Ni PURIFICACION RAYMUNDO
(Unang nailathala: LIWAYWAY, Hulyo 2, 1951)
UMIIYAK si Sion.Walang tila ang pagpatak ng kanyang luha. Tila mawiwindang ang kanyang dibdib sa dimakayang bugso ng dalamhati at sapinsaping sama ng loob. Ibig na niyang sumuko sa sunud-sunod na dagok na ito ng buhay na sa ganang kanya ay wala nang katapusan. Ngayon siya naniwala sa sinabi sa kanya isang araw ni Tandang Enchang nang minsang masabi niya rito nang wala sa loob ang kanyang nunal sa balikat.
“Naku, Ineng,” umiiling-iling na winika ni tandang, Enchang. “Katakut-takot na hirap ang sasapitin mo. Ang ibig sabihin ng nunal na iyan ay pasang-krus. Kaya maraming luha ang lalagukin mo hanggang sa tumanda ka.”
Naalaala ni Sion ang kanyang nunal na iyon sa kanang balikat. Buhay na buhay at nakaumbok pa nang kaunti na tila ba palatandaan nga ng mga hirap na kanyang sinapit at sasapitin pa.
Sampung taon pa lamang si Sion nang maulila sa kanyang mga magulang. Palibhasa’y nag-iisang katawan at wala namang matatakbuhang kamag-anak, pumayag siya sa amuki ng kapitbahay nilang si Aling Maria upang dito na manirahan. Karaniwan lamang naman ang buhay ni Aling Maria na isa nang balo at may isang anak na babaing kasinggulang din niya.
Diyan na nagsimula ang via crucis ni Sion. Hindi siya kinuha ni Aling Maria upang kupkupin at ituring na parang tunay na anak. Hindi. Naging mistula siyang busabos sa bahay na iyon. Gumigising siya ng madaling-araw upang ihanda ang almusal, naglilinis siya at naglalaba ng kanilang maruruming damit.
Nagtitinda ng mga yaring damit si aling Maria sa palengke kaya’t maaga pa’y umaalis na ito samantalang ang anak naman nitong si Lucia ay pumasok sa eskuwela. Sa kanya napaatang ang mga gawain sa bahay. Maliit pa siya ay natutuhan na niyang magluto, mamili at mag-asikaso sa bahay.
Gayunpaman, para siyang walang silbi kung alimurahin ng mag-ina.
“Ano?” nandidilat ang matang bulyaw sa kanya ni Aling Maria nang minsang mapayukayok siya sa tindi ng pagod matapos niyang labhan ang kanilang maruruming damit. “Alas siete pa lamang ay nagyuyukayok ka na. Isip mo’y hirap na hirapt ito sa gawain, a. Bago’y puro tulog lamang ang ginagawa kung ako’y wala rito. Sige, maghain ka na at nang makakain na kami.
Hindi siya isinasabay sa pagkain ng mag-ina. Lagi siyang sa huli, kaya’t kung hindi man siya maubusan ng ulam ay tiyak na mga mismis na lamang itinitira sa kanya.
Sa damit ay nagkakasiya na lamang siya sa mga barong kung hindi man gulagulanit at kupasin ay napagkaliitan na ni Lucia.
Nagdalaga si Sion sa ganitong kaawaawang kalagayan, ngunit marami naman ang humahanga at pumupuri sa kanya. Tagpi-tagpi man ang suot niyang damit at hindi man nasayaran ng pulbos ang likas niyang makinis na mukha ay marami pa rin ang humahanga sa kanyang maamong mukhang salamin ng kawalang-malay at kababaanloob.
Higit siyang maganda kaysa kay Lucia, gumagamit man itong huli ng iba’t ibang sangkap na pagpapaganda.
“Huwag kang lalabas kapag may panauhin ako,” isang araw ay nakasimangot na bulas sa kanya ni Lucia. “Hindi ka ba nahihiya niyang ayos mo?”
Isip ni Sion, kaya siya sinasaway ni Lucia ay ikinahihiya siya nito. Ngunit hindi ganoon. Naiinis si Lucia sapagkat napapansin ng kanyang mga panauhing binata ang kagandahan ng dalaga.
Subalit nagbago siya ng pasya. Niyari sa sarili na huwag sa bahay bugbugin. Walang makakikita. Ang mabuti’y halayin niya. Sa palengke niya aabangan at oras na makitang inaakit nito si Maneng na gaya ng sabi ni Mameng ay sasabunutan niya, kakaladkarin sa bangketa upang mapahiya at nang madala.
Tulad noong isang araw na panauhin ni Lucia si Maneng na lihim niyang iniibig.
“Sino ba ang dalagang iyon?” ang usisa ni Maneng matapos maipasok ni Sion ang dalawang baso ng pampalamig.
“Iyon ba?” umingos si Lucia. “Alila namin.”
“Alila? Maganda. Hindi bagay sa kanya ang paalila,” at tinapunan pa ng tanaw ang dakong nilabasan ng dalaga.
Inis na inis si Lucia, hindi lamang nagpapahalata. Nang makaalis na ang panauhin ay tigas na kadadabog ni Lucia.
“Ikaw, ha? Mula ngayon ay huwag kang papasok sa loob kapag may panauhin ako, naiintindihan mo?” at sinurut-surot niya ang nakatungong si Sion.
Paanong hindi magagalit si Lucia ay natatakot siyang si Sion pa ang maligawan ni Maneng na may pitak sa kanyang puso.
Buhat noon ay hindi na napakikita si Sion sa sinumang panauhin ni Lucia. Kung may kailangang ipasok na pampalamig na inumin sa salas, ang nagpapasok na ay si Aling Maria.
