Ni EDGAR CALABIA SAMAR
(IKA-11 LABAS)
NATIONAL MAHARLIKA ALERT: This evening, Simeon Maharlika has left his role as the New Leader. Tomorrow, his son Paulino Maharlika will be inaugurated as the rightful successor to the position. The ceremony will be broadcast tomorrow at 8:00 AM on all Maharlika accounts. All classes and other activities all throughout Maharlika are suspended tomorrow for the celebration.
Has left? Celebration? Sa ibaba ng unang mensahe sa Ingles, may salin sa Filipino na sang-ayon sa kinasanayang gawi ni Simeon Maharlika sa lahat ng mga anunsiyo sa panunungkulan niya. Alam kong targeted ang salin na ito, malamang na salin sa iba-ibang wikang ginagamit sa Maharlika ang natanggap ng iba, sang-ayon sa inirehistro nilang mas ginagamit nila sa pag-iisip. Mayroon ding malamang na nasa ibang medium ang natanggap na mensahe, kung mas gusto nilang matanggap ito bilang video o audio message kaysa text message. Nasa batas na rin ito, para isaalang-alang ang iba-ibang preferences at abilities at disabilities ng mga tao sa pagkonsumo ng mga teksto.
NATIONAL MAHARLIKA ALERT: Ngayong gabi, iniwan na ni Simeon Maharlika ang panunungkulan bilang Bagong Pinuno. Bukas iluluklok ang anak niyang si Paulino Maharlika bilang karapat-dapat na tagapagmana sa tungkulin. Mapapanood bukas nang alas-8 ng umaga sa lahat ng account ng Maharlika ang seremonya. Suspendido ang lahat ng klase’t ibang gawain sa buong Maharlika bukas para sa pagdiriwang.
Nang mamatay ang Malahákan five years ago, walang nag-isip na limang taon lang hahawakan ng Bagong Pinuno ang posisyon. Pero walang kahit anong ibang detalye tungkol kay Simeon Maharlika sa message. Ni walang kumpirmasyon na yumao na nga ito. Kung patay na ito, napakadaling sabihing wala na ito. Mas walang puwang para sa ispekulasyon. Mas walang guwang sa kamalayan ng mga tao. Pero bakit nila sasabihing iniwan ang panunungkulan? Maliban kung gusto nilang maging aware nga ang mga tao sa guwang na iyon. Sa butas na iyon. Pero kung masyadong malaki ang butas, baka nga iyon mismo ang dahilan para hindi makita ninuman ang butas. Dahil nasa loob tayo ng butas. Maaari bang ang butas ay nasa loob ng butas?
At paano pa ba maaaring iwan ang panunungkulan, lalo na sa Maharlika? Ilang dekadang hinawakan ng ama niyang Malahákan ang pamumuno dahil parang walang ibang maaaring tumapos doon maliban sa kamatayan. Bakit ni walang kahit anong programa para sa kahit na anong pagluluksa ngayon? Halos tinitiyak nito na buhay pa nga si Simeon Maharlika. Pero bakit niya ipapasa ang tungkulin sa anak? Sa pagkakaalam ng lahat, malakas na malakas pa si Simeon. Ang karamihan nga sa mga obserbasyon tungkol sa inagurasyon niya noong 2011 ay na hindi halos nagbago ang hitsura niya sa mga kumalat na larawan ng pagtatanggol niya sa Palasyo noong Rebolusyong 1986. Dalawa’t kalahating dekada ang nagdaan at hindi halos nagbago ang hitsura niya! Lalong tumingkad ang paniniwala ng mga tao na may kung anong agimat ang mga Maharlika.
Bago nga namatay ang Malahákan, ni hindi naiisip ng lahat na mamamatay rin nga pala ito. Na mortal din nga pala ang pinuno ng Maharlika. Kahit sa mga huling taon nito, kahit nang may mga bali-balita na ng pagkakasakit nito, na hindi na talaga ito ang napapanood nila, na mga lumang larawan at video na lang ang nakikita nila, o na AI-generated na ang marami sa mga iyon, sa isip ng marami, kahit sa isip ko, buhay na buhay pa rin ang Malahákan. Na kung nananatiling matatag ang Maharlika, wala itong ibang puwedeng pagkunan ng katatagan kundi ang Malahákan na nagtatag nito, na nagsikap para maging maayos ang bansa sa kabila ng mga panunuligsa at panggigipit noong una ng ibang bansa. Kahit nang nailibing na ang Malahákan, buhay na buhay pa rin ito sa isip ng marami, lalo pa sa mga nabuhay bago pa man ang Rebolusyong 1986.
Posible kayang naaksidente si Simeon Maharlika––at nakatago ngayon sa kung saang pagamutan? Buhay pero, baldado at walang malay. O may malay pero walang maalala, walang makilala, hindi kilala kahit ang sarili niya? Mas matinding kasawian ba ito?
