Ni Leonel B. Quillo
Ayon sa mitolohiya, ito ang pag-iyak ng diyosa.
Isang pagbuhos ng tubig galing sa kanyang katawan
na kahugis ang langit dahil sa pighating
winasak ang hanay ng mga bituin.
Pagkawasak ng gamugamong inuulit-ulit ng ulap
upang gawing alaala, na parating inaalala,
upang sariwain, ang mga sariwang alaala.
“Nandito ka,” ayon sa mga bigkas ng ulap.
“Nandito ako,” ayon sa mga dahong tuyo.
“Nandito ang lamig,” ayon sa paparating na ulan.
Ano ang ibig sabihin ng pagbuhos?
Gravity, ayon sa iba. Sa matulain, ito ay simpleng
pagtanaw sa ulap sa may bintana.
Hinahagilap ang nagtatangkang pagbuhos ng ulan.
Hanggang sa naging tiyak ito.
Hininga ang ulan sa buhay na alaala
Isang alaala na nakahimlay
Sa ibabaw nitong nagdadalamhating daigdig.
Ito ang ulan. Ang malamig na katotohanan.








