na bagay para maitampok ang legalidad ng mga legal. Environmental crimes, intellectual property theft. Ilegal pa rin ang mga ito pero nangyayari. Ilegal pa rin ang mga ito, pero kailangan.
Nang yumao ang Malahákan sa edad na 103, pinalitan siya ng panganay niyang anak bilang Bagong Pinuno. Malinaw ang linya ng mga lalaking maaaring sumunod na Pinuno ng Maharlika subalit iisa lang ang Malahákan sa kasaysayan ng Maharlika. Ang Malahákan lang ang maaaring tawaging Malahákan dahil siya lang ang may tapang at kapangyarihan para harapin at paslangin ang 203,136 na ganid na nagtangkang agawin ang pamahalaan. Kapag naiisip ko ang Rebolusyong iyon ng 1986, nagpapasalamat ako’t hindi ko inabot ang mga ganid na iyong nangahas na wasakin ang Maharlika bago ito naging Maharlika. Parang salot ang kagahamanan. Parang virus na napakabilis kumalat sa loob ng tao. Tahimik pero mapanganib, pinapasok ang puso at isipan ng lahat ng kata niyang maaabot. Halos hindi mapapansin noong una, tulad ng isang malamlam na simula ng karamdaman. Ngunit sa bawat sandali, lumalaganap, unti-unting sinisira ang kaluluwa ng biktima.
Sa simula, mukhang inosente ang kagahamanan. Isang simpleng pagnanasa para sa kaunting dagdag na kayamanan, isang pangarap na magkaroon ng higit sa kung ano ang kinakailangan. Ngunit tulad ng isang virus, naghahanap ito ng daan para magparami, hinahanap ang kahinaan ng biktima. Sa tahimik niyang paglaganap, sinisira niya ang mga hangganan ng moralidad at integridad. Kapag kumalat na, ang kasakiman ay nagpapakita ng tunay nitong anyo. Ang mga simpleng pangarap ay nagiging walang kabusugang pagnanasa. Walang sasapat na tagumpay para rito. Ang mga biktimang kontrolado na ng virus ay maghahanap ng mas marami pang kayamanan, kapangyarihan, at impluwensiya. Nagiging malamig ang kanilang mga mata, parang pinananawan ng kislap ng tunay na kaligayahan. Isipin mo, 203,136 na buhay na walang karapatang mabuhay. Paano sila dumami nang ganoon? Mabuti’t napuksa silang lahat ng Malahákan noon.
Apo na ng Malahákan ang nakaluklok bilang Dakilang Pinuno nang isinilang ako noong 2029. Siya rin ang Dakilang Pinuno sa buong panahong lumalaki ako sa isa sa mga distrito ng Wayawaya hanggang ngayon ngang magdidisisais na ako. Wayawaya ang dating kabesera ng Maharlika, noong mga unang taon matapos ang Rebolusyong 1986. Tulad ng Maharlika, bagong pangalan ito sa mga binago ring paghahati ng mga bayan at distrito sa buong Kapuluan. Tinanggal ng Malahákan ang kabesera ng bansa sa paglalathala ng Saligan ng Kalayaan para igiit na nasa lahat ng dako ang Maharlika, walang sentro, walang gilid. Isa iyon sa mga ipinagbunyi ng mga mamamayang nahati ng kasaysayan. Ang desisyon na alisin ang konsepto ng isang iisang kapital na lungsod ay isang makasaysayang hakbang, isang simbolo ng pagkakapantay-pantay at pagkakaisa. “Ang desisyong ito ay hindi madali,” sabi ng Malahákan sa video ng pagpapahayag niya ng pag-aalis ng kabesera sa Wayawaya na pinapanood pa rin hanggang ngayon ng mga tao. “Subalit, sa mahabang panahon ng pag-aaral, pakikipag-ugnayan, at malalim na pagmumuni-muni, tayo ay nagkaisa upang magtatag ng isang sistema na magbibigay ng pantay na oportunidad at pagkilala sa bawat lungsod, bayan, at barangay sa ating minamahal na Maharlika. Sa pagbabagong ito, tinatanggal natin ang pagkakahati at binubuksan ang pinto para sa tunay na pagkakaisa at kolektibong pag-unlad.” Alam ng Malahákan kung kailan niya titingnan ang lente ng kamera at kung paano iyon tititigan upang maipahatid niya ang gustong sabihin nang hinuhuli ang loob ng kaniyang mga tagapakinig. “Hindi na natin titingnan ang isa’t isa bilang magkakahiwalay na bahagi ng isang buong bansa, kundi bilang mga magkakapatid na may iisang layunin—ang makamit ang tunay na kaunlaran at kaligayahan para sa lahat. Ang bawat isa sa atin ay may mahalagang papel na gagampanan sa bagong sistemang ito. Ang inyong mga ambag, gaano man kaliit o kalaki, ay magbibigay ng kulay at buhay sa ating bagong kinabukasan.” Hindi pa niya opisyal na pinapangalanan noon ang Museo ng Kadakilaaan pero alam ng mga unang nakapakinig sa kaniya na iyon ang kaniyang tinutukoy. Hindi pa man opisyal na nailulunsad ang Museo ng Kadakilaan, bukambibig na ito ng lahat. Hinihintay lang ng lahat na maipahayag ang Saligan ng Kapayapaan at iyon na ang hinihintay ng lahat na pagbabago.
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.