Sinearch ko ang mga picture ng magiging Bagong Pinuno. Itong anak ni Simeon Maharlika na wala halos nakakakilala. Bihirang-bihira ang mga kuha niya na nakatingin siya nang tuwid sa kamera. Alinman sa para siyang laging may binabasa sa cellphone niya, o parang laging nasa akto ng pagbaling sa kung sinumang tumawag sa kanya mula sa gilid o sa likuran. Walang kahit anong distinct sa hitsura niya, wala akong makapitan. Halos puwede siyang maging kahit na sino. Hindi siya tulad ni Simeon na kahit hindi halos nakikita sa buong panahon ng panunungkulan ng ama, alam ng lahat na nasa tabi lang, nagbubuo ng kung anumang buhay na nararapat sa tulad niyang Maharlika.
Pero kay Paulino Maharlika nga, hindi lang halos walang alam ang buong bansa tungkol sa kaniya, wala siya talaga sa isip ng kahit na sino. Lumitaw nga lang siya nang iniluklok na ang ama. Ni hindi isinapubliko kung sino ang ina niya, kung saan siya lumaki, kung saan siya nakatira. At sa hitsura nito noon pa man, parang hinahabol nga nito ang hitsura ng ama. Para lang silang magkapatid! Ito ang madalas na puna ng iba—na dahil sinasambit bilang mas papuri kay Simeon kaysa paghamak kay Paulino kaya nagiging katanggap-tanggap sa nakikinig. Ang hindi sinasabi nang hayagan pero nasa isip ng marami, sigurado ako, malamang na naging anak siya ni Simeon sa mura nitong edad. Ibig sabihin, nasa gulang na rin si Paulino, kung tutuusin, kahit noong Rebolusyong 1986. Pero nasaan ito samantalang humaharang ang ama niya sa mga demonyong nagtangka noong palayasin ang pamilya nila sa Palasyo? Naroon din ba siya? Walang kahit anong bakas ni Paulino sa mga available na picture sa mga pangyayari noong Rebolusyong 1986.
Kailan ba nalaman ni Simeon na may anak pala siya? Mga ganitong kuwento ng paghihiwalay ng magkakapamilya ang sinusubaybayan noon ng mga tao sa telebisyon, bago namatay ang industriyang iyon nang itatag ang Maharlika dahil napatunayang walang naitutulong sa bansa ang ganoong mga walang kakuwenta-kuwentang aliw. Isa pa, maaari namang panoorin iyon ng mga tao mula sa mga ginagawa pa ring palabas mula sa ibang bansa. Ganoon nga ang ginawa ng mga tao noong una, pero nanghina rin ang panonood pagtagal-tagal dahil paano nga naman makakatulong sa buhay mo, sa pagpapataas ng posisyon mo sa lipunan, ang pag-uubos ng oras sa panonood ng mga patayan at agawan ng yaman sa mga palabas? Hindi nagtagal at naging halos katatawanan para sa karaniwang mamamayan ang pagkonsumo ng mga ganoong palabas. Mula sa pagiging katawa-tawa, naging kahiya-hiya na pagtagal. Puwedeng may mga palihim na kumokonsumo pa rin nito, dahil lang hindi lubusang maiwan ang mga dating kinahumalingan, pero hindi ko pa rin lubos na maisip ngayon kung paano posibleng may magmula sa mga lumalaking henerasyon ngayon na mahumaling pa rin sa mga ganoong palabas. Ni hindi na siguro sila matatawa, o mahihiya. Mas wala lang silang mararamdaman. Dahil hindi na nila maiintindihan ang ganoon kasalimuot na mga kuwento ng paghihiwalay. Isa sa mga binura ng Maharlika ang pangangailangang magkahiwa-hiwalay pa ng magkakapamilya.
Pero kumbakit parang napakahirap tanggapin ito ng ibang mga bansa. May paisa-isang iskolar na kinikilala ang henyo sa sistemang itong pinalaganap ng mga Maharlika, pero mangilan-ngilan lang ang mga ito. Namamayani pa rin ang kawalang-lohika ng demokrasya na walang pagpapahalaga sa indibidwal na ambag ng mga tao sa lipunan katapat ng karapatan niyang mabuhay.
Kaya kung may ipagkakapuri kay Simeon ay na mayroon pala itong anak, na nariyan lang, kahit hindi iyon nababanggit sa mga tala, kahit hindi iyon nababanggit sa mga epikong isinulat tungkol sa buhay ng Malahákan. Na mas mahalaga kaysa anumang kuwento ang pananatiling buo ng pamilya nito.