Ngunit sapul nang hindi na makita ni Maneng ang marilag na dalagang alila raw sa bahay na yaon ay namangha si Lucia at dumalas ang dalaw ni Maneng sa kanila. Tuwang-tuwa naman siya sa paniwalang ang pagdalaw na yaon ay dahilan din sa malaking paghanga at pagmamahal sa kanya ng binata.
Kung sabagay ay hindi naman mariwasa ang buhay ni Maneng ayon sa pagkakilala ni Lucia. Ngunit makisig si Maneng at ang kakisigan at kagandahang lalaki nito ay nakalulugod sa kanya.
“Magilas na binata ang lagi sa inyo ngayon,” ani Mameng na kaibigan ni Lucia, isang araw na sila’y magkita sa pakulutan ni Mrs. Celes.
“Lukung-luko sa akin,” ang pagmamalaki ni Lucia.
“Binihisan mo na ba sa kanyang paghihirap?” ang tanong ni Mameng.
“Malapit-lapit na!”
“Aba, dali-daliin mo at baka ka maunahan,” ang tukso ni Mameng.
“Ano ang ibig mong sabihin, may iba bang kinahuhumalingan si Maneng bukod pa sa akin, ha? Magsalita ka! Mayroon ba?”
“Ikaw ang dapat makaalam nang higit kaysa akin,” ani Mameng.
“Ano ba ang pinagsasabi mo?”
“Kalukob mo sa iisang bubong ang babaing kahati mo sa kaligayahan, Lucia, kung sakasakali!”
“Magtigil ka nga ng kalukahan mo. Hindi ko naiintindihan ang sinasabi mo.”
“Mag-isip-isp ka. Wala ka na bang ibang kasamang dalaga sa inyong bahay?”
“Sino pa ang makakasama ko ay nag-iisa akong anak, lukalata ito, a!”
“Ikaw naman, gunitain mo!” ang giit din ni Mameng.
“Sino pa nga?”
“Si Sion, hindi ba dalaga si Sion?”
“Ano ang ibig mong sabihin?”
“Hindi ba si Sion ang namimili sa Dulumbayan tuwing umaga?”
“Mangyari pa naman, ay alila namin siya!”
“Puwes, dapat mong malamang tuwing umaga ay nakaabang si Maneng sa Dulumbayan. Samakatuwid, sa gabi’y sa iyo, sa araw ay kay Sion.”
Nangangatal ang katawan ni Lucia sa galit. Oras na mapatunayan niya’y sasabunutan niya si Sion. Kahit hindi pa ayos ang buhok na ipinakulot ay umuwi na si Lucia. Pagdating ng bahay ay bubugbugin niya ang mang-aagaw na iyon ng kanyang kaligayahan. Hindi niya patatawarin si Sion.
Subalit nagbago siya ng pasya. Niyari sa sarili na huwag sa bahay bugbugin. Walang makakikita. Ang mabuti’y halayin niya. Sa palengke niya aabangan at oras na makitang inaakit nito si Maneng na gaya ng sabi ni Mameng ay sasabunutan niya, kakaladkarin sa bangketa upang mapahiya at nang madala.
Gayon nga ang kanyang ginawa.
Nang, dumating siya ay naging magiliw pa kay Sion. Talagang pinagpapakitaan niya ng mabuti at nang hindi makahalata.
“Hanggang bukas ka na lamang, bukas na bukas lamang ay lalapain na kita,” ang wika ni Lucia sa kanyang sarili na nagngangalit ang mga ngipin.
Kinabukasan…
“Maligo ka muna, Sion, bago ka manindahan at nang hindi ka naman minamata sa palengke,” ang sabi pa niya kay Sion.
Manghang–mangha si Sion sa pagiging magiliw ni Lucia buhat pa nang gabingg sinundan.
Naligo nga si Sion.
“O, lalakad ka na niyang ni walang pulbos ang pisngi mo. Eto ang pulbos, baka sabihin na lamang ng mga tao na inaalila ka namin.”
Nagpulbos naman si Sion. Iyon ang talagang nais niya.
Ilang saglit lamang nakapananaog si Sion ay kasunod na si Lucia. Ngayon niya iuubos ang pagpaparusa sa ipinalalagay na magnanakaw na ito ng kanyang pag-ibig at kaligayahan.
Totoo ang sabi ni Mameng. Nakaabang nga si Maneng.
Nagkalapit ang dalawa. Nakangiti pa kapuwa. Nagmamadali si Lucia sa paglapit upang sabunutan na si Sion. Ngunit hindi na niya inabutan ito.
Isinakay ni Maneng sa isang awto. At mabilis na humarurot ang sasakyang papalayo. Naiwan siya sa pagngangalit ng mga ngipin.
“Magbabayad ka!” ang wikang isinusuntok pa ang mga kamay.
Inaasahan ni Lucia na pagsamantalahan lamang ni Maneng si Sion. Pagkatapos ay pababayaan na itong bumalik sa kanila. Sa balik na iyon siya gaganti, matinding ganti.
Ngunit kinagabihan na ay hindi pa umuuwi si Sion. Galit na galit si Aling Maria. Kung sabagay ay hindi naman tinangay ang pampamili. Ang pinamili ng kung sino ay ipinadala sa kanila. Ngunit si Sion ay hindi dumating.
Ikalawang araw nang mabasa ni Lucia sa pahayagan na ikinasal si Sion at si Manuel sa isang hukom pamayapa. Sa pahayagan ay sinasabing si Manuel ay ulilang binata, nagmana ng malaking bahay-kalakal na Velde & Velde Importers.
Napaiyak si Lucia sa balikat ng kanyang ina.
“Inang, sawimpalad ako!” ang himutok.