May nasulat na bang kahit anong epiko tungkol kay Simeon simula nang manungkulan ito? Mabilis akong nag-search ulit online, kahit sa mga journal at publikasyon na may eksklusibong access para sa mga tulad kong iskolar at akademiko. Wala. Sinubukan ko ang iba’t ibang kombinasyon ng posibleng keyword. Wala talaga. Nagpagawa ako sa gen-AI ng kahit anong mabilisang tulambuhay ni Simeon. Wala itong binanggit tungkol kay Paulino, ni wala itong nabanggit na kahit na sinong naging kasintahan ni Simeon. Puro mga “pagkakaibigan.” Babae at lalaki at lahat ng posibleng kasarian. Iyon ba ang dahilan kaya hindi napasa-publiko ang buhay ni Simeon habang nabubuhay ang ama? Mahirap kung ganitong puro ispekulasyon. Kailangan ko ng mga kongkretong makakapitan. Nang mga sandaling iyon, pakiramdam ko ay may malaking magbabago sa buong Maharlika sa pagkakaroon ng Bagong Pinuno. Limang taon pa lang at magpapalit na naman ng Bagong Pinuno. Hindi ito ang kinasanayan ng mga tao.
Nilawakan ko pa ang pagsasaliksik. Hindi na lang epiko at mga tula. Kahit anong scholarly work na may kinalaman sa buhay ng mga Maharlika. Masyadong marami kapag kasama ang Malahákan. Nilimitahan ko sa may banggit kay Paulino. Wala. Zero. Seryoso ba ito? Zero? As in zero?
Naiintindihan ko na hindi basta-basta makapagsusulat ang kahit sino ng kahit anong tungkol sa mga Maharlika nang walang kahit anong pahintulot mula sa pamilya. Hindi dahil sa kung ano pa man, kundi dahil sa paggalang. Alam ko, sa mga tagalabas ng Maharlika, ang tingin nila rito ay bunga ng takot. Ng kontrol. Marami nang pag-aaral dito at marami na ring tugon. Hindi nila alam ang pinagdaanan ng bansa natin. Hindi nila alam ang utang ng bansa sa pamilyang Maharlika. Na maaaring noon pa winasak ang bansa ng iba’t ibang anyo ng civil disobedience na maaaring nauwi sa puta-putaking labanan at civil war kung hindi agad nasupil ng Malahákan ang mga kalaban ng bayan. Kung hindi agad nailunsad ng Malahákan ang Rebolusyon noong 1986.
Sa isang banda, may pride sa akin na isinilang ako nang taóng iyon. Na para bang kahit ipinanganak ako sa isang maliit na baryo sa Catbalogan, malayo sa mga nangyayari sa mga siyudad na nakapalibot sa bumubuo sa kasalukuyang Wayawaya, may papel ako. Nagbago ang bayan para sa akin. Para sa aming mga isinilang sa taong iyon.
Pero hindi ko pa rin mapaniwalaang walang kahit anong banggit man lang kay Paulino. Kahit mula sa mga banyagang iskolar. Pero siyempre, wala pang isang oras matapos ang pagdating ng nationwide na alert, trending topic agad sina Paulino at Simeon at ang buong Maharlika. Hindi lang sa bansa kundi sa malaking panig ng mundo. Nananatiling enigma ang Maharlika sa maraming bansa, kung paano umiiral ang mga batas dito nang nananatiling isang matagumpay na nasyon. Matagumpay, hindi dahil basta totoong nakapagsasarili, kundi dahil totoong nakabuo ng mga mamamayang may pagpapahalaga at pagsunod sa mga namumuno.
Alam ko, may halong inggit dito ang mga ipinagpaparangalan pa rin ang mga demokratikong institusyon hanggang sa siglong ito. Mga demokratikong institusyon na walang inihatid sa kasaysayan ng tao sa nagdaang mga dantaon kundi digmaan at di-makatwirang mga kamatayan. Kahit legal ang pagpaslang sa Maharlika, di hamak na mas marami pa rin ang pinapaslang sa US.
Sa mga usap-usapan online, kahit ang mga dating walang pakialam sa Maharlika ay naging interesado dahil kay Paulino. Sino ba itong hindi halos kilala ng kahit sino subalit biglang iluluklok na Bagong Pinuno ng pinakakakaibang bansa sa mundo? Walang-wala sa hinagap ng sinuman na sa loob lang ng limang taon, iiwan ni Simeon ang pagkapangulo. Kahit ako, inisip kong malamang na mamamatay akong si Simeon pa rin ang pinuno ng Maharlika.
Nang si Simeon na ang sinearch ko, mahigit dalawandaang artikulo’t libro lang. Mabuti na rin kaysa wala. Nang magsala ako sa mga publikasyon, tinanggal ko ang mga banggit lang talaga halos tungkol kay Simeon. 46 ang naiwan. Tatlo lang sa mga ito ang libro na tungkol kay Simeon, at lahat, sinulat ng mga banyagang iskolar. Isang Chinese, isang Ingles, at isang Chilean. Limang taon ng panunungkulan at ito lang ang alam at pakialam ng mundo kay Simeon. Napaisip ako bahagya kung nabubulag ba ako sa mga Maharlika, kung ilusyon lang ba ang ibinigay nilang kasaysayan at kapayapaan sa bansa. Na walang totoong ningning sa Maharlika, tulad ng sinasabi ng mga banyagang ito na nag-aaral tungkol sa atin. At kahit ng mga dating Filipino na piniling manirahan sa ibang bansa matapos ang Rebolusyong 1986, nang maging Maharlika ang Maharlika.
Pero hindi, hindi. Ako mismo’y nakapagbiyahe na sa iba’t ibang bansa at hindi ako maaaring magkamali sa kapanatagan at katiyakan ng buhay na nasa atin. Sa US, nitong nagdaang taon lang, may 1.2 milyong insidente ng karahasan ang naitala. Halos 15,696 ang kaso ng pagpatay, bumabalik sa dami ng kaso noong dekada 50. At ito lang ang mga naiuulat. Sinasabi nilang barbariko ang sistema ng pagpaslang dito sa Maharlika pero hindi nila nakikita ang mas random at walang-lohikang bilang ng mga pagpaslang sa kanila. Hindi pa rito kasama ang panggagahasa na umabot sa 90,185 ang kaso. Robbery, 327,374. Sa mga lungsod ng Chicago at Los Angeles, may sariling ecosystem ang krimen. Halos 20% ng lahat ng kaso ng mga pagpatay sa buong bansa ay nangyayari sa dalawang siyudad lang na iyon. Para sa akin, hindi basta mga estadistika lang ang mga ito. Paalala ito ng pagpapatuloy ng karahasan sa malaking bahagi ng mundo sa labas ng Maharlika.
Alam ng bawat mamamayan sa atin ang panganib na ito ng pagbibiyahe sa ibang bansa. Hindi tayo kayang proteksiyonan ng mga batas nila. Ibang-iba iyon sa takbo ng buhay sa Maharlika na bata pa lang, kaya mong kontrolin ang direksiyon ng buhay mo. Totoo, laging may panganib na ikaw ang puntiryahing patayin ng nakatataas sa iyo, pero kapag sinusuri ito ng mga iskolar at sosyologong banyaga, tinitingnan nila na para bang napakagulo nito, na para bang anumang sandali ay may patayang mangyayari sa kalye ng Wayawaya. Pero hindi nga ganito. Wayawaya nga siguro ang may pinakamaayos na sistema ng pagpaslang sa buong daigdig. Kung mayroon man akong kaiinggitan sa mga pagpaslang sa ibang bansa, baka nga nasa katotohanan ng kawalang-katiyakan noon. Mas namamangha ako na karamihan ng mga pagpaslang sa kanila ay nagmumula sa mga naghihirap sa lipunan.
Hindi kaya palatandaan nga iyon na may problema sa sistema nila kung hindi katiyakan ng kaligtasan ang pag-angat mo sa lipunan? Para saan pa ang pag-aaral, ang pagpapakahusay, ang pag-aambag sa lipunan, kung maaari kang paslangin lang ng kahit na sino? Wala silang Museo ng Kadakilaan, pero napakarami rin nilang mga foundation, kung ano-anong charity, mga bilyonaryo’t milyonaryong nag-aambag kung saan-saan, pero hindi nga garantiya ang mga iyon na ligtas sila sa kahit na sino. Sabihin na nating kaya nilang pakapalin ang proteksiyon nila mula sa kung sino mang mangangahas sa buhay nila, pero hindi pa rin ibig sabihin noon ay ligtas sila mula sa kung sino mang ni walang nagawa sa buhay.
Iyon ang totoong kahindik-hindik.
Pero kumbakit parang napakahirap tanggapin ito ng ibang mga bansa. May paisa-isang iskolar na kinikilala ang henyo sa sistemang itong pinalaganap ng mga Maharlika, pero mangilan-ngilan lang ang mga ito. Namamayani pa rin ang kawalang-lohika ng demokrasya na walang pagpapahalaga sa indibidwal na ambag ng mga tao sa lipunan katapat ng karapatan niyang mabuhay.
Ang mga ito ang iniisip ko—at pansamantalang nawala nga sa isip ko si Enkidu na inuusyoso ko kanina lang ang mga larawan at post sa FB matapos pasadahan nang paulit-ulit ang mga tula niya—nang makita kong tatlo sa mga artikulo tungkol kay Simeon Maharlika ay sinulat ni B––.
Of course, naisip ko agad. Ang aking mayabang na poet co-faculty na one-time Palanca awardee at may dalawang libro ng tula.
(Itutuloy)
Si Edgar Calabia Samar ay Associate Professor sa Ateneo de Manila University at may-akda ng mga premyadong nobela at tula.








